Thursday, March 02, 2017

PAGGUNITA SA 19 MARTIRES, PINAGHAHANDAAN NA LOKAL NA PAMAHALAAN NG KALIBO

Choose Philippines' photo
Pinaghahandaan na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang paggunita sa 19 Martires ng Aklan ngayong buwan ng Marso.

Napagkasunduan sa isang pagpupulong kung anong paaralan ang magbibigay-buhay sa pangyayari sa 19 Martires at kung paano nakamit at tinatamasa ngayon ng mga Aklanon ang kalayaan. 

Nais ng munispyo at ng Department of Education (DepEd) – Aklan na hindi magiging karaniwan ang gagawing pagtatanghal kaugnay rito. Kabilang pa sa mga aktibidad ang quiz bee; mga contest sa slogan making, poster making, essay at poem writing.

Napagkasunduan rin na ang misa ay gaganapin sa Aklan freedom shrine saka susundan ng commeration program.

Nakatakda ring ipatawag sa susunod na pagpupulong ang lokal na pamahalaan ng Aklan para sa kanilang suporta.

Alinsunod sa republic act No. 7806, ang Marso 23 ng bawat taon ay isang special public holiday sa lalawigan.

ISA PANG BARKO NG STL KUMPIRMADONG NASA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kumpirmadong nasa baybayin ngayon ng probinsiya ng Aklan ang isa pang barko ng STL Panay Resources Co. Ltd.

Sa sulat na nakarating kay gobernador Florencio Miraflores, sinabi ni STL Panay managing partner Patrick Lim, na ang barko ay darating sa Pebrero 28 dakong alas-3:00 ng hapon.

Nakasaad sa sulat na may petsang Pebrero 27, ang barkong SLD1 na una nang sinabing darating noong Pebrero 18 ay lumihis patungong Iloilo para mag-refuel at para kumuha ng mga kaukulang mga permit at clearance.

Sinabi rin sa sulat na ang barko ay gagamitin para maalis ang suction tube mula sa Zhong Hai 18 na nasira at lumubog sa sa bukana ng Aklan river. 

Dagdag pa, ang operasyon ay magtatagal umano ng dalawa hanggang tatlong araw bago ito aalis ng Kalibo. Pagkatapos nito ay didiretso umano ang barko sa Dumaguit port para sa spare parts supply at installation ng pipeline. 

Pinasiguro naman ni Lim sa kanyang sulat na dokumentado ang gagawin nilang operasyon at tutupad sa mga itinakdang kasunduan ng binuong multi-partite monitoring team.

KAGAWAD KULONG MATAPOS SAKSAKIN ANG ISANG 34-ANYOS NA LALAKI

ulat ni Joefel Magpusao/ Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalaboso ang isang barangay kagawad makaraang saksakin ang isang 34-anyos na lalaki sa brgy. Cogon, Malinao dakong alas-11 ng gabi.

Ayon sa blotter report ng Malinao PNP station, nag-iinuman umano ang biktima nang dumating ang suspek at biglang sinaksak sa kanyang tiyan.

Kinilala ang suspek na si William Patricio y Puod, 40 anyos, residente ng nasabing lugar.

Ang biktima ay kinilala namang si Ramer Tabing y Tacsay, 34 anyos, residente rin ng brgy. Cogon.

Agad na isinugod sa provincial hospital ang biktima samantalang naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa kasong ito.

100 TRICYCLE DRIVER MAGSISILBI NANG TOURIST GUIDE SA KALIBO

Magiging katuwang na ng lokal na pamahalaan ang 100 tricycle sa pag-promote ng turismo sa Kalibo.

Ayon kay tourism officer Rhea Rose I. Meren, ang mga miyembrong ito ng Kalibo Tricycle Drivers and Guides Association (Katridga) ay sumailalim na sa mga pagsasanay bilang tour guide.

Sinabi pa ni Meren na ang mga drivers na ito ay binigyan ng sariling uniporme at accreditation stickers para madaling makilala ng mga turista.

Dagdag pa ng tourism officer na ang mga tricycle driver ay nagsisilbi nang front liners ng mga turista dahil tricycle ang kadalasang sinasakyan sa pag-iikot sa Kalibo.

Nabatid na kabilang sa mga tour packages ay ang Kalibo Tigayon Hill, Museo it Akean, Kalibo Eco-Bakhawan Park, Kalibo Cathedral at ilang mga pasalubong shops dito.


Sinabi pa ni Meren na ang mga driver na ito ay mananatili sa Kalibo International Airport, Kalibo Tourism and Cultural Affairs Division (TCAD) at sa iba pang mga accommodation establishments sa Kalibo. - PNA

Wednesday, March 01, 2017

BORACAY, KABILANG SA 25 BEST BEACHES SA BUONG MUNDO AYON SA SIKAT NA WEBSITE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo


Itinanghal na isa sa mga 25 best beaches sa buong mundo ang white beach ng isla ng Boracay ayon sa travel website na TripAdvisor.

Ang Boracay ay pang-24 sa nasabing bilang at isa sa dalawang beach sa Asya na nakapasok sa karangalang ito. Ang isa pa ay Ngapali beach sa Myanmar na nasa 25.

Sinabi sa world’s largest travel site na ito na ang isla ng Boracay ay posibleng isa sa mga pinakamagandang beach sa Asya.

Ang nanguna sa karangalang ito ay ang Baia do Sancho sa Fernando de Noronha, Brazil. Pumangalawa rito ang Provindenciales, Turks at Caicos island samantalang ang Eagle beach sa Arabu ay pumangatlo.

Ang paghirang na ito ng 2017 Travelers’ Choice ay base sa kalidad at dami ng travellers reviews sa naturang website noong 2016.

35 ANYOS NA MISTER, MASWERTENG NAILIGTAS NI MISIS SA PAGKAKABIGTI

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Maswerteng nailigtas ang isang 35 anyos na mister at isang delivery boy makaraang naabutan siya ng kanyang misis na nakabigti sa loob ng kuwarto sa Brgy. Napaan, Malay.

Kuwento ng misis, dumating umano si mister sa kanilang bahay dakong alas-11 ng gabi na nasa ilalim ng kalasingan.

Hindi umano siya pinansin ni misis dahil abala ito sa pag-aasikaso sa maliit na anak na nilalagnat. Tinakot umano siya ni mister na magbibigti siya.

Dito pumasok ang mister sa isa pang kuwarto at nagbigti gamit ang lubid. Maswerteng naabutan siya ng kanyang misis at inalis ang lubid na mahigpit na nakatali sa kanyang leeg.

Agad na isinugod ang walang malay na mister sa pribadong ospital sa Malay at naagapan ito. Kalaunan ay dinala siya sa provincial hospital kung saan nagpapagaling pa ang nasabing biktima.

Sa eksklusibong panayam sa mister sinabi niyang gusto lang niyang mapansin ni misis kaya niya iyon nagawa at pinabulaanan na mayroon silang away pamilya.

AKLAN NAGKUKULANG SA MGA BOMBERO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Aminado si Bureau of Fire Protection (BFP) – Aklan fire marshall, senior inspector Patricio Collado na nagkukulang sila sa mga tauhan o bombero.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Collado na sa kasalukuyan ay mayroon lamang umano silang 130 personnel. Dapat anya ay mayroon silang 250 personnel sa Aklan kung saan 15 personnel ang itatalaga sa bawat fire station.

Ayon sa kanya, ang Aklan ay may 10 fire station, at isang substation sa Isla ng Boracay at 15 fire trucks. Samantala, nasa 50 porsyento na umano ang konstruksyon ng mga fire station sa Madalag, Makato at Malinao.

Dahil sa mga kakulangang ito, nakikipagtulungan ang mga fire unit sa bawat municipal disaster risk reduction and management offices para sa augmentation.

Sa kabilang banda, bilang bahagi ng paggunita sa fire prevention month ngayon Marso, pinaiigting ng mga bomber ang kanilang kampanya kontra sunog at pag-iinspeksyon sa mga kabahayan at mga establisyemneto.

Maliban rito may mga aktibidad rin sila kagaya ng fun run, openhouse, essay writing contest at iba pa.

BFP – AKLAN PAIIGTINGIN ANG KAMPANYA KONTRA SUNOG

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Energy file photo
Simula ngayong araw, Marso 1, paiigtingin ng Bureau of Fire Protection (BFP) – Aklan ang kanilang kampanya laban sa sunog kaugnay ng national fire prevention month.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay provincial fire marshall, senior inspector Patricio Collado, nakahanda na sila sa mga kaliwa’t kanang aktibidad ngayong buwan.

Ngayong araw ay iikot ang mga fire truck sa mga bayan at magse-serena hudyat ng pagsisimula ng fire prevention month bagay na hindi dapat ikabahala ng mga tao.

Muling tutunog ang mga fire truck bukas, dakong alas-12 ng tanghali kasabay ng fire safety awareness campaign sa pamamagitan ng pamimigay ng mga information materials, lecture, intensibong inspeksyon sa mga establisyemento at maging sa mga kabahayan.

Makikipagtulungan rin ang mga fire unit sa mga municipal disaster risk reduction management office para sa kampanyang ito.

Ang tema ng fire month ngayong taon ay “buhay at ari-arian ay pahalagahan, ibayong pag-iingat sa sunog ay sa sariling pamamahay simulant.”

BFP-AKLAN MAY BABALA SA TAUMBAYAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Energy FM file photo
Nagbabala ngayon ang Bureau of Fire Protection (BFP) – Aklan sa taumbayan kaugnay ng mga gumagala at nagkukunwaring miyembro ng BFP na nag-iinspek
syon sa mga kabahayan.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay BFP-Aklan fire marshall, senior inspector Patricio Collado, posible anyang sabayan ng mga kriminal ang kanilang house to house fire safety inspection campaign ngayong fire prevention month.

Ayon sa fire marshall, kamakailan lamang ay may natanggap silang reklamo mula sa bayan ng Numancia na may mga huwad na BFP na gumagala sa kanilang lugar.

Pinasiguro naman ni Collado na yunipormado ang mga tauhan nila na magbabahay-bahay at lesinsyadong bombero.

May karapatan naman anya ang may-ari ng isang bahay kung magpapasok siya para inspeksyunin ang kaligtasan ng kanilang bahay sa sunog. 

Hindi naman umano sila magpupumilit kung ayaw ng maybahay gayunman hinikayat niya na kung maari ay sumailalim parin sa inspeksyon.

Ang buong buwan ng Marso bawat taon ay itinalaga bilang fire prevention kung saan kadalasang naitatala ang maraming sunog.

Monday, February 27, 2017

RAPIST SA BANGA, AKLAN ARESTADO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 39 anyos na lalaki  at isang numero unong most wanted person sa bayan ng Banga sa kasong multiple counts of rape.

Naaresto ng mga tauhan ng Banga at Madalag PNP station ang suspek sa  na kinilalang si Daryl Clifford,sa kanilang residensya sa Brgy. Toralba, Banga.

Ang kanyang warrant of arrest ay inilabas at nilagdaan ni Marietta Hemena-Valencia, presiding judge ng regional trial court 6 noong Nobyembre 2002 na walang itinakdang piyansa para sa temporaryong kalayaan.

Pansamantalang ikinulong sa Banga PNP station ang suspek bago iniharap sa kaukulang korte.

Nabatid sa imbestigador na si PO3 Mario Sistorias, posible naman umanong madismiss ang kaso dahil nagkaayos na ang magkabilang partido bago pa lumabas ang warrant laban sa suspek.

Ayon kay Sitorias, pinakasalan na umano ng suspek ang biktima at may tatlo na itong anak.

CURFEW, HINDI MAGIGING ‘NINGAS KUGON’ – KALIBO PNP

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

“Hindi magiging ‘ningas kugon’”. Ito ang iginiit ng hepe ng Kalibo PNP makaraang nakakarinig siya ng mga komentong panandalian lamang ang pagpapatupad nila ng curfew.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay PCInsp. Terence Paul Sta. Ana, sinabi niya na tuloy-tuloy ang isinasagawa nilang pagpapatupad ng curfew mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga alinsunod sa municipal ordinance no. 045 series of 1994.

Ayon kay Sta. Ana, mas pinaigting nila ang pagroronda sa mga lugar na kadalasang pinangyayarihan ng mga insidente at tinatambayan ng mga menor de edad.

Sinabi pa ng hepe na simula ng pinaigting nila ang pagpapatupad ng curfew mag-aapat na linggo, ay may mga nahuli na silang mga menor de edad na lumalabag rito.

Umaasa naman si Sta. Ana na matuloy at maggawa agad ang gusali na magsisilbing holding area para sa mga children in conflict with the law (CICL) sa bayan ng Kalibo.

Nanawagan rin siya sa mga opisyal at mga tanod ng barangay na makipagtulungan sa pagpapatupad ng batas na ito.

PAGLALAGAY NG MGA RELIGIOUS STATUE SA PASTRANA PARK BINABALAK NG RELIHIYOSONG GRUPO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Binabalak ngayon ng Catholic Women’s League (CWL) ang pagatatayo ng mga relihiyosong estatwa sa Pastrana Park.

Sa sulat na ipinaabot ni CWL diocesan president Sis. Shirley Ilejay at diocesan spiritual director Fr. Josue Escalona sa Sangguniang Bayan, balak nilang itayo ang mga ito sa likuran ng monumento ni dating Archbishop Gabriel Reyes.

Kabilang sa mga balak nilang itayo ay ang emahe ng Our Lady of Fatima, emahe ng Sagrado Corazon de Jesus at ang sampung utos sa pagitan.

Nangako naman ang relihiyosong grupo na sila ang mangangalaga at magde-develop ng bahaging ito ng Pastrana at tatawaging Mary’s Woods.

Sa pagtalakay sa regular session ng Sanggunian, ikinabahala nila na baka isawalang galang ito ng mga tao lalo na ng mga bata at sa posibilidad na ibandalismo ito.

Nakatakda namang pag-usapan ang panukalang ito sa committee on Pastrana Park.

PAG-RENEW NG PRANGKISA SA MGA TRICYCLE EXTENDED NA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Extended na ang pag-renew ng prangkisa at body number ng mga tricycle sa bayan ng Kalibo.

Kasunod ito ng pag-apruba ng Sangguniang Bayan sa resolusyon na nagbibigay 30 karagdagang araw para sa mga operator at owner sa pagrenew ng kanilang mga prangkisa sa kanilang seventh regular session.

Ito ang naging kahilingan ni Johnny Damian, presidente ng Federation of Kalibo and Tricycle Operator-Drivers Association Inc. (FOKTODAI) sa alkalde na agad namang binigyan ng tugon ng Sanggunian.

Nabatid na ang pagre-renew ng body number ay hanggang Pebrero 20 lamang at ang late-renewal ay may pataw na Php2,500 na penalidad samantalang ang renewal ng franchise ay may pataw na Php130.

Samantala, nakatakdang magsagawa ng public hearing ang committee on transportation and committee on laws and ordinances Lunes alas-2:00 ng hapon kaugnay ng kahilingan ng FOKTODAI na magtaas ng piso sa kanilang pamasahe.

MALAWAKANG TIGIL PASADA IPINAPATUPAD SA AKLAN

Isinasagawa ngayong araw ng Lunes ng mga driver at operator ang malawakang tigil pasada at kilos protesta sa lalawigan ng Aklan.

Ito ay kasunod nang joint agreement order ng Land TransportationFranchising Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr).

Nakasaad dito ang planong pag-phase-out sa mga lumang jeep gayundin ang pag-require sa mga operator ng hindi bababa sa sampung jeep at minimum na kapital Php 7 milyon upang mapanatili ang kanilang prangkisa.

Pinangunahan ito ng Federation of Aklan Integrated Public Transport Inc. (FAIPTI) at Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) – Aklan. Kasama rin sa kilos protesta ang ilang mga aktibong grupo sa pangunguna ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Aklan.

Dahil rito, apektado ang pasok sa mga paaralan at maging mga trabaho. Nagdulot rin ito ng pagbubuhol ng mga trapiko sa Kalibo dahil sa pagdagsa ng mga pribadong sasakyan na naghahatid-sundo ng kanilang mga pasahero.

Inaasahan na magtatagal ang nasabing tigil-pasada hanggang mamayang hapon.