Saturday, October 21, 2017

BORACAY PINAKAMAGANDA PARIN SA BUONG MUNDO NGAYONG TAON

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Napanatili ng Isla ng Boracay ang titulo nito bilang “Best Island in the World” – ayon sa Conde Nast Traveler’s World Best Islands list ngayong taon (2017).

Ang isla ay napasama sa listahan sa magkasunod na taon ng 2016 at 2015. Ang Boracay ay ika-15 pwesto noong 2015.

Inilarawan ng Conde Nast, isang luxury and lifestyle online magazine, ang Boracay bilang “itty-bitty island (just under four square miles) in the Western Philippines is as close to a tropical idyll as you’ll find in Southeast Asia, with gentle coastlines and transportative sunsets.

“Fold in a thriving nightlife scene, and you have one of the top tourist spots in the region. The aptly named White Beach is Boracay’s main draw, with powdery white sand and shallow azure water ideal for swimming and snorkeling,” base sa akdang inilathala nitong Oktobre 16.

Samantala, pangatlo naman ang Cebu at Visayan Islands sa listahan samantalang ang Palawan Island ay nasa ikatlong pwesto ngayong taon.

Narito ang ilan pa sa nakapasok sa listahan ayon sa pagkakasunod:
*Mallorca, Spain
*Mykonos, Greece 
*Bermuda 
*St. Barts, Carribean
*Turks and Caicos, 
*Carribean 
*Bali, Indonesia 
*Cayman Islands

BUNDOK SA TANGALAN DINAGSA SA ARAW NG PIYESTA


Dinagsa ng mga tao ang bundok na ito sa Barangay Tagas, Tangalan sa araw ng piyesta sa nasabing barangay araw ng Sabado (Oct. 21). 

Matatanaw sa tuktok ng bundok ang ilog, mga kabundukan, palayan, mga kabahayan, at maging ang buong tanawin sa bayan ng Tangalan kabilang na ang dagat ng Jawili, Campo Verde ng Panayakan at Baluga Hill kalapit nito. 
Pinuna naman ni Kagawad Francis Tunod ng Barangay Tagas, madalas nang dinadayo ng mga tagaroon ang nasabing lugar dahil sa maganda nitong tanawin. 

Tinawag ito ng mga taga-roon na "Tagaytay it Tagas".

Friday, October 20, 2017

BODEGA SA BAYAN NG NUMANCIA NINAKAWAN, MGA SUSPEK ARESTADO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ilang mga appliances at iba pang paninda na ninakaw sa isang bodega ang narekober ng mga kapulisan sa isang bahay sa Brgy. Pusiw, Numancia araw ng Huwebes.

Una rito, nakatanggap sila ng reklamo mula sa isang empleyado na ninakawan ang bodegang ito sa Brgy. Bulwang na pagmamay-ari ni Laurence Lu.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Numancia PNP, madaling araw ng namataan ng isang lalaki ang tatlong katao na tumatakbo papalayo mula sa bodega.

Nang usisain ang isang alyas Toyo, 14-anyos, ng Brgy. Pusiw, umamin ito na siya at ang dalawa pa niyang kasama ang pumasok sa nasabing bodega; kinilala ang mga ito na sina alyas Motlog, 16-anyos na lalaki at Justine Dale Tabing, 18-anyos, parehong taga-Brgy. Bubog sa nasabing bayan.

Sa follow-up investigation, narekober ng mga kapulisan ang mga nakaw na gamit sa bahay ni Amalia Rivera. Inaresto ng mga awtoridad ang nasabing maybahay at ang anak niya at isa pang barkada nito na naabutan ng mga kapulisan sa nasabing bahay.

Kabilang sa mga narekober ng Numancia PNP ang apat na DVD player,  2 electric fan, speaker, mga kamot, mga tuwalya at panyo. 

Ayon kay SPO1 Eric Lachica, imbestigador, patuloy pa ang imbestigasyon sa nasabing insidente. May ilan pa umanong paninda ang hindi pa narerekober. Aabot umano sa Php300,000 ang halaga ng mga ninakaw.

Inaresto ng mga kapulisan ang mga suspek at nahaharap ngayon ang lima sa mga kaukulang kaso

OPENING SALVO NG ATI-ATIHAN NAGING GENERALLY PEACEFUL

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naging mapayapa at maayos ang pagdiriwang ng Opening Salvo ng Kalibo Ati-atihan 2018 araw ng Huwebes (Oct. 19).

Ito ang sinabi ni Boy Ryan Zabal, tagapagsalita ng Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival, Byernes ng umaga sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Gayunman sinabi ni Zabal na may ilan paring pasaway na nagdadala ng mga de-boteng inumin. May mga ilan umano na pinahinga na muna pansamantala dahil sa sobrang kalasingan.

Pinuna rin niya ang malabong mga ilaw sa paligid ng Kalibo Pastrana Park at maging sa mga “sadsad route” sa mga pangunahing lansangan sa paligid nito.

Nagpapasalamat naman siya sa suporta ng lokal na pamahalaan ng Kalibo at ng probinsiya, mga kapulisan, Philippine Army, mga rescue group,  mga sponsor at iba pang stake holder.

Ayon kay Zabal, 50 tribo ang lumahok sa nasabing aktibidad na hindi nagpaawat sa buhos ng ulan. Ang bilang umanong ito ang pinakamarami sa kasaysayan ng festival. 

FISH CONSERVATION PINANAWAGAN SA PAMAMAGITAN NG COMPOSO AT POSTER MAKING

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ipinagdiriwang ngayong linggo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang ika-54 taon ng Fish Conservation Week.

Kaugnay rito, ang Kawanihan sa Aklan ay nagsagawa ng song writing contest o composo para sa mga mangingisda at poster making contest para sa mga high school student.

Ayon kay May Guanco, officer in charge ng BFAR-Aklan, layunin ng aktibidad na ito ang mapalakas pa ang kamalayan ng mamamayan kabilang na ang mga kabataan sa fish conservation.

Kabilang sa mga mensahe ng mga composo at poster ang panawagan na "no to illegal fishing", pangangalaga sa mga mangrove, at pagpapatiling malinis sa mga karagatan, sapa at ilog.

Ang nanalo sa mga naturang patimpalak ay nag-uwi ng Php5,000.

Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang "Industriya ng Pangisdaan ay may Masigla kung ang Karagatan ay Malinis at Masagana".

Samantala, isa si Kasimanwang Jodel Rentillo ng Energy FM Kalibo sa mga naging hurado sa song writing and singing contest.

Thursday, October 19, 2017

16 MUTYA IT KALIBO, IPINAKILALA NA


16 Mutya it Kalibo ipinakilala sa programa ng opening salvo ng Ati-atihan festival araw ng Huwebes. Napag-alaman na ang coronation night ay gaganapin sa Enero 12.
*Clarynce Ada Concepcion
*Annicka Pauline Dela Cruz
*Elmarie Dewara
*Gracel Gilongos
*Eloisa Mitch Hormillosa
*Angelica Marie Lim
*Richelle Macaraeg
*Janine Maglantay
*Sheiney Jage Mationg
*Louisa Emerald Nadua
*Stephanie Palomata
*Ina Donna Jean Pendon
*Buena Kristel Pelayo
*Shyna Angel Rivera
*Mila Mariella Simera 
*Marijo Mariz Ureta.



Wednesday, October 18, 2017

20-ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA BAYAN NG NUMANCIA MATAPOS TANGKANG PASUKIN ANG ISANG DRUG STORE

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang lalaking ito sa bayan ng Numancia matapos tangkang looban ang isang drug store sa Brgy. Poblacion Miyerkules alas-12:30 ng madaling araw (Oct. 18).

Kinilala ng Numancia PNP ang suspek na si Hilberto Reyes y Malsin alias “Titoy”, 20-anyos at residente ng Brgy. Poblacion, Numancia.

Una rito, namataan umano ng mag-asawang Clara at Stephen Kimpo ang isang lalaki na sinisira ang back door ng Maypa’s Drug Store bagay na tinawagan nila ang kapulisan.

Naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang nasabing suspek. Narekober sa lugar ang martilyo, pliers at screw driver na posibleng ginamit ng suspek para sirain ang back door na yari sa plywood.

Matatandaan na nilooban rin ang nasabing drug store noong Hunyo at natangay ang nasa Php300,000 halaga ng pera at tseke. Inaalam pa ng mga kapulisan kung may kaugnay rin ang suspek sa insidenteng ito at sa iba pang nakawan sa Numancia.

Nahaharap ang suspek sa kasong attempted robbery.

MIYEMBRO NG PHILIPPINE MARINE PATAY NG MAAKSIDENTE ANG SINASAKYANG MOTORSIKLO SA BAYAN NG BANGA

Patay ang isang miyembro ng Philippine Marine matapos bumangga ang kanyang sinasakyang motorsiklo sa isang sasakyan sa Brgy. Linabuan Sur, Banga kagabi (Oct 17).

Kinilala ang biktima na si Michael Romero y Barte, residente ng Brgy. Paningayan, Madalag.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Banga police station, binabaybay ng biktima ang national highway sakay ng motorsiklo mula sa Kalibo patungong Poblacion, Banga.

Bumangga ang nasabing motorsiklo sa kasalubong na Toyota Corola na menamaneho ni Jonathan Laiz y Pontillas, residente ng Brgy. Linabuan Sur, Banga.

Nagtamo ng malubhang sugat sa ulo ang biktima. Isinugod pa ito sa pribadong ospital sa Kalibo pero dineklara ring dead on arrival.

Kulong naman sa Banga police station ang driver ng awto at posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide.

Monday, October 16, 2017

GURO SA IBAJAY NABENTAHAN NG PEKENG CELLPHONE SA HALAGANG PHP15K

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagreklamo sa tanggapan ng Ibajay municipal police station ang isang 39-anyos na guro matapos siyang mabentahan ng pekeng cellphone sa halagang Php15,000.

Sa report ng Ibajay PNP, nasa eskwelahan umano ang guro nang alukin siyang ng isang umano'y Chinese national na bilhin ang isang iphone 7 sa nabanggit na halaga.

Nakumbense umano ang guro (tumangging mapangalanan) at agad nagwithdraw ng pera sa bayan saka kinuha ang cellphone at binayaran ang suspek.

Nang usisain niya ang cellphone pagbalik sa eskwelahan ay doon palang umano niya nalaman na ito ay hindi totoong iphone 7.

Hindi naman nakuha ng biktima ang pagkakakilanlan ng suspek at maging ang contact information nito.

Nakikipag-ugnayan na umano ang Ibajay PNP sa iba pang police station sa probinsiya para matukoy ang suspek.

Nanawagan naman ang mga kapulisan sa ganitong uri ng modus na tila nagmamakaawang mga foriegn national para bilhin ang binibentang gadget.

Kamakailan lang ay naireport din ang mga ganitong kaso dito sa probinsiy ng Aklan.

ESTUDYANTE NAGBIGTI PATAY SA BATAN, AKLAN

Patay na nang matagpuan ng mga kaanak ang bangkay ng grade 11 na estudyanteng si Ronel Loveras Acuesta, 18-anyos na taga-Maeobong, Lalab, Batan.

Nagbigti ang biktima gamit ang lubid na itinali sa leeg at sa beam ng kanilang bahay.

Pinaniniwalaang naganap ang pagbigti bantang ala-una ng hapon (Oct. 15, 2017). Bago maganap ang insidente nakatanggap pa raw ng mensahe ang nanay nito na nasa Kalibo bandang alas 12:30 ng tanghali.

Sa imbestigasyon ng pulisya narecover sa lugar ang isang suicide note na naglalaman raw ng dahilan ng pagbigti nito. Nakasaad raw sa sulat ang hinanakit o sama ng loob nito sa kanyang step father. Hindi na idenetalye ng Pulisya ang kabuuang sulat.

MISIS NADUKUTAN NG PHP30K SA KALIBO; SUSPEK SAPUL SA CCTV

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nadukutan ng nasa Php30,000 ang isang misis habang nasa loob ng isang establisyemento dito sa bayan ng Kalibo.

Kuwento ni Julie Igual-Martinez sa mga kapulisan, magbabayad na umano siya sa counter nang malamang nawawala na ang kanyang pouch sa loob ng bag.

Ayon pa sa 53-anyos na misis na taga-Sta. Cruz, Lezo, laman ng pouch ang nabanggit na halaga ng pera.

Nang usisain ang CCTV footage ng FUS merchandise, makikita ang isang babae na marahang binubuksan ang kanyang shoulder bag at kinuha ang pouch sa loob saka nilagay sa gift wrapper.

Medyo chubby ang babae, nakasombrero, naka-tshirt at nakapants.

Iniimbestigahan na ng Kalibo municipal police station ang pagkakikilalan ng suspek.

AKLAN PNP NAGBABALA KAUGNAY NG IBA-IBANG MODUS NA LAGANAP NGAYON SA PROBINSIYA

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagbabala ngayon ang Philippine National Police sa Aklan kaugnay ng iba-ibang modus na laganap ngayon sa probinsiya.

Sa panayam ng himpilang ito, sinabi ni PCInsp. Bernard Ufano, hepe ng Provincial Intelligence Branch, asahan na umano ang mga ito dahil sa nalalapit na yuletide season.

Kabilang sa mga modus na ito ang mga nagbabahay-bahay at mag-iinspeksyon ng mga LPG at magpupumilit na bilhin ang kanilang binibentang hose sa mataas na halaga.

Nakarating rin umano sa kanilang tanggapan ang insidente ng mga nagpapakilalang manggagamot at kapag nagamot na ang kanilang pasyente ay mamimilit rin na bilhin ang tindang gamot.

Nagbabala rin siya sa mga nagpapakilalang Chinese national na nagmamakaawang bilhin ang binibentang cellphone o laptop, pero ito pala ay mga peke.

Paalala ng opisyal na pulisya, pairalin umano ang isip kaysa sa puso at huwag madala sa mga nagmamakaawang foreigner na ito. Huwag rin anyang magtitiwala sa mga hindi kakilala.

Nanawagan rin siya sa taumbayan na ireport agad ang mga ganitong insidente sa mga kapulisan para sa kaukulang aksiyon.

Pinasiguro niya na tinutukan na ng kanilang tanggapan ang mga kasong ito.