Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107 .7 Kalibo
Plano ngayon ng pamahalaang lokal ng Kalibo ang pagtatayo ng food tourism site sa kabiserang bayang ito.
Sinabi ni Rhea Meren, tourism officer ng Kalibo, sa pagharap sa regular session ng Sanggunian, itatayo ito sa kahabaan ng Veterans Avenue at tatawaging “Kalye Kulinarya sa Kalibo” (KKK).
Paliwanag ni Meren, ito ay resulta ng kahilingan ng iba-ibang tourism establishment para magbigay-sigla sa bayan ng Kalibo lalu na paggabi.
Nagsagawa narin umano ng ilang konsultasyon at pagpupulong ang pamahalaang lokal sa ilang mga negosyante at mga residente. Positibo umano ang kanilang mga reaksiyon rito.
Kaugnay rito, isinusulong ngayon ni committee chairman on tourism Sangguniang Bayan member Philip Kimpo Jr. ang pagsasabatas ng KKK.
Nakatakda itong sumailalim sa pagdinig sa Oktubre 30 para pag-usapan ang mga hinaing ng mga apektado kabilang na ang kalinisan, kaayusan ng lugar, at iba pa.
Sa Nobyembre 3, magkakaroon ng soft opening ang KKK sa kasagsagan ng founding anniversary ng Kalibo.