Thursday, April 20, 2017

TATTOO ARTIST, TRICYCLE DRIVER KALABOSO SA PAGTUTULAK NG DROGA SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo © by Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo
Kalaboso ang isang tricycle driver at tattoo artist sa  pinakahuling drug buy-bust operation ng mga kapulisan sa Isla ng Boracay.

Unang naaresto ng mga awtoridad ang tattoo artist na si Dale Madrid, 41 anyos at tubong Olongapo City. Narekober sa buybust operation ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu kapalit ng Php1,000 buy-bust money.

Maliban rito narekober din sa posisyon ng suspek ang siyam pang sachet ng shabu at cellphone na naglalaman ng mga transaksiyon kaugnay sa iligal na droga.

Sa kabilang banda, naaresto rin sa isa pang drug buy-bust operation sa isla ng Boracay ang isang tricycle driver na kinilalang si Jovic Balantong, 43, tubong Oriental Mindoro.

Naaktuhan ang lalaki na nagtutulak ng droga makaaraang marekober sa kanya ng mga awtoridad ang Php1,000 marked money kapalit ng isang sachet ng sinasabing shabu.

Ang dalawa ay posibleng maharap sa kasong paglabag sa Batas Pambansa 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

MGA ATI SA AKLAN NAKATANGGAP NG MGA BAGONG DAMIT MULA SA SOUTH KOREA

Nakatanggap ng mga bagong damit at iba pang mga kasuotan ang nasa 117 mga katutubong ati sa probinsiya ng Aklan mula sa Rotary International District 3590 ng South Korea nitong Linggo.

Sa isang panayam, sinabi ni Ricky Molo, dating presidente ng Metro Kalibo Rotary Club na ang mga South Korean mismo ang nagbahagi ng mga nasabing gamit sa mga ati sa Numancia, Aklan.

Bumisita mismo si district governor Sangrai Lee ng Rotary Club of South Korea sa mga katutubong ito. Kasama rin sa mga bumisita ang kanyang district planning chair, secretary, at ilang pang mga miyembro ng organisasyon.

Naikober din ng mga media mula sa South Korea ang nasabing aktibidad. (PNA)

SEN. BAM AQUINO, MAKIKIISA SA PAGDIRIWANG NG AKLAN DAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Magiging pangunahing bisita sa pagdiriwang ng Aklan Day sa darating na Abril 25 si Senator Bam Aquino. Ito ang kinumpirma ng anniversary committee ng lokal na pamahalaan sa kanilang inilabas na report.

Sa Abril 25 ay may isasagawang thanksgiving mass sa alas-6:30 ng umaga sa St. John the Baptist Cathedral, saka susundan ng parade mula sa Kalibo Pastrana Park patungong Godofredo P. Ramos Park.

Ang pag-aalay ng  bulaklak at pagtataas ng watawat ay gagawin sa Godofredo P. Ramos Park dakong alas-9:00 ng umaga. Susundan ito ng commemorative program sa ABL Sports Complex and Cultural Center.

Sa commemorative program ay magiging tagapagsalita si Sen. Aquino na ipapakikilala ng gobernador.

Si Aquino ay isa sa pinakabata at aktibong senador at nagsusulong ng programang “Go Negosyo” para sa mga maliliit na mga negosyante.

FOREIGNER NAGPASALAMAT SA TAPAT NA DRIVER SA AKLAN NA NAGSAULI NG CELLPHONE

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagpost ng pasasalamat sa facebook  ang isang turista  na taga Doha Qatar dahil sa ipinakitang  katapatan ng drayber na Aklanon na nagsauli ng kanyang cellphone na naiwan sa isang tourist bus. 

Kinilala ang tapat na driber sa pangalang Ernesto Soco, matapos makita ay ibinigay nya raw ito kay  Francis Launio, kapwa driber ng Southwest Tourist bus. 

Sa facebook post ng Foreigner, kalakip ang larawang nakasaad ang ganito:

Edel Gangat and Francsis launio from southwest transportation located at Boracay island... I can't thank you enough for helping me retrieving my LOST phone!!!

To anyone traveling to Boracay island, I strongly recommend riding with southwest as they are really honest and respectful people. 

I might have never got my phone back if not for them. 

THANK YOU!!!

Nakapanayam namin si Edel Gangat at sinabi nito na siya ang nasa larawan, kwento nito na naiwan raw ng bisita ang cellphone nito sa bus. Hindi na raw umaasa noon ang turista na maibabalik pa ang kanyang cellphone, pero labis ang pasasalamat nito nang bumalik ang driber sa Caticlan para isauli ang nakitang cellphone.

Sinusubukan pa naming kunan ng pahayag ang tapat na drayber.

MGA NILAGARING KAHOY, NAREKOBER SA TABING ILOG NG NUMANCIA, AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Narekober ng mga awtoridad ang iba-ibang putol ng kahoy ng mahogany at gemelina na inabanduna sa tabi ng Aklan river sa brgy. Pusiw, Numancia kagabi.

Sa report ng Numancia municipal police station, nakatanggap ng tawag ang kanilang tanggapan na nagsasabing may mga natagpuang abandunadong nilagaring kahoy sa nasabing lugar,

Agad namang rumesponde ang ilang tauhan ng Numancia police station kasama ang forest ranger ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ang mga narekober ay apat na 4x4x8, isang 3x4x8, isang dosenang 2x6x8, apat na 1x8x8, at limang 1x9x6 na putol ng kahoy ng gemelina. Narekober din ang 13 bilang ng 2x6x6, at 1x8x6.

Ang mga narekober na nilagaring kahoy na may kabuuang 235.86 board feet ay nakatakdang i-turn-over sa DENR para sa kaukulang disposisyon.

Tuesday, April 18, 2017

BIR-KALIBO KUMPYANSANG MAABOT ANG PHP1.8 TARGET TAX COLLECTION

 ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Binigyan ng quota na Php1.8 bilyon ang Bureau of Internal Revenue-Kalibo sa kanilang koleksyon ngayong taong 2017.

Sa isang panayam, sinabi ni BIR Kalibo acting district head Alexander Laroza na kumpyansa siyang maabot nila ang target collection ngayong taon.

Ang deadline para sa paghahain ng income tax return ay nagtapos na kahapon. Ang lalagpas rito ay papatawan ng karagdagng 25% na multa sa bayarin.

Nitong Pebrero, nakakolekta na ang kanilang tanggapan ng nas Php20 milyong buwis.

Samantala nagpaalala naman si Laroza sa mga mamimili na magdemand ng resibo sa mga establisyemento na pinagbibilhan nila.


Sa ganitong paraan ay makakatulong ang mga mamamayan para makasingil sila ng tamang buwis sa mga negosyante at iba pang mga establisyemento.

25-ANYOS NA LALAKI NAGBIGITI SA PUNO NG INDIAN MANGO, PATAY

ulat ni Darwin Tapayan / Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay na ang isang 25-anyos na lalaki nang matagpuang nakabitin sa puno ng indian mango malapit sa kanilang bahay sa brgy. Andagao, Kalibo kaninang alas-6:00 ng umaga.

Nakilala ang nasabing lalaki na si Edgardo Francisco alyas “Baga”, 25 anyos at isang construction worker.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa isa sa nakakatandang kapatid, naabutan umano niya ang biktima na nakabitin sa puno gamit ang kumot. 

Agad naman umano niyang inalis ang kapatid sa pagkakabigti at dinala sa punerarya.

Sinabi ng nakababatang kapatid na babae nagtalo umano sila ng biktima kagabi at pinaniniwalaang nagtampo ito dahilan para magbigti.

Wala namang makitang malalim na dahilan ang pamilya para gawin ito ng biktima.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang nasabing insidente.

Monday, April 17, 2017

BAKHAWAN ECO-PARK, PINAPURSIGING IPANGALAN SA YUMAONG SI ATTY. QUIMPO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo 
Pursigido ang Kalibo Save the Mangrove Association (KASAMA) na ipangalan sa yumaong si Atty. Allen Salas Quimpo ang  Bakhawan Eco-Park.

Ito ang kinumpirma sa Energy FM Kalibo ng kanyang anak at ngayon ay chairman ng asosasyon na si Allan Angelo Quimpo.

Sinabi ni Angelo na ngayon ay ginagamit na nila sa kanilang mga opisyal na komunikasyon ang pangalang Allen Salas Quimpo (ASQ) Bakhawan Eco-Park.

Sinabi rin ni Angelo na nakatakda naring palitan ang mga palatandaan sa mangrove forest park sa pangalan ng yumaong si Atty. Quimpo, tagapagtatag ng KASAMA at nagpasimula ng pagtatanim ng bakhawan sa nasabing lugar.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na umano sila sa Department of Environment and Natural Resources sa hakbang na ito.

Matatandaan na una nang isinulong ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang resolusyong nagpapangalan ng eco-park sa yumaong si Atty. Quimpo.

Gayunman iginiit ni Angelo na ang Bakhawan ay pinamamahalaan ng non-government organization at hindi ito saklaw ng pamahalaang lokal ng Kalibo.