Walang banta sa seguridad sa Isla ng Boracay kaugnay ng
paggunita ng Semana Santa alinsunod sa monitoring ng security forces ng kapulisan
dito.
Sinabi ni SInsp. Jsoe Mark Anthony Gesulga, deputy chief ng
Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), ang isla ay nananatiling ligtas.
Giniit ni Gesulga na bagaman walang banta sa seguridad,
patuloy umano silang magbabantay upang masiguro ang kaligtasan ng mga turista
dito.
Ayon pa sa opisyal ng BTAC, ang iba pang multi-sectoral
agencies sa isla, kabilang na ang Task Force Boracay ng Philippine Army,
Philippine Navy, Philippine Coast Guard at PNP Maritime Group, ay patuloy sa
pagbabantay sa entry at exit point at maging sa mga baybaying sakop ng isla.
Sinabi pa ni Gesulga na pinaigting na nila ang seguridad
kasunod ng nangyaring bakbakan sa Bohol noong Martes sa pagitan ng sundalo ng
gobyerno at mga rebeldeng Abu Sayyaf.
Nabatid na nasa 188 police personnel ang naka-deploy ngayon
sa isla para sa Semana Santa. Tinataya namang nasa 50,000 turista ang bibisita
sa Boracay kaugnay ng nasabing pagdiriwang. (PNA)