Saturday, June 10, 2017

2 NAITALANG PATAY SA AKLAN DAHIL SA DENGUE AYON SA PHO

Umabot na sa 269 bilang ang kaso ng dengue sa probinsiya ng Aklan mula Enero 1 hanggang Mayo 16 kung saan dalawa na rito ang naitalang patay.

Ayo sa report ng Aklan Provincial Epidemiology Surveillance and Response Unit (APESRU) mas mababa ang bilang na ito ng 24 porsyento kumpara sa nakaraang taon sa parehong period na may 356 kaso.

Lahat ng 17 bayan sa Aklan ay nakapagtala ng mga dengue cases. Pinakamataas rito ang bayan ng Kalibo na mayroon nang 56 bilang; Numancia na may 33; at Malinao na may 24.

Ang bayan ng Malay ay nakapagtala ng 20 kaso ng dengue kung saan dalawa rito ang naitalang patay – mga batang nagkakaedad tatlo at lima.

Lumalabas rin sa report ng Apesru, karamihan sa mga natatamaan ng sakit ay nasa age group 1 to 10 na nakapagtala ng 84 bilang.

Hinikayat naman ng health office ang publiko na sundin ang 4S strategy – search and destroy of breeding places, seek early consultation, observe self-protection, at say no to indiscriminate fogging, para maiwasan ang dengue.

PANELO DARATING SA AKLAN PARA SA ISANG MAKASAYSAYANG MEDIA FORUM

Darating sa Aklan si presidential legal counsel adviser Salvador Panelo para sa isang makasaysayang media forum na inorganisa ng Aklan Press Club.

Ito ang kinumpirma sa Energy FM Kalibo ni Jhonny Dayang, chairman emeritus ng nasabing organisasyon.

Isa umano sa panauhing tagapagsalita si Panelo sa Allen Salas Quimpo memorial media forum na tatalakay sa paksa ng federalismo.

Si Panelo ay isang malapit na kaibigan ng yumaong si Atty. Quimpo, dating alkalde ng Kalibo at congressman ng Aklan. 

Si Quimpo ay kilalang tagapagtaguyod ng educational reforms, environment, press freedom, ASEAN economic integration, at humanitarianism.

Maliban kay Panelo, ang iba pang mga tagapagsalita ay bihasa sa mga paksa tungkol sa Dutertenomics, food security and agriculture, tourism, press freedom, martial law, climate change at environment. 

Gaganapin ang forum sa na dadaluhan ng mga lokal at national media, mga estudyante at mga opisyal ng pamahalaan sa Aklan training center sa Kalibo sa darating na Hunyo 24.

MOTOCROSS SA BRGY. TINIGAW, KALIBO AARANGKADA NA NGAYONG HUNYO

Aarangkada na ngayong Hunyo ang motocross racetrack sa brgy. Tinigaw, Kalibo sa ikalawang taon.

Ayon kay kapitan Rolando Reyes, ang final race para sa Honda exclusive ay sa Hunyo 24, at sa Hunyo 25 ay bukas sa lahat ng kategorya.

Napag-alaman na maliban sa racetrack, mayroon ding karera ng mga baka, at mga laro ng lahi.

Una nang sinabi ni Reyes sa panayam ng Energy FM Kalibo na mainam kung ito ay maituon sa pagdiriwang ng pista ni San Juan de Bautista para dayuhin ito ng mga tao.

Kaugnay rito, nais ni Sangguniang Bayan member Philip Kimpo na imbitahan ang mga istudyante na dumalo sa gagawing inagurasyon ng Kalibo Riverside Sports festival sa darating na Hunyo 23.

Matatandaan na kamakailan lang ay sinang-ayunan ng SB Kalibo na ibilang sa opisyal na mga tourism destinations ng munisipyo at ng probinsiya ang riverside sa Purok 3, brgy. Tinigaw.

Una nang pinagdausan ng invitational cup Mayo noong nakalipas na taon ang nasabing lugar.

Maliban rito, plano rin ni Reyes na gawing summer sports capital ang kanilang barangay para makahikayat pa ng maraming mga sports enthusiasts.

AKLAN ‘INSURGENCY FREE’ PARIN AYON SA PHILIPPINE ARMY

‘Insurgency free’ parin ang probinsiya ayon kay Lt. Col. Leomar Jose Doctolero, 12th infantry battalion commander ng Philippine Army dito sa Aklan.

Sa isang media forum, sinabi ni Doctolero na wala umano silang natanggap na report na may mga nakapasok o kumukutang rebeldeng armadong grupo sa probinsiya.

Binabatayan narin umano ng mga army ang ginagawang Banga-Libacao road kasunod nang insidente ng panunog ng dalawang heavy equipment na pagmamay-ari ng BSP company.

Inaalam parin umano nila kung kagagawan ba ito ng mga rebeldeng grupo.

Nakikipagtulungan rin sila sa mga kapulisan, navy, coastguard at iba pang security forces at lokal na pamahalaan para sa mahigpit na seguridad sa isla ng Boracay.

Nanawagan naman siya sa taumbayan na maging mapagmatyag kasunod ng mga pag-atake ng mga terorista sa Bohol, sa Marawi at maging ng insidente sa Resorts World Manila.

Friday, June 09, 2017

33 ANYOS NA BABAE NADUKUTAN NG NASA PHP10K SA BAYAN NG KALIBO

Sapul sa close circuit television (cctv) footage ang pagnanakaw ng dalawang babae sa isang 33 anyos na misis sa loob ng isang establisyemento sa bayan ng Kalibo.

Ayon sa biktimang si Marian Villanueva, residente ng Poblacion, Kalibo, nasa loob umano siya ng New FUs Merchandise nang manakawan siya ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Makikita sa cctv na habang namimili ang biktima sa loob ng establisyemento ng madukutan siya ng mga suspek.

Nakita rin sa cctv na nagpalit ng damit ang isa sa mga suspek.Hinubad raw nito ang suot na jacket.

Nakuha ng mga suspek sa kanyang shoulder bag ang kanyang wallet. Laman nito ang Php10,000, dalawang ATM cards, dalawang credit cards, at mga government IDs.

Iniimbestigahan na ngayon ng Kalibo municipal police station ang nasabing insidente.

SUSPEK SA PAMAMARIL SA NAVITAS, NUMANCIA SINAMPAHAN NA NG KASONG FRUSTRATED MURDER

Energy file photo
Sinampahan na ng kasong frustrated murder ang suspek sa pamamaril sa brgy. Navitas, Numancia araw ng Martes. 

Ayon sa imbestigador na si PO2 Felizardo Navarra Jr. ng Numancia PNP, nakapiit na ngayon ang suspek sa Aklan rehabilitation center.

Matatandaan na si Eduardo Reyes, 69 anyos, ang tinuturong bumaril sa 24 anyos na si Meljun Laurente.

Sinabi ng imbestigador na nanindigan sa kanyang complaint affidavit ang biktima na biglaan siyang binaril.

Naglalaro umano siya ng basketball ng malapitan siyang binaril ng suspek.

Nabatid na may dati ng hindi pagkakaintindihan ang suspek at ang biktima.

Php200 libo ang itinakdang piyansa ng para sa temporaryong kalayaan ng suspek.

Samantala, nakaconfine parin sa provincial hospital ang biktima.



SB PABOR SA PAGTATAYO NG FERRY TERMINAL SA BRGY. POOK, KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
 
photo (c) skycrapercity
Pinaburan ng Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pagtatayo ng temporary terminal para sa ferry operation.

Ito ay kasunod ng kahilingan ng Mabuhay Maritime Express Transport, Inc. (MMET), subsidiary ng Philippine Airlines, sa munisipyo na mabigyan sila ng certification of no objection.

Ayon kay Sherwin Tan, kinatawan ng kompanya, layun nito na mas mapadali ang byahe ng mga pasaherong dumarating sa Kalibo international airport patungong isla ng Boracay.

Plano ng kompanya na magsimula ang operasyon bago magtapos ang taong ito.

Base sa kanilang temporary development plan, may lawak na 2803.00sqm ang lugar na pagtatayuan ng port at terminal. Mayroon itong dalawang departure area na may nasa 450 seating capacity.

Kaugnay rito, iminungkahi ni konsehal Cynthia Dela Cruz na magpatupad ng environmental fee sa nasabing port at terminal.

Pinasiguro ni Tan na ang proyekto ay malaking tulong sa paglago ng turismo at ekonomiya sa Kalibo at buong Aklan.

Thursday, June 08, 2017

KARAGDAGANG PULIS IDI-DEPLOY SA BORACAY PARA SA DRUG INTEL OPERATION

Kukuha ng 32 karagdagang police officers ang Boracay Tourist Assistance Center (Btac) para tutukan ang mga kaso ng druga sa isla.

Ayon kay PSInsp. Jose Gesulga, tumatayong hepe ng Btac, nakatakdang ideploy ang mga pulis na ito ngayong linggo.

Sinabi pa ni Gesulga itatalaga ang mga ito sa intelligence network para i-track down ang mga drug personalities sa Boracay.

Ito ay kasunod ng pinaigting na kampanya ng kapulisan kontra iligal na droga sa buong rehiyon.

Patuloy rin umano ang ginagawa nilang edukasyon sa taumbayan at sa mga turista kung paano mapigil at masugpo ang pagkalat ng iligal na droga.

Sa kabilang banda, nananatili anyang nakaalerto ang mga kapulisan para masiguro na walang makapasok na terorista sa isla.

Pinaalalahanan rin nila ang mga establisyemento na maging mapagmatyag kasunod ng nangyaring insidente sa Resorts World Manila sa Pasay sa nakalipas na linggo.

Pinasiguro ni Gesulga na lahat ng mga pamantayan ay nakalatag na para mapigilan ang kaparehong scenario sa isla. (PNA)

SANGGUNIANG PANLALAWIGAN ISINUSULONG ANG PAGBUO NG TASK FORCE PROTECT SA BORACAY

Isinusulong ngayon ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang pagbuo ng "Task Force Protect" sa isla ng Boracay.

Ito ay kasunod sa ulat ng mga pag-atake ng mga teroristang grupo sa ibang bahagi ng bansa at maging sa iba pang panig ng mundo.

Ayon kay provincial board member Jay Tejada, miyembro ng committee on laws and ordinances, ang task force ay kabibilangan ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coastguard, at lokal na pamahalaan.

Pinag-aaralan na umano ng komitiba ang technical draft ng nasabing panukala.

Naging usapin ito sa Sanggunian kasunod ng isyu ng maluwang na seguridad sa isla ng Boracay.

Umaasa ang mambabatas na sa pamamagitan nito ay mapapaigting pa ang seguridad para sa mga mamamayan dito at mga iba-ibang turista. (PNA)

MGA DATING OFWs SA AKLAN SASAILALIM SA 'LIVELIHOOD TRAINING'

Sasailalim sa 'livelihood training' ang mga overseas Filipino workers (OFW) na wala nang balak pang lumabas ng bansa.

Ang "Balik-Pinay, Balik Hanapbuhay" ay kaloob ng National Reintegration Center for OFWs (NCRO) sa pamamagitan ng Provincial Public Employment Service Office (Peso) - Aklan.

Bibigyang prayoridad sa training ay mga babaeng nakaranas ng pang-aabuso habang nasa trabaho sa abroad na walang legal na mga papeles.

Ayon kay Vivian Ruiz-Solano, Peso-Aklan manager, ang libreng training ay meat processing at baking.

Nakatakdang isagawa ang training sa Hulyo 19 hanggang 23 na nakalaan para sa 35 slots.

Dahil limitado lamang ang slot, hinikayat ng Peso manager ang mga interesado na magpalista agad sa kanilang tanggapan sa provincial capitol compound, bitbit ang mga dokumentao na nagpapatunay na sila ay nakapagtrabaho  abroad.

Wednesday, June 07, 2017

NO.6 DRUG PERSONALITY SA AKLAN ARESTADO SA BAYAN NG NUMANCIA

Arestado ang isang 36 anyos na mister sa brgy. Laguinbanwa East, Numancia sa pagtutulak ng iligal na droga.

Kinilala ang suspek na si John Alex Nabor y De Miguel at itinuturing na ika-anim sa druglist ng Aklan Police Provincial Office.

Sa inisyal na report ng Aklan Police Provincial Office, nabilhan ng isang sachet ng pinaghinalang shabu kapalit ng Php1,100 kabilang ng Php500 buy bust money.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsamang pwersa ng Aklan Provincial Drug Enforement Unit, Philippine Drug Enforcement Unit 6, Numancia muncipal police station, 12 Infantry Battalion at MIG 6.

Sa live interview sa suspek, mariing pinabulaanan niya ang akusasyong tulak siya ng droga.

Aminado siya na gumagamit ng ipinagbabawal na droga pero matagal nang tumigil matapos sumuko sa Numancia PNP kasunod ng paglulunsad ng oplan tokhang.

Hindi naman makapaniwala ang kanyang ina at asawa sa nangyari.

May nakuha pang mga sachet ng sinasabing iligal na droga sa isinagawang body search.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang inventory ng mga awtoridad sa nasabing operasyon.

KALIBONHON HINIHIKAYAT NG PAMAHALAANG LOKAL NA MAKIISA SA PAGGUNITA NG FLAG DAY

Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang taumbayan na makiisa sa paggunita ng araw ng kasarinlan ng Pilipinas sa darating na Hunyo 12.

Nanawagan ang LGU Kalibo sa mamamayan na maglagay ng mga bandila ng Pilipinas sa mga bahay, mga establisyemento, eskwelahan, at sa mga sasakyan.

Sa ngayon ay ipinagdiriwang ang National Flag day na nagsimula noong Mayo 28 at magtatapos sa Hunyo 12 base sa Executive Ordinance 179.

Sa araw ng kalayaan o independence day ay magsasagawa ng programa ang munisipyo na dadaluhan ng mga opisyal at empleyado pagkatapos ng isang misa sa Kalibo cathedral.

Gaganapin ang flag march mula sa Archbishop Reyes St. patungong 19 Martyrs St. kung saan isasagawa ang flag raising ceremony, wreath laying.



25 ANYOS NA LALAKI BINARIL SA BRGY. NAVITAS, NUMANCIA; SUSPEK, ARESTADO

Nagtamo ng tama ng baril sa tiyan at hita ang isang 25 anyos na lalaki matapos barilin ng kapitbahay sa brgy. Navitas, Numancia pasado alas-5:00 ng hapon.

Ayon kay PO2 Felizardo Navarra Jr., ng Numancia PNP, naglalaro umano ng basketball ang biktima na si Meljun Laurente nang lapitan ito ng suspek saka binaril ng hindi pa malamang kalibre ng baril.

Nakatago naman sa loob ng kanyang bahay ang suspek na kinilalang si Eduardo Reyes, 69 anyos.

Nahirapan pang kumbisihin ng mga awtoridad ang lalaki na lumabas sa loob ng kanyang bahay at sumuko sa mga awtoridad.

Nakumbinsi lamang ang lalaki ng kanyang kaibigan at dating pulis na si Razan Perlas.

Ayon pa kay PO2 Navarra, matagal nang may namamagitang alitan sa dalawa. Madalas umanong binabato ng biktima ang bahay ng suspek at minsan ng humantong sa bugbugan.

Posible anyang napuno ng galita ang suspek dahil muli na namang binato ng biktima ang kanyang bahay dahilan para barilin niya ito.

Sa eksklusibong panayam ng Energy FM Kalibo sa suspek, mariin naman niyang pinabulaanan ang pagbaril sa kapitbahay.

Nakapiit na ngayon sa lock-up cell ng Numancia municipal police station ang suspek at posibleng maharap sa kasong frustrated murder.

NO. 1 MOST WANTED SA BAYAN NG MAKATO, ARESTADO; BRGY. KAGAWAD ARESTADO RIN SA PAGTATAGO SA SUSPEK

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang no. 1 most wanted person ng Makato municipal police station sa kasong murder sa brgy. Francisco Sur, Tibiao, Antique.

Kinilala ang akusado na si Redentor Tumulog, 29 anyos, residente ng brgy. Salazar, Tibiao at kabilang sa listahan ng crime group.

Inaresto ang nasabing lalaki sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng regional trial court sa bayan ng Kalibo noon pang Setyembre 2014.

Inaresto rin ng operatiba ang barangay kagawad na nangalaga sa wanted person.

Maliban rito nahulihan rin ng caliber 38 revolver at may anim na live ammunition si kgd. Jesus Mariano, 59 anyos, residente ng brgy. Bandoja, Tibiao.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsamang pwersa ng Crime Investigation and Detection Group (CIDG), APPO PIB, APPO Trackers Team at Tibiao municipal police station.

Ang akusado ay nasa pangangalaga na ng CIDG saka ito dadalhin sa kaukulang korte.

Nakakulong naman ang konsehal sa Tibiao municipal police station sa Antique para sa kaukulang disposisyon.