Saturday, December 30, 2017

LIBO-LIBONG PERA NASABAT NG MGA AWTORIDAD SA MGA BAJAO SA KALIBO; MGA BADJAO ISINAILALIM SA PROFILING

Tumambad sa mga kapulisan at mga tauhan ng pamahalaang lokal ang libu-libong pera ng mga Badjao sa bayan ng Kalibo.

Ikinasa ang operasyon kagabi upang ligpitin ang mga Badjao. Pansamantalang dinala sa evacuation center ng munisipyo ang mga nasabing Badjao para isailalim sa profiling.

Sa paghalughog sa kanilang mga gamit nasabat ng mga awtoridad ang libu-libong pera, mga remittance reciept at mga pekeng alahas.

Isang babae na tinuturing na leader ng grupo ang nakuhanan ng nasa Php127,000. May nakuha namang remittance reciept sa isang lalaki na Php49,000 sa isang hulugan lamang.

Ayon sa mga Badjao ang mga naipong pera ay mula sa pangangalimos at mga naibentang mga alahas. Ipinapadala umano nila ang mga perang ito sa kanilang mga kamag-anak sa Mindanao.

Ayon kay Mr. Efren Trinidad, executive assistance sa tanggapan ng alkalde, papauwiin nila ang mga Badjao gamit ang sarili nilang mga pera.

Posible rin umanong maharap sa mga kaukulang kaso o penalidad ang mga Badjao dahil sa pagbebenta ng mga alahas ng walang permit mula sa munisipyo.

Paiimbestigahan rin niya sa mga kapulisan ang mga transaksyon ng Badjao kung ito ay may kinalaman sa sindikatong grupo.


Sinabi ni Trinidad na ang operasyon ay ikinasa kasunod ng reklamo ng munisipyo na ginawa nang tirahan ng mga Badjao ang ginagawang gusali ng Rural Health Unit.

Wednesday, November 29, 2017

37 ANYOS NA BABAE PINAGPAPALO NG KAHOY PANGGATONG NG KALIVE-IN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pasa ang mga hita, paa, kamay, likod at maging ulo ng babaeng ito matapos siyang pagpapaluin ng kanyang ka-live-in.

Kuwento ng 37-anyos na biktima sa Energy FM Kalibo, matutulog na umano siya sa kuwarto nang pinagpapalo siya ng ka-live-in sa iba-ibang bahagi ng katawan gamit ang biniyak na kahoy.

Paliwanag ng biktima, posible anyang nagalit ang lalaki nang iwan niya itong umiinom ng mag-isa sa loob rin ng kanilang bahay sa bayan ng Kalibo.

Hindi na umano nagtangkang manlaban o tumakbo ang biktima dahil sa takot na kung ano pang mas malala ang mangyari sa kanya.

Kasama umano nila sa bahay ang maliliit na mga bata. Hindi narin umano siya sumigaw ng tulong dahil malayo rin ang mga bahay sa kanila.

Arestado ang suspek matapos itong isumbong ng babae sa mga kapulisan at sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9262.

Patuloy namang inoobserbahan sa provincial hospital ang biktima.

Tuesday, November 28, 2017

MEDALYA NG KADAKILAAN IGINAWAD SA NASAWING PULIS SA ENGKWENTRO NG NPA AT KAPULISAN SA MAASIN ILOILO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Iginawad sa nasawing pulis na si PO1 Joeffel Odon ang Medalya ng Kadakilaan ngayong araw.

Si Odon ay nasawi matapos makipagbakbakan sa mga tumambang na mga miyembro ng New People’s Army sa Maasin, Iloilo nito lang Byernes (Nov. 24).

Ang parangal ay ipinagkaloob ni Usec Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government sa pamilya ng nasawing pulis sa kanyang burol.

Maliban rito, nag-abot rin ng Php250,000 na tulong pinansiyal ang pangalawang kalihim mula kay Pangulong Rodrigo Duterte. Bahagi ito ng kalahating milyong tulong mula sa gobyerno.

Samantala, binigyan rin ni Usec Año ng mga medalya ang mga nasugatang pulis na tinambangan ng mga ‘teroristang’ NPA sa Sibalom, Antique at sa Maasin, Iloilo.

Nagbigay rin siya sa mga sugatang pulis ng caliber 45 pistol at pinansiyal na tulong mula sa Pangulo at sa PSMBFI. / EFMK

9-ANYOS NA BABAE NALUNOD SA BAYBAYIN NG NEW WASHINGTON, PATAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hindi na umabot ng buhay ang batang ito sa ospital makaraang malunod ngayong hapon (Nov. 28) sa baybaying sakop ng Brgy. Mabilo, New Washington.

Kinilala ang biktima na si Clarise Timbas y Dalida, 9-anyos at residente ng Brgy. Andagao, Kalibo.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa ina ng bata, nagkaroon umano sila ng outing sa isang resort kasama ang iba pa nilang kamag-anak nang maganap ang insidente.

Naliligo umano ang bata nang mapansin nalang ng iba nilang kasamahan na nawawala ang dalawang bata – ang biktima at ang isa pa niyang pinsan.

Nailigtas naman umano agad ang isang bata pero tumagal pa ng ilang minuto bago nila natagpuan si Clarise matapos tangayin ng malakas na alon.

Agad na nilapatan ng paunang lunas ng mga rumespondeng rescuer ang biktima at mabilis na isinugod sa provincial hospital pero dineklara ring dead on arrival.

Samantala, napag-alaman ng ina na laman ng dalang bag ni Clarise ang itim at puting damit na matagal na umano niyang hindi sinusuot.

Nasa mabuting kalagayan naman na ang kanyang pinsang babae na mutikan ring matangay ng alon.

Monday, November 27, 2017

AKLANONG PULIS NA NAGLIGTAS SA BUHAY NG ISANG MATANDANG BABAE, BINIGYANG PAGKILALA NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

“Asahan niyo na hindi ako titigil sa pagtulong nakauniporme man ako o nakasibilyan,” sinabi ni PO3 Rayniel Bartolome matapos siyang gawaran ng pagkilala sa Sangguniang Panlalawigan.

Nagviral ang Aklanon na si PO3 Bartolome sa social media matapos maipost ang kuwento ng kanyang kabayanihan.

Buwan ng Oktobre nang makasabay niya ang isang 75-anyos na matanda na nastroke sa loob ng bus habang nasa biyahe mula Manila patungong Caticlan.

Sa facebook ni Nieva Nacionales, ang police mismo ang gumawa ng paraan na isugod sa ospital sa Calamba, Laguna ang kanilang ina. Nagtagal pa ng nasa tatlong oras ang police hanggang sa dumating ang kapamilya. Si Bartolome rin ang bumili ng ilang gamot sa nasabing pasyente.

Ang police officer na taga-Kalibo ay galing sa Manila matapos mag-augment sa ASEAN summit sa nabanggit na Buwan.

Iginawad ang pagkilala sa kanyang natatanging kabayanihan sa regular session ng Sanggunian ngayong araw (Nov. 27). Ang resolusyong ito na inakdaan ni SP member Jay Tejada ay ipapadala rin sa regional director at provincial director ng Philippine National Police.

AKLAN SOCIAL WELFARE AND DEVELOPMENT OFFICE MULING NANAWAGAN NA HUWAG BIGYAN NG LIMOS ANG MGA BADJAO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Muling nanawagan ang Aklan Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na huwag bigyan ng limos ang mga Badjao na dumadami na sa bayan ng Kalibo lalu na ngayong kapaskuhan at Ati-atihan.

Sa isang media forum ngayong araw (Nov. 27), sinabi ni PSWDO Evangeline Gallega, ito ang nakikita niyang mainam na solusyon para umalis ang mga ito dito sa probinsiya.

Giit ni Gallega, nahihikayat ng mga Badjao ang iba pa nilang kasamahan mula sa Mindanao na dumayo at tumira rito dahil naiinganyo sila na marami ang kanilang nakikita sa pangangalimos. Ito umano ang pag-amin ng isa sa mga Badjao nang kanyang makapanayam kung bakit gusto nilang manatili rito.

Hinikayat rin niya ang mga tao na binabastos at sinasakit ng mga katutubo na isumbong sa mga kapulisan. Marami narin ang nagrereklamo sa hindi magandang pag-uugali ng mga ito lalu na kapag hindi sila binibigyan ng limos.

Paliwanag pa ng opisyal, ginagamit ng mga matatandang Badjao ang kanilang mga anak o mga bata sa pangangalimos para kaawan sila. Inaalam narin umano ng PSWDO kung may mga sindikatong nasa likod ng grupong ito.

Aminado si Gallega na maging sila ay hirap rin na makahanap ng iba pang mainam na paraan para maibalik sa kanilang lugar ang mga Badjao. Minsan narin umano nilang pinauwi ang mga ito, gayunman ay bumalik rin dito.

Umaasa siya na sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng pera ay makakaisip ang mga Badjao na umalis nalang dito.

Wednesday, November 22, 2017

BAGONG PENRO-AKLAN PINASIGURO ANG TRANSPARENCY SA KANYANG LIDERATO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Pinasiguro ngayon ng bagong talagang officer in charge ng Provincial Environment Natural Resources Office (PENRO) - Aklan ang transparensiya sa kanyang liderato.

Si Bernabe “Bing” Garnace ay nagsimulang maupo nitong Lunes kapalit ng na-dismiss na si dating PENRO Ivene Reyes dahil sa kasong extortion na kinsasangkutan niya.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, nais niya na maayos ang isyu ng kurapsiyon sa kanilang tanggapan. Kaugnay rito, nanawagan siya ng pagtutulungan at pagkakaisa sa kanyang mga kasama sa PENRO.

Si Garnace ay tubong Roxas City, Capiz at huling naglingkod bilang CENRO sa Mambusao sa kanilang probinsiya. Nagtrabaho rin siya sa tanggapan ni DENR regional director Jim Sampulna.

Kamakailan lang ay lumihaw ang ilang mga tauhan ng PENRO-Aklan kay Sampulna na bigyan sila ng isang opisyal na walang bahid ng kurapsyon at may malinis na pagkatao.

Monday, November 20, 2017

DR. DREYFUSS PERLAS BINIGYAN NG PHOSTHUMOUS COMENDATION NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG AKLAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy  FM 107.7 Kalibo

Binigyan ng posthumous commendation ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang pinaslang na doctor na si Dreyfuss Perlas ng Batan, Aklan.

Ang 31-anyos na doktor ay binaril at pinatay sa Kapatagan, Lanao del Norte gabi ng Marso 1 habang sakay sa kanyang motorsiklo pauwi galing sa medical mission.

Ang komendasyon ay kasunod ng pinamalas na kabayanihan at hindi matutumabasang paglilingkod ni Perlas bilang volunteer ng Doctor to Barrio sa nabanggit sa Sapad, Lanao del Norte.

Tinanggap ng kanyang kapatid at mga magulang ang nasabing pagkilala. Si Dr. Perlas ay anak nina Batan SB member Dennis Perlas at Leovigilda Perlas, isang public school teacher, .

Ginawad ito sa regular session ng Sangguniang Lunes ng hapon.

Sa kanyang mensahe, pinahayag ni Mrs. Perlas ang kanyang pasasalamat sa mga opisyal ng probinsiya sa pagkilalang iginawad sa kanilang anak bagaman hindi ito naglingkod sa Aklan.

Matatandaan na si Dr. Perlas ay ginawaran rin ng posthumous award na “Hero on National Health” ng Department of Health.

33-ANYOS NA MISIS TUMALON SA BARKO SA BAYBAYING SAKOP NG ROMBLON

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isang 33-anyos na misis ang tumalon sa barko sa baybaying sakop ng Romblon ang patuloy na pinaghahanap ngayon ng mga tauhan ng Philippine Coastguard.

Kinilala ng Coastguard-Caticlan ang biktima na si Richelle Pagdato, San Dionisio, Iloilo.

Ayon kay Lt. Comm. Eric Ferrancullo, komander ng Coastguard-Caticlan, naganap umano ang insidente Lunes dakong ala-1:00 ng madaling araw.

Nakita pa umano ng ilang crew ng barko ng tumalon ang babae subalit hindi na nila ito nakita pa. Nasa dalawang oras namang huminto ang barko sa lugar para magsagawa ng search and rescue operation pero hindi parin sya natagpuan.

Galing sa Maynila ang nasabing babae kung saan nagtratrabaho ang kanyang asawa. Kasama ng biktima sa kanyang biyahe ang 2 at ½ taong gulang na batang babae.

Naibalik na sa pamilya nang ligtas at nasa maayos na kalagayan ang nasabing bata. 

Hindi pa malaman ng mga awtoridad kung ano ang dahilan ng pagtalon ng babae sa barkong MV Starlight Eagle biyaheng Batangas-Caticlan.

Samantala, patuloy na magsasagawa ng search operation ang mga taga-coastguard para makita ang misis.

MGA KATUTUBONG ATI PAPARADA NARIN SA KALIBO ATI-ATIHAN FESTIVAL

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakakita na ba kayo ng mga katutubong Ati na pumaparada at sumasayaw sa Kalibo Ati-atihan festival?

Well, sinusulong ngayon ng Kalibo Sto. Niño Ati-atihan Festival Inc. (KASAFI), festival organizer, na bigyan ng pagkakataon ang mga katutubong ito na lumahok sa pagdiriwang.

Kinumpirma mismo ito ni KASAFI chairman Albert Meñez sa Energy FM Kalibo. 

Kamakailan lang ay personal na binisita ni Meñez ang Ati community sa Brgy. Bulwang, Numancia. Napag-alaman niya na na nais ring pumarada ng mga Ating ito sa kanilang katutubong sayaw suot ang malong.

Ayon pa kay Meñez, ang parada ng mga Ati ay posibleng ganapin sa araw ng Lunes sa pagbubukas ng sang-linggong pagdiriwang sa buwan ng Enero.

Napag-alaman na ang plano ay kasunod ng rekomendasyon ni professor Sharon Masula, PhD., ng Aklan State University – Ibajay .

Nakasaad sa kanyang research na “Ang Realismo at Kahalagahang Pantao sa Pagdiriwang ng Ati-atihan Bilang Salamin at Kultura ng mga Akeanon” ang saloobin ng mga katutubo na mapasama rin sa nasabing selebrasyon.

Ang pag-aaral ay unang binahagi sa ASU University Symposium on Research and Development Highlights nitong Nobyembre 16 sa Banga Campus.

Naniniwala ang professir na isa itong malaking development sa kasaysayan ng "The Mother of All Philippine Festival".

Friday, November 17, 2017

LOLO NAKURYENTE SA BAYAN NG MALINAO, PATAY

Dead on the spot ang isang 73-anyos na lolo matapos siyang makuryente sa kanilang barangay sa Manhanip, Malinao Biyernes ng umaga (Nov. 17).

Kinilala sa report ng Malinao PNP ang biktima na si Renato Imperial y Icabandi.

Salaysay ng asawa, nagtungo umano ang biktima sa bahay ng kanyang  pinsan kalapit lamang ng kanilang bahay nang makuryente siya sa daan.

Hindi umano napansin ng kanyang asawa ang patuloy na linya ng kuryente ng Akelco at aksidente niya itong nahawakan na nagresulta ng kanyang pagkakuryente.

Nabatid na isang puno ang natumba sa lugar matapos na dumaan ang malakas na hangin sa nabanggit na lugar.

Iniimbestigahan narin ng Akelco ang nasabing insidente.

NABIGO SA PAG-IBIG: 20-ANYOS NA LALAKI UMINOM NG LASON SA DAGA

Dahil nabigo sa pag-ibig, uminom ng lason sa daga ang isang 20-anyos na panadero sa bayan ng Malinao, Byernes ng tanghali (Nov. 17).

Ayon sa report ng Malinao PNP, nakita umano ng ilang mga estudyante ang nasabing lalaki sa plaza ng bayan na nangingisay at nakita sa lugar ang bote ng mineral water na pinaglagyan niya ng lason.

Agad namang pinagtulungan ng mga rescuer at ng mga rumespondeng pulis ang nasabing biktima na maisugod sa provincial hospital kung saan patuloy siyang inoobserbahan.

Kinumpirma naman ni PSInsp. Alfonso Manuba, hepe ng Malinao PNP, na pag-ibig ang dahilan ng tangkang pagpapakamatay ng binata.

Nabatid na nagtratrabaho ito sa Brgy. Poblacion kung saan siya gumagawa ng siopao at umuwi lamang paminsan-misan sa kanilang barangay sa Tigpalas.

LALAKI NATAGPUANG PATAY SA ILOG SA BAYAN NG NABAS

Patay na ang lalaking ito ng matagpuan sa ilog sa Brgy. Laserna, Nabas kaninang umaga.

Sa inisyal na report ng Nabas PNP, kinilala ang lalaki na si Roman Joseph Montoya y Quezon, 30-anyos, tubong Tondo, Maynila at kasalukuyang nagtratrabaho sa isla ng Boracay.

Ayon pa sa kapulisan, minsan umano itong umuuwi sa kanyang tita na si Enresita Francisco sa naturang barangay.

Naaagnas na ang bangkay ng lalaki nang ito ay matagpuan nina Ryan at Ricky Santillan. Kapansin-pansin rin ang sugat nito sa ulo.

Ang bangkay ay naiahon sa pagtutulungan ng mga taga-coastguard, mga tauhan ng Nabas MDRRMO at ilang mga residente.

Nasa isang punerarya na sa Poblacion, Nabas ang nasabing bangkay.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.

Wednesday, November 15, 2017

MGA KASIMANWA NA-MISS NYO NA BA ANG ESTATWANG ITO? NALALAPIT NA ANG KANYANG PAGBABALIK!

Mga Kasimanwa baka namiss nyo na ang estatwang ito na inalis sa kanto ng Archbishop Reyes St. at Mabini St. noong Marso.

Pinag-aaralan na kasi ngayon ng Sanggunian Bayan ng Kalibo ang planong pagbabalik nito. Isa sa mga tinitingnang paglilipatan nito ay sa Pastrana Park.

Ayon kay vice mayor Madeline Regalado, pwede anyang isama ito sa bagong tayong ‘Vibrant Kalibo’ photo ops para dagdag-atraksiyon. Kailangan lamang anya na pintahan ito at pagandahin

Nakatakda namang maghain ng resolusyon si SB member at committee chair on tourism Philip Kimpo Jr. para sa paglilipatan ng nasabing estatwa.

Nilinaw naman niya ang nasabing estatwa ay hindi si “Datu Bangkaya” kundi isa lamang anyang representasyon ng ati, taliwas sa mga itinatawag rito ng ilan.

Matatandaan na una nang nagpasa ng resolusyon sina SB Kimpo at SB Mark Quimpo na ipreserba ang nasabing estatwa matapos itong alisin sa dating kinalalagyan nito.

‘CORRUPT’ DENR-AKLAN OFFICIALS PINADI-DISMISS SA SERBISYO SA KASONG EXTORTION

Pinadi-dismiss na sa serbisyo ang limang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Aklan kasunod ng decision ng Deputy Ombudsman for the Visayas dahil sa kasong extortion.

Sina PENRO Ivene Reyes, Jonnie Adaniel, Alvaro Nonan, Nilo Subong at Cesar Guarino ay sinampahan ng kaso administratibo matapos manghingi ng kalahating milyon sa kanilang kliyente.

Ayon sa reklamo ni Lucia Malicsi-Helaria, ang hininging pera ay kapalit umano ng certification ng propedad niya sa bayan ng Malay bilang alienable at disposable.

Kaugnay rito, ilang ‘concern DENR PENRO-Aklan personnel’ ang sumulat kay Jim Sampulna, regional director ng DENR, na palitan na ang mga ‘corrupt’ na opisyal.

Paliwanag nila sa kanilang sulat, dismayado umano sila, na-‘low morale’ at nawalan ng ganang magtrabaho dahil sa bahid ng korapyson sa kanilang tanggapan.

Pinagtatakpan pa umano ng regional management si Reyes at ang mga kasamahan niya at nananatili parin sa kanilang pwesto sa kabila ng desisyon  ng Ombudsman noon pang Agosto.

“Sir, marami pang corruption ang nangyari dito sa amin na hindi pa ninyo pinaiimbestigahn at binigyan ng pansin,” bahagi pa ng sulat na may petsang Nobyembre 13.

Ang kopya ng sulat ay ipinadala rin sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte, DENR secretary Roy Cimatu, Ombudsman for the Visayas, dalawang istasyon ng radyo sa Iloilo at ang himpilang ito.

Tuesday, November 14, 2017

DALAWANG CRUISE SHIP DADAONG SA BORACAY NGAYONG NOBYEMBRE

Dalawang cruise ships ang nakatakdang dumaong sa isla ng Boracay ngayong buwan ng Nobyembre.

Ang mga ito ay ang nagbabalik na MS Millennium sa Nobyembre 21. Sa Nobyembre 22 ang MS World Dream ay nakatakdang dumaong sa unang pagkakataon.

Napag-alaman na ang MS Millenium ay ika-11 cruiseship na dadaong isla ngayong taon.

Samantala, inaasahan naman na magdadala ng 4,000 pasahero at nasa 1,900 crews ang MS World Dream. Inaasahan na magtatagal ito ng siyam na oras sa baybaying sakop ng isla.


Inaasahan na tatlo pang cruise ship ang nakatakdang dadaong sa Boracay bago magtapos ang taon.

'PLAZOLETA' BALAK ALISIN NG SANGGUNIANG BAYAN NG KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Plano ngayon ng Sangguniang Bayan ng Kalibo na alisin ang 'Plazoleta' at ang center island na ito sa Ar. Reyes St. sa pagitan ng Mabini St. at Veterans Ave.

Kasunod ito ng pag-adopt ng Sanggunian sa rekomendasyon ng committee on transportation at public safety na tibagin ang nasabing istraktura.

Ayon kay SB member Juris Sucro, chairman ng nasabing komitiba, ang rekomendasyon ay bunga ng ginawang pagdinig noong Agosto.

Paliwanag niya, wala namang historical significance ang nasabing istraktura.

Ang planong ito ay base sa kahilingan ng Federation of Kalibo Tricycle Operator and Drivers' Association, Inc. na alisin ang nasabing istraktura dahil nagdudulot umano ito ng aksidente o insidente lalu na sa mga motorista.

Dagdag pa ng opisyal, paghahanda narin umano ito sa plano ng lokal na pamahalaan na pagtatayo ng overpass sa nasabing lugar.

Dahil rito nakatakdang maghain ng resolusyon si SB Sucro para tuluyang alsin ang mga nasabing istraktura.
Gayunman napagkasunduan sa plenaryo sa sesyon ng Sanggunian na kung maaari ay huwag tibagin ang 'Plazoleta' at sa halip ay hanapan nalang ng malilipatan.

LALAKI TINAGA NG TIYOHIN

Ulat ni kasimanwang Joefel P. Magpusao


Confine sa Provincial Hospital ang biktimang si kasimanwang Stanley Apolinario 29 anyos ng Poblacion, Madalag, Aklan matapos tagain ng sinasabing tiyohin na kinilalang si Fernando Ilino 25 anyos na tubong Brgy. Mercedes ng nasabing bayan.


Ayon sa salaysay ng kamag-anak ng biktima, alas sais ng dapithapon nagsimulang mag-inoman ang dalawa sa mismong bahay ng biktima. Dinayo umano ng suspek ang biktima upang pag-usapan ang paghahanap ng trabaho. Dahil sa kalasingan at hindi pagkakaintindihan, kumuha umano ng itak ang suspek at binalingan ng taga ang biktima.

Mismong asawa ng suspek ang humingi ng tulong sa ilan pa nilang kamag-anak upang madala sa hospital ang biktima. Pinuntahan diumano ng asawa ng suspek ang nasabing suspek upang sunduin at nabigla ito sa kanyang naabotan kaya agad syang humingi ng saklolo.

Dagdag pa ng mga kaanak, nag-iisa lang diumano ang biktima sa kanilang bahay dahil ang live in partner nito kasama ang tatlong anak ay umuwi sa bayan ng Makato sa kanyang ina upang manghiram ng pera.

Nagtamo ng sugat ang biktima sa kaliwang tenga, kaliwang kamay, kanang paa at likod.

Samantalang ang suspek ay nasa kostudiya na ng Madalag PNP at kasalukuyang nagpapagaling sa Madalag District Hospital dahil nagtamo din ito ng sugat sa kanang pisngi.

Nangangailangan ng apat na bag ng dugo na type B ang biktimang si Stanley Apolinario na kasalukuyang nakaconfine sa surgical ward ng Provincial Hospital.

Monday, November 13, 2017

MOTORSIKLO SUMALPOK SA WAITING SHED SA BANGA, 2 PATAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy Fm Kalibo

Dalawa ang patay matapos bumangga ang motorsiklong ito sa waiting shed sa Sigcay, Banga Sabado ng hapon (Nov. 11).

Kinilala ang mga namatay na si Roy Nabalde y Delos Reyes, 32-anyos, backrider at kapatid at driver na si Erick Nabalde, 22, parehong residente ng Brgy. Palali, Banga.

Galing umano sa pinagtratrabahuhang construction site ang magkakapatid. Pagdating sa kurbadang bahagi ay nawalan ng kontrol ang driver at sumalpok ang motorsiklo sa haligi ng sementadong waiting shed.

Agad isinugod ng mga rumespondeng miyembro ng MDRRMO Banga ang dalawa sa provincial hospital pero dineklarang dead on arrival ang backrider.

Ilang sandali pa ay binawian rin ng buhay ang driver habang ginagamot sa emergency room.

Iniimbestigahan na ng kapulisan ang insidente.

CONSTRUCTION WORKER PINAGPAPALAKOL SA ISLA NG BORACAY, PATAY

photo (c) RB Bachiller
Patay ang construction worker na ito matapos siyang pagpapalakulin ng kanyang kainuman sa Brgy. Balabag, sa isla ng Boracay Linggo ng hapon (Nov. 12).

Kinilala ang biktima na si Jimmy Quintua, tubong Laguna. Kinilala naman ang suspek na si Henry Tumaque, taga-Caloocan City na nagtratrabaho rin sa nasabing isla.

Nabatid na habang nasa kasagsagan ng inuman ay may naganap na mainitang pagtatalo sa dalawa. Sa galit ng suspeka ay kumuha umano ito ng palakol at makailang beses na hinataw ang biktima.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek. Isinugod naman sa Don Ciriaco S. Tirol Hospital ang biktima pero binawian rin ito ng buhay.

Pinaghahanap na ng mga kapulisan ang suspek sa nasabing insidente.

PHP700 MILLION PARA SA MGA GOVERNMENT HOSPITAL SA AKLAN ISINUSULONG SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlalawigan ang mahigit Php700 milyong badyet para sa mga government owned and operated hospital sa Aklan para sa susunod na taon.

Ito ang pinahayag ni vice governor Reynaldo Quimpo sa isang post sa kanyang facebook account nitong Sabado, Nov. 11.

Sinabi ng opisyal na gagamitin ang perang ito para sa operation ng provincial, mga district at municipal hospitals sa buong probinsya.

Kabilang ito sa kabuuang Php2.011 billion budgetary appropriation ng gobyerno probinsyal para sa susunod na taon.

Nasa Php1.151 bilyon dito ay annual general fund ng probinsya, Php860 million naman para sa Economic Enterprise Development Department. Ang natitirang Php213.35 million ay galing sa Internal Revenue Allotment.

Nabatid na nagsimula na ang committee of the whole ng Sanggunian na talakayin ang nasabing panukala nitong Nobyembre 7 at inaasahan namang matatapos sa Nobyembre 28.

Samantala, pinagmalaki at pinasalamatan rin niya sa parehong post ang mga doktor, nurses at iba pang mga medical practicioners, at mga administrative personnel na napiling maglingkod sa Aklan at sa mga Aklanon.

TINATAYONG KONKRETONG PIER SA BULABOG BEACH SA BORACAY, KINAGULAT NG PAMAHALAANG LOKAL NG MALAY

Kinagulat ng pamahalaang lokal ng Malay ang  tinatayong pribadong pier na ito malapit sa Ati Village sa Bulabog beach sa Brgy. Manocmanoc, Boracay.

Ayon kay Sangguniang Bayan member at committee chairperson on environment Nenette Aguirre Graf, pinatigil na ito ng pamahalaang lokal pero bumalik rin pagkalipas ng ilang araw.

Nang usisain umano niya ang mga nagtratrabaho rito upang ipakita ang mga kaukulang dokumento ay wala silang maipakita. Wala rin umanong kaalam-alam ang konseho ng barangay ukol rito.

Ayon kay Graf, pagmamay-ari umano ito ng isang resort sa nasabing isla.

Samantala, kinumpirma ni Rowen Aguirre sa office of the mayor, na ngayong araw ay ipapatibag agad nila ang nasabing konstruksyon at paiimbestigahan ang nasabing kaso.

Saturday, November 11, 2017

‘NO PROTECTION, NO DREDGING’ PANINDIGAN NG MGA TAGA-BAKHAW NORTE, KALIBO

“No protection, no dredging!”

Ito parin ang pinanindigan ni punong barangay Maribeth Cual ng Bakhaw Norte, Kalibo kaugnay ng planong pagbuhay ng provincial government sa naunsyaming dredging project sa Aklan river.

Ayon kay Cual, hindi tumututol ang mga taga-Bakhaw sa proyekto ng gobyerno pero dapat malagyan muna umano ng revetment wall ang pangpang ng kanilang barangay.

Si Cual at ang kanyang mga constituents ay mahigpit na tumutol rito simula ng dumating ang dredging vessel ng STL Panay sa baybayin malapit sa kanilang barangay Nobyembre noong nakaraang taon.

Isinisi nila sa dredging operation ang pagguho ng ilang bahagi ng lupa sa panpang ng Sitio Liboton noong Enero na nagresulta ng pagkasira ng nasa apat na kabahayan.

Pinangunahan rin ni Cual ang kilos-protesta kasunod nito upang ipatigil ang dredging operation. 

Matapos makitaan ng ilang paglabag, mismong si dating DENR Secretary Gena Lopez ang nag-utos na itigil ang operation.

Ang Bakhaw Norte ay isa sa mga barangay na direktang apektado ng proyekto lalu at narito ang bukana ng ilog.

Friday, November 10, 2017

PAGSASABATAS NG ‘KALYE KULINARYA SA KALIBO’ ISINUSULONG SA SANGGUNIANG BAYAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pagsasabatas ng bagong bukas na “Kalye Kulinarya sa Kalibo” o KKK bilang food tourism destination tuwing gabi sa kabiserang bayang ito.

Binuksan ang food strip na ito sa kahabaan ng Veterans Avenue ika-3 ng Nobyembre kasabay ng ika-446 taon ng Kalibo Foundation Day sa bisa ng executive order para mag-operate sa loob ng 30 araw.

Sa ngayon ay nakasalang na sa ikalawang pagbasa ang proposed draft ordinance no. 24 na inakdaan ni SB member at committee chairperson on tourism Philip Kimpo Jr.

Sa session ng Sanggunian araw ng Huwebes pinuri ng opisyal ang pagtangkilik ng mga mamamayan at ng mga turista sa proyektong ito. Sa kabila nito ay may ilan pa anyang isyu na kailangang bigyan ng pansin. 

Kaugnay rito muling magpapatawag ng pagdinig ang committee on tourism para repasuhin ang ilang mga isyu sa operasyon ng KKK kabilang na ang isyu sa pagsasara ng kalye at iba pa.

Una nang napagkasunduan sa komitiba na isasara lamang ang kalye simula alas-3:30 ng hapon hanggang 12:30 ng madaling araw. 

Umaasa naman ang Sanggunian na mabibigyang tugon agad ang mga problema at mas mapaganda pa ang nasabing proyekto.

FREE TUITION LAW APRUBADO NA NI PANGULONG DUTERTE; 11 STATE COLLEGES AT UNIVERSITIES SA WESTERN VISAYAS PASOK

Narito ang listahan ng mga State Colleges and Universities (SUCs) sa Western Visayas na kabilang sa free tuition law na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Maaari ng e avail ang free tuition ngayong semester.

●Aklan State University
●Capiz State University
●Carlos C. Hilado Memorial State College
●Guimaras State College
●Iloilo State College of Fisheries
●Central Philippines State University
●Northern Iloilo Polytechnic State College
●Northern Negros State College of Science and Technology
●University of Antique
●Iloilo Science and Technology University
●West Visayas State University

MAS MAHIGPIT NA GLASS-BOTTLED ORDINANCE SA ATI-ATIHAN APRUBADO NA SA SANGGUNIANG BAYAN NG KALIBO

file
Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Bayan ng Kalibo ang ordenansa na nagbabawal ng pagbibitbit at pati ang pagbebenta ng mga de-boteng inumin sa kasagsagan ng Ati-atihan festival sa bayang ito.

Nakasaad sa ordinance no. 023-2017 ang pagbabawal ng mga de-boteng inumin sa itinakdang festival zone at parade route pitong araw bago at sa kasagsagan mismo ng week-long celebration. Kasama rin dito ang opening salvo, at ang Lunes pagkatapos ng sanglinggong pagdiriwang.

Inaamyendahan ng batas na ito ang ordinance no. 11-2016 na nagbabawal lamang sa pagbibitbit ng mga de-boteng inumin sa kasagsagan ng sanglinggong pagdiriwang.

Sa nakalipas na Atiatihan festival ay pagkumpiska lamang ng mga de-boteng inumin ang ginawa ng mga kapulisan. Umaasa ang Sanggunian na sa susunod na taon ay mahigpit nang maipatupad ang nasabing batas.

Nakasaad sa bagong ordenansa ang one-time penalty na Php1000 sa mahuling lumalabag nito at kumpiskasyon ng mga de-boteng inumin. Ikukulong naman ang walang ipambabayad sa multa.

Thursday, November 09, 2017

BOARD MEMBER NG NEGROS ORIENTAL PATAY NANG ATAKEHIN SA PUSO SA ISANG TOUR SA AKLAN

Patay ang isang board member ng Negros Oriental matapos itong atakehin sa puso sa isang tour sa dito sa bayan ng Kalibo, Aklan Huwebes ng umaga (Nov. 9).

Si 2nd district board member Atty. Arturo Umbac ay isinugod pa sa isang pribadong ospital sa bayang ito pero dineklarang ring patay.

Sa impormasyong nakalap ng Energy FM Kalibo, naglalakad si Umbac sa ASQ Bakhawan Eco-Park park nang bigla nalang itong nahimatay.

Si Umbac ay nasa Aklan simula Miyerkules para sa dalawang araw na legislative tour. 

Kasama niya sa tour na ito ang iba pang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at ang kanilang vice governor at ngayon ay officer in charge sa office of the governor Edward Mark Macias.

AKLAN AT PITONG BAYAN PASADO SA SEAL OF GOOD LOCAL GOVERNANCE

Pasado ang Aklan at ang pitong bayan nito sa 2017 Seal of Good Local Governance (SGLG) kasunod ng assessment na ginawa noong nakaraang taon.

Ang mga bayang ito ay Altavas, Banga, Buruanga, Ibajay, Kalibo, Lezo at Tangalan.

Ang mga LGU na ito ay pumasa sa apat na core assessment areas  (Good Financial Housekeeping, Social Protection, Disaster Preparedness, and Peace and Order), at isa sa mga  essential assessment areas  (Business-friendliness and Competitiveness, Environmental Management, and Tourism, Culture & Arts).

Bilang passer ng SGLG, ang mga LGU na ito ay magkakaroon ng access sa Performance Challenge Fund (PCF), facilitation of loan approval through the issuance of Good Financial Housekeeping Certification, at iba pang programa ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Layunin ng SGLG ang ma-ipromote ang transparency at accountability sa operation ng mga pamahalaang lokal.

Isasagawa ang Conferment Ceremony of the Seal sa November 27.

Wednesday, November 08, 2017

ENERGY FM KALIBO OPLAN TABANG


Ito na po yung namatay na sanggol sa sinapupunan ng nanay dahil tinanggihan raw na i-confine sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital o Provincial Hospital ang nanay noong unang araw na pumunta sila sa ospital nitong Linggo, November 5, 2017 matapos itong makaramdam ng matinfing pananakit ng tiyan. Pagdating sa nasabing ospital, gusto sana ng pamilya na i-confine ito para masuri ngunit tinanggihan sila at pinaasang okay lang ang sanggol sa loob ng sinapupunan ng ina.

Bago umuwi sa baryo, kumonsulta raw ulit sila sa isang pribadong hospital at sinabihan sila na kailangang mai-confine ang nanay. Dahil may kamahalan sa pribadong hospital ay bumalik sila sa Provincial ngunit tinanggihan raw ulit sila dahil okay lang daw ang kalagayan ng nanay at ang sanggol na kanyang ipinagbubuntis.

Kaya umuwi na lang sila sa baryo kahit patuloy ang pagsakit ng tiyan nito. Kinabukasan ay napansin ng nanay na parang hindi na raw kumikilos ang bata sa loob ng kanyang tiyan.

Dahil dito ay bumalik sila sa Kalibo at mas minabuting sa pribadong clinic magpasuri. Ngunit sa kaksamaang palad, matapos na sumailalim sa konsultasyon at sa ultrasound ay sinabi ng sumuring doktor na patay na raw ang bata sa loob ng sinapupunan ng nanay at inirekomenda ng doktor na dalhin na ang kaso sa ospital. Dahil sa takot na tanggihan ulit, dumulog na sila sa tanggapan ng DSWD at Daeangpan It Kababayenhan. Sa tulong ng mga nasabing ahensya, dinala agad ang nanay sa Provincial Hospital. Matapos ang 24 na oras ay saka pa lamang nailabas sa sinapupunan ng ina ang katawan ng batang babae na wala nang buhay.

Sa ngayon ay kinakailangan ng nanay ng type A+ na dugo, kaya't ipinapanawagan sa mga may donors card na gustong tumulong na mamaari kayong bumisita sa Energy FM 107.7 Kalibo sa 3rd Floor ACP Center Roxas Ave. Cor Acevedo St., Kalibo o kaya ay tumawag sa mga hotlines na 268-6118, 262-3353, at 500-8121 o kaya ay makipag-ugnayan sa numero ng 0928-125-7274.

Humingi rin ng tulong ang pamilya sa Energy FM 107.7 Kalibo para madala sa baryo ang bangkay ng patay na sanggol. Maraming sasakyan ang ayaw magsakay kahit arkelahin pa dahil sa mga pamahiin. May iilan pang punerarya ang tumatanggi. Pero salamat sa pamunuan ng Boy Macabales Funeral Service sa Tigayon dahil nang lapitan namin sila sa tulong ni Kapitan Andrew Macabales ay agad silang nagmalasakit na tulungan kami na madala ang sanggol sa baryo nila para mailibing ng maayos.

Tuesday, November 07, 2017

PHP420 MILLION UUTANGIN NG GOBYERNO PROBINSYAL NG AKLAN SA BANGKO; TERMS AND CONDITIONS APRUBADO NA

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Aprubado na sa Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang terms and conditions ng Php420 milyon na uutangin ng gobyerno probinsyal mula sa Land Bank of the Philippines.

Matatandaan na noong Pebrero ay inaprubahan ng Sanggunian ang kahilingan ng gobernador na bigyan siya ng awtoridad na umutang sa nasabing bangko ng ganoong halaga.

Umabot pa ng pitong buwan bago naglabas ng notice of loan approval ang LBP. 

Gagamitin ang pondo sa pagsasaayos ng Aklan Training Center (Php30M), Provincial Engineer’s Office (Php20M), ABL Cultural Center (Php22M) at Caticlan Jetty Port (Php300M).

Kasama rin sa uutanging pondo ang konstruksyon ng Paseo de Aklan commercial building (Php10M), ekspansyon ng Provincial Assessors’s building (Php8M), at pagbili ng mga heavy equipment (Php30M).

Pinakamalaking uutangin ay mapupunta sa improvement ng Caticlan jetty port na Php300 milyon.

Nabatid na sa dahil sa credit worthiness ng pamahalaang lokal ay pwede umano itong umutang ng Php1.5 billion mula sa bangko.

TASK FORCE BUBUOIN SA PAGLUTAS SA KASO NI CHRISHA NOBLEZA

Inaayos na ng Aklan Police Provincial Office ang pagbuo sa task force na tututok sa kaso ni Chrisha Nobleza.

Ito ang kinumpirma ni PCInsp. Bernard Ufano ng Intillegence Branch sa panayam ng Energy FM Kalibo Martes ng umaga (Nov. 7).

Ayon kay Ufano, kabilang sa bubuo sa task force na ito ang mga tauhan ng Intelligence Branch, Investigation, at ng Libaco municipal police station.

Sa kabila nang hakbang na ito, binigyang diin ni Ufano na malaki parin ang ginagampanan ng komunidad sa paglutas ng kaso.

Si Nobleza ay natagpuang patay sa Brgy. Guadalupe, Libacao na pugot ang ulo, at napag-alamang ginahasa ng hindi pa nakikilalang suspek.

Lunes (Nov. 6) ay inihatid na sa huling hantungan ang nasabing 8-anyos na bata. Sigaw parin ng pamilya ang hustiya sa kalunos-lunos na pagpatay sa batang babae.

GOBYERNO PROBINSYAL AT STL PANAY PLANONG ITULOY ANG NAUNSYAMING DREDGING PROJECT

Plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Aklan na ituloy ang naunsyaming Flood Mitigation and Risk Reduction Project o ang pag-dredge sa Aklan river.

Kaugnay rito, pinapatawag ni Gobernador Florencio Miraflores ang mga opisyal ng mga apektadong barangay at iba pa para sa isang pagpupulong.

Gaganapin ito sa provincial governor’s office sa kapitolyo sa darating na Nobyembre 9.

Dadalo sa nasabing pagpupulong ang mga kinatawan ng STL Panay Resources Co., Ltd na siyang kinontrata ng gobyerno lokal para sa pagdredge ng ilog.

Matatandaan na naunsyami ang operation matapos na mismong si dating DENR Secretary Gena Lopez ang nag-utos na itigil ang dredging buwan ng Enero ngayong taon.

Kasunod iyon ng mga pangamba ng ilan lalu na ng mga taga-Brgy. Bakhaw Norte, Kalibo na ang nasabing proyekto ay magdudulot ng pagguho ng lupa sa mga tabing-ilog.

Samantala, sinusubukan naman ng himpilang ito na iberepeka sa DENR kung handa na ang mga kaukulang dokumento ng kompanya para magdredge sa Aklan river.

Thursday, November 02, 2017

PABUYA SA CHRISHA NOBLEZA CASE ITINAAS NA SA PHP80K

Itinaas na sa Php80,000 ang pabuya sa makapagtuturo sa suspek sa karumaldumal na pagpaslang sa batang si Chrisha Nobleza, 8 years old, mula sa Php50,000.

Ito ang sinabi ni Mayor Charito Navarosa ng Libacao sa panayam sa kanya sa programang Tambalang A&R sa Energy FM Kalibo Huebes ng gabi.

Kasunod ito na wala paring lumalabas na suspek sa nasabing insidente.

Samantala, kinumpirma naman ng nanay sa parehong programa na sa Lunes (Nov. 6) na ang libingng bata.

Naghayag naman ito ng kanyang pagkadismaya sa mabagal na hustiya sa pagpatay sa panganay na anak.

Tuesday, October 31, 2017

MAG-INGAT SA SUNOG NGAYONG UNDAS – BABALA NG BFP-AKLAN

“Mag-ingat sa sunog ngayong Undas”.

Ito ang paalala ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa taumbayan kaugnay ng pagdiriwang ng All Saints and All Souls’ Day ngayong linggo.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay FSInsp. Rowel Lemjuco, fire marshall sa Aklan, posible anya ang sunog sa mga pagdiriwang na ito dahil sa mga kandilang ginagamit.

Paalala niya, iwasan umanong maglagay ng nakasinding kandila malapit sa mga kurtina. Iwasan rin anya ang pagpatung ng mga ito sa karton, plastic o kahoy.

Mainam anya na ilagay ang kandila sa maliit na palanggana na may lamang tubig para kapag natumba ay agad mamatay ang apoy nito.

Siguraduhin din umano na bago umalis ng bahay ay nakapatay at mga appliances at nakaalis sa saksakan. Inspeksiyonin rin ag tanke ng LPG.

Nabatid na halos sangkapat ng mga tauhan ng BFP sa buong Aklan ay nasa schooling ngayon, pinasiguro ni Lemjuco na nakaalerto sila sa anumang sakuna o sunog.

Patuloy umano ang kanilang paglilibot at pamamahagi ng mga flyers na naglalaman ng mga safety tips. Nag-inspeksyon narin umano sila sa mga sementeryo at magsasagawa ng robbing sa araw mismo ng Undas.

Nanawagan naman siya sa taumbayan na ireport ang mga sakuna o sunog sa kanilang tanggapan sa 268-3995 o sa pinakamalapit na fire station sa kanilang lugar.

Monday, October 30, 2017

MOTORISTA NADISGRASYA SA OSMEÑA AVENUE KALIBO PATAY

Ideneklarang DEAD on arrival sa Aklan Provincial ang motoristang ito na nadisgrasya sa kahabaan ng national highway ng Osmeña Avenue Kalibo. 

Naganap ang aksidente bandang ala-una ng hapon (Oct. 29). 

Kinilala ang biktima sa pangalang Libert Maayon 26-anyos na taga Pudiot, Tangalan. 

Si Maayon ay pauwi na sana mula sa kanyang trabaho sa Estancia nang maganap ang aksidente.

Iniimbestigahan pa ng PNP ang pangyayari.

LALAKI NA NAKAMOTORSIKLO NADISGRASYA PATAY DAHIL SA TUMAWID NA ASO

Naganap ang aksidente sa Sigcay, Banga, Aklan bandang Linggo (Oct 29) alas-dos ng hapon. 

Binawian ng buhay ang biktima na kinilala sa pangalang Rex Zonio habang ginagamot sa Aklan Provincial Hospital.

TRAILER TRUCK AT BACKHOE NAHULOG SA BANGIN SA IBAJAY 3 KATAO SUGATAN

Photo  (c) Ling Manocan Calixtro
Nahulog sa bangin ng Campo Verde, Brgy. Rigador, Ibajay, Aklan ang trailer truck na ito na may kargang Bakhoe.

Bago paman tuluyang mahulog ay nakatalon na agad ang driver kaya nagtamo lamang ito ng minor na sugat. 

Kinilala ang driver sa pangalang Anthony Dumanon na taga-Roxas City, Capiz. 

Samantala minor injury din ang tinamo ng dalawang pahenante na sina Nickomedes Sanico, 45-anyos at Arnel Aligaya, 34-anyos na tubong Roxas City.

Saturday, October 28, 2017

FOOD TOURISM SITE PLANONG ITAYO SA BAYAN NG KALIBO

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107 .7 Kalibo

Plano ngayon ng pamahalaang lokal ng Kalibo ang pagtatayo ng food tourism site sa kabiserang bayang ito.

Sinabi ni Rhea Meren, tourism officer ng Kalibo, sa pagharap sa regular session ng Sanggunian, itatayo ito sa kahabaan ng Veterans Avenue at tatawaging “Kalye Kulinarya sa Kalibo” (KKK).

Paliwanag ni Meren, ito ay resulta ng kahilingan ng iba-ibang tourism establishment para magbigay-sigla sa bayan ng Kalibo lalu na paggabi.

Nagsagawa narin umano ng ilang konsultasyon at pagpupulong ang pamahalaang lokal sa ilang mga negosyante at mga residente. Positibo umano ang kanilang mga reaksiyon rito.

Kaugnay rito, isinusulong ngayon ni committee chairman on tourism Sangguniang Bayan member Philip Kimpo Jr. ang pagsasabatas ng KKK.

Nakatakda itong sumailalim sa pagdinig sa Oktubre 30 para pag-usapan ang mga hinaing ng mga apektado kabilang na ang kalinisan, kaayusan ng lugar, at iba pa.

Sa Nobyembre 3, magkakaroon ng soft opening ang KKK sa kasagsagan ng founding anniversary ng Kalibo.

SIMULATION DRILL NAUWI SA AKSIDENTE: SEKYU NABARIL NG POLICE SA CATICLAN AIRPORT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nhick Tanan / FB
Malubhang sugatan ang 27-anyos na sekyu matapos aksidente umanong nabaril ng aviation police Byernes ng gabi (Oct. 27) sa Caticlan Airport.

Kinilala ang nasabing biktima na si Nhick Tanan, tubong Iloilo at kasalukuyang nakatira sa Nabas.

Ang suspek ay kinilala namang si PO2 Benedicto De Jorge Etrata.

Nagkaroon ng counter-terrorism simulation exercise ang kapulisan kasama ang nasabing gwardiya. Nabatid na ang biktima ay umaaktong terorista.

Tinamaam ng bala ng 9mm ang nasabing gwardiya sa kanyang dibdib. Unang isinugod sa ospital sa Malay ang gwardiya matapos ang nasabing insidente.

Nabatid na hindi naalis ang bala ng baril bago ang naturang simex.

Pansamantalang nasa kostudiya ngayon ng Airport Police ang suspek samantalang iniimbestigahan na ng Malay municipal police station ang insidente.

Samantala patuloy na ginagamot sa intensive care unit ng pribadong ospital sa Kalibo ang nasabing gwardiya.
Ayon sa pamilya ng biktima, stable na ang kanyang kalagayan.

DAHIL SA TUNA, DALAWANG LALAKI NAKULONG

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang dalawang lalaking ito matapos magnakaw ng tinatayang 30 kilong tuna sa tabing-baybayin ng Brgy. Pook, Kalibo Biyernes ng umaga (Oct. 27).

Kinilala ng kapulisan ang mga ito na sina Vicente Sartillo, 36-anyos alyas Enting at Arnel Dela Rosa, 26, parehong residente ng nabanggit na lugar.

Salaysay ng biktimang si Anthony Villaruel bibilhin na umano niya ang tuna pagdating sa tabing-dagat ng biglang dumating ang mga suspek sakay ng motorsiklo.

Kwento pa ng mangingisdang si Ricky Blancaflor bumunot pa umano ng baril si alyas Enting saka pwersahang inagaw ang isda at mabilis na sumakay sa motorsiklo.

Sa follow-up operation ay naaresto ang dalawa sa nasabing lugar. Hindi na narekober ang isda na ayon sa imbestigador ay posibleng naibenta na.

Napag-alaman na si alyas Enting ay may dati naring kaso ng pagnanakaw.

Nakakulong na ang dalawa sa Kalibo police station at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

8-ANYOS NA BATA POSIBLENG GINAHASA BAGO GILITAN SA LEEG AT SUNUGIN SA GUADALUPE LIBACAO

Iniimbestigahan na ng kapulisan kung sino ang may kagagawan sa karumal-dumal na pagpatay sa 8-anyos na batang si Chrisha Nobleza ng Julita Libacao, Aklan.

Martes umano ng tanghali pumunta sa taniman ng mani ang bata para tumulong sa magulang nito ngunit hindi na ito nakarating roon. Bagay na ikinabahala ng kanyang ama.

Hanggang sa sumapit na ang gabi ay hindi rin nakauwi ng bahay si Chrisha. Kaya labis na ang kanilang pag-aalala sa bata kaya hinanap nila ito ngunit walang makapagturo sa kinaroroonan ng bata.

Biyernes ng hapon, sa patuloy na paghahanap. Isang pugot, naagnas at bahagyang sunog na bangkay ng bata ang kanilang natagpuan sa kalapit na Barangay ng Guadalupe at nang suriin nila ito, doon na tumambad sa kanila ang kaawa-awang biktima.

Sa aming panayam sa SOCO, posibleng ginahasa muna ang bata bago pinatay dahil nakahiwalay na sa katawan nito ang mga suot na damit at underwear.

Mas mainam raw na isailaim sa autopsy ang bangkay.

APARTMENT SA BORACAY NINAKAWAN TANGAY ANG PHP500K; ISA SA MGA SUSPEK ARESTADO

Ninakawan ang isang apartment sa So. Angol, Brgy. Manocmanoc sa Isla ng Boracay Huwebes ng madaling araw (Oct. 26).
At-large

Nakunan naman ng cctv ang nasabing insidente. Inakyat at pinasok ng dalawang suspek ang kwarto ng mag-asawa habang natutulog.

Kinilala ang biktima na si Crisanta Petersen, 46, at tubong Ibajay kasama ang asawang foriegn national.

Ayon kay PO3 Chris John Nalangan, imbestigador, natangay ng mga suspek ang nasa Php300,000, mga alahas, cellphone at iba pang karensiya na tinatayang aabot ng kalahating milyon.
Recto Retos (Arrested)

Sa follow-up operation naaresto ang isa sa mga suspek na kinilalang si Recto Retos y Salibio, 30, tubong Kalibo at kasalukuyang nagtratrabaho bilang habal-habal driver sa Boracay.

Narekober sa kanyang boardinghouse sa Sitio Cabanbanan, Brgy. Manocmanoc ang Php70,000 at cellphone na ninakaw sa nasabing mga biktima.

Patuloy pang tinutugis ng mga kapulisan ang isa pa niyang kasama.