Friday, May 11, 2018

MAPAYAPA AT LIGTAS NA HALALAN SA MAYO 14 PINASIGURO NG POLICE REGIONAL OFFICE 6

photo (c) PRO6
Pinasiguro ng opisyal ng Police Regional Office 6 na handa na ang kapulisan sa buong Western Visayas para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Eleksyon sa Mayo 14.

Ayon kay PSupt. Joem Malong, tagapagsalita ng PRO 6, kabuuang 8,511 personnel ang magbibigay ng seguridad sa 3,700 polling centers sa rehiyon.

Huwebes ng umaga, pinangunahan ni PCSupt. Hawthorne Binag ang send-off ceremony para sa augmentation forces sa Camp Martin Delgado, Iloilo City.

Sinabi pa ni Malong na ililipat sa iba-ibang lugar ang 432 mga kapulisan na may mga kamag-anak na kumakandidato para hindi mabahiran ang resulta ng eleksyon.

Binabantayan rin ng mga kapulisan ang nasa 133 election hotspot sa buong rehiyon. Apat sa bilang na ito ang nasa lalawigan ng Aklan.

Nanawagan naman siya ng kooperasyon mula sa taumbayan para sa ligtas at mapayapang halalan. Paalala niya na mahigpit paring ipinapatupad ng mga kapulisan ang Comelec gun ban hanggang Mayo 21./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Thursday, May 10, 2018

NASA 200 SANGKOT SA ILIGAL NA DROGA POSIBLENG MAKALAYA SA AKLAN

photo (c) RHU Lezo
Nangangamba ngayon ang mga law enforcer sa Aklan sa posibleng paglaya ng nasa 200 mga preso na sangkot sa iligal na droga.

Ayon ito kay provincial prosecutor Chris Gonzales ng Department of Justice kasunod ng pag-adopt ng plea bargaining framework cases ng Korte Suprema.

Sinabi ni Gonzales na kung noon ay panghabambuhay na pagkakulong ang kahaharapin ng mga nahuling nagtutulak ng droga, hindi na umano ito ganito ngayon.

Anim na buwan hanggang apat na taon nalang ang pagkakulong nila. Ito ay para bigyan umano ng pagkakataong magbago ang mga "small-time" user at pusher.

Ito ay kapag ang nakuha sa kanila sa pagtutulak ng droga ay hindi umabot ng isang gramong "shabu" o 10 gramo ng marijuana.

At kapag ang nakuha sa kanilang posesyon na shabu ay hindi umabot ng limang gramo o 300 gramo ng marijuana.

Ayon sa prosecutor isasailalim rin nila sa community rehabilitation ang mga makakalaya sa kanilang kaso. Nakadepende pa sa korte kung tatanggapin nila yung plea bargaining.

Pinasiguro naman niya sa taumbayan na hindi titigil ang mga law enforcer sa pagsawata ng iligal na droga sa probinsiya./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo

38 MGA RESORT AT HOTEL SA BORACAY DELIKADO SA SUNOG AYON SA BFP

Sa gitna ng kaliwa't kanang rehabilitasyon ngayon sa Boracay, naghihigpit naman ang Bureau of Fire Protection sa mga establishment dito.

Isa lamang ang gusali na ito sa Isla ang sinerbehan nila ng babala kasunod ng paglabag sa Republic Act 9514 o Fire Code of the Philippines.

Ayon kay FSInsp. Lorna Parcillano, hepe ng Malay BFP, 38 mga resort at hotel sa Boracay ang nakita nilang delikado sa sunog.

Nabatid na walang kaukulang fire safety inspection certificate ang mga nasabing gusali. Karamihan anya sa mga ito ang walang fire alarm, sprinkler, at kulang o walang maayos na fire exit.

Kaugnay rito binalaan nila ang mga nasabing establishment na kapag hindi sila sumunod sa Fire Code ay pwede umano silang patawan ng di bababa sa Php50,000 penalidad at pagpapasara.

Sa ngayon, binibigyan umano nila ng 15 araw o higit pang palugit ang mga establishment para macomply ang mga kailangan ayusin o idagdag sa kanilang mga gusali.

Dagdag pa ng municipal fire marshall, magandang oportunidad umano ito sa mga may-ari dahil wala silang mga bisita dahil sa anim na buwang pagsasara sa Boracay.

Ayon kay Parcillano, tinatayang mahigit 4,000 mga establishment ang nag-ooperate sa Boracay kabilang na ang mga stall, tricycle at mga bangka./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo

2 PATAY SA MAGKAHIWALAY NA AKSIDENTE SA MOTORSIKLO SA NAISUD, IBAJAY

Dalawa ang naiulat na patay sa aksidente sa motorsiklo kagabi sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Naisud, Ibajay.

Base sa report ng Ibajay PNP, unang sumalpok sa puno ng mangga ang isang motor na menamaneho ni Eladeo Garcia, 26-anyos ng nasabing barangay.

Ilang oras lang ang nakalipas, isa namang motorsiklo ang sumalpok sa puno ng mahogany ilang metro lang ang layo sa lugar kung saan naganap ang unang aksidente

Kinilala sa report ng pulisya ang pangalawang driver na si Mark Angelo Baldonado, 21, residente ng Brgy. Regador.

Nabatid na nasa impluwensiya ito ng nakakalasing na inumin.

Parehong isinugod sa district hospital ng Ibajay ang dalawa pero dineklara ring dead on arrival.

Sinasabing accident prone area ang pakurbadang bahagi na ito ng highway. Matulin rin umano ang patakbo ng dalawa.

PANGULONG DUTERTE, IPINAG-UTOS ANG PAGLABAS NG P448M AYUDA PARA SA BORACAY WORKERS

Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalabas sa P448 milyong pondo para sa assistance program ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa halos 18,000 manggagawang apektado ng pagsasara sa Boracay Island.

Ayon kay DOLE Sec. Silvestre Bello III, ipamamahagi sa ilalim ng Adjustment Measures Program (AMP) ang ayudang aabot sa 50 percent ng umiiral na minimum wage sa rehiyon sa mga manggagawa mula ngayong buwan hanggang sa Oktubre.

Ani Bello, ang naturang hakbang ay bahagi ng Boracay Emergency Employment Program (BEEP) para sa mga apektadong manggagawa.

Sa ilalim ng BEEP ay may ayuda ang DOLE sa formal sector workers, maaaring magsagawa ng emergency employment para sa mga manggagawa sa informal sector, magbukas ng government internship programs at iba pa.

Maiging nakikipag-ugnayan ang DOLE sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng DSWD, DTI, TESDA at iba pa upang matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong manggagawa./ Radyo INQUIRER

Wednesday, May 09, 2018

51 ANYOS MAGSASAKA NAGBIGTI SA NEW WASHINGTON DAHIL SA KAHIRAPAN

Kritikal ngayon ang lagay ng isang magsasaka matapos magbigti sa kanilang tahanan sa Brgy. Lawaan, New Washington.

Ayon sa misis, pagpasok nya ng banyo bumulaga sa kanya sa loob ang nakabitin na katawan ng kanyang 51-anyos na asawa.

Humingi ng tulong ang misis sa kapitbahay at agad na isinugod sa ospital ang biktima.

Dagdag pa ng asawa, posibleng dahil umano sa kahirapan kaya nagawa ng biktima ang tangkang pagpapakamatay.

Pitong taon na umanong nakakaranas ng iba't-ibang sakit ang kanyang mister at hindi na gaanong nakakapagtrabaho.

Merong apat na mga anak na binubuhay ang biktima at tanging pagsasaka ang ikinabubuhay ng pamilya.

Patuloy pang ginagamot sa Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital ang nasabing biktima.