Friday, November 11, 2016

Mga nakahambalang sa mga kakalsadahan sa Kalibo, ipinapatanggal ng Sangguniang Bayan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Aprubado na sa Sangguniang Bayan ng Kalibo sa isinagawang 18th regular session ang resolusyon na nagtatakda sa Alkalde ng Bayan ng striktong pagpapatupad ng Ordinance No. 2002-057.

Nakasaad sa batas na ito ang pagbabawal sa mga pagdi-display ng mga paninda, movable billboards, commercial signs, at mga signpost sa mga pampublikong lugar kabilang na ang sidewalks, pedestrian lanes, at road shoulders.

Sa kanyang presentasyon sa Sanggunian, ipinakita ng proponent na si Kalibo SB Member Daisy Briones ang mga larawang kuha niya sa parehong araw na nagpapakita ng mga paglabag sa ordinansang ito. Kabilang sa mga lugar na ito ang Regalado St. cor. Acevedo St., Toting Reyes St., at sa mga ilang lugar sa Kalibo Shoping Center.

Paliwanag ni SB Briones, nagiging dahilan umano ito ng mabagal na daloy ng trapiko dito. Dagdag pa niya, ang mga ilang establishments ay naglalagay ng kani-kanilang mga sariling "no parking" signs sa mga kalsadahan samantalang hindi naman nila pagmamay-ari ito.

Sinabi naman ni Vice Mayor Madeline Regalado, maaari anyang lumagpas ng isang metro ang mga establishment bago ang kalsadahin dahil anya sinisingil naman nila sila pero paglabag na ito kapag lumagpas na.

Samantala, nagkaroon naman ng sagutan sa sesyon kung ang kahilingan bang ito ay dapat na idaan na lang sa sulat o kung sa isang resolusyon. Ipinaabot ni SB Wendell Tayco na makabubuting idaan na lang ito sa sulat para hindi na dumami ang mga resolusyon samantalang may ordinansa na ukol sa mga ito, at kailangan na lamang ang pagpapaalala sa alkalde para sa implementasyon nito.

Sa huli ay nagbotohan ang Sanggunian kung saan lima ang pumabor sa pagpapasa ng resolusyon.

Bagong paraan sa pagsasagawa ng Community Based Monitoring System, ipapatupad sa Kalibo

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Upang maging mas epektibo ang implementasyon ng Community Based Monitoring System (CBMS) na ipinatutupad sa pangalawang pagkakataon ay kinuha na ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang suhestiyon ng mga punong barangay, at ito ang pag-plantsa ng ilang mga problemang na-encounter sa unang pagpapatupad ng CBMS sa nasabing bayan.

Sa forum na dinaluhan ng mga barangay council members sa Kalibo na hinanap sa Ati-atihan County Inn nitong nakalipas na linggo, pumirma ng pledge of commitment ang mga punong barangay sa Kalibo kasama na ang mga barangay councils at technical working group ng CBMS.

Ipinaliwanag din nina LGOO 5 Debralyn Romero at Charity Agayani ng DILG central office ang pinagkaiba ng CBMS sa naunang ipinatupad na programa noong 2013. Sa nasabing taon, “paper-based” ang isinagawang survey kung saan dadaan pa ito sa walong proseso bago makuha ang resulta. Ngunit sa ipapatupad na bagong CBMS survey ay mobile o tablet-based na ito, at dadaan lang sa pitong proseso.

Walang babayaran ang LGU Kalibo sa pagsailalim sa CBMS survey at nangangailangan lang ng Android-based mobile data capture system, CBMS StatSIMPro at quantum GIS.

Sinabi naman ni Kalibo Mayor Willam Lachica na masuwerte ang bayan ngn Kalibo na makakapag-sagawa ulit ng second round ng CBMS sa pamamagitan ng Bottoms Up Budgeting System 2016.

Anya, malalatulong ito sa mga barangay sa Kalibo upang malaman kung gaano kahirap ng sitwasyon ng pamumuhay ng mga nakatira dito, bilang ng mga pamilyang mahihirap, mga tirahang nasa loob ng danger zones, at iba pang aspeto ng pamamahala.

Muslim leaders, pulisya, at military sa Aklan, nagkasisa sa pag-laban sa terorismo at iligal na droga

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Pinagtibay ng Muslim leaders, army, at kapulisan sa pamamagitan ng isang covenant signing ang pagkakaisa sa pag-laban at pag-sugpo sa iligal na droga sa probinsya ng Aklan.

Ang joint covenant signing na naganap nitong Nobyembre 8 sa Camp Major Jesus Jizmundo sa Libas, Banga ay dinaluhan ng mga Muslim religious leaders, police, military at provincial government officials ng probinsya at pinangunahan ito ni 3rd Infantry Division commandeer Major General Harold Cabreros.

Binigyang-diin ng nasabing covenant signing ang pagkakaroon ng commitment at pagpapatibay ng mga pinagsama-samang inisyatibo mula sa iba’t-ibang partido upang labanan ang terorismo at iligal na droga

Ilan sa mga nakilahok sa nasabing covenant signing ay ang mga Muslim leaders ng Boracay Muslim Association, Aklan Islamic Jama-ah Incorporated, Kalibo Islamic Jama-ah Incorporated; United Federation of Muslim Association of Western Visayas, Region VI at Noor Allah Village sa Barangay Camanci, Numancia, Aklan.

Dumalo din sa nasabing aktibidad sina Aklan Police Provincial Office (APPO) Dir. S/Supt. John Mitchell Jamili, 12th Infantry Battalion commanding officer Lt. Col. Leomar Jose Doctolero, Aklan Sangguniang Panlalawigan Member Nemesio Neron, Kalibo PNP PCInsp. Terence Paul Sta. Ana, Malay PNP Chief Insp. Mark Evan Salvo, at Numancia PNP S/Insp. Keenan Ruiz.

Ayon kay Lt. Col. Antonio Tumnog, executive officer ng 12th IB, maging ang mga Muslim religious leaders sa mga probinsya ng Antique at Iloilo ay sumusuporta din sa naturang hangarin.

Matatandaang ang apg-laban sa terorismo at iligal na droga ang pangunahing pinag-tuuunan ng pansin ngayon ng Duterte Administration.

Thursday, November 10, 2016

Babaeng natagpuan sa palayan sa Jugas, New Washington, hindi umano ginahasa

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

“Walang nangyaring rape.”

Ito ang paninindigan ni SPO2 Zoila Hilario, WCPD investigator ng New Washington PNP, kaugnay sa natagpuang babae na nakabusal at nakagapos ang mga kamay sa isang palayan sa Brgy. Jugas, New Washington noong ika-5 ng Oktubre.

Sa ekslusibong panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Hilario na base umano ito sa nakalap nilang mga physical evidences kasama na ang resulta ng mediko legal ng 15-anyos na biktima kung saan lumabas na negatibo ito sa sexual penetration. Sinabi pa ng imbestigador na ibinababa na nila ang kaso sa abduction.

Napag-alaman rin na nahihirapan pa ang mga awtoridad sa pagtukoy sa responsable sa naturang aksidente matapos anyang nagbago ng paglalarawan ng mukha ng salarin ang biktima. Muli anya silang bubuo ng facial composition kung saan idadaan na naman ito sa panibagong case session.

Posible rin anyang isailalim sa psychiatric assessment ang biktima.

Matatandaan na natagpuan na lang ang naturang babae sa palayan na hinang-hina at una ng pinaniwalaan ng mga tao na ginahasa at itinapon roon. Hindi rin masabi ng biktima kung siya ay nagahasa talaga. Ang naaalala lamang umano niya ay tinakpan siya ng isa sa dalawang suspek sa kanyang ilong at nawalan na ito ng malay.

Anya, isinakay lamang siya sa motorsiklo at ang namumukhaan niya ang back rider ng nasabing motorsiklo na siya ngayong ipapalarawan sa kanya ng mga kapulisan sa posibleng pagkakakinlalan at agarang pagdakip sa kanya.

Lalaki, arestado sa drug buy-bust operation sa isang hotel sa Kalibo

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Isang lalake ang sa isinagawang drug buy-bust operation sa Avenue 5 Hotel sa Roxas Avenue, Kalibo Aklan.

Kinilala ang suspek sa pangalang Doddie "Boyet" Palomata Cawaling, 41-anyos, at taga Plaridel St., Poblacion, Nabas, Aklan.

Nakunan ng ilang mga sachet ng pinaghihinalaang shabu ang suspek na nagkakahalaga ng umaabot sa Php 200,000.00.

Nagkasundo ang asset na sa loob ng hotel i-a-abot ang shabu.

Nang i-abot ang suspected shabu ay nasilip ng asset na may baril na nakapatong sa kama sa Room 19 kung saan naka-check in ang suspek.


Nakumpiska ng PNP mula sa suspek ang baril, cellphone at P4,000.00 na buy-bust money.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, inamin ni Boyet na gumagamit siya ng shabu pero hindi raw nagbebenta.

Hindi rin daw sa kanya ang baril na narecover ng mga pulis nang magsagawa ng search sa tinutuluyan niyang kuwarto kasama ang kanyang asawa at maliit na anak.

Wednesday, November 09, 2016

4Ps members sa Aklan, bibigyan ng hanapbuhay

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Upang mabigyan ng disenteng trabaho ang mahigit apatnaraang Aklanon na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay magsasagawa ng isang job fair ang ilang government organizations dito sa bayan ng Kalibo.

Ang “Hanabuhay Job Caravan” na magaganap sa a-diyes ng Nobyembre, araw ng Huwebes, ay isasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 6 sa pamamagitan ng kanilang Sustainable Livelihood Program (SLP) sa tulong ng Provincial Government ng Aklan, Public Employment Service Office (PESO) Aklan, at Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang mahigit apatnaraang Aklanon na miyembro ng 4Ps na target na bigyan ng kabuhayan ng nasabing job fair ay sumailalim sa training sa mga Technical Vocational Schools na accredited ng Technical Educational and Skills Development Authority (TESDA).

Iba’t-ibang mga kumpanya at licensed recruitment agencies mula sa Manila, Iloilo, Boracay at maging dito sa Kalibo ang hinikayat ng PESO Aklan upang makapag-bigay ng trabaho sa mga interesadong aplikante.

Inaasahang darating sa Hanapbuhay Job Caravan si DSWD 6 Officer in Charge Regional Director Rebecca P. Geamala upang mag-bigay ng mensahe sa mga miyembro ng 4Ps.

Tatalakayin din sa mga aplikante sa nasabing job fair ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa Bureau of Internal Revenue (BIR), DOLE, Home Development Mutual Fund (Pag-ibig Fund), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Philippine Statistics Authority (PSA), Social Security Services (SSS), at TESDA.

Ang Hanapbuhay Job Caravan na gaganapin sa ABL Sports Complex, Provincial Capitol, Kalibo ay magsisimula sa alas-otso ng umaga at magpapatuloy hanggang alas-singko ng hapon.

Monday, November 07, 2016

12 lalaki, arestado sa drug buy-bust operation sa Boracay

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Arestado ang 12 lalaki sa isinagawang drug buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Malay Municipal Police Station sa pangunguna ng hepe na si PCI Mark Ivan P. Salvo at ng Boracay Tourist Asistance Center sa pangunguna ni PSI Jess P. Baylo.

Kinilala ang mga naaresto na sina:
1. John Barry “Opyong” Camua, 22-anyos, ng Ochando, New Washington
2. Mark Anthony “Manikin” Galicia, 23-anyos, ng New Washington
3. Aldwin Kirk “Maxine” Abello, 30-anyos, ng Acevedo St., Kalibo
4. John Aldrin Francisco, 30-anyos, ng Rizal St., Kalibo
5. Jestoni Tonic, 26-anyos, ng General Santos City
6. Michael Dave Salcedo
7. Hilmar Celestino, 30-anyos, ng Rizal St., Kalibo
8. Alvin Calitizen
9. Harlie Verano, 26-anyos, ng Guadalupe, Cebu City
10. Ronel Sollano, 20-anyos, ng Poblacion, Ibajay
11. Kim Delicano 25-anyos, ng Mandaue, Cebu, at
12. Rafael Ybanez, 30-anyos, ng Cebu City

Narecover sa mga suspek ang 20 sachet ng suspected shabu at P2,000 buy bust money.

Nakakulong na sa Boracay PNP Station ang mga suspek.

Pagka-putol ng primary line sa Boracay, iimbestigahan ng Akelco

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Iimbestigahan ng Aklan Electric Cooperative, Inc. (Akeclo) ang nangyaring aksidente sa isla ng Boracay nitong Sabado na ikinasawi ng dalawang tao at ikina-ospital ng isa pa.

Ayon sa ipina-abot na open letter ng nasabing electric cooperative sa Energy FM Kalibo, ikinalulungkot ng kanilang pamunuan ang nangyaring aksidente matapos na mapatid ang kanilang primary line at mahulog ang bahagi ng naputol na linya sa bahay ng mga biktima sa Sitio Hagdan, Brgy. Yapak sa nasabing isla.

Hindi pa umano tiyak ang sanhi ng pagkaputol ang nasabing linya ngunit nagsasagawa na sila ngayon ng imbestigasyon sa tulong ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at Institute of Integrated Electrical Engineers of the Philippines (IIEE) para malaman ang tunay na nangyari.

Ilalabas nila sa publiko ang resulta ng imbestigasyon sa oras na matapos na ito.

Sa ngayon ay hindi pa makakapag-bigay ng komento ang pamunuan ng Akleclo tungkol sa nasabing aksidente. May inisyal na impormasyon man ang nasabing kumpanya ngunit mas pinili nilang hindi muna ito ilabas upang hindi mapangunahan ang ginagawa nilang imbestigasyon.

Inaasahan naman nila ang kooperasyon at pag-intindi ng publiko tungkol sa nasabing pangyayari.

Matatandaang naisugod pa sa magkahiwalay na pribadong klinika sa isla ang mga biktimang sina Arnilyn Salibio, siyete anyos, at Cristina Matillano, trenta’y-uno anyos, ngunit idineklara ding dead on arrival ng mga attending physicians.

Isinugod naman sa isang ospital sa bayan ng Kalibo ang isa pang biktimang nagdadalang taong na si Rosita Salibio, kwarenta’y-uno anyos at ina ng namatay na si Arnilyn.

2-anyos na bata, nalunod sa kanal, patay!

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Malamig na bangkay na nang matagpuan ang isang 2-taong gulang na batang lalaki ng kanyang mga magulang matapos nila itong iwan sa kanilang bahay kasama ang kanyang 4-anyos na ate para manguha ng talaba sa dagat.

Sa report ng New Washington PNP, dakong ala-una ng hapon kahapon nang iwan ng mag-asawang Joel at Manilyn Navarro ang dalawa nilang maliliit na anak sa bahay sa Purok 5, Brgy. Pinamuk-an.

Banda alas-dos ng hapon nang may nakapagsabi sa kanilang nawawala na ang kanilang dos-anyos na anak. Dali-dali naming umuwi ang mag-asawa upang mahanap ito. Bandang alas-4:30 na nang matagpuan ang batang si MJ na wala nang buhay.

Napag-alaman na nadulas umano siya at nalunod sa kanal na tinatayang nasa isang metro ang lapad at lalim na apat na talampakan. Nabatid na mabilis ang agos ng tubig at umaapaw na ang kanal dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan kahapon sa lugar. Ang kanal ay ilang metro lamang ang layo sa likurang bahagi ng kanilang bahay.

Isinailalim naman ang bangkay sa post-mortem examination at hinihintay na ng mga awtoridad ang resulta.

3 nakuryente sa isla ng Boracay, 2 patay!

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Patay ang dalawa samantalang sugatan ang isa pa sa isla ng Boracay nang mahulugan ng live wire ng AKELCO na napatid mula sa poste sa So. Hagdan, Brgy. Yapak dakong alas-nuebe ng umaga nitong Sabado.

Naisugod pa sa magkahiwalay na pribadong klinika sa isla ang mga biktimang sina Arnilyn Salibio, 7-anyos, at Cristina Matillano, 31, gayunman ay idinieklarang dead on arrival ng mga attending physician.

Samantalang isinugod naman sa isang ospital sa bayan ng Kalibo ang isa pang biktimang nagdadalang taong na si Rosita Salibio, kwarenta’y-uno anyos at ina ng namatay na si Arnilyn.

Napag-alaman sa panayam kay Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) investigator PO3 Reinantor Prado na pumipitas lamang ng bunga ng papaya ang biktimang si Rosita kasama ang syete anyos na anak na babae at ang bumbili ng papaya na kapitbahay na si Cristina nang mangyari ang aksidente.

Ani PO3 Prado, iniimbestigahan na nila ang naturang aksidente upang malaman kung may kapabayaan o dapat bang managot ang AKELCO hinggil sa aksidente.