Saturday, October 29, 2016

Dog catchers, planong ibalik sa Kalibo

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Pinaplano ng munisipyo na ibalik ang mga dog catchers sa bayan ng Kalibo.

Sa pulong ng municipal rabies control committee nitong Oktubre a-bente singko, pinag-usapan ang mga plano at kakailanganing mga kagamitan upang mailarga ang task force dog catchers pati na ang public pound operations.

Ipinropose ng municipal agricultural services division sa pamamagitan ni LGU Kalibo Veterinarian I Dr. Janna Rose Meñez na ipatayo ang dog pound sa likod ng municipal nursery malapit sa slaughter house kung saan magkakaroon ng dog cage na may labindalawang kennels.

Ilan pa sa mga proposals mula sa mga miyembro ng municipal rabies control committee ay ang pag-amiyenda ng municipal ordinance tungkol sa pag-aalaga sa mga stray dogs o asong kalye partikular na ang pagdadagdag ng probisyon na hinihimok ang mga barangay sa Kalibo na tulungan ang munisipyo na ma-regulate ang pagdami ng mga aso at pusang kalye at iba pang mga hayop na pakalat-kalat sa mga lansangan.

Ipapasa ang project proposal kasama na ang budgetary requirements sa local finance committee upang makapag-laanan ng pondo at mapaghandaan ang pagde-deploy ng mga dog catcher teams sa mga kakalsadahan ng Kalibo.

Planong magsagawa ng dog catching activity ang dog catcher teams dalawang beses sa isng buwan sakaling makumpleto na ang kanilang mga gamitkasama na ang kanilang service vehicles.

Mga benepisaryo ng 4Ps, nakikinitang makakatulong sa kapaligiran at turismo ng Aklan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Malaki ang maiaambag ng mga benipesaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries sa pagpo-promote ng turismo at pakikibahagi sa solid waste management.

Ito ang ipinahayag ni Sangguniang Bayang member Philip Kimpo Jr. sa pinakahuling statistical research forum sa Sanggunang Panlalawigan session hall.

Ani Kimpo, maaari anyang i-deploy bilang mga “solid waste management community enforcers” ang mga benipesaryo at maaari pang bigyan ng porsyento sa mga multa na kanilang nakukolekta mula sa mga lumalabag. Sang-ayon naman ang Municipal Solid Waste Management Board sa pahayag ni Kimpo.

Maaari din umano silang maging tulong sa pagpo-promote ng turismo sa pamamagitan ng pagreresiklo ng mga basura at maging scout para sa pagre-rescue ng mga pagala-galang mga hayop. Makakatulong din umano ang mga ito sa paglilinis at pagpapaganda ng mga tourist destinations lalu na sa revival ng Piña Village.

Napag-alaman na ang Aklan ay may kabuuang 27,247 rehistrado at aktibing 4Ps beneficiaries.

Lalaki, nasagasaan ng rumaragasang van, patay!

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Patay ang isang lalaki matapos masagasaan ng isang rumaragasang van habang tumatawid sa kabilang dako ng kalsada sa Bulwang, Numancia, Aklan.

Kinilala ang biktima sa pangalang Jerry Nicolas y Reyes, 55-anyos, at taga-Laguinbanua East Numancia, Aklan.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian rin ito ng buhay.

Sumuko naman ang drayber ng van na si Jay Lorenzo, 28-anyos, residente ng G. Ramos St., Kalibo, Aklan.

Friday, October 28, 2016

Netizen na nagpost ng umano'y pagkasunog ng mang Inasal Roxas Avenue Branch, humingi ng paumanhin

NI ARCHIE HILARIO AT PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Humingi ng paumanhin ang nag-post sa Facebook ng di umano'y pagkasunog ng Mang Inasal Roxas Avenue Branch sa bayan ng Kalibo.

Sa personal message na ipinadala ni Giovanie Tenorio, ipinaabot nito ang kanyang paghingi ng paumanhin sa may-ari at staff ng nasabing fastfood chain, gayon din sa mga nakakita at nakabasa ng nasabing Facebook status post.

Anya, hindi niya umano intensyon ang mga nangyari at siya ay biktima lang din dahil naniniwala siyang may naki-alam ng kanyang Facebook account matapos na mawala ang kanyang cellphone.

Nagpapasalamat din daw siya sa mga komentong inani ng kontrobersyal na post at nirirespeto naman daw niya ito dahil karapatan naman daw ng mga netizens ang magpahayag ng kanilang mga saloobin.

Maaalalang pinasinungalingan ng Kalibo Fire Station ang nasabing post na kumalat nitong Miyerkules na siyang ikinagulat at ikinagalit ng mga Aklanon netizens.

Pamilya ng sanggol na namatay sa Aklan Provincial Hospital, humingi ng tulong kay Gov. Miraflores

Photo: (c) http://www.waymarking.com/

Pormal nang nagpaabot ng sulat kay Aklan Gov. Florencio Miraflores ang mga kamag-anak ng siyam na buwang gulang na sanggol na namatay habang nasa pangangalaga ng Don Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital (DRSTMH) nitong nakaraang Setyembre upang humingi ng tulong.

Nakasaad sa sulat na ipinadala ni John Christian Lee Salonzo, tiyuhin ng batang namatay, ang hindi magandang karanasan nila mula nang isugod nila sa ospital ang bata hanggang sa bawian ito ng buhay.

Mababasa din dito ang hindi magandang pagtrato, asal, at pagpapabaya sa kanila ng mga medical attendants, kakulangan sa mga supplies ng ospital, at ang kawalan ng doktor na dapat ay umaasikaso sa kanilang pasyente nang mga oras na iyon.

Nagbigay naman ng tugon ang opisina ng gobernador at ini-atas kay Dr. Paul Macahilas, Chief of Hospital ng DRSTMH, na magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa nasabing insidente.

Sinabi din ng gobernador na dapat na may managot sakaling mapatunayan ang mga alegasyong matagal na naghihintay ang mga pasyente bago mabigyan ng medikal na atensyon, pati na rin ang hindi magandang asal ng mga nars na matagal na umanong nangyayari sa nasabing pampublikong ospital.

Norwegian national, hinoldap sa Kalibo!

NI ARCHIE HILARIO ENERGY FM 107.7 KALIBO

Isang Norwagian national ang hinoldap kagabi habang naghahanap ng matutuluyan sa bayan ng Kalibo

Mag-a-ala-9:00 na ng gabi nang dumulog ang biktimang si Kim Vegar Kristoffersen, 28-anyos, isang Norwegian, sa himpilan ng Kalibo PNP upang magpa-tulong matapos na ma-holdap.

Ayon sa salaysay ng biktima, hinarang umano siya ng dalawang lalaki habang naglalakad at naghahanap ng hotel na matutuluyan.

Tinangay ng mga suspek ang dalawang bag ng biktima na naglalaman ng isang Samsung Note 3 smartphone, isang Acer laptop, isang charger, passport, ATM card, at perang nagkakahalagang P12,000.00.

Kasalukuyan pa ring nagpapatuloy ang imbestigasyon ng kapulisan sa nasabing insidente.

Lalaki sa peryahan sa Kalibo , binugbog ng 5 lalaki!

NI ARCHIE HILARIO ENERGY FM 107.7 KALIBO

Binugbog ng limang lalaki ang biktimang si Ramil Narossa Selorio, 34-anyos, habang nasa peryahan kagabi.

Sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, naglalaro ang biktima sa peryahan sa Toting Reyes St. Kalibo nang aksidenteng naapakan nito ang paa ng isang lalaki. Humingi naman agad ng patawad ang biktima dahil hindi raw sinasadya ang nangyari.

Sa halip na tanggapin ang paghingi ng tawad ay binugbog ito ng lalake at apat pa niyang kasama.

Pagkatapos nito ay agad na umalis sa lugar ang mga ito.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasbing insidente.

Thursday, October 27, 2016

Mga telcos sa Kalkibo na may mga "spaghetti wires", posibleng alisan ng permit

NI DARWIN T. TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Posibleng alisan ng business permit ang mga telecommunication companies sa bayan ng Kalibo kapag hindi maayos ang kanilang pag-i-install ng mga kuryente at kable. Ito ang nakikitang solusyon ni Vice Mayor Madeline Regalado para istriktong maimplementa ang ordinansa na nagtatakda sa mga telcos na ayusin ang mga kable at kuryente nila.

May kaugnayan ito sa resolusyon na iniakda ni Kalibo SB Member Philip Kimpo na humihiling sa Alkalde para sa istriktong implementasyon ng Ordinance 2011-016.

Ani Kimpo, ito ay nagdudulot ng negatibong epekto sa turismo, panganib sa taumbayan, at nakakaapekto rin umano ito minsan sa daloy ng trapiko.

Dagdag pa ni SB Kimpo, matagal na umano itong suliranin at nais niya na bago magtapos ang termino ng alkade at bise alkade ay masolusyunan ito kaagad.

Sang-ayon naman rito ang mga miyembro ng konseho na gawing sapilitan ang pagsasaayos ng mga ito. Nakatakdang ipatawag ang mga kinauukulan kabilang na ang alkalde, at engineering ng munisipyo para sa pagtugon sa suliraning ito.

Samantala, magbibigay naman ng panahon ang lokal na pamahalaan para sa mga telcos na ayusin ang kanilang mga linya.

Populasyon ng Aklan tumaas; bilang aabot sa mahigit 574K--- PSA

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Umabot na sa 574, 823 ang kabuuang bilang ng populasyon sa lalawigan ng Aklan ayon sa pinakuhuling resulta ng 2015 census na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA). Mas mataas ito ng 39, 098 kumpara sa bilang ng populasyon noong 2010 na aabot lamang sa 535, 725.

Ayon sa PSA, ang Aklan ang pinakamabilis lumago sa buong rehiyon na may taunang average population rate na 1.35 percent mula 2010 hanggang 2015.

Sa report, ang Kalibo ang may pinakamataas na bilang ng populasyon (80, 605), sinundan ng Malay (52, 973) at ng Ibajay (49, 564).

Samantala, ang mga bayan naman ng mga Altavas, Malinao, Tangalan, Buruanga, Madalag, at Lezo ay may mga populasyong mas mababa sa 27, 000.

Sa lahat ng mga barangay sa lalawigan, nangunguna ang Manoc-manoc sa Malay na may populasyong aabot sa 14, 810. Sinundan ito ng Andagao, Kalibo (12, 703), Balabag, Malay (12, 296), Poblacion at New Buswang, Kalibo (11, 751 at 10, 431 sa pagkakasunod).

Ang mga barangay naman na may mababang bilang ng populasyon ay ang mga Capataga, Malinao (40), Tamokoe, Tangalan (154), Malinfdog, Ibajay (198), Napatag, Tangalan (224), at Cabugao, Ibajay (225).

Samantala, sa buong rehiyon, ang Iloilo ang may pinakamalaking populasyon sa bilang na 1.94 milyon. Sinundan ito ng Capiz sa bilang na mahigit 761, 000; Antique na may 582, 000 bilang; pang-apat ang Aklan; samantalang ang Guimaras ay nasa huli sa bilang na 175, 000.

2 motorsiklo at armored van, nagbanggaan sa Banga; 3 sugatan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO


Sugatan ang isang 40-anyos na guro matapos masagi ng isang armored van ang minamaneho nitong motorsiklo na sinalpok din ang isa pang motorsiklo sakay ang isang mag-ama na naiwan ding sugatan sa national highway ng Brgy. Linabuan Sur, Banga, kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Banga PNP station, papaliko na ang guro na si Eden Vinidez, residente ng Tabayon, Banga, sa Aguinaldo-Repiedad National High School sa nabanggit na lugar nang mahagip ito ng kasunod na armor van mula bayan ng Kalibo. Tumilapon sa sementadong kalsada ang guro, basag ang helmet, at nagtamo ng matinding sugat sa ulo.

Matapos ito ay sumalpok rin ang parehong armor van sa isa pang motorsiklo mula sa kabilang direksyon. Sugatan ang driver ng motor na si Ariel Salazar, 55, at 16-anyos na anak na si Anne Mariel, pawang mga residente ng Poblacion, Libacao. Nabatid na nabali anng kaliwang pa ng dalaga.

Pansamantala namang ipiniit sa Banga PNP station ang driver-suspect na si Archie Avelarde, 36, residente ng Roxas City, Capiz, at nahaharap sa kaukulang kaso makaraan ang aksidente.

Isinugod sa magkahiwalay na pribadong hospital sa bayan ng Kalibo ang guro at mag-ama para sa kaukulang medikasyon.

Mayor Willam Lachica, nagpasalamat sa pagre-release ng Rehabilitation Assistance for Rehabilitation para sa Kalibo

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Malaki ang pasasalamat ni Kalibo Municipal Mayor Willam Lachica kay Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Ismael “Mike” Sueno matapos na mai-release na ang Rehabilitation Assistance for Rehabilitation na nagkakahalaga ng P11 million para sa bayan ng Kalibo.

Sa flag raising ceremony na isinagawa nitong Lunes, sinabi ng alkalde na gagamitin ang nasabing pondo sa pagsasa-ayos ng mga properties ng barangay, partikular na ang mga barangay halls ng Bakhaw Sur, Linabuan Norte, Mobo, Nalook, New Buswang, Pook at Tigayon na nasira noong pananalasa ng bagyong Yolanda noong taong 2013 kung saan tig-P300,000.00 ang ilalaan na pondo para sa mga ito.

Ang nalalabing P2,900,00.00 ay gagamitin din sa pagpapa-ayos sa comfort room at bubong ng Kalibo Pastrana Stage.

Sinabi din ni Lachica na bago sumapit ang 2017 Kalibo Ati-atihan Festival ay uumpisahan nang ding i-develop ang kabilang bahagi ng Magsaysay Park Building na pinag-laanan naman ng pondong umaabot sa P10 million.

Samantala, nagpasalamat din si Lachica sa mga empleyado ng munisipyo, mga miyembro ng PNP, tri-media, at iba pang mga stakeholders sa matagumpay na paglulunsad ng 2017 Kalibo Ati-atihan Opening Salvo nitong Oktubre a-bente uno.

Ipina-abot din nito ang kanyang pagkalugod sa pag-dating mg mga kandidata ng Ms. Earth 2016 na naging dagdag na atraksyon at rasong upang mas maraming Aklanon ang manuod sa opening salvo ng Mother of All Philippine Festivals.

Wednesday, October 26, 2016

KBP Aklan, naglunsad ng "Dress an Ati" Contest

NINA DARWIN TAPAYAN AT ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Naglunsad ng isang Dress an Ati Contest ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) Aklan Chapter ngayong hapon sa Pastrana Park, Kalibo. Nilahukan ito ng apat na mga barangay sa bayan ng Kalibo.

Nanalo ng first place ang Brgy. Caano, pangalawa ang Bakhaw Norte, pangatlo ang Pook, at pang-apat ang Linabuan. Nagkamit sila ng cash prize at isang taong accident insurance.

Sa contest ay binigyan ng dalawang oras upang mabihsan ng artist ang modelo ng Ati costume na yari sa indigenous at recycled materials.

Ang contest na ito na tinawag na ObrAti ay ang unang pagkakataon na isinagawa ng KBP-Aklan. Umaasa naman ang chairman nito na si Alan Palma Sr. na mas marami pa ang lalahok sa mga susunod na taon. Layunin anya ng aktibidad na ito ang maipamalas ng mga Aklanon ang kanilang talento sa sining.

Pagkasunog ng Mang Inasal Roxas Avenue Branch, walang katotohanan!

 NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Pinasinungalingan ng Kalibo Fire Station ang kumakalat na balita sa Facebook na nasunog umano ang branch ng Mang Inasal sa Roxas Avenue, Kalibo malapit sa isang shopping mall.

Nagsimula ang bali-balita sa Facebook post ng isang certain Giovanie Tenorio kung saan sinabi nito na nasusunog ang nasabing establishment kasama ang picture ng isang branch ng nasabg kainan na nasusunog.

Kumalat ang nasabing post at marami ang napaniwala sa maling impormasyon.

Paalala ng awtoridad, huwag agad maniwala sa mga maling impormasyon, at huwag agad i-share ang mga nakukuhang importasyon lalo na kung hindi ito kumpirmado.

5 lalakeng minor de edad na sangkot umano sa nakawan sa Kalibo Shopping Center, inaresto

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Limang mga lalakeng menor de edad ang inaresto ng kapulisan matapos na iturong sangkot umano sa nangyaring nakawan sa isang stall sa Kalibo Shopping Center kahapon ng dalg araw.

Ilan sa mga panindang ninakaw sa nasabing stall ang narecover ng Kalibo PNP sa mga bata.

Ayon sa mga inarestong menor de edad, naibenta na raw ng mga ito ang ilan sa mga ninakaw na mga gamit.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng DSWD ang limang batang lalake na pawang mga taga-C. Laserna St., Poblacion, Kalibo, Aklan.

Magsasaka sa Libacao, Aklan, tinadtad ng bala, patay!

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Patay ang isang 32-anyos na magsasaka matapos tadtarin ng bala sa Brgy. Loctuga, Libacao kahapon banda alas-2:00 ng hapon.

Batay sa ulat ng Libacao PNP, ang biktima ay kinilala kay Lorito Ripas y Vicente. Sa resulta ng post-mortem examination nagtamo ng siyam na tama ng pagbaril sa iba-ibang bahagi ng katawan ang lalaki kabilang na ang ulo, dibdib at hita.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagtungo umano ang biktima sa bahay ng suspek na kinilala kay Nheil Ayke Asiong y Onao, 29-anyos, at humihingi umano ng bala ng 'pugakhang'. Dahil hindi napagbigyan, ayon sa live-in partner ng suspek, umuwi umano ang biktima at bumalik sa kanilang bahay dala ang “pugakhang” at akma siyang babarilin. Dito na umano pinagbabaril ni Asiong ang biktima at agad na tumakas.

Narekober naman ng pulisya ang home-made shotgun sa biktima. Samantala, patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek. Hindi rin naman nila isinasantabi na posibleng isa rin sa motibo ang dati nilang awayan sa lupa.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa naturang kaso.

Oplan Kaeag-kaeag 2016, pinaplantsa na ng Aklan PNP

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Pinaplano at pinaplantsa na ngayon ng Aklan PNP ang mga ipapatupad na seguridad sa nalalapit na Araw ng mga Patay na kadalasang gunugunita sa una at pangalawang araw ng Nobyembre.

Ayon sa inilabas na press release ng Aklan Police Provincial Office (APPO) sa pamamagitan ng kanilang public information officer Senior Police Officer 1 Nida Gregas, kahapon ng umaga ay nagsagawa ng isang conference sa Camp Pastor Martelino Multi Purpose Hall.

Dito ay inilatag ang mga isasagawang preparasyong pang-seguridad na ipapatupad sa buong probinsya upang maiwasan ang krimen at masiguro ang mapayapa at maayos na selebrasyon ng Undas, na tatawaging Oplan Kaeag-kaeag 2016.

Sa pagpapatupad ng Oplan Kaeag-kaeag 2016 ay inaasahan ang maximum deployment ng mga miyembro ng PNP upang magsagawa ng anti-crime drives.

Ayon kay APPO Acting Provincial Director Police Senior Superintendent John Mitchell Jamili, paiigtingin ng kapulisan sa buong probinsya ang seguridad sa mga terminals, simbahan, malls at lalo na sa sementeryo kung saan inaasahang dadagsa ang maraming tao.

Binigyang-diin din ni Jamili na mas palalakasin ng Aklan PNP ang seguridad sa Undas dahil sa iba’t-ibang mga threat, kasama na ang terrorists, criminal elements at drug personalities na apektado sa istriktong kampanya laban sa iligal na droga ng kapulisan at ng pamahalaan.

Anya, maaaring gamitin ng mga masasamang loob ang pagkakataong ito upang isagawa ang kanilang mga masamang plano at iligal na aktibidad.

Ia-augment din sa lokal na kapulisan ang mga Barangay Peacekeeping Action Teams, volunteer organizations, at iba pang mga force multipliers.

Hinihingi din ang kooperasyon ng mga concerned law enforcement agencies, LGUs, private security providers at iba pang mga volunteer organizations.
Kaugnay nito, nagbabala si Jamili sa publiko na maging maingat at mapag-matyag para sa kanilang seguridad sa nalalapit na Undas.

Nagpa-alala din ito na iwasan ang pagdadala ng mga nakakalasing na inumin, patatalim at mga matutulis na mga bagay, at iwasan din ang pagsusugal habang nasa sementeryo.

Magpapatupad din ng mahigpit na monitoring sa mga sementeryo kung saan kakapkapan ang mga papasok at itsi-check ang mga gamit na ipapasok dito.

Tuesday, October 25, 2016

Boracay kinilalang Top 1 Favorite Island in the World ng Conde Nast Traveler

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) CNN Travel (www.cntraveler.com

Sikat na naman ang isla ng Boracay sa buong mundo matapos kilalanin bilang top 1 Best Island in the World sa Conde Nast Travelers’ Choice Awards 2016 na inilabas ngayong buwan.

Pangalawa rin ang isla ng Palawan sa 15 mga napili ng mga mambabasa. Pasok din ang Cebu sa ikalimang posisyon.

Narito ang top 15 napiling best island destination sa buong mundo mula sa pinakahuli: 15) Tahiti; 14) Sardiria Islands; 13) Cayman Island; 12) St. Barts; 11) Mykonos Greece; 10) Bali, Indonesia; 9) Crete, Greece; 8) Bermuda; 7) Turks and Caico; 6) Vancouver Island, Canada; 5) Cebu, Philippines; 4) Great Barrier Reef, Australia; 3) Mallorca, Spain; 2) Palawan, Philippines at; 1) Boracay Island.

Ang resultang ito ay base sa isinagawang rating survey ng multi-awarded travel magazine sa mahigit 300,000 mambabasa sa labas ng US.

Aklan at 7 bayan nito, kasama sa pinarangalan ng Seal of Good Local Governance ng DILG

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Muling pinatunayan ng lalawigan ng Aklan ang mahusay at matatag na pamamahala at pagbibigay serbisyo sa taumbayan matapos itong magkamit muli ng Seal of Good Local Governance (SGLG). Sa taong ito, pitong bayan din sa lalawigan ang nagkamit ng parehong karangalan kung saan kabilang dito ang mga bayan ng Banga, Batan, Buruanga, Ibajay, Kalibo, Malay, at Tangalan.

Nagkamit rin ang mga lalawigan ng Iloilo at Capiz ng SGLG o dating Seal of Good House Keeping (SHG) na iginagawad ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Parehong parangal din ang iginawad sa mga lungsod ng Roxas at Iloilo; mga munisipalidad ng Bugasong, Culasi, San Jose de Buenavista, at Sibalom sa Antique; Dumarao at Mambusao sa Capiz; at Bingawan, Dingle, Mina, New Lucena, Oton, at Zarraga sa probinsya ng Iloilo.

Ang mga nabanggit na mga lugar ay magkakamit ng karagdagang pondo.

Ang taunang pagpaparangal na ito ng DILG ay nagpapakita ng kahusayan ng isang pamahalaan at humihimok sa iba pa na pagbutihin ang paglilingkod sa taumbayan.

Information and Communications Technology Council, pinaplanong itatag sa Aklan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nagsagawa ng Capacity Development Workshop ang Department of Information and Communications Technology (DICT) kahapon sa Aklan Training Center upang maihanda ang mga Aklanon para sa pagtatatag ng Information and Communication Technology (ICT) Council dito sa lalawigan.

"Tourism plus IT, perfect!" ang pahayag ni DITC USec. Mochito Ibrahim nang tanungin kung ano ang "moon-shoot"ng Aklan. Anya, "Everything now is going IT."

Nagpahayag naman ng malugod na pagbati at pagkatuwa si Gov. Florencio Miraflores para sa pagpapatatag ng Information Technology-Business Process Outsourcing (IT-BPO) sa probinsiya. Anya, handa naman ang lalawigan para dito lalo na at maraming magagaling dito sa Aklan.

Nabatid na sa Western Visayas ay nakapagtatag na ng mga ICT council sa mga lalawigan ng Iloilo, Capiz, at Antique. Umaasa naman ang mga opisyal ng DICT sa pakikipagtulungan ng mga Aklanon para dito na susunod na itatag ang ICT council. Magbubukas umano ito ng maraming trabaho para sa mga tagarito.

Dinaluhan ang naturang aktibidad ng mga personalidad mula sa mga sektor ng pamahalaan, pribado, at sa academe.

Stall sa Kalibo Shopping Center, pinasok ng mga magnanakaw; mahigit 100K halaga ng paninda, nilimas!

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nilimas ng di pa nakikilalang suspek ang mga mamahaling paninda ng isang pwesto sa Kalibo Shopping Center sa Dr. Gonzales St., Kalibo, Aklan na pagmamay-ari ng apat na kapatid na mga Muslim.

Ilan sa mga tinda nilang portable DVD players, power banks at mga sumbrero ang nakuha ng mga suspek na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng mahigit P100,000.00.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Kalibo PNP, lumalabas na tinuklap ng mga suspek ang dingding ng nasabing puwesto.

Kuwento naman ng gwardiya ng Kalibo Shopping Center, hindi niya nakita ang mga suspek pero may isang bading siyang nakitang nakatayo malapit sa establishimento kaninang bandang alas-3:00 ng madaling araw.

Nakiusap pa anya ang bading na ihatid siya nito sa kabilang kalye dahil natatakot ito sa mga tambay pero hindi pumayag ang guwardiya.

Pinaghihinalaan ngayon na ang bading na ito ang nagsilbing tagamasid o look-out ng mga suspek.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Kalibo PNP.

Utility worker nabundol ng motorsiklo, patay

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Dead on arrival nang isugod sa isang pribadong pagamutan sa bayan ng Kalibo ang isang 53-anyos na utility worker matapos mabundol ng motorsiklo kahapon sa Brgy. Poblacion, Tangalan.

Nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang biktima na si Arnel Traje, residente ng Poblacion, Tangalan at janitor sa munisipyo, dahilan para bawian ito ng buhay.

Napag-alaman na tumawid ang biktima sa municipal road nang mabundol ito ng isang motorsiklo lulan ang tatlong kalalakihan. Galing umano sila sa pistahan sa Brgy. Afga sa naturang bayan at patungong Poblacion.

Nagtamo rin ng malalang sugat sa ulo ang driver na si Joebert Albito, 19, samantalang sugatan rin ang dalawa pa niyang kasama na sina Yuri Gado, 18, at Edgar Genez, 16, lahat residente ng Brgy. Dumatad sa parehong bayan. Nabatid na nakainom ang tatlong magkakabarkada.

Naka-confine sa isang pribadong hospital ang driver samantalang out-patient na ang dalawa.

Samantala, inihahanda na ng Tangalan PNP ang kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide na isasampa laban sa driver.

Monday, October 24, 2016

ENERGY SPECIAL REPORT: Misis, niligawan umano ng enkanto at nagkaanak pa?

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nagluwal ng fetus na may mala-kabayong itsura ang isang 44-anyos na misis sa bayan ng Aklan makaraan umanong maibigan ng isang enkanto. Kataka-taka kasi dahil na apat na taon na ang nakakaraan nang huling isilang ng misis ang kanyang menopausal baby.

Kuwento ng misis sa Energy FM Kalibo, Agosto 6, 2016 umano nang magsimulang magparamdam sa kanya ang enkanto. Ito ay matapos umano niyang putulin ang isang puno na pinaniniwalaang tinitirahan ng kakaibang nilalang. Nakita umano niya ang enkanto sa panaginip na kulay uling at anyong tao at niyaya siya nito na sumunod sa kanya.

Kinabukasan ay nag-umpisa nang makaranas ng madalas na pagkahimatay at pananakit ng tiyan ang babae. Una siyang nagpakunsulta sa tatlong albularyo at pare-parehas ang sinasabi ng mga ito na niligawan siya ng enkanto.

Hindi nagtagal ay nagpatingin ang misis sa doktor kung saan sinabi lamang nilang may sakit ito sa atay. Wala naman anyang tinukoy ang doktor na siya ay buntis.

Hanggang noong hating gabi ng Oktubre 13 ay may lumabas sa kanya na malapot na dugo. Nang usisain ng isa niyang anak ang plastik na naglalaman ng dugo kinabukasan, nanindig ang balahibo niya nang makitang may fetus sa loob nito na wala nang buhay ngunit kakaiba ang itsura nito. Paniwala ng babae, posible anyang kagagawan ito ng engkanto.

Simula naman ng mailuwal niya ang fetus at mailibing ng maayos ay naging maganda na ang kanyang kalusugan at wala na anyang kung anong nagpaparamdam sa kanya. Aminado naman siyang mahina ang kanyang pananampalataya sa Diyos at pagsubok lamang ito sa kanya.

Testigo naman ang kanyang walong mga anak, mister, at maging ang mga kapitbahay na hindi lumaki ang kanyang tiyan. Naniniwala rin sila na ang itsura ng fetus na hugis kabayo ang nguso, mahahabang kamay at paa, ay isang kababalaghan.

Dugo, nagkalat sa pampublikong palikuran sa Kalibo Public Market

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Ikina-alarma ng isang babae nang makita nito ang nagkalat na dugo sa pampublikong palikuran ng Kalibo Public Market kanina bandang alas-11:00 ng umaga.

Ayon sa janitor ng nasabing palikuran, isang babeng gulat na gulat ang lumapit sa kanya at sinabing nagkalat ang dugo sa isa sa mga stalls ng pambabaeng pampalikuran.

Nang puntahan ito ng janitor ay nakita niya na nagkalat nga ang dugo sa sahig ng palikuran at may nakita din itong plastic na naglalaman ng buo-buong dugo.

Agad namang tumawag ng pulis ang mga otoridad ng pampublikong palengke upang magsagawa ng imbestigasyon.

Wala namang nakita o napansin ang mga taong malapit sa pampublikong pampalikuran kung sino ang huling nanggaling sa palikuran bago matagpuan ang nagkalat na dugo sa sahig nito.

Samantala, kanina alas-11:26 ay binisita ng midwife mula sa Kalibo Health Center ang nasabing pampublikong palikuran.

Ayon kay Mrs. Elizabeth Aranas, isasailalim muna sa pagsusuri ang mga nagkalat na dugo sa sahig at ang nakitang buo-buong dugo sa basurahan para malaman kung dugo ito ng tao o ng hayop.

Wala raw fetus na nakita sa loob kundi mga dugo lamang.

Permanenteg paglalagay ng tourism promotional materials ng Kalibo sa KIA, pinayagan na ng CAAP-Kalibo

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) www.justgoge.files.wordpress.com

Ibinalita ni Kalibo Sangguniang Bayan Member Phillip Kimpo Jr. na pumayag na ang general manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines - Kalibo (CAAP-Kalibo) na maaari nang gamitin ang isang bakanteng pader sa Kalibo International Airport (KIA) arrival area para permanenteng magamit sa promosyon ng turismo sa Kalibo.

Ito ay matapos na ma-aprubahan ng SB Kalibo ang Resolution No. 2016-013 nitong Hulyo a-bente uno na humihiling sa CAAP-Kalibo para i-allocate ang nasabing bahagi ng arrival area para sa tourism promotion ng nasabing bayan.

Ayon kay SB Kimpo, ang tourism and cultural affairs division ang mag-aasikaso ng mga ilalagay sa panel, pati na din ang mga gagastusin nito.

Nakatakda namang pumirma sa isang memorandum of agreement o MOA si Kalibo Mayor Willam Lachica, at inaasahang magkakaroon ng inauguration sa panel wall bago mag-Pasko.

Dahil dito, inaprubahan ng SB Kalibo ang Resolution No.067 na isinulong ni SB Kimpo na nagpapatibay ng tourism promotions ng bayan ng Kalibo sa KIA, kasabay ng pagga-gawad ng kapangyarihan sa alkalde upang pumirma ng MOA para sa ilalagay na libreng advertisement sa domestic at international arrival areas ng KIA.

Tumakas na preso ng Nabas PNP, sumuko na

NI ARCHIE HILARIO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Sumuko na kahapon bandang alas-11:00 ng umaga kay Nabas Mayor James Solanoy ang tumakas na top 1 drug personality ng Nabas PNP madaling araw ng Huwebes.

Ayon sa report, matapos ang pagsuko ni Ranil Magcuha ay agad itong iniharap sa Provincial Prosecutors Office.

Agad na ipinagbigay-alam sa hepe ng Nabas PNP Station na si PCI Belshazzar Villanoche ang pagsuko ng tinutugis na si Magcuja. Agad namang inaresto ang naturang suspek na pansamantalang inilagay sa kustodiya ng Aklan Provincial Police Office.

Si Magcuha ay top 1 sa drug list ng NabasPNP na nahuli sa isang buy bust operation noong Miyerkules.