Showing posts with label Aklan. Show all posts
Showing posts with label Aklan. Show all posts

Wednesday, January 16, 2019

₱35,000.00 nakuha ng budol-budol sa pamilya ng OFW na taga Balete, Aklan

Dumulog sa himpilan ang pamilya ng isang OFW na nagtatrabaho sa Saudi para magsumbong tungkol sa modus ng scammer o budol budol.

Sa kwento ng complainant , may naging kaibigan raw sa facebook ang kanyang anak na nasa Saudi, bagamat hindi pa sila nagkita ng personal nanligaw raw ang nagpakilalang foreigner at magpapadala raw ito ng malaking halaga sa mga pamilya ng OFW.

Pinakita pa raw nito ang mga larawan ng mga gamit, alahas at malaking halaga raw ng pera na milyong piso ang halaga pagdating sa Pilipinas.

Inilagay na daw niya ito sa Box at ipinadala na sa Pilipinas sa nanay ng biktima.

Pagkalipas ng mga araw tumawag naman ang nagpakilalang taga Bureau of Custom at humingi raw ng ₱15,000.00. Agad naman na nagpadala ng pera ang mga biktima.

Pagkalipas ng ilang araw tumawag na naman ito at humingi ulit ng ₱20,000.00. Nangutang ulit ang mga biktima at pinadala sa suspek.

Pagkatapos ng ilang araw wala paring package na naideliver at tumawag na naman ang suspek at humihingi ng ₱37,000.00 para sa delivery raw.

Dito na nagduda ang tatay ng OFW at dumulog ito sa Energy fm.

Sunuri namin ang tracking number ng package sa website ng courier at walang makita.

Sinamahan rin namin ang mga ito sa Remittance center para makita ang larawan ng taong pinadalhan nila ng pera at kung taga saan ito. Ngunit ayon sa Remittance center kailangan nila ng police blotter at iba pang dukumento.

Kaya idinulog na namin sa Balete PNP ang kasong ito para matulungan ang mga biktima.
Nangako naman si Sp03 Dadivas na tutulungan nila ang mga biktima.##

- ulat ni Kasimanwang Archie Hilario, Energy FM Kalibo

Monday, July 09, 2018

PAGHATI SA AKLAN SA DALAWANG DISTRITO, APRUBADO NA SA HOUSE OF REPRESENRTATIVES

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang pagsasadalawang distrito ng Aklan.

Kinumpirma ito ni Aklan lone district representative Cong. Carlito Marquez sa panayam ng Energy FM Kalibo. Alinsunod ito sa inakdaan niyang House Bill 7522.

Sa nasabing bill, ang unang distrito ay binubuo ng mga bayan ng Altavas, Batan, Balete, Banga, Kalibo, New Washington, Libacao, at Madalag.

Ang ikalawang distrito naman ay binubuo ng mga bayan ng Buruanga, Ibajay, Lezo, Makato, Malay, Malinao, Nabas, Numancia, at Tangalan.

Kailangan pa umanong dumaan sa Senado ang nasabing batas at kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Saturday, June 02, 2018

AKLAN NIYANIG NG LINDOL?

Kinumpirma ni Jo Arlo Zabar ng Phivolcs-Aklan na nakaranas ng mahinang pagyanig ng lupa ang ilang bayan sa Aklan.

Kabilang umano sa mga ito ang Isla ng Boracay, Malay, Buruanga, Ibajay at Nabas.

Anya epekto ito ng lindol na naransan sa Romblon alas-5:28 ng umaga ngayong araw na may lakas na 4.0 magnitude.

Ang mga lugar na nabanggit anya ay malapit o daanan ng fault line.

Wala nama anyang naiulat na nasaktan sa nasabing paggalaw ng lupa sa Aklan.

Thursday, May 10, 2018

NASA 200 SANGKOT SA ILIGAL NA DROGA POSIBLENG MAKALAYA SA AKLAN

photo (c) RHU Lezo
Nangangamba ngayon ang mga law enforcer sa Aklan sa posibleng paglaya ng nasa 200 mga preso na sangkot sa iligal na droga.

Ayon ito kay provincial prosecutor Chris Gonzales ng Department of Justice kasunod ng pag-adopt ng plea bargaining framework cases ng Korte Suprema.

Sinabi ni Gonzales na kung noon ay panghabambuhay na pagkakulong ang kahaharapin ng mga nahuling nagtutulak ng droga, hindi na umano ito ganito ngayon.

Anim na buwan hanggang apat na taon nalang ang pagkakulong nila. Ito ay para bigyan umano ng pagkakataong magbago ang mga "small-time" user at pusher.

Ito ay kapag ang nakuha sa kanila sa pagtutulak ng droga ay hindi umabot ng isang gramong "shabu" o 10 gramo ng marijuana.

At kapag ang nakuha sa kanilang posesyon na shabu ay hindi umabot ng limang gramo o 300 gramo ng marijuana.

Ayon sa prosecutor isasailalim rin nila sa community rehabilitation ang mga makakalaya sa kanilang kaso. Nakadepende pa sa korte kung tatanggapin nila yung plea bargaining.

Pinasiguro naman niya sa taumbayan na hindi titigil ang mga law enforcer sa pagsawata ng iligal na droga sa probinsiya./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Thursday, November 09, 2017

BOARD MEMBER NG NEGROS ORIENTAL PATAY NANG ATAKEHIN SA PUSO SA ISANG TOUR SA AKLAN

Patay ang isang board member ng Negros Oriental matapos itong atakehin sa puso sa isang tour sa dito sa bayan ng Kalibo, Aklan Huwebes ng umaga (Nov. 9).

Si 2nd district board member Atty. Arturo Umbac ay isinugod pa sa isang pribadong ospital sa bayang ito pero dineklarang ring patay.

Sa impormasyong nakalap ng Energy FM Kalibo, naglalakad si Umbac sa ASQ Bakhawan Eco-Park park nang bigla nalang itong nahimatay.

Si Umbac ay nasa Aklan simula Miyerkules para sa dalawang araw na legislative tour. 

Kasama niya sa tour na ito ang iba pang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at ang kanilang vice governor at ngayon ay officer in charge sa office of the governor Edward Mark Macias.

Monday, October 09, 2017

AKLAN AT 16 MUNISIPYO PASADO SA GOOD FINANCIAL HOUSEKEEPING NGAYONG TAON

Pasado ang pamahalaang lokal ng Aklan at ang 16 na munisipalidad sa Good Financial Housekeeping (GFH) matapos magpakita ng kahusayan sa financial administration.

Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG) nakapasa ang mga ito sa mga sumusunod na criteria:


“1. Unqualified or Qualified COA Opinion of the immediately preceding year;

2. Compliance with the Full Disclosure Policy: Posting of Financial Documents in three (3) Conspicuous Places and in the Portal;

3. Posting of Electronic Statement of Receipt and Expenditures (e-SRE) in BLGF Website.”

Ayon kay Atella Peralta-Velasco, local government operation V ng DILG-Aklan, hindi nakasama ang bayan ng Malay sa nasabing listahan dahil hindi nila na-comply ang unang criteria.

Paliwanag ni Velasco, ang GFH ay bahagi lamang para makapasok sa Seal of Good Local Governance (SGLG).

Ang GFH Certification ay requirement sa mga LGU para maka-access ng loans alinsunod sa Local Finance Circular No. 1-2012 at sa mga national program kagaya ng Bottom-Up Budgeting Program at SALINTUBIG Program ng DILG.

Monday, July 24, 2017

APAT NA MUNISIPALIDAD SA AKLAN PINARANGALAN NG DOH DAHIL SA PAGLALAAN NG SAPAT NA DUGO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ginawaran ng Sandugo award ng Departmet of Health ang apat na bayan sa Aklan.

Ang parangalan ay kasunod nang makapag-ambag ng isang porsyentong koleksiyon ng dugo ng kabuuang populasyon ang bawat bayan.

Ang mga ito ay mga bayan ng Banga, Lezo, Malinao, at Madalag.

Ginawaran din ng parehong parangal ang mg barangay ng Poblacion, Balete; Cabangila, Altavas; Poblacion, Batan; Cabugao, Batan; at Cajilo, Makato.

Maliban sa mga ito, tatlo ring non-government organization sa probinsiya ang ginawaran ng Sandugo award.

Samantala, pinaghahandaan narin ng probinsiya ang pagsasagawa ng Blood Donors Month bukas, Hulyo 25.

Kabilang sa aktibidad ang motorcade, at grand blood donation na pangungunahan ng Provincial Health Office, Philippine Red Cross, at Aklan Blood Coordinating Council.

Ang aktibidad na ito ay pagsuporta sa National Voluntary Sevice Program ng DOH na naglalayong maitaas ang kamalayan ng publiko sa paglalaan ng sapat na dugo.

Saturday, July 22, 2017

AKLAN, NAKAPAGTALA NG PINAKAMARAMING INDEX CRIME SA BUONG REHIYON

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakapagtala ng pinakamaraming index crime ang lalawigan ng Aklan sa buong rehiyon sa unang limang buwan ngayong taon.

Sa report ng Police Regional Office 6 (PRO6), ang Aklan ay may kabuuang 1,125 kaso ng index crime na mahigit 20 porsyentong pagtaas kumpara sa parehong peryod noong nakaraang taon.

Ang index crime ay mga krimen kontra sa ibang tao gaya ng murder, homicide, physical injury at rape.

Nabatid na ang ang lalawigan ng Aklan ay nakapagtala ng pinakamataas na kaso ng physical injury sa buong rehiyon sa bilang na 504.

Paliwanag ng PRO6, ang kasong ito ay madalas na nangyayari dala ng kalasingan lalu na sa isla ng Boracay.
Napag-alaman na ang ang index crime sa mga lungsod ng Iloilo, mga lalawigan ng Guimaras, Antique at Capiz ay bumaba mula 29 hanggang tatlong porsyento.

Sa kabila nito, ang crime volume sa Western Visayas ay bumaba ng 7.27 porsyento ngayong taon mula Enero hanggang Mayo kumpara noong nakalipas na taon sa mga nabanggit na buwan.

Bumaba rin ang mga crime against property gaya ng theft at robbery sa rehiyon sa nasabing peryod.

Friday, July 21, 2017

PCSO CHAIR CORPUZ NAKIPAGDAYALOGO SA MGA ALKALDE, MGA HEPE NG PULIS SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakipagdayalogo si Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) chairman Jose Jorge Corpuz sa mga alkalde at mga hepe ng pulis sa Aklan.

Sa naganap na dayalogo, inilahad ni Corpuz ang mga programa at proyekto ng PCSO lalu na ang tulong na dala ng operasyon ng Small-town Lottery (STL).

Iginiit ni Corpuz na ang STL ay isang paraan para kumita ang gobyerno na ginagamit sa paglalaan ng tulong medikal sa taumbayan.

Ayon sa report ng PCSO Aklan, sa buwan ng Hunyo ay kumita ng mahigit na siyam na milyon ang operasyon ng STL sa lalawigan.

Gayunman mababa ang bilang na ito sa kanilang presumptive monthly retail receipt (PMRR) na 23 milyon bawat buwan.

Ipinagmalaki ng PCSO ang kabuuang mahigit Php3 milyon na bahagi na naibigay na nila sa mga lokal na pamahalaan sa Aklan sa operasyon ng STL simula Marso nitong taon.

Nagpaabot naman ng hinaing ang ilang opisyal sa umao’y kakulangan ng koordinasyon ng authorized agent corporation na Yetbo sa mga lokal na pamahalaan kaugnay ng kanilang operasyon.

Sa kabilang banda, ayon sa Aklan PNP, wala pa silang napag-alamang iligal na aktibidad kaugnay sa operasyon ng STL sa probinsiya.

Tuesday, July 18, 2017

MGA TAON NG 2017 HANGGANG 2027 IDINEKLARA BILANG “DECADE OF ACTION FOR ROAD SAFETY” SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Dineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang mga taon ng 2017 hanggang 2027 bilang “Decade of Action for Road Safety” sa lalawigan.

Ang nasabing resolusyon ay inihain nina SP member Nemesio Neron at Jay Tejada.

Ayon kay Neron, layunin nito na mabigyang pansin at matugunan ang mga aksidente at insidenteng nagaganap sa mga kalsada.

Sinabi pa ng lokal na mambabatas na target nilang mapababa ang road accident sa 50 porsyento sa susunod na limang taon.

Naniniwala ang may akda na sa pamamagitan nito ay maiangat nila ang kamalayan ng taumbayan sa road safety at para makahikayat ng suporta mula sa iba-ibang sektor.

Matatandaan na isinusulong rin ng Sanggunian ang panukalang batas na nagtatakda road safety sa mga kalsadahin sa probinsiya na lusot na sa ikalawang pagbasa.

Una nang sinabi ng may-akda na si SP member Tejada, ang pagbuo ng nasabing batas ay dahil narin sa sunud-sunod na mga kaso ng aksidente sa kalsadahin sa Aklan.

Samantala, nakatakda namang magsagawa ng road safety summit ang probinsiya sa darating na Hulyo 25.

Friday, July 07, 2017

MGA OPISYAL NAGHAHANDA NA PARA SA INAGURASYON NG BAGONG LEGISLATIVE BUILDING NG AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Naghahanda na ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaang lokal ng Aklan para sa inagurasyon ng bagong gusali ng Sangguniang Panlalawigan sa darating na Hulyo 27.

Ang inagaurasyon ay gaganapin dakong ala-1:00 ng hapon at magsisimula sa unveiling of markers, ribbon cutting at blessing kasama si senadora Cynthia Villar bilang panauhing pandangal.

Susundan ito ng maigsing programa simula sa panalangin na pangungunahan ni Sangguniang Panlalawigan member Ramon Gelito. Pambansang Awit at Aklan Hymn na pangungunahan naman ng SP Employees Choir.

Susundan ito ng mensahe si vice governor Reynaldo Quimpo at isang audio visual presentation.

Magbibigay rin ng kanyang mensahe ang ang asawa ni vice governor Quimpo at dati ring vice governor ng probinsiya na si Gabrielle Calizo-Quimpo. Siya rin ang magpapakilala sa panauhing pandangal sa inagurasyon na magbibigay rin ng kanyang mensahe.

Pagkatapos nito ay magsasagawa ng 47th regular session ang Sanggunian at kauna-unahang sesyon sa bagong inagurang gusali na itinaon naman sa State of the Province Address ng gobernador.

Wednesday, July 05, 2017

MGA BAYAN SA AKLAN TATANGGAP NG PHP207 MILYONG PONDO MULA SA DILG

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tatanggap ng Php207.964 milyon ang 17 bayan sa Aklan sa pamamagitan ng Assistance to Disadvantaged Municipalities (ADM) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon sa DILG-Aklan, pinakamalaki sa pondong ito ang mapupunta sa Tangalan na may Php22.714 milyon; Kalibo na may Php16.964 milyon; Malay na may Php14.893; Numancia at Makato na may mahigit tig-Php13 milyong pondo.

Makakakuha naman ng mahigit tig-Php11 milyong pondo ang mga bayan ng Ibajay at New Washington. Ang Lezo ay makakakuha ng mahigit Php12 milyon.

 Mahigit tig-Php10 milyon naman ang para sa mga bayan ng Balete, Banga, Batan, Libacao, at Nabas.
Ang mga bayan naman ng Altavas, Buruanga, Madalag at Malinao ay may mahigit Php9 milyong pondo bawat isa.

Gagamitn ng mga lokal na pamahalaan ang pondong ito para sa mga proyekto kagaya ng system, evacuation facility, local access roads, small water impounding, at sanitation and health facilities.

Naibigay ang pondo sa mga munisipalidad na ito matapos ma-complied ang Seal of Good Financial Housekeeping (GFH) at assessment sa kanilang Performance Management System (PFM).

Umaasa naman ang DILG na magagamit ng wasto ng mga lokal na pamahalaan ang pondong ito para mapaulad pa ang serbisyo sa taumbayan.

Tuesday, July 04, 2017

'BIG ONE' POSIBLENG TUMAMA SA AKLAN AYON SA PDRRMO

Posibleng tumama sa probinsiya ng Aklan ang pinangangambahang 'Big One' ayon sa opisyal ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (Pdrrmo).

'Big One' ang tawag sa pinakamalakas na lindol na posibleng maganap sa bansa lalu na sa Kamaynilaan.

Ayon kay Galo Ibardolaza, executive officer ng Aklan-Pdrrmo, posible itong maganap sa probinsiya dahil sa tinatawag na West Panay Fault.

Paliwanag ni Ibardolaza, ang West Panay Fault ay napakalapit lamang sa boundary ng Aklan at Antique, Iloilo at Capiz hanggang sa Aniniway, Antique.

Nabatid na ang Kalibo ay 23 kilometro lamang ang layo mula sa nasabing fault.

Dagdag pa ng opisyal, walang nakakaalam kung kailan mangyayari ang 'Big One'; hindi anya tulad ng bagyo na may forecast.

Matatandaan na niyanig ng malakas na lindol ang 1990 na ikinasira ng Kalibo cathedral at simbahan sa Libacao.

Kaugnay rito, nagsagawa naman ng primer ang Department of Science and Technology (Dost) at ang Department of Education (Deped) sa mga paaralan.

Ito ay para maituro sa mga estudyante ang parte sa lindol at kung ano ang pwede nilang gawin kapag nangyari ito. (PIA)

Kasimanwang Darwin Tapayan

Thursday, June 29, 2017

MARQUEZ NAKIPAGPULONG SA MGA OPISYAL NG PNP AT DILG KAUGNAY SA SEGURIDAD SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) DILG-Aklan
Pinatawag ni Aklan Congressman Carlito Marquez ang mga opisyal ng Philippine National Police para sa isang peace and order briefing.

Kasama ni Marquez sa nasabing pagpupulong sina PNP Regional Director PCSupt. Cesar Howthorne Binag, PNP Aklan Provincial Director PSSupt. Lope Manlapaz, at Department of Interior ang Local Government (DILG) - Aklan Provincial Director John Ace Azarcon.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Marquez layunin nito na masiguro ang kahandaan ng mga awtoridad sa probinsiya kasunod sa mga banta ng terorismo sa ibang lugar.

Sinabi pa ng kongresista na naka-alerto ang mga kapulisan sa mga posibleng pag-atake ng terorista sa probinsiya lalu na sa isla ng Boracay.

Paliwanag ni Marquez, nabahala umano siya dahil narin sa mga bilang ng bakwit mula sa Marawi City o sa Lanao del Sur sa narito ngayon sa Aklan.

Pinasiguro naman anya ng mga kapulisan sa kanya na sumasailalim sa profiling at imbestigasyon ng mga awtoridad. Sa ngayon anya, ang mga salta sa Aklan ay walang direktang ugnayan sa mga terorista o sa mga Maute group.

Ayon pa kay Marquez, walang dapat ikabahala ang mga Aklano pero dapat anya ay manatili paring mapagmatyag at makipagtulungan sa mga kapulisan.

Monday, June 26, 2017

MGA NATIONAL ISSUE PINAG-USAPAN SA MAKASAYSAYANG MEDIA FORUM SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) Nida Lachica Gregas
Sumentro sa mga usaping pambansa ang mga topiko sa makasaysayang media forum sa Aklan na dinaluhan ng mga kilalang opisyal ng gobyerno.

Ang unang media forum na ito na ipinangalan sa yumaong dating kongresista ng Aklan na si Allen Quimpo ay dinaluhan ng nasa 200 katao mula sa media, estudyante, guro, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, at iba pang sector.

Sa kanyang mensahe sinabi ni local government undersecretary John Castriones na ang pagresolba sa suliranin ng droga sa bansa ay trabaho ng lahat kabilang na ang mga ordinaryong tao.

Ayon kay Castriones, na simula ng maupo si pangulong Rodrigo Duterte, nasa 1.4 milyon na ang sumuko sa ilalim ng Oplan Tokhang. Ipinagmalaki rin niya ang pagpapatayo g mga rehabilitation center para sa mga surrenderers na ito.

Binigyag diin rin ni Castriciones na ang malaking tulong ang pederalismo sa Aklan.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni tourism assistant secretary Frederick Alegre na ang Aklan ay nangunguna parin sa mga tourist destinations sa bansa at sa buong mundo.

Tinalakay naman ni dating senador Heherson Alvarez ang kahalagahan ng Paris Agreement kung saan hinikayat niya ang taumbayan na makipagtulungan para masulba ang problema sa climate change.

Ang media forum na ito ay inorganisa ng Aklan Press Club sa tulong ng iba pang organisasyon at ng lokal na pamahalaan ng Aklan. (PNA)

Wednesday, June 21, 2017

COLD STORAGE FACILITY ITATAYO SA AKLAN PARA GAWING ‘EXPORT PROVINCE’

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Itatayo sa probinsiya ng Aklan ag isang cold storage facility na magsisilbing refrigerator para sa mga iluluwas na mga produkto sa labas ng bansa.

Ayon kay Allan Angelo Quimpo, chairman ng Kalibo Save the Mangrove Association (KASAMA), ang pagkakaroon ng cold storage facility ay  daan sa Aklan para maging ‘export province.’

Bukas anya ang pasilidad na ito sa lahat na gustong mag-refrigerate ng kanilang iluluwas na produkto kabilang na ang mga isda at mga prutas.

Ayon pa kay Quimpo, ang storage facility ay libreng ipinagkaloob ng Noryanjin Fisheries Market Cooperative sa Korea na siya ring direktang merkado ng mga iniluluwas na produkto.

Ang cold storage facility na itatayo sa Bakhawan Eco-Park sa brgy. New Buswang ay mayroon ding blast freezer para mapanatiling sariwa ang mga produktong iluluwas sa ibang bansa.

Pangangasiwaan ng KASAMA, isang non-government organization, ang nasabing pasilidad sa tulong ng pamahalaang lokal ng Aklan at Korea International Cooperation Agency.


Monday, June 19, 2017

SEN. VILLAR BIBISITA SA AKLAN SA INAGURASYON NG LEGISLATIVE BLG

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Bibisita si senador Cynthia Villar sa Aklan sa inagurasyon ng state-of-the-art two-storey building ng Sangguniang Panlalawigan.

Si Villar ang panauhing pandangal at tagapagsalita sa inagurasyon na gaganapin sa Hulyo 27.

Kasabay ng pagbubukas nito ang state of the province address ng gobernador sa ika-47th regular session ng Sanggunian.

Bahagi ng bagong gusali ang session hall na may 120 setting capacity, holding rooms para sa mga bisita, expandable meeting rooms.

Mayroon din itong administrative at legislative offices, tanggapan ng SP secretary at employees' pantry.

Sa second floor ay ang opisina ng bise gobernador, myembro ng Sanggunian, library at archives.

Umaasa si bise gobernador Reynaldo Quimpo na lalu pa nilang mapapabuti ang kanilang trabaho sa pagbubukas ng nasabing gusali.

Saturday, June 10, 2017

2 NAITALANG PATAY SA AKLAN DAHIL SA DENGUE AYON SA PHO

Umabot na sa 269 bilang ang kaso ng dengue sa probinsiya ng Aklan mula Enero 1 hanggang Mayo 16 kung saan dalawa na rito ang naitalang patay.

Ayo sa report ng Aklan Provincial Epidemiology Surveillance and Response Unit (APESRU) mas mababa ang bilang na ito ng 24 porsyento kumpara sa nakaraang taon sa parehong period na may 356 kaso.

Lahat ng 17 bayan sa Aklan ay nakapagtala ng mga dengue cases. Pinakamataas rito ang bayan ng Kalibo na mayroon nang 56 bilang; Numancia na may 33; at Malinao na may 24.

Ang bayan ng Malay ay nakapagtala ng 20 kaso ng dengue kung saan dalawa rito ang naitalang patay – mga batang nagkakaedad tatlo at lima.

Lumalabas rin sa report ng Apesru, karamihan sa mga natatamaan ng sakit ay nasa age group 1 to 10 na nakapagtala ng 84 bilang.

Hinikayat naman ng health office ang publiko na sundin ang 4S strategy – search and destroy of breeding places, seek early consultation, observe self-protection, at say no to indiscriminate fogging, para maiwasan ang dengue.

AKLAN ‘INSURGENCY FREE’ PARIN AYON SA PHILIPPINE ARMY

‘Insurgency free’ parin ang probinsiya ayon kay Lt. Col. Leomar Jose Doctolero, 12th infantry battalion commander ng Philippine Army dito sa Aklan.

Sa isang media forum, sinabi ni Doctolero na wala umano silang natanggap na report na may mga nakapasok o kumukutang rebeldeng armadong grupo sa probinsiya.

Binabatayan narin umano ng mga army ang ginagawang Banga-Libacao road kasunod nang insidente ng panunog ng dalawang heavy equipment na pagmamay-ari ng BSP company.

Inaalam parin umano nila kung kagagawan ba ito ng mga rebeldeng grupo.

Nakikipagtulungan rin sila sa mga kapulisan, navy, coastguard at iba pang security forces at lokal na pamahalaan para sa mahigpit na seguridad sa isla ng Boracay.

Nanawagan naman siya sa taumbayan na maging mapagmatyag kasunod ng mga pag-atake ng mga terorista sa Bohol, sa Marawi at maging ng insidente sa Resorts World Manila.

Thursday, June 08, 2017

MGA DATING OFWs SA AKLAN SASAILALIM SA 'LIVELIHOOD TRAINING'

Sasailalim sa 'livelihood training' ang mga overseas Filipino workers (OFW) na wala nang balak pang lumabas ng bansa.

Ang "Balik-Pinay, Balik Hanapbuhay" ay kaloob ng National Reintegration Center for OFWs (NCRO) sa pamamagitan ng Provincial Public Employment Service Office (Peso) - Aklan.

Bibigyang prayoridad sa training ay mga babaeng nakaranas ng pang-aabuso habang nasa trabaho sa abroad na walang legal na mga papeles.

Ayon kay Vivian Ruiz-Solano, Peso-Aklan manager, ang libreng training ay meat processing at baking.

Nakatakdang isagawa ang training sa Hulyo 19 hanggang 23 na nakalaan para sa 35 slots.

Dahil limitado lamang ang slot, hinikayat ng Peso manager ang mga interesado na magpalista agad sa kanilang tanggapan sa provincial capitol compound, bitbit ang mga dokumentao na nagpapatunay na sila ay nakapagtrabaho  abroad.