Saturday, October 08, 2016

Pagtatayo ng cockpit arena sa Kalibo, muling idadaan sa public hearing

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Dapat ay magsagawa muna ng isang public hearing bago maaprubahan ang ipapatayong sabungan sa Brgy. Tigayon, Kalibo.

Ito ang ihinayag ni Kalibo Sangguniang Bayan Member Mark Ace Bautista sa ginanap na regular session ng SBKalibo.

Kasabay din nito ay ang pagrerekomenda na bago ang naturang pagdinig ay dapat na rerepasuhin muna nila ang aplikasyon ng may-ari sa pamamagitan ng commitee hearing sa darating na Martes.

Aminado si Bautista na inconsistent ang kanilang report sa naunang hearing dahil sa kakulangan ng miyembro ng komitiba pero itinuloy pa rin ito.

Napag-usapan rin ang mga magiging hakbang ng konseho para sa mga huling mag-a-apply para makapagtayo ng sabungan sa bayan ng Kalibo. Ayon kay Vice Mayor Madeline Regalado, open for application pa rin naman ang pagbibigay ng prangkisa sa munisipyo.

Napag-alaman na nakasumite na ng kahilingang makapag-apply si Freddie Mabasa ng prangkisa para sa pagbubukas ng sabungan sa Brgy. Tinigaw.

Gayun pa man, nilinaw sa konseho na kailangan muna niyang makapag-comply sa mga requirements ng munisipyo. Nabatid kasi na ang lugar na pagtatayuan ng sabungan sa lugar ay isang agricultural land at kinakailangan pa ng mga proseso para mai-convert ito.

Hindi pa rin naman inaalis ng munisipyo ang karapatan ng iba pa na makapag-apply.

Sa kabila nito, sinabi ni SB Daisy Briones na sa isang munisipyo ay isang cockpit center lang ang pwedeng mag-operate.

Friday, October 07, 2016

TRUCK VS TRIKE: Principal patay; isa pa kritikal

NINA DARWIN TAPAYAN AT ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Hindi na umabot pa ng buhay sa district hospital ng Ibajay ang isang 46-anyos na principal matapos mabanga ng truck ang sinasakyang tricycle sa Poblacion, Nabas dakong alas-11:30 kahapon ng tanghali.

Sa blotter report ng Nabas PNP station, kinilala ang naturang biktima na si Juliet Salminao, prinsipal ng Gibon Elementary School ng naturang bayan.

Kritikal naman ang kalagayan ng driver ng tricycle na si Jay Taniongan, 29, residente ng Brgy. Laserna sa parehong bayan.

Napag-alaman na sumalpok umano sa naturang tricycle ang delivery truck na minamaneho ni Reenan Saracanlao, 29, ng Sebaste, Antique.

Nabatid na pakurbada ang lugar at madulas ang daanan kaya ito lumihis at sumalpok sa kasalubong na tricycle.

Tumilapon ang tricycle sa kanal at ang nag-iisang pasahero ay naipit ng truck matapos tumalsik palabas ng sinasakyan.

Sinubukan ng mga tao na iangat ang truck para ma-rescue ang naipit na biktima ngunit hindi nila ito kinaya.

Ikinailangan pang magpadala ng isang buldoser ng Nabas LGU sa lugar para maiangat ang truck at makuha ang naipit na biktima.

Matiwasay namang sumuko sa mga kapulisan ang suspek at nasa kustodiya na ngayon ng Nabas PNP station. Nahaharap siya sa mga kaukulang kaso.

Babaeng wanted dahil sa kasong theft, arestado sa Lezo, Aklan

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Arestado ang isang babaeng pinaghahahanap dahil sa kasong pagnanakaw sa bayan ng Lezo.

Kinilala ang akusado na si Ma. Gracia Legaspi y Caballero, 44-anyos na taga-Brgy. Ibao, Lezo, Aklan.

Batay sa ulat ng Lezo Municipal PNP Station na nakarating sa PNP Region 6 Office, naaresto ang nabanggit na suspek sa nabanggit ring barangay sa bisa ng warrant of arrest sa kasong theft.

Ang warrant of arrest ay pirmado ni Hon. Elmo F. Del Rosario, Judge, RTC 6, Branch 5, Kalibo, Aklan na may petsang Setyembre 23, 2016 at may nakatakdang ailbond na P40,000.00.

Pansamantalang nakakulong ngayon ang akusado sa Lezo Municipal PNP Station.

Bahay sa Tinigaw, Kalibo, pinagbabaril; tao sa loob, nakaligtas

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Pinagbabaril ang isang bahay sa Brgy. Tinigaw, Kalibo kahapon ng madaling araw.

Ang masabing bahay ay pagmamay-ari ni Owal Cerezo, 43-anyos, kagawad ng nasabing barangay.

Sa ulat ng Kalibo PNP Station, naganap ang pamamaril bandang alas-2:30 ng umaga.

Habang natutulog sina Cerzo at kanyang mga kasama ay dalawang beses raw silang pinaputukan ng di pa nakikilalang suspek.

Tinamaan at nawasak ito ng bintanang salamin ng bahay.

Sa kabutihang palad ay agad na nakadapa sina Cerezo at ang mga kasama nito kaya hindi sila tinamaan.

Inaalam pa ngayon ng pulisya ang motibo sa pamamaril.

Negosyante sa Kalibo, tinatakot ng nagpakilalang leader ng rebelde

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Dumulog sa Kalibo PNP Station ang isang negosyante sa Kalibo, Aklan dahil sa pananakot ng isang nagpakilalang “Ka Ramil” na leader raw ng rebelde mula sa Antique at humihingi ng P5,000.00.

Tinanggihan daw nila ang hiling ng suspek at doon na nag-umpisa ang pananakot at pagbabantang may masamang mangyayari sa kanilang pamilya.

Nagulat na lang ang pamilya ng negosyante nang nitong umaga ay may dalawang bala ng baril ang nakita sa loob ng kanilang compound na pinaniniwalaan nilang ihinagis roon ng suspek.

Dahil dito ay nagdesisyon na ang biktima na dumulog sa Kalibo PNP at dito nila nalaman na may ganitong modus na rin na nangyari sa bayan ng Numancia kung saan nahuli ang mga suspek sa pamamagitan ng entrapment operation at kalaunan ay nasampahan na rin ng kaso.

Para makita ang mga suspek, pumunta roon ang mag-asawa para tingnan ang larawan ng mga nahuling suspek at isa sa mga ito ang namukhaan ng negosyante.

Ang lalaking ito raw ay makailang ulit na pumunta sa shop nila at nagtanong tungkol sa negosyo nilang metal works.

Sa ngayon ay plano magsampa ng kaso ng negosyante laban sa nasabing lalaki.

Mga may-ari ng mga apektadong lupa sa KIA expansion, nag-kilos protesta


Nagsagawa ng isang kilos protesta kahapon ng
umaga ang mga may-ari ng mga lupang apektado ng isasagawang pagpapalapad ng Kalibo International Airport (KIA).

Nag-umpisa ang rally sa Brgy. Pook, Kalibo at nagtapos sa harap ng Aklan Provincial Capitol.

Tinatayang nasa humigit-kumulang 200 katao ang naki-isa sa nasabing kilos protesta dala ang mga placards na naglalaman ng kanilang mga mensahe at panawagan para sa pamunuan ng paliparan at lokal na pamahalaan ng Kalibo at Aklan.

"Mag-ingat sa pekeng mga prankisa ng sasakyan" - Kalibo Vice Mayor Regalado

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

“Mag-ingat sa mga pekeng prankisa”.

Ito ang panawagan ni Vice Mayor Madeline Regalado sa isinagawang press conference kahapon ng umaga sa Kalibo Municipal Hall.

Humarap at hayagan ding humingi ng patawad si Julius Serrano, ang napag-alamang nagbebenta ng mga pekeng prankisa ng mga sasakyan sa Kalibo.

Sinabi ng bise alkalde na nagdulot ito ng malaking kahihiyan sa kanya at maging sa buong munisipyo matapos maugnay ang isang empleyado sa kanyang tanggapan sa paglalabas ng mga pekeng prankisa.

Matatandaan na inaresto ng mga kapulisan si Serrano sa bayan ng Banga nitong Lunes matapos mapag-alamang nagbebenta ito ng mga palsipakadong prangkisa.

Ginawa ang entrapment operation matapos ang isa sa kanyang napagbentahan sa naturang bayan ay kunwaring magbabayad ng hulugan sa kabuuang P20,000.00 sa araw na iyon.

Sinamapahan siya ng kasong "other deceits" pero agad ding nakapagpiyansa sa halagang P2,000.00.

Nalaman na peke ang binibenta nitong mga prangkisa dahil lumagpas na ito ang bilang ng mga inilabas ng munisipyo. Dalawa sa mga ito ay may mga numerong "3032".

Nilinaw ni Administrative Officer Artemio Arrieta Jr. na siyang nagbeberipika ng mga prankisa, na ang bilang ng kasalukuyang prankisa na inilabas ng munisipyo ay hanggang "2988" lamang.

Inamin ni Serrano na dahil sa kahirapan ng buhay kaya niya pinasok ang nasabing iligal na gawain. Pahayag pa nito, una na siyang nagtrabaho sa Highway Patrol Group at sa tanggapan ng LTO. Marso umano nitong taon nang pasukin niya ang ganitong pagmemeke ng mga dokumento.

Pinaiimbestigahan na rin ni Mayor William Lachica ang mga empleyado na isinasangkot ni Serano sa isyung ito. Dagdag pa niya, maaring marami pa ang kagaya ni Serrano ang gumagaw ng ganito. Nanindigan naman si Regalado na magsasampa rin ng kaso ang LGU-Kalibo laban sa kanya.

Thursday, October 06, 2016

Budol-Budol Gang muling sumalakay sa Aklan; lola, na-biktima

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Muli na namang sumalakay ang Budol-Budol Gang sa Aklan. Biktima rito ang isang lola tangay ang kanyang pera at mga alahas na tinatayang aabot ng P8,000.00.

Salaysay ng biktimang si Winona Lazarte, 72-anyos, residente ng Brgy. Linabuan Norte, Kalibo, habang nasa Goding Ramos St. ito ay bigla na lang umanong lumapit sa kanya ang mga di pa nakikilalang mga suspek.

Humihingi umano ng tulong ang lalake at babaeng suspek na makahanap ng sasakyan para sa kanilang mga sugpo mula Roxas, Capiz.

Kalaunan ay nakipagkasundo itong maglagay ng kanyang P1,000.00 na pera at singsing at kuwintas na aabot ng mahigit P6,000.00 sa isang pouch na naglalaman umano ng P50,000.00. Ipinalagay pa umano nila sa shoulder bag ng naturang lola saka mabilis na umalis.

Kalaunan, labis ang pagsisisi ng biktima nang malamang wala roon ang kanyang pera at mga alahas at sa halip ay purong mga papel lamang ang laman ng naturang pouch.

Nagsagawa pa ng hot pursuit ang mga kapulisan matapos nakapag-ulat kaaagad ang biktima gayunman ay hindi na natagpuan pa ito. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol rito.

Pampasabog natagpuan sa baybayin ng Boracay

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) Ben Mobo

Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa mga natagpuang explosive devices sa tabing baybayin sa isla ng Boracay kahapon.

Napag-alaman sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na nakita umano ng isang residente ang mga kahina-hinalang bagay na palutang-lutang sa dagat sa So. Balinghai, Brgy. Yapak kaya agad nitong ipinagbigay alam sa mga awtoridad.

Ayon kay SPO1 Christopher Mendoza ng BTAC, narekober umano nila ang 49 blasting caps na nakalagay sa timba at dalawang galon na naglalaman ng ammonium nitrate.

Tinitingnan naman ng mga awtoridad na posibleng gagamitin ang mga ito sa iligal na pangingisda sa lugar.

INVESTIGATIVE REPORT: 15-anyos na dalagita, pinaniniwalaang ginahasa at iniwan sa palayan sa New Washington, Aklan

NINA ARCHIE HILARIO AT NIEL VILLANUEVA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nakatali ang mga kamay, nakabusal ang bibig at naka-baba ang suot na pantalon at underwear ng isang babaeng natagpuan sa isang palayan sa Brgy. Jugas, New Washington, Aklan alas-6:00 kahapon ng umaga, Oktubre 5.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa nanay ng biktima, napag-alaman na bandang 6:45 ng umaga nitong Oktubre 4, umalis ng bahay ang dalagita upang pumasok sa paaralan.

Nag-baon pa nga raw ito ng kanin at ulam para hindi na umuwi para magtanghalian.

Ayon pa sa nanay, saulado na raw niya ang oras ng pag-alis at pag-uwi ng anak mula sa eskwela.

Pero mag-a-alas-5:00 pasado na ng hapon ay hindi pa raw nakakauwi ang dalagita. Alas-5:00 ng hapon raw ang normal na oras ng pag-uwi nito kaya kinabahan na silang lahat.

Alas 5:41 ng hapon, nag-reply ang dalaga sa text ng nanay at ganito ang sinabi: "Ma gapauli eon kami, nag-obra pa bi kami it regalo para kay ma’am hin-aga." (Ma, pauwi na kami. Gumawa pa kasi kami ng repalo para kay ma’am para bukas.)

Kaya naghintay na lamang ang nanay at mga kapatid ng dalagita sa pag-uwi nito.

Sumapit ang alas-8:00 ng gabi pero hindi pa rin nakakauwi ang dalagita, kaya tinawagan na nila ang cellphone nito.

Makailang ulit rin nilang tinawagan ang cellphone ng biktima at bandang huli ay sinagot naman raw ito pero walang nagsasalita sa kabilang linya.

Lalong nadagdagan ang kanilang pag-alala pero wala naman daw silang maaaring gawin kundi ang hintayin ang pag-uwi ng dalagita. Inisip na lang daw nila na mga kaklase lang ng biktima ang kasama nito at maaaring may tinatapos lang na proyekto.

Alas-6:00 ng umaga ng sumunod na araw ay nabulabog ang ilang residente ng Brgy. Jugas matapos na may matagpuang isang babaeng nakabusal, nakatali ang dalawang kamay, at nakababa na ang suot na pantalon at natatakpan pa ng dayami.

Inakala nilang patay na ito kaya hindi agad nila ito ginalaw. Pero nang makita nilang kumilos ang nakagapos na dalagita ay agad na tinawag ang mga barangay health workers upang mabigyan ito ng paunang lunas habang naghihintay ng sasakyan na magdadala sa ospital.

Naisugod agad sa hospital ang biktima at ligtas na ito.

Sa ngayon ay nasa ospital na ang dalagita at nasa ligtas na’ng kalagayan. Nakatakda naman itong isailalim sa pagsusuri para malaman kung nagahasa nga ang biktima.

Nananawagan naman ang nanay ng biktima sa suspek na sumuko na at harapin ang nagawang krimen.

Nagpapatuloy naman ang New Washington PNP sa kanilang imbestigasyon para makilala ang suspek sa pag-abuso sa biktima.

EXCLUSIVE: 13 anyos na babae ginahasa ng sariling pinsan; suspek kalaboso

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Kalaboso ang isang 27 anyos na lalake sa bayan ng Libacao, Aklan matapos gahasain ang isang 13 anyos na dalagita sa loob ng bahay ng biktima.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ng nanay ng biktima na nangyari ang naturang insidente dakong alas-4:00 kaninang umaga habang mahimbing na natutulog ang anak niyang babae sa kanyang kuwarto.

Kuwento ng ginang, natanggal umano ng suspek ang tali ng pintuan ng bahay at marahang tinungo ang biktima at saka hinalay. Matapos nito ay nagtago ang suspek sa palikuran ng bahay nang magising ang biktima.

Agad umanong nagsumbong ang biktima sa kanyang kuya na nasa kabilang kuwarto. Nakatakbo pa ang suspek pero naabutan ito ng kuya ng biktima at nakahingi ng tulong sa mga tanod ng barangay.

Nakakulong ngayon sa himpilan ng Libacao PNP ang naturang lalaki at posibleng maharap sa kasong rape.

Kinilala ng ina ang suspek na si Franklin Biray na pamangkin umano ng ama ng biktima.

Napag-alaman na nasa bukid ang ina at ama nang mangyari ang insidente habang ang apat pang kapatid na kasama ng biktima sa loob ng bahay ay mahimbing na natutulog.

Wednesday, October 05, 2016

Iligalista sa palengke ng Kalibo, lilinisin

NINA DARWIN TAPAYAN AT ROMMEL DESLATE, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Patuloy pa rin ang ipinapatupad na clearing operation sa palengke ng Kalibo sa pag-aalis ng mga ilegal na extension at mga bangketang humaharang sa daanan ng mga mamimili.

Nagbibigay ng tatlong araw na palugit ang Market Administration Division ng Kalibo sa bawat negosyanteng lumalabag sa Ordinance no. 2002-016 and Revenue Ordinance no. 2014-21.

Nakasaad sa naturang ordinansa ang pagbabawal sa lahat ng mga negosyante ang maglatag ng mga bangketa sa mga daanan o anumang bagay na maaring makaabala sa mga mamimili.


Ayon kay OIC Market Administrator John Ariel Fernandez, bibigyan rin nila ng puwesto ang bawat negosyanteng mapapaalis nila lalo na ang mga naglalako lamang at walang pormal na puwesto.

Mahigit 30 informal settlers sa tabing baybayin ng Brgy. Pook, Kalibo, pinapaalis ng PENRO

NINA DARWIN TAPAYAN AT ROLLY HERRERA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Binigyan na ng 15 araw na palugit simula ngayong araw ang nasa 35 mga informal settlers na tila kabute na nagsulputan sa tabing baybayin ng Brgy. Pook, Kalibo.

Ang mandatong ito ay inalabas ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) upang mapangalagaan ang Mangrove at Beach Forest Rehabilitation Project sa lugar na sinimulan noong 2014.

Nabatid sa imbestigasyon ng PENRO na karamihan sa mga ito ay nagmula pa sa mga barangay Andagao, Pook, New Buswang, at maging mga taga-ibang lugar sa labas ng Kalibo.

Kasama din sa listahan ng mga informal settlers ang pangalan ng ilang mga opisyal at empleyado ng gobyerno.

Karamihan din sa mga istraktura ay nakabakod at may ilan na gawa sa konkreto, ngunit walang mga kaukulang permit mula sa Department and Environment and Natural Resources (DENR) at lokal na pamahalaan ng Kalibo.

Pinatawag na kahapon ng PENRO si Punong Barangay Ronald Marte at ilang mga informal settlers para sa mga nararapat na aksyon at pakikibahagi sa programa ng gobyerno.

Mga karapatan at responsibilidad ng mga mamimili, tinalakay sa monthly meeting ng DTI at Aklan media

Ni Archie Hillario, Energy FM 107.7 Kalibo

Muling pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga mamimili ng kanilang mga karapatan sa isinagawang monthly meeting ng nasabing ahensya kasama ang mga miyembro ng media sa probinsya ng Aklan.

Ilan sa mga karapatan ng mga konsyumer ay ang pagkakaroon ng pantay na karapatan sa pangunahing pangangailan o basic needs; karapatang pumili ng produkto; karapatan sa kaligtasan o “right to safety”; at ang kasiguraduhan na ligtas ang konsyumer sa kapahamakan sakaling gumamit ng nasabing produkto kung saan nakapaloob ang paglalagay ng label sa produkto, petsa ng pagkakagawa at kung kailan ito mag-e-expire.

Karapatan din ng isang konsyumer na dinggin ang mga hinaing o reklamo patungkol sa isang produktong nabili at bayaran ang kapinsalaan idinulot nito; at malaman ang mga nakapaloob sa isang produkto katulad ng mga sangkap na ginamit, pangalan ng manufacturer at iba pa.

Kung may mga karapatan ang mga mamimili ay nagpaalala rin ang DTI na may kaakibat din itong responsibilidad, tulad ng pagkakaroon ng mapanuring kamalayan o ang pagiging mapanuri o mausisa sa mga binibiling produkto; pagkilos kung saan kung depektibo ang produkto na binili ay ibalik agad ito sa nagbenta o sa kung saan ito binili; at kamalayan sa kapaligiran o ang maayos na pagtatapon ng mga basura mula sa biniling produkto.

Sinabi din ng DTI Aklan na sakaling may nilabag ang sinuman sa karapatan ng isang mamimili ay bukas ang tanggapan ng nasabing ahensya sa mga hinaing at reklamong ipaaabot dito at agad nila itong aaksyunan.

Tuesday, October 04, 2016

Search and buy bust operation, ikinasa sa Tinigaw, Kalibo, Aklan; 11 sachet ng suspected shabu, na-rekober!

 NI ARCHIE HILARIO AT ROMMEL DESLATE, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Isang drug buy bust operation ang ikinasa ng Kalibo PNP kung saan narekober ang umabot sa 11 sachet ng mula sa isang lalake sa Brgy. Tinigaw, Kalibo.

Kinilala ang suspek na si Rommel Dania Garcia alyas Butsoy, 39-anyos, residente ng Purok 5 Brgy. Tinigaw, Kalibo, Aklan.

Sa report ng Kalibo PNP, nakuha sa suspek ang isang sachet ng suspected shabu at pera sa pamamagitan ng buy-bust operation.

Pagkatapos ng buy bust ay binasahan ng search warrant ang suspek at sinuri ang buong bahay. Doon nakuha ang dagdag na 10 sachet ng suspected shabu, ilang tableta ng gamot at mga pera.

Inamin naman ng suspek sa Energy FM Kalibo na gumagamit sya noon ng shabu pero tumigil na raw ito dahil sa Oplan Tokhang.

Sinabi rin nito na naimbitahan at kinausap na rin sya noon ni Kapitan Toto Reyes ng nasabing barangay dahil sa napapabalitang sangkot nga ito sa droga, pero sinabi raw nito na matagal na siyang huminto sa pag-gamit ng ipipagbabawal na gamot.

Teacher’s Day ipagdiriwang bukas

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Kakalembangin ang mga kampana ng nasa mahigit 400 mga pribado at pampublikong paaralan sa Aklan at agad na susundan ng isang ecumenical prayer bukas, alas-10:05 ng umaga, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Teachers’ Day.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Department of Education (DepEd) Aklan Division Supt. Dr. Jesse Gomez, sinabi niya na maging ang ibang tanggapan ng gobyerno ay magdiriwang din ng Teachers’ Day. Binigyang diin niya na marahil wala ang ibang indibidwal sa kanilang mga propesyon kung wala rin ang mga guro.

Maliban rito ay nakatakda ring magsagawa ng mga simpleng programa ang mga paaralan bilang pagbibigay-pugay sa mga guro. Napag-alaman na ang Aklan sa kasalukuyan ay mayroong mahigit sa 4,000 guro na nagtuturo sa mga pampublikong paaralan.

Gayunman, pinaalala niya na walang anumang sapilitang kontribusyon ang gagawin mula sa mga estudyante para sa mga aktibidad na ito maliban na lamang kung napagkasunduan ng mga guro at mga magulang.

Dagdag pa niya na pagkakataon na ng mga guro bukas na makapagpahinga maliban lamang anya sa mga Grade 6, 10, at 11. Gayunpaman, nilinaw niya na bukas ay isang working holiday para sa mga nagtatrabaho sa mga paaralan.

Nabatid na maliban sa Teachers’ Day, inilaan din ng pamahalaan ang isang buwang pagdiriwang para sa mga guro mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 na siya ring Teachers’ Month. Ang buong pagdiriwang ay may tema ngayong taon na “Guro: Kabalikat sa Pagbabago”.

Pagtatatag ng Local Legislative-Executive Agenda Committee (LEDAC) sa Kalibo, inirekomenda

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Inirekomenda ng isang miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) ng Kalibo ang pagtatatag ng Local Legislative-Executive Agenda Committee (LEDAC) sa bayan ng Kalibo.

Ayon kay Kalibo SB member Cynthia Dela Cruz, nakadepende ang pagiging matagumpay ng isang local government unit sa dalawang bagay: ito ay ang magagandang ordinansa at resolusyon na ginagawa ng legislative department; at ang epektibong implementasyon ng mga ordinansa at mga polisiya ng executive body at iba’t-ibang mga departamento.

Anya, kailangan din ng kooperasyon, koordinasyon, at monitoring ng dalawang departamento at ng pribadong sektor upang maging epektibo ang pag-iimplementa ng mga programa.

Dahil dito, ani Dela Cruz, kailangang magpulong ng dalawang sector upang mag-plano at tignan ang mga missions and visions, strategies and priorities ng mga kasalukuyang ipinapatupad na mga programa at mag-balangkas ng iba pang mga programa para sa munisipalidad.

Sa ihinaing Resolution No. 059, inaatasan nito ang aklalde ng Kalibo na gumawa ng legislative-executive mechanism for regular coordination of the various department and offices sa munisipyo ng Kalibo, na tatawaging Local Legislative-Executive Agenda Committee (LEDAC).

Dagdag pa ni Dela Cruz, sa sandaling maipasa na ang nasabing resolusyon ay sunod nilang ibabalangkas ang isang ordinansa upang maisabatas ang nasabing mekanismo.

Ang LEDAC ay isa sa mga organisasyon na isunusulong na ilagay sa kada munisipyo at siyudad sa bansa.

Labi ng butanding, napadpad sa baybayin ng Malay, Aklan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photos: (c) Jackie Lou Lozada

Isang butanding na may 17 talampakang haba ang natagpuang patay sa tabing-baybayin ng Naasug, Malay, Aklan nitong araw ng Sabado.

Sa pag-usisa ng mga Malay Bantay-Dagat at maritime police, napag-alamang naaagnas na ang naturang hayop.

Nabatid na ito rin ang unang pagkakataon na inanod sa baybayin ng Malay ang ganito kalaking butanding.

Sinasabing malamang ay dahil sa katandaan ng edad kaya namatay ang butanding. Sinasabing karaniwang tumatagal ang buhay ng mga ito sa pagitan ng 50-70 taon.

Kinailangan pa ang isang backhoe loader para maialis sa lugar ang butanding na may lapad na tatlong metro para mailibing sa isang malapit sa lugar.

Napag-alamang nanganganib na ang ganitong uri ng hayop base sa ulat ng International Union of Conservation of Nature (IUCN).

Kalibo Ati-Atihan Festival, magpapatikim sa Tamboe Salvo

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) kaliboati-atihan2013.blogspot.com

Magpapatikim na ang Ati-atihan Festival kung gaano kasaya at kakulay ang kasiyahan sa Aklan.

Ayon sa Kalibo Sto. Nino Ati-Atihan Foundation, Inc. (KASAFI), isasagawa na ang Tamboe Salvo ngayong Oktubre 21 kung saan mag-sasadsad-panaad ang 40 tribal at modern groups sa saliw ng kanilang mga tambol sa ilang piling kakalsadahan sa Kalibo.

Mag-uupmisa ito bandang ala-1:00 ng hapon at babaybayin nila ang ilang mga piling kalsada mula sa Kalibo Magsaysay Park papuntang Kalibo Pastrana Park.

Ipapakita din publiko sa kauna-unahang pagkakataon ang labing-anim na mga contestants ng Mutya it Kalibo Ati-Atihan at ilulunsad din ang bagong festival song ng sikat na kasiyahan.

Sa gabi ay magkakaroon naman ng DJ battle sa Kalibo Magsaysay Park kung saan tampok ang ilang mga disk jockeys ng mula sa Iloilo at Manila.

Inaasahan na maraming makiki-isa sa Tamboe Salvo kasama na ang mga miyembro ng local government units, simbahan, at mga merrymakers.

Dahil dito ay asahang magpapatupad ng pagsasara ng ilang mga kalye at kakalsadahan sa Kalibo at ang maigting na pagpapatupad ng seguridad ng mga kapulisan.

Ayon kay KASAFI chairman Albert Menez, ang nasabing salvo ay patikim sa makulay na selebrasyon ng kinikilalang “Mother of All Festivals” na ipinagdiriwang upang bigyang-pugay ang Senor Sto. Nino de Kalibo.

Sunday, October 02, 2016

Babae arestado sa drug buy-bust operation sa Kalibo

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Kalaboso ang isang 27-anyos na babae sa isinagawang drug buy-bust operation sa Purok 6, C. Laserna, Poblacion, Kalibo bandang alas-6:00 ng hapon kahapon.

Nakilala ang suspek na si Babyln Eusebio na residente ng nabanggit na lugar.

Ayon sa report ng Kalibo PNP, narekober sa babae ang P1,000.00 na pinagbilhan ng isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.

Nabatid na una nang naaresto ang kanyang live-in partner sa parehong kaso at presenteng nakapiit sa BJMP-Aklan.

Wala namang iba pang drogang nakuha sa suspek sa isinagawang body search maliban sa cellphone at P25.00.

Sa panayam ng ENERGY FM Kalibo, sinabi ni Eusebio na itinapon lamang sa kanya ng kanyang kasamahan ang buy-bust money. Nagulat lang din umano ito na may nakalapag nang sachet ng sinasabing shabu sa mesa.

Nahaharap ngayon si Eusebio sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Kaso ng pambu-bully sa mga estudyante sa Aklan tumaas ng 96%

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nakakabahala ngayon ang pagtaas ng kaso ng pambu-bully sa mga estudyante sa mga elementarya at high school sa probinsiya ng Aklan matapos itong 96% kumpara noong 2015. Ayon sa Department of Education (DepEd) Aklan, nakapagtala na sila ng 283 kaso sa taong ito kumpara noong nakaraang taon na umabot lamang ng 144.

Dalawa sa mga kasong ito ay cyber bullying at apat ay gender-bullying sa school year 2015-2016. Naitala rin ang 194 kaso ng pisikal na pambu-bully, samatalang ang 81 ay may kinalaman sa social bullying.

Hindi kasama sa bilang na ito ang mga parehong kaso sa mga pribadong mga paaralan.

Ayon kay DepEd Aklan Education Program Specialist II Roland Democrito, ang kaso ng child bullying ay maaaring physical, social, gender-based, retaliation o pag-ganti at cyber-bullying.

Tumaas rin sa 97% ang bilang ng mga kalalakihang biktima ng pambu-bully kumpara noong nakaraang taong pampanuruan na 96%. Tumaas rin sa 96% ang mga babaeng nabibiktima mula sa 49%.

Pinasiguro naman ni Democrito na pinaiigting nila ang kanilang kampanya sa paglaban sa kaso ng pambu-bully sa mga pribado at mga pampublikong paaralan sa probinsiya. Anya, nakikipagtulungan sila sa mga mamamayan at mga awtoridad para makapagbigay ng impormasyon at edukasyon ukol rito.