Friday, February 10, 2017

MOTORSIKLO SUMALPOK SA VAN SA BALETE, AKLAN, 1 PATAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Shan Tabz photo
Binawian ng buhay ang isang 38 anyos na lalaki makaraang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa isang nakaparkeng van sa Brgy. Poblacion, Balete.

Kinilala ang biktima na si Roger Barrientos, ng Brgy. Arcanghel Sur, Balete, na nagtamo ng malubhang sugat sa ulo.

Sugatan rin ang kanyang tiyuhin at driver ng motorsiklo na si Gilbert Cuales, 52, residente rin ng Brgy. Arcanghel, na patuloy na ginagamot sa provincial hospital.

Matatandaan na Martes ng gabi, papauwi na umano ang mga biktima mula sa bayan makaraang magtaya ng lotto nang makasalubong nila ang nakakasilaw na ilaw ng kasalubong na sasakyan. Dito umano niliko ng driver ang motorsiklo at hindi nakitang may nakaparkeng isang van dahilan para sumalpok ito doon.

Binawian ng buhay si Roger Huwebes dakong 10:20 ng gabi habang ginagamot sa surgical intensive care unit ng provincial hospital.

Samantala, masama ang loob ng nanay ng namatay na biktima na driver ng ambulansiya na hindi isinakay ang kanyang anak upang isugod sa ospital maliban sa tiyuhin nito. Sinabi umano niya na patay na ang biktima at masikip na para isabay pa sa ambulansiya.

Dagdag pa ni Nanay Elsie, ilang minuto pa ang lumipas bago siya maisugod sa ospital sakay ng patrol ng Balete PNP station.

Wednesday, February 08, 2017

LUXURY CRUISE SHIP, DADAONG SA BORACAY SA ARAW NG MGA PUSO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinasigurado na ng pamunuan ng Caticlan Jetty Port ang kaligtasan ng mga bisitang sakay ng luxury cruise line Celebrity Constellation na nakatakdang dumaong sa unang pagkakataon sa Isla ng Boracay sa Pebrero 14.

Nilinaw ni port administrator Niven Maquirang na bagaman magiging abala ang mga security personnel sa pagbibigay seguridad sa mga delegado ng ASEAN Summit na idaraos sa parehong linggo, hindi umano nila isasantabi ang mga cruise visitor.

Pahayag ni Maquirang na magtatagal lamang ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon ang cruise ship sakay ang nasa 2,100 pasahero.

Samantala, nakatakda namang mag-return visit ang MS Europa II at MS Seabourn Sojourn sa Pebrero 15 at Pebrero 25 ayon sa pagkakasunod.

Sa Pebrero 28 naman ay darating sa unang pagkakataon ang MS Crystal Symphony at ang pagbabalik ng Seven Seas Voyager. – PNA

TEAM AKLAN OVER ALL CHAMPION SA PENCAK SILAT SA WVRAA

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Photo: (c) Jasper Jay Lachica FB
Over-all champion ang team Aklan sa larong Pencak Silat sa Western Visayas Regional Athletic Association meet sa Antique. Nag-uwi ang grupo ng apat na gintong medalya, isang bronze at dalawang silver.

Nakuha ni Jasper Jay Lachica ang dalawang gintong medalya mula sa tanding at tungal boys category. Nasungkit rin ni Aina Nicole Dela Cruz ang gold medal sa tanding girls at silver medal naman sa tungal girls category.

Gold medalist naman sa ganda boys sina Jasper Jay at Zandro Fred Jizmundo. Sa ganda girls ay gold medalist rin sina Aina Nicole at Ma. Christina Quiachon.

Ang iba pang medalya na nasungkit, mula sa tanding boys, bronze medalist din si Zandro, at silver medalist naman si Ma. Christina sa tanding girls.

Ang WVRAA ay opisyal na nagsimula Pebrero 4 at magtatagal sa Pebrero 11. Nilahukan ito ng mahigit tatlong libong estudyante kabilang na ang mga coaches at delegation officers mula sa Aklan, Antique, Capiz, Guimaras at Iloilo sa nasabing sports event.

Nabatid na may 15 sports event para sa elementary level at 21 naman para sa sekondarya. Maliban rito, mayroon ding paralympics para sa person with disabilities at tatlong demo sports.

MGA SUSPEK SA PAGLASLAS, PANANAKSAK SA ISANG COMPUTER SHOP, KINASUHAN NA

Ulat ni Darwin Tapayan at Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

photo from CCTV photage
NEWS UPDATE: Bagaman menor de edad, habambuhay na pagkakabilanggo ang hinaharap ngayon ni alyas "Kiwit", 16-anyos, ng Brgy. Andagao, Kalibo.

Sinampahan na ito ng kasong murder araw ng Martes sa Aklan  prosecutor's office. Walang itinakdang piyansa sa kasong ito.

Matatandaan na sinaksak ni alyas Kiwit si  Earl Gabriel Perucho na isang  third year architect student ng  Aklan State University. Naisugod pa ito sa ospital pero binawian rin ng buhay habang sumasailalim sa operasyon. 

Frustrated murder naman ang isinampang kaso sa kasama nito na si alyas "Alas" na taga  Brgy. Andagao na suspek sa paglaslas sa leeg ng unang biktimang si Lester Radin ng Madalag. Nai-remit na ito sa Aklan Rehabilitation Center at may itinakdang piyansa para sa pansamantalang kalayaan na Php120,000.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, umamin si Kiwit na siyang sumaksak at nakapatay kay Earl at inamin din ni Alas na siya ang lumaslas sa leeg ni Lester. Trip-trip lang daw ng dalawa ang nangyari at wala raw atraso ang dalawang biktima sa kanila. 

Bumuhos naman ang simpatiya mula sa kamag-anak at kaibigan ng namatay na si Earl na ayon sa kanila ay isang "mabuting anak".

TINIGAW RIVERBANKS KABILANG NA SA OFFICIAL TOURISM DESTINATIONS NG AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) SB Kimpo Jr.
Ibibilang na sa opisyal na mga tourism destinations ng Kalibo at lalawigan ng Aklan ang ‘picturesque riverside area’ ng Purok 3, Brgy. Tinigaw partikular ang mabuhanging bahagi ng riverbanks.

Sinang-ayunan ng mga miyembro ng Sanggunian ng Kalibo ang resolusyon para rito sa isinagawang fifth regular session. Sinasaad sa resolusyong ito ang kahilingang pormal na isama ang “Tinigaw Riverbanks” sa opisyal na listahan ng tourism destination ng Kalibo Tourism and Cultural Affairs Division (TCAD).

Hinihiling rin sa resolusyong ito ang pagsama sa listahan ng tourism destination ng Aklan Provincial Tourism Office (APTO) para sa paglalaan ng mga kaukulang suporta para sa mga posibleng tourism events dito.

Ayon sa may akda na SB Philip Kimpo Jr., mainam ito bilang racetrack sa motocross at bike competition, katunayan una na itong pinagdausan ng invitational cup Mayo noong 2016.

Maliban rito magagamit rin anya ang revetment wall sa paligid para sa jogging, biking park at iba pang mga aktibidad.

Pahayag pa ng lokal na mambabatas, ang nabanggit na lugar kapag na-ipromote ng mabuti at na-develop ay malaking tulong sa ekonomiya ng Kalibo at makakapagbigay ng mga hanapbuhay sa mas marami.

Tuesday, February 07, 2017

PAMAHALAANG LOKAL NG AKLAN, MANGUNGUTANG NG HALOS KALAHATING BILYON

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Balak ngayon ng pamahalaang lokal ng Aklan na mangutang ng halos kalahating bilyong piso sa banko para pondohan ang iba-ibang proyektong pang-imprastraktura at para ibili ng mga heavy equipments ng gobyerno.

Lunes ng hapon ay sumailalim na sa committee meeting ang kahilingan ni Gov. Florencio Miraflores sa ng Sangguniang Panlalawigan na magsagawa ng resolusyon kaugnay rito.

Ayon sa kahilingang ito, aabot ng Php445 milyon ang posibleng utangin ng pamahalaan mula sa Land Bank.

Kabilang sa popondohan ay ang pagsasaayos ng Aklan Training Center (30M) at Provincial Engineer’s Office (20M) at ABL sports complex (25M). Kasama rin dito ang konstruksyon ng Paseo De Aklan (10M), ekspansyon ng Provincial Assessor’s Office (8M) at ang pagbili ng mga heavy equipment (30M). 

Pinakamalaki sa planong uutangin ay para sa improvement ng Caticlan Jetty Port na may Php300 milyon. 

Samantala, kinuwestiyon naman ng mga miyembro ng Sanggunian ang planong konstruksyon ng Dep-Ed Division Office and Multi-Purpose building (phase 2) kung saan may hinihinging pondo na Php25 milyon. Iginiit ng ilang lokal na mambabatas na dapat sa pamahalaang nasyonal hingin ng mga opisyal ng Dep-Ed ang pondo para dito.

Dadaan pa sa mabusising pag-aaral at pagdinig ang panukalang ito.

AKLAN STATE UNIVERSITY, ISA SA TOP 10 UNIVERSITIES SA WESTERN VISAYAS

Pasok sa top 10 universities sa Western Visayas ang Aklan State Universities ayon kay Dr. Danilo Abayon, presidente ng nabanggit na unibersidad.

Ayon kay Abayon, ang listahan ay ginawa ng uniRank. Dati itong nakilala sa pangalang 4 International Colleges and Universities (4ICU).

Ang top five ay ang mga 1.) Central Philippine University; 2.) University of the Philippines-Visayas; 3.) John B. Lacson Maritime University; 4.) University of St. La Salle in Bacolod at ang 5.) West Visayas State University.

Ang iba pang unibersidad na pasok sa top 10 ay ang mga University of San Agustin; Iloilo Science and Technology University; University of Iloilo PHINMA: at ang St. Paul University-Iloilo.

Ayon sa uniRank, ang ranking ay base sa isang algorithm kabilang na ang limang unbiased at independent web matrix na kinuha mula sa apat na web intelligence sources. Ito ay ang mga Moz Domain Authority, ALexa Global Rank, SimractedilarWebGlobal Rank, Majestic Referring Domains at ang Majestic Trust Flow. – PNA 

20 ANYOS NA LALAKI MASWERTENG NAILIGTAS SA PAGBIGTI

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isa na naman sanang buhay ang nasayang kung hindi agad naagapan ang pagpapakamatay ng isang 20 anyos na cargo forwarder Linggo ng hapon sa Brgy. Andagao, Kalibo.

Ayon sa biktima, nagbigti umano siya gamit ang sinturon sa kanilang bahay. Bago paman tuluyang bawian ng buhay mula sa pagkakasakal ay naabutan siya ng kanyang ama at iba pang miyembro ng pamilya na silang nag-alis sa kanya sa pagkakabigti.

Walang malay nang isugod sa provincial hospital ang nasabing lalaki at nai-confine rito para mabigyan ng kaukulang paggamot.

Hindi na binanggit ng binata ang dahilan ng kanyang tangkang pagpapakamatay at mariing itinatanggi na may problema silang magnobya. Paliwanag niya na trip lang ang kanyang ginawang pagbigti.

Matatandaan na nitong mga unang araw ng Pebrero, isang 17-anyos na dalaga ang nagbigti-patay sa Buruanga samantalang patay rin ang isang 36 anyos na mister makaraang magbigti rin sa kanilang bahay sa Brgy. Balabag, Boracay.

8 MONTHS OLD NA FETUS, NATAGPUAN SA BASURAHAN SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sariwa pa ng matagpuan ang isang tinatayang eight months old na fetus sa tambakan ng basura sa So. Tambisaan, Brgy. Manocmanoc, Boracay Lunes ng umaga.

Ayon kay PO2 Lenlyn Agapito ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), una umano itong natagpuan ni Nanny Ilano nang ipagpag niya ang bed sheet na napulot doon. Dito nahulog ang isang lalaking fetus na wala ng buhay at nakabalot sa damit.

Pahayag pa ng imbestigador na nakuha umano ito mula sa garbage bag na nakolekta mula sa Brgy. Balabag.

Nakipag-ugnayan naman ang Material Recovery Facilities (MRF) supervisor na si Shallah Amacio sa mga opisyal ng barangay upang mabigyan ng desenteng libing ang nasabing fetus.

Matatandaan na Pebrero noong taon ay natagpuan rin ang isang bagong panganak na sanggol na itinapon kasama ng mga basura sa parehong lugar.

2 LALAKI NANAKSAK, NANGLASLAS SA COMPUTER SHOP

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Ang mga suspek habang nagbabantay sa likod ni Lester.
Kuha sa CCTV
Arestado ang dalawang lalaki matapos laslasan sa leeg ang unang biktima habang naglalaro sa loob ng computer shop sa Roxas Avenue Ext. Kalibo, Aklan. Kinilala ito sa pangalang Lester Radin y Nacubuan, 21 anyos, taga-Napnot, Madalag Aklan.

Base sa kuha CCTV ng computer shop, naglalaro itong si Lester nang lumapit ang dalawang suspek na armado raw ng kutsilyo saka nilaslasan sa leeg ang biktima.

Ang mga suspek ay kinilala sa pangalang Mark alias "Alas" at Randell Dave Borga alias "Kiwit". Si alias Alas umano ang naglaslas sa leeg ng biktimang si Lester.

Pagkatapos ang panglalaslas ay lumabas ng mga ito at sinaksak naman ang isa pang biktima na kinilalang si Earl Gabriel y Perucho, 19, taga-Union Nabas Aklan na napadaan lang sa lugar.

Isinugod ang dalawa sa ospital pero binawian rin ng buhay si Gabriel habang ginagamot.

Sa ngayon ay patuloy na ginagamot sa pribadong ospital ang mga biktima. Nakakukulong na ang mga naarestong suspek sa Kalibo, Municipal PNP Station.

Monday, February 06, 2017

MGA TURISTANG TSINO, NANGUNA SA ISLA NG BORACAY


Nanguna ang mga taga-Tsina sa mga turistang bumibisista sa Isla ng Boracay ngayong taon. Ito ay ayon sa report ng Caticlan Jetty Port mula Enero 1 hanggang 31.


Ang China ay nakapagrehestro ng 34,748 bilang, sinundan naman ng mga South Korea na may halos dikit na bilang sa 34,040. 

Ang iba pang mga top foreign arrivals ayon sa pagkakasunod ay Taiwan, Russia, USA, Australia, United Kingdom, Malaysia, Saudi Arabia, at Germany.

Nabatid na tumaas ng pitong bahagdan ang bilang ng mga turista ngayon kumpara sa nakaraang taon.

Sa buong Enero ngayong taon nakapagtala ang Caticlan Jetty Port ng 169,843 foreign at local tourist kumpara noong 2016 na may 158,701.

Sa mga nakalipas na taon, ang mga taga-South Korea ay palaging nangunguna sa mga turistang bumibisita sa Isla. Tinitingnang dahilan rito kung bakit naungusan ng mga taga-Tsina ang mga Koreano ay ang pagdiriwang nila ng Chinese New Year sa isla.

Inaasahan naman na mas lalu pang darami ang mga Tsinong bumibisita sa Boracay kasunod ng nakatakdang pagbubukas ng isang airline company sa Kalibo International Airport na may direktang ruta mula sa Fuzhou at Xiamen sa China.