Wednesday, March 28, 2018

TEMPLO SA PANAHON NI PROPETANG MOISES PWEDE NANG PASUKIN SA NUMANCIA, AKLAN

Kasalukuyang tinatayo sa Dongon West, Numancia ang replika ng templo sa panahon ni propetang Moises.

Ayon kay Pastor Owen Emen, district pastor ng Seventh-Day Adventist sa Aklan, ang replika ay insakto umano sa orihinal na santwaryo sa Bibliya.

Mababasa sa Lumang Tipan ang detalyadong utos ng Panginoon kay Moises sa pagtatayo ng tabernakulo o isang naililipat na templo.

Ang sukat at lahat ng dako at detalye ng orihinal na santwaryo ay gayang-gaya umano sa orihinal maliban lamang sa materyales na ginamit.

Ipinagmalaki rin niya na nag-iisa lamang ito sa Asya. Sa buong mundo anya ay nasa sampu na na replika ang kanilang itinatayo.

Posible umanong matapos ito sa Marso 29 at magsasagawa sila ng soft opening sa Biyernes Santo. Pero regular na itong bubuksan sa susunod na linggo at magtatagal ng tatlong buwan.

Bukas umano ito alas-3:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi na may tig-12 katao bawat tour. May full-time umano na tour-guide dito na magpapaliwanag ng kasaysayan at mga gawain dito.

Sa panahon ni Moises, ito ay lugar ng pagsamba at pagsasakripisyo ng mga hayop. Ipapaliwanag rin umano kung ano ang kahalagahan nito sa modernong panahon.

Kaugnay rito hinihikayat ni Ptr. Emen ang publiko na maranasan ang pagpasok sa santwaryong ito.

PANGGA WARANG TA: RING FALLS IN MADALAG

How to get here?

* Ride a bus/jeep via Libacao. Then, tell the driver to drop you in Sitio Daguitan, Madalag, Aklan. The fare is 35.00 if bus and 30.00/if jeep. Landmark is long steel bridge (Guadalupe Bridge). From there you need to ride a single motorcycle going to Poblacion, Madalag. If u have a car/service you can directly go to Poblacion. Pwede ka ding dumaan via Malinao but it takes 2hours of travel.

*From Poblacion, you will ride a single motor (habal-habal) going to Panipiason. Its takes an hour before you can reach the place. The fare is 150.00 per head. Only two person is allowed in the motorcycle.
*From the barangay proper, you will walk for 25 minutes to reach this place.

*Mas maganda na may kakilala ka or contact na taga Madalag para makahanap agad ng motor na maghahatid sa inyo doon.

*Walang entrance fee po ang pagpunta doon. Just coordinate or mag courtesy call Kay kapitan bago pumunta doon for your safety. There's a tour guide naman na magsasama sa inyo papunta doon. It's up to you if how much you will pay for the guide.

FYI: The falls has a ring before kaya tinawag syang Ring Falls. But because of typhoon Quinta nasira ito because there's a huge rocks/stones na nahulog at tinamaan yung ring.

repost from Joejit Naldoza

OPERASYON NG SMALL TOWN LOTTERY SA AKLAN MULING IIMBESTIGAHAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Muling iimbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ang operasyon ng small town lottery dito sa Aklan.

Gusto kasing siguraduhin ng Sanggunian kung nasusunod ng authorized agent corporation ang kanilang presumptive monthly retail receipt (PMRR) na Php23 milyon.

Nagsimula ang Yetbo Gaming Corporation ng operasyon ng STL sa probinsiya Marso 2017 na may opisina sa N. Roldan St., Kalibo.

Bago pa man ang operasyon ng STL sa probinsiya nangako ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Aklan branch at Yetbo na magsusumite ng buwanang report sa Sanggunian.

Pero ayon sa Sanggunian simula noon ay wala silang natanggap na report mula sa kanila.

Huling pinatawag ng Sangguniang ang PCSO-Aklan Mayo noong nakaraang taon kung saan napag-alaman na sa mga unang buwan ng kanilang operasyon ay mababa ang kanilang kinita kumpara sa kanilang PMRR.

Napag-alaman rin ng SP na ilan sa kanilang implementing rules and guidelines ang hindi nasusunod.

Sinabi noong ng PCSO-Aklan na ang Yetbo gaming corporation ay may cashbond na katumbas ng kanilang PMRR. Dito anya kukunin ang kakulangan sa kinita ng nasabing gaming corporation.

Sinabi pa ng PCSO na kung magpapatuloy na mababa ang kikitain ng korporasyon ay ipapasara nila ang operasyon nito.

Matatandaan na ang SP Aklan ay nagpasa ng resolusyon upang mahigpit na tutulan ang operasyon ng STL sa Aklan.

Tuesday, March 27, 2018

DENR, DOT PAGPAPALIWANAGIN SA BORACAY CASINO

Casino in Macau
Ipinagtataka ni Senator Nancy Binay ang pagbibigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng provisional license to operate sa mega-casino sa Boracay sa gitna ng planong pagpapasara sa isla.

Sa impormasyon, nilagdaan na ng PAGCOR ang provisional license para sa $500-million integrated casino-resort ng Leisure and Resorts World Corp. (LRWC) at ng foreign partner nitong Galaxy Entertainment Group.

Tutol si Binay sa pagtatayo ng casino sa Boracay kasabay ng muling paggiit na dapat magpatupad ng moratorium sa anumang konstruksyon sa isla, na pinagpaplanuhang isara ng ilang buwan para ayusin.

Bukod sa Galaxy, nakatakda ring magtayo ng hotel na may 1,000 kuwarto sa isla ang Double Dragon Properties Corporation.

Sinabi ng senadora na magpapatawag naman muli sila ng pagdinig para pagpaliwanagin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Tourism (DOT) sa planong konstruksyon./ Radyo INQUIRER

ITATAYONG MEGA CASINO SA BORACAY IIMBESTIGAHAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG AKLAN

Iimbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang kontrobersyal na $500 million mega casino resort na itatayo sa Isla ng Boracay.

Kasunod ito ng pahayag ni SP member Nemisio Neron na posibleng may kurapsyon sa pagbili ng lupa na pagtatayuan nito.

Layunin umano ng imbestigasyon na alamin kung sino ang nagbenta ng lupa at kung sino ang may-ari nito.

Nanindigan si Neron na ang sugal ay nakakapinsala sa moralidad ng indibidwal at ugnayang pamilya. Pwede rin umano itong maging sanhi ng katamaran at iba pang bisyo kagaya ng droga.

Aalamin rin kung ito ay dumaan sa public consultation. Giit ni SP member Soviet Dela Cruz, kailangang mayroong social acceptability rito.

Sinabi naman ni SP member Esel Flores, hindi na kailangan pa ng ganitong casino dahil masikip na umano ang Boracay sa dami ng turista.

Ipapasama rin ni Vice Governor Reynaldo Quimpo sa imbestigasyon ang umano'y umiiral na na mga casino sa isla.

Dahil rito pursigido ang Sanggunian na ipatawag ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCor), at ilan pang may kinalaman sa proyekto o sa likod nito.

Noong nakaraang linggo ay pinirmahan na ng PAGCor ang provisional permit ng Galaxy Entertainment na mag-ooperate ng Casino sa isla. Planong simulan ang pagtatayo nito sa 2019.

Inirefer ang usaping ito sa mga committee on laws, games and amusement at tourism.

Monday, March 26, 2018

LUCIO TAN NAG-ALOK NA MAGTATAYO NG IKALAWANG DRAINAGE SYSTEM SA BORACAY

Nag-alok ang business tycoon na si Lucio Tan na magtatayo ng ikalawang drainage system sa Boracay Island.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque nagpalada ng liham si Tan sa mga concerned agencies para banggitin ang kaniyang alok.

Ani Roque, may negosyo sa Boracay si Tan, nagsu-suplay umano ito ng tubig pero wala siyang sewerage system doon.

Dahil dito nagsabi umano si Tan na handa siyang magpagawa ng panibagong drainage system sa isla.
Ang ipapagawa aniyang drainage ay ikukunekta din sa wastewater treatment.

Kung matutuloy, lahat ng discharge na tubig, maging ang tubig ulan ay dadaan sa treatment at hindi na pupunta sa tubig ng isla.

Hiniling naman ni Environment Undersecretary Jonas Leones sa kampo ni Tan ang mas detalyadong impormasyon tungkol sa kaniyang panukala.

Maliban sa Boracay Island Water Company, Inc., ang kumpanya ni Tan ay nagsu-suplay din ng tubig sa isla./ Radyo INQUIRER

DALAWANG BUS NG DIMPLE STAR SA BAYAN NG NABAS NASUNOG

Dalawang bus ng Dimple Star ang nasunog sa parking area nito sa Brgy. Pinatuad, Nabas.

Naganap ang insidente dakong alas-10:00 ng umaga ayon sa report ng Bureau of Fire Protection - Ibajay.

Ayon kay FO1 Raymond Luce, imbestigador, hindi pa tukoy kung ano ang sanhi ng sunog.

Tumanggi rin itong magkomento kung sinadya ang sunog. Patuloy pa umano ang ginagawa nilang imbestigasyon.

Anya, wala pa umanong tumetisgo sa kung ano ang nangyari. Nabatid na malayo sa mga bahay ang nasabing lugar.

Maliban sa dalawang luma at hindi na umaandar na bus, nasunog rin ang mga nakatambak na goma dito. Tinatayang aabot sa Php400,000 ang pinsalang dulot ng sunog.

Nalagay ngayon sa kontrobersiya ang Dimple Star dahil sa pagkahulog ng isa sa mga bus nito sa Sablayan, Mindoro na kinasawi ng 19 at pagkasugat ng iba pa.

Si Nabas Sangguniang Bayan member Hilbert Napat ang may-ari ng bus company. Siya rin ang may-ari ng KJad vans na nag-ooperate sa probinsiya.

APRIL 26 CLOSURE NG BORACAY, HINDI PA APRUBADO NG PANGULO- ASEC. ALEGRE

Nilinaw ni Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre na rekomendasyon pa lamang ng kanilang hanay at ng Department of Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources na ipasara ang Boracay ng anim na buwan para sa rehabilitasyon.

Ayon kay Alegre, maaring mabawasan pa ang anim na buwan depende sa bilis ng rehabilitasyon at paglilinis sa isla.

Bukod dito, hindi pa naaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng DILG, DENR at DOT.

Nakasalalay din aniya sa pakikipagtulungan ng mga residente sa isla ng Boracay ang magiging resulta ng rehabilitasyon.

Base sa rekomendasyon ng DILG, DENR at DOT, April 26 isasara ang isla ng Boracay para linisin ng anim na buwan./ Radyo INQUIRER

KAMBAL ARESTADO SA PAGTUTULAK NG ILIGAL NA DROGA SA BORACAY

Arestado ang kambal sa Isla ng Boracay sa Sitio Ambulong, Brgy. Manocmanoc kagabi sa pagtutulak ng droga.

Ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency ang buybust operation kontra sa dalawa.

Kinilala ang mga ito na sina Eric at Jerry Sual y Fernando, 26-anyos, tag-Toledo, Nabas.

Nakuha sa operasyon ang limang sachet na may laman ng pinaghihinalaang shabu.

Nakuha rin ang isang cellphone at Php3,500 buy bust money.

Posibleng maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang dalawa.

22-ANYOS NA MOTORISTA PATAY NANG MABANGGAN NG PICK-UP SA IBAJAY

photo (c) Kram Zepol
Patay ang isang 22-anyos na motorista sa bayan ng Ibajay matapos siyang mabanggan ng pick-up.

Kinilala ang biktima na si Lloyd Sion, residente ng Brgy. Ondoy.

Ayon sa report ng pulisya, binabaybay ng biktima ang national highway nang mabundol ito ng kasalubong na pick-up.

Umovertake umano ang pick-up sa sasakyang nauna sa kanya. Menamaneho ito ni Gunder Arangote, 21, ng Brgy. Tagbaya.

Wasak ang motorsiklo sa lakas ng pagkakasalpok. Dinala pa sa ospital sa Ibajay ang biktima pero binawian rin ito ng buhay.

Nabatid na wala itong lisensiya.

Inaresto naman ng kapulisan ang driver ng pick-up at nakatakdang sampahan ng kaukupang kaso.

Naganap ang insidenteng ito gabi ng Sabado./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo