Saturday, January 14, 2017

DELIVERY TRUCK SUMALPOK SA VAN; 1 PATAY, 1 SUGATAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Balete PNP station. File photo
Patay ang drayber ng isang delivery truck samantalang sugatan naman ang isang pahenante makaraang sumalpok ang menamanehong sasakyan sa nakaparkeng wing van sa national highway ng Brgy. Aranas, Balete pasado alas-8:00 Sabado ng umaga.

Sa imbestigasyon ng Balete PNP station, galing umano ang nasabing truck sa Capiz at patungong Kalibo nang pagdating sa pakurbadang bahagi ng kalsada ay aksidente itong sumalpok sa isang nasiraan at nakaparkeng wing van sa nabanggit na lugar.

Bali ang kanang paa ng driver na kinilalang si Antonio Lacrete, 47 anyos ng Estancia, Iloilo samantalang nagtamo rin ng sugat sa iba-ibang bahagi ng katawan ang pahenanteng si Samuel Avelino, 54 ng Roxas City, Capiz. Sa kabilang banda, maswerte namang nagtamo lang ng minor injury ang isa pang pahenante nito.

Naisugod pa sa provincial hospital ang dalawa banda 9:50 ng umaga pero binawian rin ng buhay dakong 12:10 ng tangnhali ang drayber habang ginagamot sa emergency room samantalang na-confine naman ang kanyang kasama.

Nabatid na may early warning device naman sa lugar bago ang nasiraang sasakyan.

Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nangyari.





DRUMMER SUGATAN MATAPOS MATUMBA ANG MENAMANEHONG TRICYCLE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Dr. Rafael S. Tombokon Memorial Hospital
Hindi na nakasali pa sa sadsad ng kanilang grupo sa Kalibo Ati-atihan Festival ang isang 24-anyos na lalaki makaraang tumumba ang menamanehong tricycle Sabado ng umaga sa national highway ng Brgy. Calimbahan, Makato.

Ang biktima ay nakilalang si Christian Tubera, 24 anyos, residente ng Tondog, Tangalan at drummer ng Gala Drumbeat - grupong kalahok sa modern group category ng Ati-atihan 2017.

Patungo na sana ng bayan ng Kalibo ang biktima sakay ang tatlong iba pa nang aksidente itong bumangga sa nakatumpok na buhangin sa gilid ng kalsada.

Naipit ang biktima nang matumba ang tricycle dahilan para magtamo ito ng sugat sa iba-ibang bahagi ng katawan. Agad namang nasakluluhan ang biktima at naisugod sa provincial hospital. 

Naka-confine ngayon ang lalaki samantala ang tatlong iba pa ay mga out-patient naman makaraang magtamo lamang ng mga kaunting sugat.

13 ANYOS NA BABAE BIKTIMA NG LASLAS BAG GANG SA ATI-ATIHAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Mag-ingat sa mga laslas bag, bulsa gang!
Isang 13-anyos na babae ang posibleng biktima ng laslas bag gang s
a kasagsagan ng Kalibo Ati-atihan Festival umaga ng Sabado.

Salaysay ng biktimang si Jessamin Yrra Dela Vega, residente ng Toting Reyes st., Brgy. Andagao, Kalibo, nagulat na lang umano siya nang mapag-alamang nawawala na ang kanyang cellphone at passbook na nakalagay sa loob ng kanyang knapsack.

Dito niya napag-alaman na nilaslas ang kanyang bag dahilan para makuha ng hindi pa nakikilalang suspek ang kanyang mga gamit. Maswerete naman anya na hindi nakuha ang kanyang wallet na nasa loob din ng parehong bag.

Ayon pa sa biktima, posible umanong nangyari ito dakong alas-11:00 ng umaga habang nasa kahabaan siya ng Veterans Avenue sa bayan ng Kalibo partikular sa may Kalibo Elementary School habang nanonood ng sadsad.

Hindi umano niya namalayan ang pangyayari at nakalayo na sa lugar bago niya napag-alaman ang naturang insidente.

Minabuti niya itong iparekord sa Kalibo police station habang ang kaso ang ini-refer sa theft and robbery section ng pulisya para sa posibleng imbestigasyon.

MGA KANDIDATA NG MISS U BINISITA ANG ISLA NG BORACAY

by Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
file photo

Dumating sa Isla ng Boracay ang nasa 16 hanggang 20 kandidata ng Miss Universe Sabado ng umaga para sa ilang aktibidad.

Nabatid na lumapag ang kanilang sinakyang eroplano sa Caticlan Airport dakong alas-8:00 ng umaga at pagkatapos ay agad na dumiretso sa Caticlan jetty port kasama ang nasa 100 production staff.

Pagakatapos nito ay sumakay ang mga kandidata sa speed boat patungong prestihiyosong resort and spa sa isla para sumabak sa kauna-unahan nilang out of town pictorial sa beach area ng nasabing hotel.

Samantala, alas-3:00 ng hapon ay babalik ang mga kandidata sa Metro Manila para sa iba pang pre-pageant activities.

Una ng naibalita na sasaksihan ng mga kandidata ang selebrasyon ng ati-atihan sa Kalibo pero dahil sa pangamba sa seguridad ay minabuti ng organizers na ipagpaliban ito.

Pinapanatili rin nilang konpedensyal ang iba pang detalye hinggil sa mga aktibidad ng mga kandidata dahil sa mahigpit na seguridad. Pinagbabawal rin ang magselfie sa kanila.

Mahigpit ngayon ang pinapatupad na seguridad sa lugar ng mga tauhan ng PNP, AFP, Philippine Coast Guard at iba pang ahensiya ng gobyerno maliban sa sariling securities ng organizing committee ng international pageant competition.

Friday, January 13, 2017

SUNUD-SUNOD NA MGA KASO NG NAKAWAN NAITALA SA KASAGSAGAN NG ATI-ATIHAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sunud-sunod na kaso ng nakawan ang naitala sa Kalibo police station Huwebes ng hapon sa kasagsagan ng Hegante Parade at bulto ng tao kaugnay ng pagdiriwang ng Ati-atihan sa Kalibo.

Nagreport sa police station si Jan Michael Fuentes na habang nasa Pastrana Park ay nawalan umano ng kanyang wallet habang ito ay nasa sling bag ng kanyang asawa. Laman umano ng wallet na ito ang pera na tinatayang nasa Php4,000, mga ATM, at iba pang mga importanteng dokumento.

Ninakawan rin umano ng kanyang wallet na nasa kanyang backpack ang isang 16 anyos babae at high school student habang ay nasa Pastrana Park. Ayon sa biktima, laman ng wallet na ito ang perang tinatayang Php1,000, at school ID.

Ninakawan rin umano ng kanyang wallet ang isang 24-anyos na si Airon Bantigue habang ito ay nakalagay sa loob ng kanyang u-box ng kanyang motorsiklo na nakaparke sa harapan ng isang mall. Laman ng wallet na ito ayon sa biktima ang pera na nagkakahalaga ng Php3,700, mga ID at iba pang mga dokumento.

Naniniwala ang mga ito na sila ay nabiktima ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek.

Samantala ang mga kasong ito ay patuloy pang iniimbetigahan ng mga awtoridad.

Thursday, January 12, 2017

LGU BALETE, GRAND CHAMPION SA HEGANTE PARADE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Panalo sa isinagawang Hegante Contest ng Aklan Provincial Tourism Office Huwebes ng hapon ang lokal na pamahalaan ng Balete sa kanilang hegante na professional chef. Inuwi nila ang premyo na Php45,000.

Nars nga Ati ng Tangalan, 2nd place
Sinundan naman ito ng Tangalan sa ikalawang pwesto sa kanilang hegante na Nars na Ati at natanggap ang Php40,000 na premyo. Pangatlo sa pwesto ang New Washington sa ka
nilang hegante na Aura Bombero at nag-uwi naman ng Php35,000.

Nakamit naman ng Batan ang ika-apat na pwesto at premyo na Php30,000 sa kanilang hegante na Doktornga Ati nga Batangnon. Nakapasok naman sa top five ang Ibajay sa kanilang hegante na Seaferer Ati at nag-uwi ng Php25,000.

Ang lima pang munisipyo na kalahok sa taunang contest sa sanglinggong pagdiriwang ng Kalibo Ati-atihan ay nag-uwi naman ng Php15,000 consolation prize. Ang mga ito ay bayan ng Banga, Kalibo, Malinao, Nabas, at Numancia.

Ang parada ng mga hegante ay sinabayan ng mga opisyal at empleyado ng mga lokal na pamahalaan.

Napag-alaman rin na bago pa ang contest ay binigyan na sila ng subsidiya upang gamitin sa kanilang entry.

MAGKAKAPATID TINAGA NG KAINUMAN; 1 PATAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang isang 40-anyos na mangingisda makaraang tagain sa ulo ng kapwa nito mangingisda at kainuman Miyerkules dakong alas-11:00 ng gabi sa Brgy. El Progreso, Buruanga. 

Ayon sa report na ipindala ng Aklan Provincial Police Office (APPO), kinilala ang namatay na si Jerry Panganiban, residente ng nasabing lugar.

Nagtamo rin ng taga sa ulo ang kanyang kapatid na si Stephen Panganiban, 36 anyos, isang magsasaka at residente rin ng nasabing lugar, makaraang tagain rin siya ng parehong suspek.

Kinilala sa report ang suspek na si Luisito Fedelis, 39.

Nabatid na nag-iinuman umano ang tatlong nang may nangyaring mainitang pagtatalo sa kanila at sa galit ng suspek ay pinagtataga niya ang magkakapatid.

Agad na isinugod sa paggamutan ng Buruanga ang dalawa pero deneklarang dead on arrival si Jerry.

Samantala sa inisyal na report, ay pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang suspek.

MISTER TINAGA NI MISIS SA MAKATO, AKLAN; MISTER KRITIKAL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kritikal ngayon ang kalagayan ng isang 39-anyos na mister makaraang tagain ng sari
ling misis sa So. Datu, Brgy. Poblacion, Makato dakong 11:15 ng gabi.

Ayon sa report ng pulisya, kinilala ang biktima na si Julie Lachica samantalang ang asawa nito ay si Emma Lachica, 40.

Napag-alaman na tanghali nang dumating ang mister galing Maynila at inaasahan na uuwi agad ang misis galing trabaho bilang isang sales clerk ng isang construction supply.

Nang dumating umano ang asawang babae galing trabaho dakong alas-6:00 ay hindi na pinahalik at pinayakap ng kanyang mister. Sa halip ay pinagdudahan siyang may kalaguyo, sinampal, at binato pa ng hallow block na maswerte namang hindi tumama sa babae.

Dahil hindi matiis ng misis, dumating sa puntong tinaga niya ang mister sa ulo. Nakaconfine ngayon sa intensive care unit ng isang pribadong hospital sa Kalibo ang lalaki at posibleng dalhin sa prominenteng hospital sa Iloilo para intensibong paggamot.

Inaresto naman ng pulisya ang babae at nakakulong ngayon sa Makato police station.


MAG-INA NATAGPUANG PATAY SA LOOB NG KANILANG BAHAY SA BATAN, AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isa nang nangangamoy at naagnas na mga bangkay nang matagpuan ang mag-ina sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Lupit, Batan araw ng Miyerkules.

Sa report ng Batan PNP station, kinilala ang mag-ina na sina Rosalia Dela Cruz, 86-anyos, at anak na si Eddie Dela Cruz, 56, pawang mga residente ng nasabing lugar.

Napag-alaman na limang araw bago matagpuang patay, ay nanghingi pa umano ito ng gamot sa mga kapitbahay si Eddie dahil sa iniindang na sakit. Basi sa pulisya posibleng unang namatay si Eddie bago namatay ang ina dahil sa wala nang makain.

Sa isinagawang post mortem examination ay hindi naman makitaan ng foul play ang dalawa. Agad namang ipinalibing ng kapamilya ang dalawa upang hindi na makapinsala pa sa mga tao dahil sa sobrang baho ng mga ito.

Nabatid na dalawa lamang sila sa bahay at malalayo ang bahay sa bundok na iyon.

Wednesday, January 11, 2017

‘SINAOT SA CALLE’ NG DEPED, WALA NANG SOUND SYSTEM

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nasasaksihan na sa unang pagkakataon ang ‘Sinaot sa Calle’ ng Department of Education (DepEd) na wala nang sound system.
photo by Darwin Tapayan

Ayon kay DepEd Aklan division superentendent Dr.  Jesse Gomez, Hunyo palang anya ng nakaraang taon ay napagkasunduan na ang nasabing pagbabago.

Matatandaan na umani ng batikos sa mga nakalipas na taon ang kanilang sadsad sa pagdiriwang ng Ati-atihan dahil sa paggamit ng sound system. Reklamo ng ilan, hindi umano ito akma sa tradisyonal na paraan ng pagdiriwang na gumagamit lamang ng tambol o kawayan upang makaggawa ng tunog.

Pinahayag ni Gomez na ang 19 na grupong kalahok sa modern at original ati ay gumamit na ng mga tambol, lira, ‘bagtoe’ o kawayan, bao, at iba pa.

Ang presentasyon ng mga guro at estudyanteng kalahok ay nasaksihan hapon ng Miyerkules at bukas, araw ng Huwebes.

Maliban rito ay mayroon din silang hegante at float parade.

Samantala, magtatagal ang sanglinggong pagdiriwang ng Ati-atihan hanggang sa araw ng Linggo.

AKLAN PHO HANGAD ANG SMOKE-FREE KALIBO ATI-ATIHAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hangad ng Aklan Provincial Health Office (PHO) na simula sa susunod na taon ay maging smoke-free na ang pagdiriwang ng Ati-atihan sa Kalibo.

Ito ang ipinahayag ni provincial health officer I Leslie Ann Luces sa isinagawang launching ng provincial anti-smoking TV advertisement Miyerkules ng umaga.

Sa mga susunod na linggo ay sisimulan na ng lokal na pamahalaan ng Aklan ang malawakang kampanya kontra sa pagbebenta, pag-aadvertise at paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Sinabi ni Sangguniang Bayan member Cynthia Dela Cruz na posibleng sa Marso ay istrikto na nilang maipatupad ang anti-smoking ordinance.

Samantala, sa buwang ito ay sisimulan narin ng PHO ang pag-iire ng kanilang anti-smoking TV ads sa provincial TV at mga cable TV. Sinabi ni Luces na kauna-unahan umano ito sa buong rehiyon.

Ipipi-feature sa ads na ito ang kuwento ng dalawang Aklanon na biktima ng paninigarilyo, mga lokal na opisyal at ang ang kanilang paghikayat sa taumbayan na itigil na ang paninigarilyo.

Hangad rin ng PHO na maging smoke-free ang buong probinsiya. Napag-alaman kay provincial officer II Victor Santamaria na sa walong munisipyo sa lalawigan na nakapagpasa ng ordenansa, ang Ibajay at ang Buruanga palang ang maituturing na 100 percent smoke-free town.


Tuesday, January 10, 2017

DRUG PUSHER SA BORACAY TODAS MATAPOS MANLABAN SA PULIS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 35-anyos na pinaniniwalaang tulak ng droga sa Isla ng Boracay makaraang manlaban sa pulisya sa isinagawang drug buy bust operation alas-4:57 ng madaling araw sa So.Lugutan, Brgy. Manoc-manoc.

Sa report, kinilala ang naturang suspek na si Rafe Diamante y Delumpa, tubo n
g Nueva Valencia, Guimaras.

Nanlaban umano ang suspek makaraang mapag-alaman na pulis ang nakapalitan nito ng druga kapalit ng Php1000 buy bust money. Dito bumunot ng .38 kalibre ng baril ang suspek at sinubukang barilin si PSI Jess Baylon, hepe ng BTAC, gayunman ay hindi ito pumutok.

Dito na nagpaputok ng baril si Baylon laban sa suspek na nagtamo ng ilang tama ng baril sa katawan dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

Kalaunan ay narekober rin sa kanya ang pito pang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.

Isinailalim na sa crime processing ang bangkay ng suspek para sa karagdagang imbestigasyon.

Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib pwersa ng Provincial Anti-Illegal Operation Task Group (PAIDSOTG), Malay police station, 605th Maritime Police Station (MARPSTA), Philippine Drug Enforcement Agency-6, Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

NO. 1 DRUG LISTED PERSONALITY SA KALIBO, TIKLO SA BUY-BUST OPERATION

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Tiklo ang isang 48 anyos na babae makaraang maaktuhan ng mga awtoridad na nagtutulak ng iligal na droga.

Kinilala ang suspek na si Ma. Luisa Inocencio y Romero o mas kilala rin sa tawag na Malou Inocencio, kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Estancia, Kalibo.

Sa isinagawang buy bust operation 8:00 ng gabi, narekober sa babae ang Php1,500. Samantalang ang isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu ay narekober naman sa poseur buyer.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Kalibo police station habang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang operasyon ay isagawa alas-8:00 ng gabi sa Brgy. Estancia sa pamamagitan ng pinagsanib pwersa ng Aklan PAIDSOTG, Aklan PIB, PDEA-6, APPSC, Aklan CIDG, NISU 51, at 12th IB TIU MIG6.

Monday, January 09, 2017

3 MOTORSIKLO NAGBANGGAAN, 1 PATAY, 2 SUGATAN

ulat ni Archie Guray Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Dead on arrival ang drayber ng motorsiklo na si Ryan Teodosio y Lagniton, 26, taga-Cerudo, Banga, nang isugod sa Panay Health Care Center, matapos makabanggaan ang dalawa pang motorsiklo bandang alas-12:00 ng hating gab.

Sa imbestigasyon ng Kalibo Municipal PNP Station, patungo umano sa direksyon ng Kalibo si Teodosio  nang makabanggaan nito ang isa pang motorsiklo na menamaneho ng isang taga-Mabilo Kalibo (nagrequest ang pamilya na wag ng pangalanan).

Pagkatapos ay bumangga ito sa isa pang motorsiklo na menamaneho ni Melvin Ruiz, 23, na taga-Mangan, Banga.

Si Ruiz ay patuloy na ginagamot sa intensive care unit ng Saint Gabriel Hospital.

Samantala ang 31 anyos na drayber na taga Mabiloay nasa ICU din ng Panay Health Care Center.

BACKPACKS IPINAGBABAWAL NA SA ATI-ATIHAN; GUN BAN EPEKTIBO NARIN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ipinagbabawal na ngayon ng mga awtoridad ang pagdadala ng backpack sa Kalibo Ati-atihan Festival zone. Ito ay ayon sa impormasyong ipinadala ni Aklan Provincial Police Office (APPO) chief Public Information Officer SPO1 Nida Gregas.

Bawal na rin anya simula sa araw ng Lunes ang pagdadala ng baril.

Isa umano ito sa mga pro-active measures ng APPO para masiguro na walang anumang Improvised Explosive Device (IED) o anumang banta ang maaring mangyari sa pagdiriwang ng Ati-atihan.

Nagpapaalala rin siya sa taumbayan na ipagbigay- alam agad sa mga kapulisan ang anumang kahina-hinalang bagahe o mga box na makita sa anumang lugar para usisain ng EOD personnel.

Hiniling pa ni Gregas sa taumbayan na maging mapagmatyag at maging security conscious.

Nabatid na nasa 1016 PNP at AFP contigenyts, force multipliers at iba pang law enforcement agencies ang itatalaga para magbigay ng maximum security coverage sa sanglinggong pagdiriwang sa bayan ng Kalibo.

SEGURIDAD SA ATI-ATIHAN FESTIVAL NAKALATAG NA - KALIBO PNP CHIEF

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinasiguro ng Kalibo PNP ang seguridad sa sanglinggong pagdiriwang ng Ati-atihan Festival.

Sa isang media forum, sinabi ni PCInsp. Terence Paul Sta. Ana na target nila ang zero major incident sa naturang pagdiriwang.

Sinabi rin nito na ayon sa kanilang intelligence community ay wala namang banta sa seguridad sa kasagsagan ng pagdiriwang kabilang anya ang nauuso ngayon na pagpapasabog. Sa kabila nito, hindi nila ipagnagwawalang bahala ang posibilidad na may mangyaring ganitong uri ng insidente. Katunayan anya ay ipapatupad ng Philippine Army at ng mga kapulisan ang pagsusuyod sa mga matataong lugar gamit ang kanilang EOD Team at K9 Unit.

Ipapatupad rin ng mga kapulisan ang advance security control point o check point para sa mga motoristang pumapasok sa festival zone. Ang mga control point area ay nasa Linabuan Sur at Pook, Kalibo at Bulwang, Numancia.

Ilalatag rin umano ang tatlong staging area kung saan nakahanda ang ambulansiya ng PDRRMO, tactical ambulance ng Philippine Army, fire truck at mga medics. Itatalaga ito sa may Kalibo bridge, Petron Mabini, at sa Kalibo police station.

Gagamitin rin umano ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kanilang mobile jail na mag-iikot sa mga lansangan. May 16 rin anya na police assistance center ang ipapakalat upang magbigay tulong at impormasyon sa mga tao.