Showing posts with label Kalibo News. Show all posts
Showing posts with label Kalibo News. Show all posts

Thursday, April 27, 2017

LALAKI, NAPAGTRIPAN UMANONG BARILIN SA KALIBO HABANG NATUTULOG

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagtamo ng sugat sa kaliwang kamay ang isang 24-anyos na lalaki makaraang pagtripan umanong barilin sa Purok 2, C. Laserna St., Kalibo.

Ayon sa biktimang si Rowil Dela Cruz, natutulog umano siya sa tricycle nang maganap ang aksidente dakong alas-5:00 ng umaga.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, iginiit ng biktima na wala siyang nakaalitan na posibleng gumawa nito sa kanya.

Nagising nalang umano siya na may sugat na sa kamay. Agad naman siyang humingi ng tulong para madala at magamot sa ospital.

Butas din ang tangke ng motorsiklo na hinihigaan niya matapos matamaan rin ng parehong bala.

Sa pagtatanong sa mga kapitbahay hindi umano nila nakilala ang suspek naggulat nalang sila nang makarinig na ng pagputok.

Narekober ng kapulisan ang isang basiyo ng .38 calibre ng baril sa lugar.


Inaalam na ng pulisya ang posibleng motibo at pagkakakilalan ng suspek.

LOLO NANIKAWAN NG TATLONG ENTERTAINER, 27K TANGAY

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Tinangay ng tatlong entertainer ang pera ng isang 66 anyos na lolo dito sa Kalibo, Aklan. 

Sa kwento ng lolo iniwan nya sa bahay ang tatlong babae at umalis lang ito saglit para bumili ng pagkain.

Pagbalik ng lolo sa bahay, wala na roon ang tatlong babae, wala na rin ang P27,730 nito na inilagay niya sa bulsa ng short na nakasabit sa loob ng kanyang kuwarto.

Naisipan nalang ng lolo na ipablotter sa Kalibo PNP Station ang pangyayari.

Wednesday, April 26, 2017

PHP5 MILLION COVERED COURT ITATAYO SA KALIBO PASTRANA PARK

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo by Darwin Tapayan
Hindi na maiinitan at mauulanan ang mga manlalaro sa basketball court ng Pastrana Park. Nakatakdang kasing itayo ang Php5 milyon na covered court dito.

Ang ground breaking ng proyektong ito ay isasagawa sa Byernes, 9:00 ng umaga.


Layunin ng proyektong ito sa pangunguna ni konsehal Juris Sucro ang palakasin ang sports program sa bayan ng Kalibo.

Nabatid na naging posible ang proyekto sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Kalibo, ni congressman Carlito Marquez, at senador Risa Hontiveros at Akbayan partylist.


Una nang naireport na isinusulong ngayon ng pamahalaang lokal ng Kalibo ang pagpapaganda pa sa nasabing parke upang gawing tourism destination.

Tuesday, April 18, 2017

25-ANYOS NA LALAKI NAGBIGITI SA PUNO NG INDIAN MANGO, PATAY

ulat ni Darwin Tapayan / Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay na ang isang 25-anyos na lalaki nang matagpuang nakabitin sa puno ng indian mango malapit sa kanilang bahay sa brgy. Andagao, Kalibo kaninang alas-6:00 ng umaga.

Nakilala ang nasabing lalaki na si Edgardo Francisco alyas “Baga”, 25 anyos at isang construction worker.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa isa sa nakakatandang kapatid, naabutan umano niya ang biktima na nakabitin sa puno gamit ang kumot. 

Agad naman umano niyang inalis ang kapatid sa pagkakabigti at dinala sa punerarya.

Sinabi ng nakababatang kapatid na babae nagtalo umano sila ng biktima kagabi at pinaniniwalaang nagtampo ito dahilan para magbigti.

Wala namang makitang malalim na dahilan ang pamilya para gawin ito ng biktima.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang nasabing insidente.

Saturday, March 25, 2017

NAKUMPISKANG OPEN-MUFFLER SA KALIBO UMABOT NA SA 170

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalibo PNP FB
Mahigpit paring ipinapatupad ng Kalibo police station ang kanilang operasyon kontra sa mga open-muffler motorcycle sa Kalibo.

Sa unang tatlong buwan ng taon, umabot na sa mahigit 170 modified o open mufflers ang nakumpiska ng mga kapulisan.

Ayon sa ulat ng Kalibo police station, nakapagtala sila ng nasa 68 na na nakumpiskang motorsiklong may open muffler ngayong buwan ng Marso.

Sa buwan ng Enero ay nakakumpiska ang mga awtoridad ng 11 muffler samantalang sa Pebrero ay 91.

Nabatid ayon sa municipal ordinance no. 2016-003, ang mga mahuhuling gumagamit ng maiingay na muffler ay posibleng mapatawan ng Php2,500 penalidad.

Bago maibalik ang sasakyan ay kinakailangan munang mapalitan ng may-ari ang muffler nito.


Sa kabilang banda, sa loob rin ng tatlong buwan ay 136 “colorum” na na tricycle na bumibiyahe sa Kalibo ang inimpound ng pulisya.

Saturday, March 11, 2017

LGU KALIBO ITINANGHAL NA RANK NO. 2 PRIME-HRM IMPLEMENTOR

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ginawaran ng pagkilala ang lokal na pamahalaan ng Kalibo bilang rank no. 2 sa implementasyon ng enhanced program to institutionalize meritocracy and excellence in human resource management (PRIME-HRM).

Pormal na tinanggap ni Kalibo mayor William Lachica at HRM officer V Eleanor Isada ang nasabing pagkilala sa Iloilo City mula sa Civil Service Commission region 6.


Sinabi ni Isada, na kinilala rin ng Civil Service ang learning and recognition program at awards and recognition program ng munisipyo kagaya ng search for 10 outstanding employees at salamat mabuhay program para sa mga ritirees.

Sinabi pa ng HRM officer na nakamit nila ang nasabing mga pagkilala dahil sa pagsisikap ng mga opisyal ng bayan at mga department head ng munisipyo.

Napag-alaman na maliban sa Kalibo, nagkamit rin ng parehong pagkilala ang munisipyo ng Malay.


Samantala, level 2 rin ang lokal na pamahalaan ng Aklan sa parehong implementasyon.

Tuesday, March 07, 2017

TAAS-PAMASAHE SA TRICYCLE SA KALIBO, APRUBADO NA NG SANGGUNIAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Aprubado na sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang hirit ng mga tricycle operators and drivers association na magtaas sa kanilang pamasahe.

Sa ginawang regular session, inamyendahan ng Sanggunian ang municipal ordinance no. 2016-32, “Ordinance Fixing New Tricyle Fare Rates within the Municipality of Kalibo, Aklan”.

Nakasaad sa amended version ng ordinance ang pisong pagtaas ng pamasahe sa lahat ng mga bumibiyahe at lehitimong tricyle sa Kalibo. May Php0.50 ring pagtaas
sa pamasahe ng mga estudyante, senior citizens, at differently abled persons.

Kasama rin sa pag-amyenda ang kahilingan ng mga opisyal at tricycle operators and drivers association ng Nalook sa sarili nilang taas-pamasahe.

Samantala, hindi muna maglalabas ng opisyal na kopya ng taripa ang lokal na pamahalaan. Hihintayin muna kasi ang kanya-kanyang petisyon ng iba pang barangay at TODA tungkol sa sariling taas-pamasahe.

Ang sarili nilang mga petisyon ay dahil sa pagbabago umano sa layo ng kalsada at ruta ng biyahe na hindi saklaw sa aprubadong ordenansa.


Una nang napagkasunduan sa public hearing noong Lunes ang pisong pagtaas sa regular na pamasahe.

MGA KARAGDAGANG PULIS SA KALIBO HIHILINGIN NG LGU KAY ‘BATO’

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

file photo
Hihingi ng mga karagdagang pulis ang lokal na pamahalaan ng Kalibo kay Philippine National Police chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa para italaga sa bayang ito.

Ayon kay konsehal Mark Quimpo, umabot na sa mahigit walumpu’t isa ang populasyon dagdag pa ang bilang ng mga taong labas-pasok sa kabiserang ito araw-araw. 

Nabatid na ang kasalukuyang bilang ng pulisya na nakatalaga ngayon sa Kalibo municipal police station ay 72, malayo sa kinakailangang bilang na 160.

Una nang ipinaabot ni PCInsp. Terence Paul Sta. Ana sa mga miyembro ng Sanggunian na kulang sila sa tauhan.

Ang kahilingang ito ay para mapaigting ang seguridad at kaayusan sa bayang ito.

Kaugnay sa kahilingang ito, inaprubahan ng Sanggunian ang resolusyon na inihain ni SB Quimpo sa kanilang 8th regular session.

Wednesday, February 08, 2017

TINIGAW RIVERBANKS KABILANG NA SA OFFICIAL TOURISM DESTINATIONS NG AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) SB Kimpo Jr.
Ibibilang na sa opisyal na mga tourism destinations ng Kalibo at lalawigan ng Aklan ang ‘picturesque riverside area’ ng Purok 3, Brgy. Tinigaw partikular ang mabuhanging bahagi ng riverbanks.

Sinang-ayunan ng mga miyembro ng Sanggunian ng Kalibo ang resolusyon para rito sa isinagawang fifth regular session. Sinasaad sa resolusyong ito ang kahilingang pormal na isama ang “Tinigaw Riverbanks” sa opisyal na listahan ng tourism destination ng Kalibo Tourism and Cultural Affairs Division (TCAD).

Hinihiling rin sa resolusyong ito ang pagsama sa listahan ng tourism destination ng Aklan Provincial Tourism Office (APTO) para sa paglalaan ng mga kaukulang suporta para sa mga posibleng tourism events dito.

Ayon sa may akda na SB Philip Kimpo Jr., mainam ito bilang racetrack sa motocross at bike competition, katunayan una na itong pinagdausan ng invitational cup Mayo noong 2016.

Maliban rito magagamit rin anya ang revetment wall sa paligid para sa jogging, biking park at iba pang mga aktibidad.

Pahayag pa ng lokal na mambabatas, ang nabanggit na lugar kapag na-ipromote ng mabuti at na-develop ay malaking tulong sa ekonomiya ng Kalibo at makakapagbigay ng mga hanapbuhay sa mas marami.

Saturday, January 28, 2017

SMOKING ORDINANCE NG KALIBO I-A-ANUNSIYO MAGING SA MGA EROPLANO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

I-a-anunsiyo rin sa mga eroplanong lumalapag sa Kalibo International Airport ang anti-smoking ordinance ng bayan ng Kalibo bilang bahagi ng kampanya at implementasyon nito.

by SkyscraperCity
Ito ay makaraang ipasa ng Sangguniang Bayan ang proposed resolution no. 117 na humihiling sa mga eroplanong bumibiyahe sa Kalibo na mag-play ng informative in-flight advisory bago lumapag sa nasabing airport.

Sinabi ng may akda na si SB Philip Kimpo Jr. sa fourth regular session ng Sanggunian, malaking bagay ito upang mabigyan-kaalaman ang mga dayu tungkol sa ipinapatupad na ordenansa.

Nabatid mula sa lokal na mambabatas na ito rin ang pamamaraan ng ilang eroplanong bumibiyahe sa Davao kung saan ipinapatupad rin ang anti-smoking ordinance.

Maliban rito, hinihiling rin ng resolution sa Civil Aviation Authority of the Philippines (KAAP) – Kalibo na isama rin sa mga gagawing nilang signages ang “Smoke-Free Municipality”.

Una nang na-ireport na sa buwan ng Marso ay posibleng striktong nang ipatupad ang pagbabawal sa paggamit, pagbebenta, at pag-a-advertise ng sigarilyo at viping sa mga pampublikong lugar at paglalaan ng kaukulang penalidad sa mga lalabag rito.

Thursday, December 29, 2016

PAGDREDGE SA AKLAN RIVER NAGSIMULA NA SA KABILA NG MGA PAGTUTOL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagsimula na umano ang dredging ng Santarli (STL) corp. sa baybayin malapit sa So. Libuton, Brgy. Bakhaw Norte. Ito ang salaysay ng isa sa mga council member ng nasabing barangay sa Kalibo municipal police station.

Energy FM Kalibo file photo
Ayon kay kagawad Duvill Duran, noong Disyembre 26 umano ng alas-7:00 ng gabi ay nagsimulang mag-dredge ang barko ng STL.  Sinubukan anyang pigilan ng mga taong barangay ang nasabing operasyon gayunman ay nagpatuloy parin sila.

Dagdag pa ng opisyal na dakong alas-6:00 ng gabi naman ng Disyembre ay nagsagawa rin sila ng parehong operasyon sa nasabing lugar. Dahil rito, nabahala umano sila sa aksiyon na ito samantalang huli na anya nagpaabot ng sulat ang STL sa kanilang barangay hinggil sa operasyon.

Sa isang panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni STL project engineer Roger Vergara na dry-run lamang anya ang nasabing operasyon at may pahintulot ito mula sa Department of Public Works and Highway (DPWH).

Sa kabilang dako, pinabulaan ni Engr. Roger Esto, tagapagsalita ng Management Monitoring Team, na may kaukulang permiso ang ginawang pagkilos ng dredging vessel ng STL. Katwiran anya ng STL ay kailangan nilang itabi ang barko dahil sa inaasahang sama ng panahon at para magawa ito ay kailangan nilang magdredge.

Ikinababahala ng mga taga-Bakhaw Norte, isa sa mga apektadong lugar ng isasagawang dredging project sa Aklan River ang posibilidad na pagguho ng kanilang lupa. Ang kanilang hiling ay mabigyan muna sila ng proteksyon kabilang na ang pagsasagawa ng revetment wall bago ang simula ng proyekto.

Monday, December 26, 2016

KASO NG DENGUE SA AKLAN PATULOY SA PAGTAAS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tumaas ng 52 porysento ang mga kaso ng dengue sa lalawigan ng Aklan ayon sa report ng Aklan Provincial Epidemiology Surveillance and Response Unit.

Nasa kabuuang 1,689 na mga kaso ng dengue ang naitala sa lalawigan mula Enero 1 hanggangn Disyembre 19 at isa rito ang naitalang patay.

Ang bayan parin ng Kalibo ang may pinakamataas na numero ng mga biktima sa nasabing peryod na bilang na 344 na kaso. Sinundan ito ng mga bayan ng Malay na may 1
69 kaso; Numancia na may 138; Banga na may 132 at; Ibajay na may kasong 110.

Samantala, pinakamababa naman ang Lezo na nakapagtala lamang ng 25 kaso, sinundan ng mga bayan ng Batan sa bilang na 40; Balete, 41; Malinao, 44; at Buruanga, 48.

Napag-alaman na karamihan sa mga biktima ay nasa edad 11 hanggang 20 anyos na may 572 na mga kaso. Ang buwan naman ng Agosto naman ay may pinakamataas na naitalang kaso na umabot sa 331 bilang.

Patuloy naman na nagpapaalala ang provincial health office na sundin ang 4s campaign – search and destroy mosquito breeding places; use self-protection measures; seek early consultation for fever lasting more than two days; ag say no to indiscriminate fogging.

Saturday, December 24, 2016

2 TRICYCLE NAGKASAGIAN; DRIVER HINABOL NG ITAK NG KAPWA DRIVER

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ang tinagang sasakyan at kargang yero.
Nabangga ang tricycle, sinuntok, hinabol ng itak, pinagtataga ang tricycle at ang kargang yero saka tinakbuhan ng hindi pa nakikilalang suspek.

Ito ang reklamo ng tricycle driver na si Regie Natabio, 35 anyos at residente ng Brgy. Mamba, Madalag sa Kalibo police station makaraang nabangga umano ng isa pang tricycle driver ang harapang gulong ng menamehong pampasahero tricycle.

Sinabihan umano ng biktima ang suspek na mag-ingat gayunman ay nagalit ito at sinuntok siya ng makalawang beses sa mukha. Gumanti naman ang biktima sa hindi pa nakikilalang suspek gayunman hindi niya inaasahan na kukuha ito ng dalang itak at hinabol ang biktima.

Dahil hindi naabutan ang biktima, ang tricycle nito ang napag-initan ng suspek kaya niya ito tinaga dahilan para mabasag ang salamin sa harapan nito maging ang yerong karga sa itaas ng sasakyan ay tinaga rin. Saka mabilis na tumakas ang suspek sakay ng tricycle patungo sa hindi na nalamang direksyon.

Maswerte namang nakunan ng litrato ng mag-inang pasahero at may-ari ng nasirang yero ang plate number ng sasakyan na QT-3787.

Iniimbestigahan na ng traffic investigation section ng Kalibo PNP station ang nasabing insidente.

ALITAN NG PUROK 2 AT 6 SA C. LASERNA, KALIBO, MULING SUMIKLAB; 1 BINARIL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Peace covenant signing. Energy File Photo.
Muling sumiklab ang alitan ng matagal nang nag-aaway na mga grupo sa C. Laserna, Poblacion, Kalibo makaraang sinugod ng Purok 6 ang Purok 2 kagabi kung saan isang menor de edad ang biktima ng panunutok ng kutsilyo at isa ang tahasang binaril.

Sugatan ang 16-anyos na si Wendell Dela Cruz, residente ng Purok 2 nang nilapitan ito ng suspek na kinilala ng biktima na si Gilbert at tinutukan ng baril sa ulo. Maswerteng nakayuko ang biktima bago tuluyang ipinutok ng suspek ang baril. Nagtamo ng tama ng baril sa kanang balikat ang biktima.

Samantala, isa pang 16-anyos na lalaki nagreklamo rin sa Kalibo PNP station makaraang tutukan siya ng  kutsilyo ng isang 20-anyos na suspek na kalaunan ay sumuko sa pulisya at ikinulong. Ang suspek na ito ay kinilala namang si Gerald Panagsagan alyas “Bulag”.

Ang mga suspek ay pawang mga residente ng sais samantalang ang biktima ay residente naman ng dos. Naglalaro umano ng basketbol ang mga biktima nang magakakasamang dumating ang mga suspek saka ginawa ang pagtutok ng kutsilyo at pagbaril sa mga biktima.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente at sa agarang pagdakip sa suspek sa pagbaril.

Matatandaan na noong Sabado ay nagsagawa ng kasunduang pangkapayapaan ang mga nag-aalitang grupo sa mga nabanggit na lugar sa harapan ng mga opisyal ng LGU Kalibo at Kalibo PNP station.

KAPULISAN NAGPAALALA SA MAMIMILI NGAYONG PASKO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Siksikan sa isang establisyemento komersyal sa Kalibo.
Nagpaalala ang mga kapulisan sa mga taumbayan na daragsa ngayon sa bayan ng Kalibo sa bisperas ng Pasko upang mamili sa mga mall at palengke na maging mapagmatyag. 

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Kalibo PNP deputy chief PSInsp. HoneyMae Ruiz, sinabi nito na nakaalerto na ngayon ang kanilang himpilan para sa mga posibilidad ng aksidente at aksidente sa pagsalubong sa Pasko.

Ayon kay Ruiz, nakipagtulungan na sila sa mga Philippine Army upang magmanman at magbantay sa mga terminal at maging sa mga mall at palengke.

Ayon kasi sa deputy chief, kadalasan anyang nagaganap ang maraming mga kaso ng nakawan at iba pang mga aksidente at insidente sa panahon ng Kapaskuhan. Nilinaw naman niya na sa ngayon ay wala pa silang naitatalang malaking kaso kaugnay sa pagdiriwang na ito.

Sinabi niya na iwasan ang magpost sa mga social media na nagbibigay impormasyon sa mga may masasamang balak kung nasaan sila. High-tech narin anya ang mga criminal ngayon dahil binabantayan rin nila ang galaw ng posible nilang mabiktima.

Iwasan rin anya ang mga pagpapadeliver ng kung ano man. Gayundin, sa mga matataong lugar, iwasan na ilagay ang wallet o cellphone sa bulsa ng pantalon sa likuran. Mainam rin anya na gumamit ng sling bag at ilagay sa harapan. 

Sigaruduhin ring nakakandadong maigi ang bahay o di kaya ay itagubilin sa mapagkakatiwalaan kapitbahay kung hindi maiiwasang walang magbabantay.

Samantala, kung may ano mang mga reklamo o mga kahina-hinalang nakikita sa kanilang paligid ay agad anyang ireport agad sa kanilang himpilan.

Friday, December 23, 2016

MGA AKOMODASYON SA KALIBO HALOS PUNO NA SA NALALAPIT NA ATI-ATIHAN FESTIVAL

Nasa 70 porsyento na ang booking sa ngayon sa mga akomodasyon para sa taunang pagdiriwang ng Kalibo Sto. Nino Ati-atihan Festival sa susunod na taon base sa Kalibo Ati-atihan Accommodation Association.

Sa isang panayam, sinabi ng president ng asosasyon na si Gerwin Garcia na inaasahan nila na magiging fully book na ang mga kuwarto na nakareserba sa highlight ng Ati-atihan.

Ang highlight ng Kalibo Ati-atihan ay magsisimula sa Enero 9 at magtatapos sa Enero 15 sa susunod na taon. Sinabi pa ni Kalibo Sto. Nino Ati-atihan Festival Inc. chairman Albert Menez na magiging mas maganda at makulay ang pagdiriwang ngayong taon.

Sa Enero 9, ang highlight ay ang parade of Aklan festival showdown; sa Enero 10 ay parada ng mga estudyante at guro ng Department of Education; sa Enero 11 ay contest ng DepEd, “Sinaot sa Calle”; sa Enero 12 ay higante parade; sa Enero 13 ay parade of thanksgiving.

Samantalang sa Enero 14 ay ati-atihan contest at car show at street party, at sa Enero 15 naman ay ang religious procession at misa.


Sinabi rin ni Menez na bibisita rin ang ilang artista mula sa malaking TV network para sa isang konsyerto sa Enero 6.

Wednesday, December 21, 2016

ATLETANG AKLANON NAG-UWI NG 7 MEDALYA MULA SA SWIMMING COMPETITION SA DUBAI

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
PSL Kyla Soguilon kasama si
Olympic Gold medalist Adam Peaty.
photo (c) Kyla Soguilon FB

Nagdala ng karangalan sa bansa at sa lalawigan ng Aklan si Kyla Soguilon matapos mag-uwi ng pitong medalya sa kakatapos lang na 2016 Hamilton Aquatics Winter Long Course Swimming Championship sa Dubai, United Arab Emirates.

Si Soguilon ay itinanghal na Most Outstanding Swimmer sa 12-and-under division sa nasabing international competition matapos makuha ang isang ginto, isang bronze, at limang silver medal. 

Nanguna ang 12-anyos na swimmer mula Kalibo, Aklan sa 12-and-over 100 meter freestyle event sa oras na 1:05.37.

Nasungkit rin niya ang limang silver medal sa 12-and-over 400 meter individual medley, 50m freestyle, 50m backstroke, 200m backstroke at 100m backstroke. 

Samantala nakuha naman niya ang bronze medal mula sa 100 meter butterfly.

26-ANYOS NA LALAKI NALUNOD, PATAY

ulat nina Darwin Tapayan / Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

photo by PDRRMO-Aklan
Patay na nang matagpuan ng mga rescuer ang isang 26-anyos na lalaki matapos malunod at inanod ng malakas na alon kahapon ng umaga sa Brgy. Bakhaw Norte.

Ang biktima ay kinilalang si Rafael Tacas, 26 anyos at residente ng Brgy. Pook, Kalibo.

Ayon sa salaysay ng kanyang bayaw na si Deo Salabante na nagtungo umano sila kasama ang biktima sa baybayin ng Bakhaw Norte upang manguha ng kabebe dakong alas-9:30 ng umaga.

Habang nasa kasagsagan ng pangunguha ng kabebe ay nalunod ang biktima at tinangay ng malakas na alon . Maswerte namang nakaligtas si Deo pero hindi nya na natulungan ang biktima dahil sa bilis ng pangyayari.

Samantala nagsagawa ng rescue operation ang mga MDRRMO-Kalibo kasama ang PDRRMO-Aklan, at natagpuan nila ang bangkay ng biktima sa Brgy. Lambingan beach, Pook dakong alas-5:30 na ng hapon.

Tuesday, December 20, 2016

FUNERAL MASS IDARAOS PARA KAY ATTY. QUIMPO SA BIYERNES

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakatakda isagawa ang isang funeral mass sa darating na Biyernes para sa dating kongresista at dating alkalde ng Kalibo na si Atty. Allen S. Quimpo. Gaganapin ito sa St. John the Baptist Cathedral, Poblacion, Kalibo dakong alas-9:00 ng umaga.

Pagkatapos ng misa ay nakatakda siyang ilibing sa Medalla Milagrosa Cemetery sa Kalibo.

Ang labi o abo ng namayapang si Atty. Quimpo ay nakahimlay ngayon sa kanilang ancestral house kalapit ng NVC Carmen hotel.

Samantala, sa araw naman ng Huwebes ay may gaganapin ring Requiem Mass at Necrological Service sa ABL Sports Complex sa kapitolyo banda alas-8:00 ng umaga.

Inaasahan na dadaluhan ito ng mga Northwestern Visayan Colleges (NVC) alumni, faculty and staff at mga estudyante.

Si Atty. Quimpo ay naglingkod na presidente ng NVC bago siya pumanaw sa edad na 71 sa sakit na pancreatic cancer nong Disyembre 14.

Bago paman siya binawian ng buhay ay gumaganap na ang kanyang anak na si Allan Angelo Quimpo, NVC human resource officer, bilang kahalili niya.

Monday, December 19, 2016

BAHAY SA BAYAN NG KALIBO NILOOBAN; MGA GADGET AT PERA NATANGAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
by Ponaramio

Nilooban ng hindi pa nakikilalang magnanakaw ang isang bahay sa Brgy. New Buswang, Kalibo kung saan natangay ng suspek ang mga gadget at pera ng may-ari.

Ayon sa report ng Kalibo police station, nagising umano ang biktimang si Nigie Tumaob, 41 anyos, dakong alas-4:00 ng madaling araw ng mapag-alaman niyang nawawala na ang kanyang mga gadget at pera.

Sinabi ng biktima na nakuha sa kanya ang tatlong yunit ng cellphone, isang tablet, dalawang ATM card, at iba pang mga dokumento at ID. 

Posible umanong dumaan sa sliding window ng bahay ang suspek saka tinangay papalabas ang mga nalimas na mga gamit at pera na nakalagay sa sala ng nasabing bahay.

Nagsasagawa na ngayon ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakalinlan ng suspek at sa agad na pagkadarakip nito.