Saturday, January 05, 2019

Aso nasa 2 linggo nang nakaburol sa Kalibo; desenteng libingan nakahanda narin


ISANG ASO ang dalawang linggo nang nakaburol at pinaglalamayan ngayon sa isang bahay sa Oyo Torong Street, Brgy. Poblacion, Kalibo.

Ang aso na namatay noong Disyembre 17 ay pinangalanan na Nikki, isang Japanese Spitz, pitong taon-gulang.

Kuwento ng nag-alaga na si Albert Manalo, nabili umano niya ang aso sa kakilala niyang beterinaryo at inalagaan ng mabuti.

Simula 2010 umabot na sa lima ang kanyang inaalagaang aso. Katabi pa nga umano niyang matulog ang dalawa.

Napamahal umano siya sa mga aso. Katunayan hindi niya makakalimutan ang pagliligtas sa kanya ng isa pang aso sa kapahamakan.

Ginising umano siya ng aso madaling araw noong 2015 at nalaman na nasusunog na ang kanilang ceiling fan bagay na naagapan.

Kaya labis siyang nalungkot nang mamatay ang isa niyang alaga. Ilang beses umano niya itong pinagamot pero hindi rin naagapan.
A
Ayon umano sa doktor, napag-alaman na atake sa puso ang ikinamatay ng aso.

Kaugnay rito binigyan niya ng burol ang aso. Inilagay niya sa kahon ang aso at inaalayan ng mga bulaklak at kandila.

Ilan umano sa kanyang mga kaibigan ang dumadayo rin para makiramay sa nangyari.

Ginawan na niya ng libingan sa kanilang terasa ang aso at plano niya itong ilibing sa Enero 23 pa umano pagkatapos ng Ati-atihan Festival.

Mensahe niya sa mga dog lover na alagaang maigi ang mga aso nang sa gayon ay walang pagsisisi sa huli.##

- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Batang nalunod sa Aklan River isang linggo nang pinaghahanap


ISANG LINGGO na ngayong araw ng Sabado na hindi parin natatagpuan ang anim na taon-gulang na bata na si Feona Obamos ng Brgy. Bulwang, Numancia.

Matatandaan na ayon sa kuwento ng kaniyang lola, nahulog umano sa revetment wall ng Aklan River sa Brgy. Bulwang hapon ng Disyembre 29.

Naglalaro lamang umano ang bata nang madulas ito, nahulog at mabilis na tinangay ng agos ng ilog habang nalulunod at kumakaway ang bata.

Simula noon tuluy-tuloy ang isinagawang search and rescue operation ng mga tauhan ng MDRRMO Numancia at Kalibo pati ang PDRRMO.

Tumulong narin sa retrieval operation ang mga tauhan ng Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ilang rescue volunteer at mga mangingisda.

Ayon kay MDRRMO-Numancia OIC Rosana Sim na ginalugad na nila ang Aklan River simula nang maganap ang insidente maging ang ilang coastal areas na posibleng mapapad ang bata.

Aniya malalim, malakas ang agos ng ilog at malabo pa ang tubig mga bagay na nagpapahirap sa kanilang operasyon.

Sa kabila nito, ginagawa umano ng kanilang team sa tulong ng iba pang mga rescue group na matagpuan ang bata. Ipagpapatuloy umano nila ang paghahanap sa bata.

Hindi parin mapakali at makatulog ng maayos ang mga magulang ng bata. Katunayan sinabi rin nila na hindi na umano sila nagdiwang ng Bagong Taon dahil sa nangyari.

Pinahulaan umano ng mga magulang kung saan naroroon ang bata. Ayon sa mga manghuhula nasa ilalim lamang ito ng tubig at nasabit sa isang malaking sanga ng kahoy.

Malakas naman ang kutob ng ina na nasa ilalim lamang ito ng tulay ng Kalibo-Numancia bridge.##

Jak Roberto at Barbie Forteza, iba pang mga artista sa Kalibo Ati-atihan Festival



MALIBAN SA mga grupo at mga tribu na gustong masaksihan ng mga tao sa pagdiriwang ng Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival ay ang pagbisita rin ng iba-ibang mga artista.

Sa Enero 11 sa Pageant at Coronation Night ng “Mutya it Kalibo Ati-atihan 2019” ay magiging bisita ang mga singer na sina Daryl Ong at Christian Bautista para haranahin ang mga kandidata.

Bisita rin sa parehong okasyon na gaganapin sa sa ABL Sports Complex, alas-7:00 ng gabi ang model-actor na si Jason Abalos, “That’s My Bae” grand winner Kenneth Earl Medrano at Asia’s Next Top Model Cycle Grand 5 Grand Winner Maurren Wroblewitz.

Sa Enero 16 naman sa Pastrana Park ay magpapakilig at magpapasaya ang magkasintahan na sina Barbie Fortez at Jak Roberto na usap-usapan ngayon sa social media. Ganoon din ang magkasintahan na sina Paul Santos at Mika Dela Cruz.

Maliban rito magpapasaya rin ang ilang mga kilalang banda kabilang na ang Callalily sa “Hala Bira Nights” sa Magsaysay Park simula Enero 14 hanggang 20.

Ang selebrasyon ay nagsimula na nitong Enero 2 kasunod ng unang novena at opening liturgy para kay Sr. Sto. Niño de Kalibo.##

- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Friday, January 04, 2019

Election gun ban, Comelec checkpoint simula na sa Enero 13


NAGPAALALA ANG Commission on Election (Comelec) - Aklan na sa Enero 13 na magsisimula ang election period.

Kaugnay rito sinabi ni bagong Election Supervisor sa Aklan Atty. Elizabeth Doronila na magsisimula na ang gun ban at mga checkpoint.

Binalaan niya na posibleng maharap sa kaukulang penalidad ang mga taong mahuhuling nagdadala ng kanilang baril sa labas ng bahay maliban sa mga pinahihintulutan.

Sinabi niya na pinaghahandaan rin ng Comelec at ng kapulisan ang peace covenant signing na posibleng ganapin rin sa Enero 13.

Pinaalala naman niya sa mga nagfile ng kanilang kandidatura dito sa Aklan na sa Marso pa ang panahon ng pangangampanya.

Aniya, ang Aklan ay isa sa mga mapayapang lugar pagdating ng halalan. Wala umanong hotspot dito sa probinsiya.

Pinaalala naman niya sa mga botante na maging maingat sa pagboto. Habang sa mga mananalong kandidato ay parehong paglingkuran ang bumoto at di bumoto.

Si Doronila ay dating Comelec Supervisor ng Iloilo. Siya ang pansamantalang humalili kay Atty. Ian Lee Ananoria na itinalaga sa Guimaras.

Pansamantala lamang umano ang bagong assignment na ito para sa eleksyon.##

- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Zero major incident sa Kalibo Ati-atihan Festival target ng kapulisan


TARGET NG kapulisan ang zero major incident sa selebrasyon ng Ati-atihan Festival sa Enero 14 hangang Enero 20 sa Kalibo.

Ito ang sinabi ni PCInsp. Kenneth Paniza, deputy chief of police ng Kalibo PNP, sa panayam ng Energy FM Kalibo gabi ng Huwebes.

Kaugnay rito 1,506 kapulisan umano ang itatalaga sa Kalibo para sa pagdiriwang. 400 dito ang sa Aklan at ang natitira ay mula sa regional office ng kapulisan.

Magiging katuwang rin ng kapulisan ang Philippine Army, Bureau of Fire, MDRRMO, Auxiliary Police, mga tanod at iba pang ahensiya.

Sinabi pa niya na 18 Police Assistance Desk ang itatayo sa loob at labas ng festival zone kung saan nakabatantay ang mga kapulisan.

Magkakaroon din umano sila ng entrance area sa festival zone kung saan dadaan sa pagbusisi ang mga dalang gamit ng mga pumapasok. Payo niya, iwasan nalang ang pagdala ng backpack sa loob ng festival zone.

Bago ang sanglinggong pagdiriwang ay magsasagawa umano ng walkthrough at dry run ng seguridad.

Bagaman wala umano silang namonitor na banta sa seguridad nakaalerto parin umano ang kapulisan para seguraduhin na magiging payapa at maayos ang pagdiriwang na ito.

Hapon ng Huwebes ay nagtipon ang iba-ibang ahensiya para sa Inter-Agency Coordinating Conference ng binuong Site Task Group AtiFest 2019.

Nanawagan naman siya sa taumbayan at mga bisita ng kooperasyon sa mga ipinatutupad nilang seguridad.##

- ulat ni Kasimanwang Darwin  Tapayan, Energy FM Kalibo

Thursday, January 03, 2019

Bilang ng mga naputukan ng firecracker sa Aklan umabot na sa 12 - PHO


UMABOT NA sa isang dosena ang bilang ng mga naputukan ng firecracker sa probinsiya ng Aklan ayon sa tala ng Provincial Health Office (PHO) as of January 3.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon, opisyal ng PHO, simula Disyembre 21, nakapagtala sila ng isa sa Disyembre 30, lima sa Disyembre 31, at anim sa Enero 1. Magtatapos ang bilangan sa Enero 5.

Sinabi ni Dr. Cuachon na mababa umano ito ng 37 porsyento kumpara sa nakaraang taon kung saan nakapagtala sila ng 19 firecracker-related injuries.

Sa nasabing bilang tatlo ang naitalang naputukan ng five stars, tatlo ang kwetes, dalawang libentador. May naitala ring nabiktima ng luces, camara at w. bomb.

Pinakamarami ang dinala sa Provincial Hospital na may walo, isa sa Ibajay District Hospital, isa sa Buruanga Municipal Hospital, at dalawang ang sa Altavas District Hospital.

Sa mga ito, anim ang taga-Kalibo, dalawa ang sa Altavas, isa sa Nabas, isa sa Numancia, Tangalan at isa sa Buruanga. Pinakabata sa mga naputukan ay edad sais anyos habang ang pinakamatanda ay 45.

Umaasa naman si Cuachon na sa susunod na taon ay mas bababa pa ang bilang na ito kung hindi man ma-zero.##

Klase sa Lezo Integrated School tuloy parin pagkatapos masunog ang eskwelahan


TULOY PARIN ang klase para sa mga mag-aaral ng Lezo Integrated School sa pagsisimula ng kanilang klase pagkatapos ng mahigit dalawang linggong bakasyon.

Matatandaan na gabi ng Disyembre 17 ay nasunog ang 12 kuwarto ng nasabing paaralan. Ang mga nasunog ay mga silid-aralan ng kinder hanggang Grade 6.

Nasunog rin ang silid-aklatan, at tanggapan ng punong-guro. Sa taya ng Bureau of Fire - Numancia umabot sa Php6.4 million ang pinsalang iniwan ng sunog.

Sa obserbasyon ng Energy FM Kalibo siksikan sa Home Economics building ang mga kindergarten pupils na pansamantalang nagkaklase rito.

Ginagamait naman ng mga mag-aaral sa Grade V ang stage ng paaralan na pansamantalang tinakpan sa gilid para magsilbing silid-aralan nila.

Ang iba naman ay ginagamit ang agri-building at iba pang bakanteng silid. Sa kabila nito, sinabi ni Gil De Mariano, punong-guro, na problema nila ang kakulangan ng mga aklat.

Aniya aabot ng 200 ang mga mag-aaral na naapektuhan ng sunog. May pangako narin umano ang Department of Education na pondohan ang pagtatayo ng pansamantalang silid para sa mga estudyante.

Nagpapasalamat naman siya sa tulong ng mga stakeholders at mga Alumni ng paaralan. Umaapela parin siya sa ilang alumni na matulungan silang makalikop ng pondo.

Matatandaan na lumabas sa imbestigasyon ng BFP-Numancia na nag-ugat ang sunog sa depektibong seiling fan sa Grade 3 room.##

Wednesday, January 02, 2019

Novena, misa para sa kapistahan ni Sr. Sto. Niño de Kalibo nagsimula na


NAGSIMULA NA ngayong araw ng Miyerkules ang novena at araw-araw na "panaad ag debosyon" para sa kapistahan ni Sr. Sto. Niño de Kalibo.

Kasabay nito isang opening liturgy ang isinagawa sa katedral at pagbabasbas ng nga imahe ng Sto. Niño at mga instrumento sa Ati-atihan festival.

Sinundan ito ng parada ng Sto. Niño sa paligid ng Pastrana Park at sadsad ng mga deboto at mga grupo na kalahok sa kapyestahan na magtatapos sa Enero 20.

Ang iba pang mga aktibidad ng simbahan ay "paeapak" na nakatakda simula Enero 2 hanggang 20. Sunod-sunod narin ang isasagawang "Pagbisita ni Sto. Niño sa Baryo" at Novena.

Sa Enero 19 ay mayroong Dawn Penitential Procession (4:00am), Blessing of Children (11:00am), at Hornada sa tanghali.

Sa Enero 20 o kaarawan ng pyesta gaganapin ang Transfer of Sto. Niño de Kalibo Image (6:30am) at susundan ng Pilgrim Mass (7:00am).

Habang sa hapon ay mayroong Procession of Sto. Niño de Kalibo (2:00pm) at Closing Liturgical Celebration (7:00pm).##

Tuesday, January 01, 2019

New Year celebration in Western Visayas generally peaceful - PNP

The following is an initial assessment report released by Police Regional Office 6 on the security coverage of New Year celebration on the afternoon of January 1, 2019.
Overall, the New Year Celebration in Western Visayas is generally peaceful. Western Visayas has improved in its overall crime picture with the decrease in  Volume of the 8-Focus Crimes from 289 (December 16, 2017 to January 1, 2018) to 235 (December 16, 2018 to January 1, 2019) or an equivalent to 18.69% decrease. Physical Injuries hits the highest in the record with 128 incidents while carnapping is the lowest with only one (1) case. 
From December 16, 2018 to 9:30AM of January 1, 2019, PRO6 conducted a total of thirteen (13) operations against Illegal Possession, Use and Sale of Firecrackers which resulted in the arrest of one (1) personality and confiscation of Firecrackers in the amount of 154,775 pesos. 
During the New Year Celebration, Police Regional Office 6 deployed its 1,820 personnel (110-PCOs and 1,710- PNCOs) to secure all Places  of Convergence and Transportation Hubs/Terminals in addition to its usual deployment in the whole region while maintaining the full alert status. 
From 6:00PM of December 31, 2018 to 6:00AM of January 1, 2019, PRO6 was able to record two (2) Stray Bullet incidents which injured two (2) persons in Janiuay and Maasin (victim is minor) in province of Iloilo. On Indiscriminate Firing, Police Regional Office 6 was able to arrest one (1) civilian in Mandurriao, Iloilo City and was able to confiscate one (1) 9mm revolver which was used by the suspect. 
For the period December 16, 2018 to date, PRO6 was able to record forty (40) firecracker-related injuries broken down as follows: Aklan-1; Capiz-18; Iloilo-9; Iloilo City-3; Bacolod City-7; and Negros Occidental-2. Out of the 40 incidents, only one (1) was recorded before Christmas and all other 39 cases occured from December 26, 2018 onwards. Guimaras and Antique has no reported Firecracker-related Injuries/Casualty. It is also worthy to note that no fire or burning incident related to use of firecrackers occured in the whole region.##

2 lalaki arestado sa Bagong Taon dahil sa iligal na pagsasabong sa Kalibo


INARESTO NG kapulisan ang dalawang lalaki makaraang maabutang iligal na nagsasabong sa Brgy. Bakhaw Sur, Kalibo araw ng Martes, Bagong Taon.

Kinilala ang mga suspek na sina Rugen Isuga, 63-anyos, residente ng nabanggit na barangay; at Salvador Nagales, 58, residente ng Brgy. Tingaw, Kalibo.

Nasabat sa kanila ng kapulisan ang dalawang panabong na manok at tatlong iba pa sa lugar makaraang magsitakas ang mga kasama nila.

Sinabi ng operatiba na mayroon nang "tari" ang dalawang manok at isasabak na sana sa sabong.

Ikinasa ng Anti-Illegal Gambling Special Operation Task Group ng Aklan Police Provincial Office ang naturang operasyon.

Pansamantalang ikinulong sa Kalibo Police Station ang dalawa at nakatakdang sampahan ng kasong Illegal Cockfighting in Relation to Presidential Decree 449.##

Batang babae na tinangay ng agos sa Aklan River hindi parin natatagpuan ayon sa mga rescuer

MDRRMO-Numancia

HINDI PARIN natatagpuan ang batang babae na tinangay ng agos ng tubig-baha sa Aklan River araw ng Sabado.

Umaga ng Miyerkules, sinabi ni Rowen Lachica, team leader ng MDRRMO-Kalibo na simula Sabado hanggang araw ng Miyerkules ay nagsagawa sila ng search and rescue operation.

Mababatid na si Feona Obamos, anim na taon-gulang, ayon sa lola na kasama niya ay nadulas at nahulog sa revetment wall sa Brgy. Bulwang, Numancia ay mabilis na tinangay ng rumaragasang tubig sa ilog.

Kasama nila sa operation ang mga tauhan ng MDRRMO-Numancia at ng PDRRMO. Ginalugad nila ang ilang bahagi ng Aklan River at mga tabing baybayin na posibleng dagsain ang bata.

Hinanap narin nila ang bata sa mga tabing baybayin ng Camanci Norte sa Numancia, Bakhaw Norte at Mabilo sa Kalibo subalit negatibo ang resulta.

Nahirapan umano ang mga rescuer sa paghahanap sa ilog sapagkat malabo at malalim parin ang tubig at maraming mga basura dala ng baha.

Hindi nila matiyak kung saan talaga maaring napadpad ang bata. Posible aniyang nasabit lamang ito sa ilalim ng ilog o posible ring dinala na sa dagat.

Sa kabila nito, magpapatuloy parin sa kanilang paghahanap ang mga rescuer.##

- Ulat ni Kasimanwang Darwin Tapaya, Energy FM Kalibo

Monday, December 31, 2018

Six-year-old na lalaki nasugatan matapos maputukan ng five star sa bayan ng Kalibo


ISA NA ang naitalang naputukan ng firecracker sa bayan ng Kalibo kaugnay ng pagdiriwang ng Bagong Taon.

Ito ang sinabi ni SPO2 Julius Barrientos, chief for operation ng Kalibo Police Station, sa panayam ng Energy FM Kalibo gabi ng Lunes.

Nabatid na naganap ang insidente dakong alas-4:30 hapon ng Linggo sa bahay ng menor de edad sa Brgy. Mobo.

Ayon sa pulis nagtamo ng sugat sa mata ang bata makaraang maputukan ng five star, isa sa mga ipinagbabawal ng mga otoridad.

Agad dinala sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital ang bata pero diniklara ring outpatient makaraang magamot.

Inaalam pa ng kapulisan kung saan nabili ang ipinagbabawal na paputok.

Nanawagan naman ang kapulisan na iwasan ang paggamit ng paputok sa halip ay gumamit ng alterbong bagay para makalikha ng ingay sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Ipinagbabawal rin ang pagpapatupok sa mga kalsada.##

- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Sunday, December 30, 2018

Tindero ng manok arestado sa Kalibo sa pagtutulak umano ng droga


INARESTO NG kapulisan ang isang tindero ng manok gabi ng Sabado sa Brgy. Pook, Kalibo matapos mabilhan umano ng droga.

Kinilala ang suspek na si Jerry Sim y Rubico alyas "Jerry", 52-anyos, may asawa, at isang drug surrenderee.

 Nasabat sa kanya sa ikinasang buy bust operation ang tatlong sachet ng pinaghihinalaang shabu at Php3,000 buy bust money.

Pansamantalang ikinulong sa Kalibo PNP Station ang suspek.

Isasailalim rin siya sa mandatory drug testing at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Ikinasa ng mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency, Provincial Intelligence Branch, Kalibo PNP, at Provincial Highway Patrol Group.##

- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Establishment sa Kalibo airport ninakawan ng nasa Php50k; suspek arestado


ARESTADO ANG isang maintenance crew makaraang pagnanakawan ng Php48,000 ang pinagtratrabahuhang establishment sa Kalibo International Airport.

Kinilala sa ulat ng Kalibo police station ang suspek na si John Paul Villanueva, 25-anyos, residente ng Brgy. Pook, Kalibo.

Sa imbestigasyon ng kapulisan, makalawang beses nakuhanan ng CCTV footage ang suspek na intensiyonal na pinatay ang main switch ng establishment parehong madaling araw.

Nabatid na sa unang insidente ay ninakaw ng suspek ang Php3,000 habang sa pangalawang insidente ay nakakulimbat ito ng Php45,000.

Inamin naman ng suspek ang kanyang nagawa. Aniya natukso lamang siya. Isinauli niya ang Php20,000, speakers na kanyang binili habang ang iba ay ipinambayad niya sa motorsiklo.

Pansamantalang ikinulong ang suspek sa Kalibo PNP Station at nakatakdang sampahan ng kasong theft.##

- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo