Thursday, February 02, 2017

MGA KAPULISAN ALL SET NA PARA SA ASEAN SUMMIT SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

“All set na.” Ito ang sinabi ni Aklan Provincial Police Office (APPO) public information officer SPO1 Nida Gregas kaugnay ng paghahanda ng mga kapulisan sa nalalapit na ASEAN Summit sa Isla ng Boracay.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Greagas na nagsagawa na ng ocular inspection ang mga awtoridad sa mga pagdarausan ng mga pagpupulong sa isla, briefing, at dry run.

Ayon pa sa tagapagsalita ng APPO, anim na araw lamang ang itatagal ng summit sa isla. Ang mga pagpupulong ay gaganapin sa Pebrero 13 hanggang 15 at Pebrero 19 hanggang 21. Dadaluhan ito ng mga head of the state, minister, mga international and local media.

Magsisimula ang kanilang security deployment limang araw bago ang mga pagpupulong at limang araw pagkatapos.

Halos wala anyang pagkakaiba ang security system na ipapatupad nila kumpara sa APEC Summit sa isla ng Boracay noong 2015. Gayunman hindi kagaya ng APEC na may nasa 1,500 VIP, inaasahan anya na nasa 44 VIP lamang ang dadalo sa ASEAN kaya mas magaan lamang ito para sa kanila.

Tatlong task group ang binuo para mangasiwa sa peace and order, security, at emergency preparedness kaugnay rito.

Ayon kay Gregas, tinatayang nasa tatlo hanggang apat na libong force multipliers ang ipapakalat mula sa mainland Malay patungo sa mga lugar na pagdarausan ng pagpupulong sa Isla ng Boracay.

MGA KOREANO HINDI BINABAWALAN SA PILIPINAS – KOREAN CONSUL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

by Darwin Tapayan
Hindi ipinagbabawal ng consulate ang mga Koreano na bumisita sa Pilipinas sa kabila ng kontrobersiyal na pagpatay kay Jee-Ick Jo sa bansa.

Ito ang ipinahayag ni second secretary and consul ng Consulate of the Republic of Korea in Cebu Lee Yonsang sa isang panayam Miyerkules ng umaga.

Umaasa ito na mabigyan ng hustiya ang pagpatay kay Jo at hindi na ito masundan pa. 

Para sa kanya hanap parin ng mga turistang Koreano ang likas na kagandahan ng bansa. Naniniwala rin siya na ang mga Pilipino ay sadyang mapagkalinga sa mga bisita.

Si Yonsang ay nasa Aklan upang dumalo sa free-trial sa kaso ng pagkamatay ng isang Koreanong negosyante sa Isla ng Boracay noong Agusto 2015 dahil umano sa kapabayaan ng helmet diving company na pinagrentahan nito.

Samantala, napag-alaman na noong 2016, apat na mga Koreano ang napatay sa aksidente sa Boracay.

Ang Koreano ay nangunguna sa bilang ng mga turistang dumarayo sa Boracay at maging sa buong bansa.


Tuesday, January 31, 2017

2 HEPE, 49 POLICE NCO SA AKLAN NAPROMOTE SA MATAAS NA RANGKO

Aklan Provincial Police Office
ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Na-promote sa pagiging police senior inspector ang dalawang hepe sa Aklan na sina PInsp. Ryan Panadero, ng Tangalan municipal police station, at PInsp. Willian Aguirre, ng Buruanga. 

Isinagawa ang pinning and oath-taking ceremony sa Police Regional Office 6.

Sa kapareho ring araw nai-advance din ang 49 Police Non-Commissioned Officer (PNCO) ng Aklan Police Provincial Office (APPO) sa mataas na rangko.

Pinangunahan ni PSupt. Pedro Enriquez, deputy provincial director for admin and operation, ang donning of ranks ceremony paLunes ng umaga sa Camp Pastor Martelino, Brgy. New Buswang, Kalibo.

Ayon kay APPO public information officer SPO1 Nida Gregas, sa 49 na PNCO na na-promote, 24 dito ang mga PO1, apat ang PO2, 14 ang PO3, anim ang SPO1, at isa ang SPO3. 

Ayon pa kay Gregas, todo suporta naman ang kanilang mga pamilya at kamag-anak para sa pagsusuot ng insignias sa mga nasabing pulis.

Nagpaabot naman ng kanyang pagbati si APPO provincial director PSSupt. John Mitchell V Jamili sa kanilang mga promosyon at nagpapasalamat sa paggaganap sa kanilang tungkulin.

USEC VALDEZ: HINDI DREDGING KUNDI MINING ANG GINAGAWA NG STL

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Black Sand extraction ng STL
Hindi dredging kundi mining ang ginagawa ng Santarli (STL) Panay Resources Inc. Ltd. sa Aklan river.

Ito ang ipinahayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) under secretary Arturo Valdez sa panayam ng Energy FM Kalibo. Sinabi pa ng under secretary na isang panluluko ang ginagawa ng kompanya.

Martes ng umaga ay personal na bumisita si Valdez kasama ang ilang tauhan ng DENR sa So. Libuton, Brgy. Bakhaw Norte, Kalibo at inakyat ang dredging vessel ng kompanya na nakadaong dito.

Kasama rin nila ang mga tauhan ng Philippine Coastguard, National Bureau of Investigation, Armed Forces of the Philippines, at Philippine National Police.

Makikita sa loob ng barko ang mga buhangin at graba na nakuha sa mga inisyal dredging operation. Bagaman sinabi ng kinatawan ng STL na ito ay testing lamang ng kanilang gamit, wala itong patnugot ayon kay Valdez.

Sinabi ng pangalawang kalihim na walang inilabas na permit to transport, at permit to export ang Mines and Geosciences Bureau sa naturang operasyon
. Maliban rito, nakitaan rin sila ng mga paglabag sa environmental compliance certificate dahil sa mga pinsalang dulot ng kanilang operasyon.

Dahil rito, ipinababasura na ng under secretary ang lahat ng mga dokumento para sa dredging operation ng kompanya sa pagitan ng provincial government. Maliban rito, pinapa-hold muna ang barko at ang mga tripulante upang harapin ang mga kasong ipapataw sa kanila.

CONG. MARQUEZ: ITIGIL ANG DREDGING OPERATION

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Sang-ayon rin si lone district of Aklan congressman Carlito Marquez na itigil ang dredging operation sa Aklan river.

Ito ay kasunod ng pagprotesta ng mga taumbayan sa Bakhao Norte kung saan inirererklamo nila ang pagguho ng ilang bahay sa lugar dulot umano ng isinasagawang dredging operation sa d
ito.

Sinabi ni Marquez na kailangan munang kumpletuhin ng Santarli (STL) Panay Resouces Inc. Ltd. ang mga kaukulang requirement bago makapagsimula ng kanilang dredging operation sa Aklan river.

Sa ngayon ay nakikipagtulungan ang kongresista kay Kalibo mayor William Lachica upang makahanap ng kaukulang pondo para sa pagsasagawa ng istaka sa mga tabing ilog ng Bakhaw Norte.

Ang dating gobernador ang nagbigay-daan upang makapagsagawa ng dredging operation ang kompanya sa Aklan. Ayon sa kanya, dumaan na ito sa mga public consultation noon bago lagdaan ng pumalit na si governor Florencio Miraflores ang memorandum of agreement.

Bagaman sang-ayon siya sa dredging operation, dismayado siya sa pagmamadali ng STL dahil sa kakulangan ng dokumento at pagtutol ng mga mamamayan.

BASURA MALAKING PROBLEMA NG BORACAY – ISLAND ADMINISTRATOR

by Darwin Tapayan
Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga turista sa Isla ng Boracay taun-taon, kasabay rin nito ang malaking suliranin sa basura.

Nababahala si Boracay Island administrator Rowen Aguirre na kahit ano kahigpit ang gawin nilang kampanya, may mga turista paring walang pakundangan sa pagtatapon ng basura kahit saan.

Sinabi niya na ang basura ay isa sa mga malalaking problemang kinahaharap ng administraston ni Malay Mayor Ciceron Cawaling.

Kamakailan, may mga guro at mga magulang sa Manocmanoc Elementary School ang nagrereklamo na ang mga basura mula sa kalapit na dump site ay naging pinsala dahilan para maantala ang mga klase dito.

Ayon pa kay Aguirre, ang pamahalaang lokal ng Malay ay nangangailangan ng mas maraming deodorizer para maalis ang baho mula sa dump site.

Ang mga basurang nakokolekta sa buong isla ay dinadala sa dump site para sa pag-segregate saka ito dini-deodorize.

LOLO PATAY MATAPOS MABUNDOL NG MOTORSIKLO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 75 anyos na lalaki makaraang mabundol ng motorsiklo sa Brgy. Tabayon, Banga Lunes dakong alas-4:00 ng hapon.

Ayon sa imbestigador ng Banga municipal police station, tumatawid sa kahabaan ng diversion road ang biktimang si Riligioso Morallos, residente ng nasabing lugar, nang mabangga siya ng motorsiklo.

Bagaman bumusena umano ang driver ng motor ay hindi niya ito napansin dahil ayon sa pamilya ay problema ito sa pandinig. 

Galing ang driver ng motor sa Balete at papauwi na sana ng Brgy. Poblacion, Numancia kung saan ito pansamantalang nanunuluyan.

Agad na isinugod sa provincial hospital ang matanda pero binawian rin ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa emergency roon dakong alas-5:00 ng hapon. Nabatid na nagtamo ng malubhang sugat ang matanda sa kanyang ulo dahilan para bawian siya ng buhay.

Sa pagresponde ng pulisya sa lugar, matiwasay namang lumapit sa pulisya ang driver ng motor na si Ruel Pingul, 34, collector, tubong Pampanga.

Nagkasundo na rin ang pamilya ng biktima sa motorista na hindi na magsasampa ng kaso.

Monday, January 30, 2017

DENR PINATITIGIL ANG DREDGING OPERATION SA AKLAN RIVER

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Zhong Hai 18 dredging vesssel
Pinatitigil na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) – Aklan ang dredging operation ng Santarli (STL) company sa Aklan river.

Sinasaad sa inilabas na cease and desist order ng tanggapan na hindi binigyan ng pahintulot ang STL na magsimula ng operasyon. Inutos rin na itigil muna ang anumang dredging operation sa lugar hanggang sa makumpleto ng kompanya ang lahat ng mga requirement mula sa gobyerno.

Paliwanag ng DENR-Aklan, nagsimula na ang operasyon ng Zhong Hai 18 dredging vessel na nakadaong sa bunganga ng Aklan river malapit sa So. Libuton, Brgy. Bakhaw Norte, Kalibo. Ito ang lumabas sa pagsusuring ginawa ng Joint Multi-sectoral Monitoring and Validation noong Enero 23.

Nakasaad sa cease and desist order sa anim na mga compartment ng barko, dalawa rito, ang compartment no. 3 at 4, ay may lamang 1,200 cubic meters ng sand sediments.

Maliban sa cease and desist order, naglabas rin ang DENR ng show cause order laban sa STL noong Enero 26 upang pagpaliwanagin sila kung bakit hindi sila dapat patawan ng legal sanction.