Saturday, October 07, 2017

LIBRENG WIFI SA MGA PAMPUBLIKONG LUGAR SA KALIBO SINUSULONG NG DEPARTMENT OF INFORMATION AND COMMUNICATION TECHNOLOGY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
photo (c) Flickr
Isinusulong ngayon ng Department of Information and Communication Technology (DICT) ang paglalagay ng libreng Wifi sa mga pampublikong lugar dito sa bayan ng Kalibo.

Sinabi ng kinatawan ng DICT-Aklan sa kanilang presentasyon sa regular session ng Sangguniang Bayan ng Kalibo, bahagi ito ng “Pipol Konek” project ng DICT sa buong bansa.

Kabilang umano sa mga lugar na posibleng lagyan ng nasabing proyekto ay ang Magsaysay Park, municipal hall, municipal library, kapitolyo at ang DICT office.

Walang gagastusin ang pamahalaang lokal ng bayan sa proyektong ito maliban lamang sa paglalaan ng lugar at ang bayarin sa kuryente. Posibleng sa taong ito ay maipapatupad na umano ang nasabing proyekto.

Kabilang sa feature ng free Wifi access na ito ay buong araw itong nakabukas, walang password, makokober ang layong 100 meters at posibleng magamit ng nasa 180 katao.

LALAKI NA WANTED SA KASONG RAPE SA NUMANCIA, AKLAN ARESTADO SA PROBINSIYA NG ANTIQUE

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado sa bayan ng Libertad, Antique ang isang 42-anyos na laborer na may kasong rape sa bayan ng Numancia, Aklan.

Kinilala sa police report ang akusado na si Jonel Ambay y Martizano alyas “bobong” at residente ng Brgy. Lindero, Libertad.

Inaresto ng mga kapulisan ng Numancia municipal police station ang suspek sa Brgy. Centro Este dakong alas-8:30, umaga ng Sabado (Oct. 7).

Ang pag-aresto ay kasunod ng ibinabang warrant of arrest laban sa akusado sa kasong two counts of rape alisunod sa Republic Act 8353 na inilabas ng Regional Trial Court sa Kalibo noon pang Disyembre 2002.

Unang ikinulong sa Libertad municipal police station ang lalaki at kalaunan ay dinala sa Numancia municipal police station para sa kaukulang disposisyon.

18 ANYOS NA LALAKI ARESTADO MATAPOS SALISIHAN ANG ISANG KOREANO SA ISLA NG BORACAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 18-anyos na lalaki sa Isla ng Boracay matapos niyang salisihan ang isang turistang Koreano madaling araw ng Sabado (Oct. 7).

Kinilala ang suspek na si Elito Claud Jr., residente ng Brgy. Nabaoy, Malay.

Ayon kay PO2 Alan Zamora, imbestigador ng Boracay Tourist Assistance Center, naganap ang insidente sa boat station 3 sa Brgy. Manocmanoc sa nasabing isla.

Inilapag umano ng biktimang si Chun Hun Ha, 48-anyos, ang kanyang pouch sa mesa nang bigla itong kunin ng nasabing suspek at mabilis na tumakbo papalayo.

Agad naman nakahingi ng tulong sa mga kapulisan ang biktima bagay na nahuli ang suspek.

Nakuha sa kanya ang pouch na naglalaman ayon sa imbestigador, nasa Php50,000 kasama ang kanyang mga ID at iba pang mga dokumento.

Pansamantala namang ikinulong ang suspek sa lock-up cell ng BTAC at sinampahan ng kasong theft.

INSENTIBO PARA SA MGA TRICYCLE DRIVERS NA NAGHAHATID NG MGA PASAHERO SA MGA VAN TERMINAL PLANONG IPAGBAWAL NG LGU KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

file photo
Plano ngayon ng Municipal Economic Enterprise and Development Office sa bayan ng Kalibo na i-regulate ang natatanggap na insentibo ng mga tricycle driver sa pagdadala ng mga pasahero sa mga van terminal.

Ito ay base sa sulat na ipinadala ni MEEDO head Jesse Fegarido sa Sangguniang Bayan.

Sinabi ng MEEDO head na nasa Php40-50 ang tinatanggap ng mga tricycle driver. Ang pagtanggap at pagbibigay umano  ng ganitong uri ng insentibo ay nagpapahina sa maayos na kompetisyon sa transport sector.

Kaugnay nito, nais ipatawag ng Sangguniang Bayan ang mga presidente ng iba-ibang Tricycle Operator at Driver’s Association, mga van operators at drivers, at iba pang mga kinauukulan para sa isang pagdinig.

Samantala, sa panayam ng Energy FM Kalibo sa mga van drivers, pabor sila na alisin na ang pagbibigay ng komisyon sa mga tricycle driver para sila nalang ang makinabang nito.

Hindi naman sang-ayon ang ilang mga tricycle driver na ipagbawal ito dahil malaking tulong umano ito sa kanilang araw-araw na pagkakayod.

Sa personal na opinion nama ni Johnny Damian, presidente ng Federation of Kalibo Tricycle Operators and Drivers’ Association na pabor siya na alisin na ito para hindi na pamulan pa ng away o samaan ng loob.

Friday, October 06, 2017

17 ANYOS NA LALAKI KRITIKAL MATAPOS TAMAAN NG BALA NG 'BOGA' SA ULO; SUSPEK ARESTADO

Kritikal ang kalagayan ng isang 17-anyos na construction worker matapos mabaril ng kasama sa isang construction site sa Brgy. Andagao, Kalibo hapon ng Biyernes.

Sa inisyal na impormasyon, nasa kasagsagan umano ng trabaho ang biktima na kinilala sa pangalang Christopher Orfanel kasama ang suspek na si Eljay Illavera, 25 anyos, pawang mga taga-New Buswang, Kalibo.

Naabutan umano ng may-ari ng boga na isa ring construction worker na nakabulagta na sa sahig ang sugatang biktima at hawak-hawak naman ng suspek ang boga.

Ayon sa may-ari, nasa isang tabi lang umano armas na posibleng pinakialaman ng suspek.

Agad na isinugod ang unconscious na biktima sa isang pribadong ospital para mabigyan ng kaukulang paggamot.

Arestado naman ang suspek at nakakulong na ngayon sa Kalibo police station para sa kaukulang disposisyon.

Patuloy pang iniimbestigahan ng Kalibo PNP ang naturang insidente. /EFMK

LALAKI SA MABILO, KALIBO BINARIL NG DI PA NAKIKILALANG SUSPEK

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo


Nagtamo ng sugat sa kaliwang bahagi ng hita ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng di pa nakikilalang suspek sa Brgy. Mabilo, Kalibo alas-11:00 pasado kagabi (Oct. 5).


Kinilala ang biktima sa pangalang Alydio Cipriano, 32, residente ng nabanggit na lugar. 

Nakaupo raw ang biktima sa terrace ng bahay nang bigla umanong pagbabarilin ng suspek.

Matapos ang insidente agad tumakas ang suspek. 

Samantala isinugod naman sa pribadong hospital ang biktima kung saan patuloy itong ginagamot. / EFMK

LALAKI SINAKSAK SA ISANG LAMAY SA IBAJAY, AKLAN PATAY

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang lalaki matapos saksakin sa isang lamay sa Barangay Ondoy, Ibajay, Aklan alas-10:00 kagabi.

Kinilala ang biktima sa pangalang Jeorge AscaƱo y Nalas, 30-anyos na residente ng nabanggit na lugar.

Naaresto naman ang suspek na si Rosannie Borres y Dalisay, 46-anyos, residente rin ng parehong  barangay.

Sa imbestigasyon ng PNP nasa sugalan raw ang biktima, nagkaroon ng diskusyon ang suspek sa iba pang kasugalan, umawat lamang ang biktima kaya nasaksak ito sa tiyan.

Naisugod pa sa Ibajay District Hospital ang biktima at kalaunan ay inilipat sa Aklan Provincial Hospital kung saan dito na binawiian ng buhay.

1,090 AGRICULTURAL PATENTS IGINAWAD NG DENR SA AKLAN; 11 PAARALAN NAKATANGGAP RIN NG SPECIAL PATENT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ginawaran Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 1,090 benepisaryo ng libreng agricultural patent sa lahat bayan sa Aklan Biyernes ng umaga.

Pinagkalooban rin ng special patent ang 11 paaralan:
1) Bay-ang Elementary School, Bay-ang, Batan;
2) Bubog ES, Bubog, Numancia;
3) Dumaguit ES, Dumaguit, New Washington;
4) Estancia ES, Estancia, Kalibo; 
5) Linayasan National High School, Linayasan, Altavas;
6) Madalag ES, Poblacion, Madalag;
7) Numancia National School of Fishiries, Albasan, Numancia;
8) Polo ES, Polo, New Washington;
9) Union ES, Union, Nabas;
10) Union NHS, Union, Nabas; at
11) Laserna ES, Laserna, Nabas.

Tumanggap rin ng special patent ang Provincial Environment and Natural Resources sa Bliss Site, Bakhaw Sur, Kalibo.

Pinangunahan nina DENR regional director Jim Sampulna, PENRO Ivene Reyes, Congressman Carlito Marquez, board member Jose Miguel Miraflores at iba pang opisyal ng pamahalaang lokal ang paggawad ng nasabing mga titulo.

Una nang nainanusyo na darating sa Aklan si DENR secretary Roy Cimatu upang pangunahan ang paggawad. Pero dahil sa hectic schedule ay hindi na nakarating si Cimatu.

Thursday, October 05, 2017

DENR SECRETARY ROY CIMATU NASA AKLAN BUKAS

Nasa Aklan bukas si Department of Environment and Natural Resources (DENR) secretary Roy Cimatu para sa Handog Titulo Program ng DENR.

Ayo kay Provincial Environment and Natural Resources Officer Ivene Reyes, si Cimatu ang gagawad ng 1,090 agricultural patentes sa 17 munisipalidad sa Aklan.

Igagawad rin ang 12 special patents sa nasabing programa bukas alas-9:00 ng umaga sa NVC Gymn sa bayan ng Kalibo.

Dadalo rin sa programang ito si DENR regional director Jim Sampulna at mga provincial officials. 

LASING NA SECURITY GUARD NAGPAPUTOK NG BARIL ARESTADO

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Inaresto ng PNP ang security guard na ito matapos ang sunod-sunod na pagpapaputok ng baril dahil sa kalasingan habang nakaduty sa Philippine Foremost Milling Corporation sa Brgy. Tigayon, Kalibo.

Kinilala ang gwardiya sa pangalang Ernil Kurt Gagwis y Lacarto, 30-anyos, taga-Iloilo City , security guard under sa Dyna Arms Security Agency. 

Narecover ng kapulisan sa lugar ang limang fired cartridge ng 9mm at isang unit ng Norinco Pistol, 1 magazine na loaded ng 6 na cartridge ng 9mm.

Nahihiya namang humarap sa news team ang suspek.

Wednesday, October 04, 2017

BRGY TANOD SA MALINAO, AKLAN NAGSAKSAK SA SARILI DAHIL SA AWAY MAG-ASAWA

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagsaksak sa sarili ang 52-anyos na barangay tanod sa Sandimas, Malinao pasado alas-12:00 ng tanghali kahapon.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay PSInsp. Alfonso Manoba Jr., hepe ng Malinao PNP Station, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na nag-away ang tanod at ang asawa noong lunes ng gabi.

Kinaumagahan ay nagsumbong sa PNP ang misis.

Kaya agad umaksiyon ang WCPD section ng Malinao PNP at pinuntahan sa bahay ang tanod at dinala sa PNP station. Sa pag-uusap nangako itong ‘di na mauulit ang pananakit sa asawa. 

Pero para masiguro naglabas raw ng 15 days protection order ang barangay justice system, kung saan nakasaad dito na hindi muna siya pwedeng lumapit sa kanyang asawa sa loob ng 15 araw kasabay ng pangakong pagbabago.

Pinayuhan din na doon na muna siya tumuloy sa bahay ng kapatid.

Pagkatapos ng pag-uusap inirelease naman ito sa kustodiya ng PNP.

Kaya agad itong umuwi sa bahay at nagpaalam na kukunin ang mga gamit ngunit pagdating sa bahay doon na ito nagsaksak sa sarili. Nagtamo ito ng sugat sa dibdib.

Agad isinugod sa provincial hospital ang biktima kung saan patuloy itong ginagamot.

BARANGAY AND SK POLLS NGAYONG OKTOBRE IPINAGPALIBAN NI PAGULONG DUTERTE SA MAYO 2018

Ulat ni Kasimanwang Joefel P. Magpusao, Energy FM 107.7 Kalibo

Ipinagpaliban ng Malakanyang ang Barangay at SK eleksyon at gaganapin ito sa ikalawang Lunes sa buwan ng Mayo 2018 sa halip na Oktubre 23 ngayong taon. 

Pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 10952 noon pang Lunes October 2, 2017 at ngayong araw inilabas sa media.

Sinasaad ng bill na "until their successors shall have been duly elected and qualified, all incumbent barangay officials shall remain in office, unless sooner removed or suspended for cause."

Ito ang pangalawang beses na napostpone ang barangay eleksyon sa ilalim ng Duterte Administration. 

Ayon sa Pangulo, 40 percent ng mga barangay captains nationwide ang involve sa illegal drugs at ginagamit ang kanilang impluwensya upang manatili sa puwesto.

PROPOSED TAX ORDINANCE NG AKLAN APRUBADO NA

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan sa ikatlo at huling pagbasa ang isinusulong na tax ordinance sa mga real properties.

Lahat ng miyembro ng Sanggunian na dumalo sa special session ay bumoto sa pag-apruba rito. Maliban lamang kina Harry Sucgang at Noli Sodusta na nabatid na nasa vacation leave.

Gayunman nilinaw ni vice governor Reynaldo Quimpo na bahagi sila ng nag-apruba ng consolidated committee report na naging basehan ng inaprubahang ordenansa.

Pagkatapos ng sesyon ay agad na nilagdaan ng mga miyembro ng Sanggunian at ng gobernador ang nasabing batas.

Ayon kay bise gobernador Quimpo, kumpara sa kasalukuyang tax ordinance ng probinsiya simula 2005, makikita ang mahigit 35% average sa pagtaas sa residential land; nasa 60% sa commercial; 55% sa residential at; 64% sa agricultural.

Nagtakda rin ng limitasyon ang Sanggunian sa bagong ordenansa ng 50% hangganan sa tax due sa lahat ng klase ng residential land at 10% naman sa agricultural.

Inaasahan na bago mag-Disyembre ay lalabas na ang bagong tax bill. Nakatakdang ipatupad ang tax ordenance no. 2017-001 simula Enero 1 ng susunod na taon.

Tuesday, October 03, 2017

TAX ORDINANCE SA MGA REAL PROPERTIES ISASALANG NA SA HULI AT IKATLONG PAGBASA

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isasalang na sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Panlalawigan ang isinusulong na tax ordinance ng probinsiya sa mga real properties sa kanilang special session bukas.

Nitong Lunes lumusot na sa ikalawang pagbasa ang nasabing panukalang batas sa regular session ng Sanggunian. Napagkasunduan rin dito ng karamihan sa mga miyembro ang nasabing special session.

Gaganapin ang 3rd special session na ito sa session hall ng legislative building sa Capitol compound dakong alas-9:00 ng umaga. Isang press conference din ang ipapatawag pagkatapos kaugnay rito.

Kung ikukumpara sa orihinal, ang revised draft ng proposed ordinance ay nagpapakita ng malaking pagtapyas sa assessment level ng real properties.

Ang pagbabagong ito ay kasunod ng mga kahilingan ng ilang grupo at indibidwal sa kanilang mga inihaing position paper at maging sa mga public hearing at consultation na ibaba ang tax due.

Sunod-sunod ring mga pag-aaral at pagdinig ang sinagawa ng Sanggunian para mabalanse ang mga ito at maging patas para sa lahat.

Kapag naaprubahan, plano itong ipatupad simula Enero ng susunod na taon.

Monday, October 02, 2017

PAGTATAAS NG BUWIS SA AMELYAR LUSOT NA SA IKALAWANG PAGBASA NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Sangguniang Panlalawigan ang isinusulong na pagtaas ng buwis sa amelyar o mga real properties sa 17 bayan sa buong probinsiya.

Sa regular session ng Sanggunian ngayong araw, sinang-ayunan ng konseho ang ilang mga pagbabago sa isinusulong na tax ordinance lalu na sa pagbaba sa assessment level ng mga real properties.

Ang rekomendasyong ito ay base sa committee report ng committee of the whole sa kanilang sunod-sunod na committee hearing, public hearing, at public consultation at mga pag-aaral.

Sa ngayon, ang assessment level para sa mga agricultural land ay 25% kumpara sa unang isinusulong na 40%; sa residential land ay 10% nalang mula sa dating 20%.

May pagbaba rin sa parehong commercial at industrial land mula sa dating 50%, ngayon ay 32% nalang. May pagbaba rin sa iba pang propedad.

Kasama rin sa pagbabago ang paglalaan ng limitasyon sa pagtaas sa mga real properties tax – 10% para sa agricultural lands at 50% naman sa mga residential lands.

Nakatakda namang magpulong ang committee of the whole sa Miyerkules upang ihanda ang isinusulong na ordenansa para sa ikatlo at huling pagbasa. Kapag naaprubahan, plano itong ipatupad simula Enero ng susunod na taon.

MGA MAHUHUSAY NA AKLANON, BINIGYAN NG PAGKILALA SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ilang mga Aklanon ang sunod-sunod na nag-uwi ng karangalan sa probinsiya mula sa iba-ibang larangan ang kinilala sa Sangguniang Panlalawigan.

Sa regular session ngayong araw sa Sanggunian, binigyang pagkilala ng mga opisyal si Alyssa Kaye Visto matapos mag-ikaanim sa Radiologic Technologist Licensure Examination.

Nakatakda namang gawaran ng pagkilala sina:

1) Kathlen Sinag Paton ng Laserna, Nabas matapos tanghaling Miss Teen International 2017 sa Bangkok, Thailand nitong Setyembre;

2) Claire Calizo ng Colongcolong, Ibajay matapos magkamit ng bronze at silver medal sa swimming competition sa 9th Asean Para Games na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia;

3) Russ Patrick Perez Alcedo bilang “Pinoy of the Year” sa larangan ng sayaw sa kauna-unahang Golden Balangay Awards, isang search para sa mga mahuhusay na Filipino-Canadian;

4) Karl Philip Lumio Avillo ng Poblacion, Kalibo na nag-top 3 sa katatapos lang na Physician Licensure Examination;

5) Eleonora Valentina Laorenza ng Polo, New Washington sa pagiging 2nd runner-up sa katatapos lang na (Eat Bulaga) Miss Millenial Philippines; at sina

6) Darlyn Lachica at Mark NiƱo Retiro, pawang mga taga-Kalibo matapos magsauli ng napulot na pera na nasa Php70,000.

Umaasa ang mga miyembro ng Sanggunian na sa pamamagitan nito ay marami pang Aklanon ang mahikayat at mabigyang inspirasyon na magsumikap sa pagkamit ng kanilang mga pangarap sa buhay.

1 KRITIKAL, 1 SUGATAN MATAPOS MADISGRASYA SA MOTORSIKLO SA DIVERSION ROAD NG LEZO

Kritikal ang driver ng isang motorsiklo, samantalang sugatan rin ang kanyang backrider matapos madisgrasya sa diversion road ng Lezo, Aklan Linggo ng gabi.

Kinilala ang driver sa pangalang Boyet Macaspac, 25-anyos na taga-Hagakhak, Makato, Aklan.

Nagtamo siya ng mga sugat sa ulo, at sa iba pang bahagi ng katawan. 

Samantala minor injury naman ang tinamo ng back rider na si James Jalaron, 20-anyos na residente ng nabanggit na lugar.

(Update as of 8:50 PM) Kinakailangan raw na ilagay sa ICU ang biktimang si Boyet ngunit walang bakante ang Provincial Hospital.

LALAKI SA TAMBUAN, MALINAO, TINAGA NG KAPATID

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Sugatan ang isang lalaki matapos tagain ng nakasagutang kapatid sa Brgy. Tambuan, Malinao Sabado ng madaling araw (Setyembre 30). 

Kinilala ang biktima sa pangalang John Ryan Albacino, 31-anyos, residente ng nabanggit na lugar.

Kinilala naman ang nakaalitang kapatid sa pangalang Angelo Albacino, 25-anyos, residente rin ng kaparehong lugar.

Sa pahayag ng nanay ng biktima, nag-iinuman raw ang magkapatid at nang malasing ay nagsimula na ang pagtatalo hanggang sa mapikon si Angelo at tinaga ang kuya. 

Nagtamo ito ng sugat sa dibdib. Naisugod naman agad sa hospital ang biktima at patuloy na nagpapagaling.

Wala namang planong magsampa ng kaso ang biktima.

MENOR DE EDAD ARESTADO SA PAGNANAKAW NG MOTORSIKLO SA BAYAN NG KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang menor de edad na ito edad 17-anyos ng Brgy. Tambak, New Washington matapos maaktuhang magnakaw ng motorsiklo dito sa bayan ng Kalibo.

Nangyari ito Sabado ng hapon, Setyembre 30.

Napag-alaman na bumaba lamang saglit ang may-ari at iniwang nakaandar ang motorsiklo nang sakyan at pinatakbo ito ng menor de edad.

Naaktuhan naman ng mga tao ang insidente at hinabol ang nasabing bata at naaksidente siya sa motorsiklo sa Brgy. Mabilo, Kalibo at doon inaresto.

Nagtamo ito ng ilang galos at sugat sa katawan.

Kwento ng lalaki, wala umano siyang pamasahe pauwi sa kanilang bahay kaya umano niya sinakyan ito.

Hindi naman makapaniwala ang ina na magawa ito ng panganay na anak. Mahirap lamang umano sila pero mabait ang anak nito.

Sa ngayon ay nasa kostudiya na ng Women and Children Protection's Desk ng Kalibo PNP ang nasabing menor de edad para sa kaukulang disposisyon.

1 SUGATAN MATAPOS BUMANGGA ANG ISANG TRICYCLE SA SINUSUNDANG MOTOR SA CAANO, KALIBO

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Sugatan ang backrider ng isang motorsiklo matapos banggaan ng sumusunod na tricycle sa Provincial Road sa Brgy. Caano, Kalibo. 

Kinilala ang nasugatan sa pangalang Marilyn Pastor y Nillosa, anak ng driver ng motor na si Elmor Pastor, 44-anyos na taga-Baybay, Andagao.

Pauwi na raw ang dalawa sa Baybay, Andagao nang mabangga ng tricycle na menamaneho ni Redito Yecla, 70-anyos na taga-Bayanihan Road, Pook. 

Natumba ang motorsiklo sa rough road kaya nasugatan ang backrider. Agad naman itong isinugod sa Aklan Mission Hospital kung saan nakaconfine ito ngayon.

Nasa kustodiya naman ng PNP Kalibo ang dalawang sasakyan.