Thursday, January 25, 2018

MGA DRIVER SA TANGALAN, AKLAN ISASAILALAIM SA RANDOM DRUG TESTING

Sasailalim sa random drug testing ang mga public motorized tricycle drivers sa bayan ng Tangalan kasunod ng inaprubahang ordenansa kaugnay rito.

Nitong Lunes ay pumasa sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang municipal ordinance 2017-71 ng nabanggit na munisipalidad matapos itong dinggin ng komitiba.

Gayunman bago ito inaprubahan ng Sanggunian ay naging mainit muna ang diskusyon sa sesyon kaugnay rito.

Kinuwestiyon ni SP member Soviet Dela Cruz ang legalidad ng ipapatupad na ordenansa. Aniya, paglabag umano ito sa karapatang pantao ng mga drivers dahil sa biglaang drug testing.

Sang-ayon naman si SP Harry Sucgang sa punto ni Dela Cruz at sinabing labag sa saligang batas ang naturang ordenansa.

Nanindigan naman si SP Jay Tejada, mayroong ilalabas na implementing rules and regulations ang ehukutibo para masiguro na walang malalabag na karapatang pantao ang pagpapatupad ng ordenansa.

Sa ginawang botohan, pumabor ang anim na miyembro ng Sanggunian samantalang tatlo ang hindi pumabor sa ordenansa. Abstain naman si SP Lilian Tirol.

20-ANYOS NA CHINESE NATIONAL PATAY NANG MALUNOD SA BORACAY

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang Chinese national matapos itong malunod sa dagat sa isla ng Boracay kahapon ng hapon, Enero 24.

Kinilala sa report ng Boracay PNP ang biktima na si Xuan Zhou, lalaki, 20-anyos at isang bakasyunista sa isla.

Ayon sa pulisya, isang nagpa-paddle board ang nakapansin sa biktima na hindi na ito nakaahon pa sa dagat kung kaya’t sinagip niya ito at dinala sa tabing-dagat.

Nilapatan naman agad ng CPR ang biktima at ilang sandali pa ay isunugod sa Ciriaco S. Tirol Memorial Hospital sakay ng ambulansiya gayunman ay dineklarang patay ng doktor.

Sa imbestigasyon ng kapulisan, walang foul play sa pagkamatay ng foreigner.