Showing posts with label Kalibo Aklan. Show all posts
Showing posts with label Kalibo Aklan. Show all posts

Friday, July 19, 2019

Daeaga eumumpat sa tricycle matapos daehon sa konspisoyo nga lugar

File photo / Energy FM Kalibo

SANGKA 19-ANYOS nga baye ro eumumpat sa anang ginasakyan nga tricycle matapos nga gindaea imaw it driver sa sangka 'suspesyoso' nga lugar sa banwa it Kalibo.

Do nasambit nga baye hay nagsakay kuno sa sangka tricycle halin sa Aklan Catholic College sa Archbishop Reyes St. ag manaog kunta sa ACC sa Roxas Avenue Extension.

Sa una may nakasakay kuno imaw nga sambilog nga nagpanaog sa PhilHealth Office sa D. Maagma St. pero sa pihak nga idiretso imaw sa eskwelahan hay gindaea ta kuno imaw sa sangka suspesyoso nga lugar sa Magdalena Village sa Brgy. New Buswang, Kalibo.

Suno pa sa estudyante ngara nangawa kuno imaw nga owa ta it katawo-tawo sa nasambit nga lugar ag naghambae pa kuno ro driver kana nga "malibot-libot anay kita ne".

Kinuebaan kuno ro baye ngara rason nga eumumpat imaw sa tricycle ag dumaeagan. Natabu ro insidente kahapon ag rayang adlaw imaw nagreklamo sa Kalibo PNP.

Suno kay PSSgt. Chris Paul Alejandro, imbestigador, nabuoe man ta it baye ro body number it tricycle ag natumod eon ro driver.

Nakataeana sigon nga ipatawag ro tricycle driver sa police station agud mabue-an man imaw it pagpahayag.##

Monday, July 08, 2019

Lalaki arestado matapos magbenta ng mga nakaw na appliances, atbp.

INARESTO NG kapulisan si Larry Dela Vega ng Oyotorong St., Kalibo matapos mapag-alaman na nagbebenta ng mga nakaw na gamit mula Mindoro.

Ayon sa Roxas PNP sa Mindoro, ang mga kagamitan umanong ibinibenta ng suspek ay mula sa sunod-sunod na nakawan sa ilang public school sa nasabing probinsiya.

Nasabat ng kapulisan mula sa suspek ang tatlong laptop, isang electric steamer, sewing machine, amplified speaker, at mga aksesorya sa gadget.

Kalaunan ay may nagsurender ng printer sa Kalibo PNP na nabili umano mula sa suspek sa halagang Php2,000. May nagsurender rin ng flat screen TV sa halaga namang Php4,000.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo sa suspek, nakuha umano niya ang mga gamit sa karelasyon niyang bakla sa Mindoro. Hindi umano niya alam na nakaw ang mga ito.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Friday, July 05, 2019

PUV driver arestado sa drug buy bust operation sa bayan ng Kalibo


Arestado ang PUV driver na si Rowen Macario 33-anyos sa isinagawang drug buybust operation ng Kalibo Police sa New Buswang Kalibo, pasado alas 11:00 ng gabi.

Narecover umano sa suspek ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu, ₱8,000.00 kapalit ng buybust money, at isa pang sachet sa body search.

Si Rowen ay residente ng Brgy Lupo, Altavas Aklan.##

- Kasimanwang Archie Hilario, Energy FM Kalibo

Wednesday, July 03, 2019

EXCLUSIVE: Mahigit Php150K ibinalik ng 14-anyos na batang Aklanon sa isang Chinese


KALIBO, AKLAN - Nagsauli ng napulot na bag ang isang 14-anyos na #HonestAklanon na pagmamay-ari ng isang Chinese National laman ang mahigit Php150,000 halaga ng pera.

Kinilala ang bata na si LJ Alejandro, residente ng Brgy. Pook, Kalibo at Grade 8 student sa Kalibo Institute. Habang ang may-ari ng pera ay si Yihe Yhong, lalaki, 33-anyos.

Nakita ng bata ang pera sa public CR sa bisinidad ng Kalibo International Airport. Kasama ang kanyang nanay ay isinauli nila ito sa airport police.

Kuwento ni LJ sa panayam ng Energy FM Kalibo, nakita umano niya ang bag na naiwan sa loob ng CR nang iihi sana siya. Ibinigay niya sa kanyang barkada ang bag dahil sa takot niya at humingi ng tulong sa kanyang ina.

Binalikan ito ng kanyang ina na si Jean at ibinalik nilang dalawa sa kapulisan. Ilang minuto lang ang nakalipas ay dumulog sa kapulisan ang may-ari.

Tuwang-tuwa ang Chinese national nang malamang naroon ang kanyang mga pera na kinabibilangan ng Philippine money at Yuan. Laman din ng bag ang iba pang gamit ng banyaga.

Nagpasalamat siya sa kabaitan ng bata at nagbigay ng pabuya sa kanya, sa kanyang ina at sa kanyang mga kaibigan.

Naganap ang insidente noong Hunyo 24 pasado alas-9:00 ng gabi.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Tuesday, June 25, 2019

Anim na menor de edad arestado sa pagnanakaw sa isang gasolinahan sa Kalibo


HINDI MAKASUHAN ang anim na menor de edad na nagnakaw umano sa AKY gasoline station sa Brgy. Andagao, Kalibo kagabi.

Batay ito sa pahayag ni PSSgt. Erick De Lemos, imbestigador sa theft and roberry section ng Kalibo PNP, sa panayam ng Energy FM Kalibo.

Nabatid na nasa 10-anyos hanggang 14-anyos ang mga nasabing bata. Paliwanag ni De Lemos, pag 14 pababa ang mga menor de edad na sangkot sa krimen ay hindi ito pwedeng makasuhan.

Sinabi ng imbestigador na matapos maimbestigahan ng kapulisan ay itu-turn-over na nila ang mga bata sa Municipal Social Welfare and Development Office ng Kalibo para sa kaukulang disposisyon.

Nabatid sa imbestigasyon ng kapulisan na dalawang menor de edad ang pwersahang pumasok sa cashier's booth ng nasabing gasolinahan at sinasabing nakapagnakaw ng nasa Php92,000.

Ang apat na iba pang menor de edad ay nagsilbing look out. Matapos ang pagnanakaw ay pinaghatian nila ang ninakaw na pera.

Sa follow-up investigation ng kapulisan nadakip ang anim na menor de edad at nasabat ang nasa Php51,000.

Ayon kay De Lemos, ilan sa mga menor de edad ay ilang beses na nilang inimbitahan sa police station dahil sa pagkakasangkot rin sa mga kaso ng nakawan sa bayang ito.

Samantala inaresto rin ng kapulisan ang isang alyas Ricky, sa legal na edad, na tiyuhin ng isang menor de edad na itinuturo ng huli na tumanggap ng Php20,000 mula sa kanya.

Itinanggi naman ni alyas Ricky ang alegasyon ng menor de edad.

Sa ibang dako, sa imbestigasyon ng kapulisan, hindi ang mga nagnakaw na menor de edad ang bumasag sa cashier's booth ng AKY gasoline station kundi ibang grupo.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo

Monday, June 24, 2019

Isa at kalahating taon na batang babae nalunod sa dagat, patay


Isang batang babae edad 1 1/2 anyos ang nalunod patay sa Brgy. Andagao Baybay, Kalibo kaninang hapon.
Kinilala ang bata na si Mary Majesty Pinos y Inan.

Nabatid na nanonood umano ng karera sa bangka ang mga magulang na iniwang natutulog sa kubo ang bata.
Lingid sa kaalaman ng mag-asawa na nagising ang bata at lumusong ito sa tubig dagat.

Pagbalik ng mga magulang nakita nilang nakalutang na ang bata sa tubig.

Isinugod pa sa isang pribadong ospital sa Kalibo pero ilang minuto lamang ay binawian rin ito ng buhay.
Ang pamilya ay residente rin ng nasabing lugar.

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo

Thursday, June 20, 2019

Mga kolorum na tricycle sa bayan ng Kalibo gustong gawing legal

file photo of Energy FM Kalibo
ISINUSULONG NGAYON na isama sa inaamyendahang  Municipal Ordinance no. 2005-043 o Traffic Code ng Kalibo ang probisyon na magsasalegal ng mga "colorum" na tricycle sa kabiserang bayang ito.

Ito ang sinabi ni Mary Gay Joel, head ng Traffic Transport Management Division ng pamahalaang lokal ng Kalibo, sa panayam ni Kasimanwang Joel Nadura dito sa Energy FM Kalibo.

Ayon kay Joel, nais umano nilang gawing legal ang operasyon ng mga "colorum" na tricycle sa pamamagitan ng pagbibigay ng special permit sa kanila.

Isa umano ito sa napagkasunduan sa binuong Technical Working Group ng pamahalaang lokal para pag-aralan ang pag-amyenda sa 15-taon nang traffic code.

Sabi niya, ang planong operasyon ng mga kolorum na tricycle ay alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga. Magkakaroon din umano sila ng color coding para ma-identify sila sa mga tricycle na may mga prangkisa.

Mababatid na ilang kolorum na tricycle sa kabiserang bayang ito ang mga naiulat na nasasangkot sa kriminalidad, pero hirap ang mga otoridad na matukoy agad ang driver at ang sasakyan dahil sa hindi ito rehistrado sa munisipyo.

Ito umano ayon kay Joel ay magsisilbing paraan para madokumento ang mga kolorum na tricycle na bumibiyahe dito.

Mababatid rin na isa sa mga matagal nang hinaing ng mga kolorum na tricycle driver ay ang pagtigil na ng munisipyo na mabigyan sila ng prangkisa para legal na makabiyahe sa kagustuhan nilang makapaghanap-buhay.

Nakatakdang dinggin ang nasabing panukala at iba pang mga isinusulong na bagong probisyon ng traffic code sa Committee on Transportation ng Sangguniang Bayan nitong darating na Biyernes.

Iimbitahan sa nasabing pagdinig ang mga kinatawan ng tranport sector, mga komyuters at iba pa para pakinggan ang kanilang mga hinaing.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Wednesday, June 19, 2019

Pag-amyenda sa Traffic Code ng Kalibo isinusulong sa Sangguniang Bayan

 

KALIBO, AKLAN - Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pag-amyenda sa kasalukuyang Municipal Ordinance no. 2005-043 o Traffic Code ng Kalibo.

Sa darating na Hunyo 21, ay isang pampublikong pagdinig ang ipatatawag ng Sanggunian para dinggin ang mga panukalang pagbabago sa traffic code na inihain ng binuong Technical Working Group.

Kabilang sa mga ito ay pagbuo ng Transport and Traffic Management Council, Municipal Tricycle / E-trike / Pedicab Franchising Regulatory Board (MTEPFRB) at Tricycle Franchise Technical Secretariat.

Nais ding ipatupad ang Tricycle Night Service Operation, Children Safety on Motorcycles, relokasyon ng terminal ng mga pampasaherong tricycle at ang pagpalit ng mga kasalukuyang tricycles sa e-trike bago mag-2023.

Ipagbabawal rin ang paggamit ng mga mobile phones at mga gadgets habang nagmamaneho gaya ng isinasaad sa Anti-Distracted Driving Act o ng Republic Act 10913.

Ipinanukala rin ang pagpapalakas sa pagbibigay prayoridad sa grant ng mga motorized tricycles-for-hire, pagpapaigting sa speed limits, pagkakaroon ng vehicle towing at clamping at pagtataas ng mga penalidad at mga multa.

Ang nasabing pagdinig ay pangungunahan ng Committee on Transportation. Dadaluhan ito ng mga kinatawan sa sektor ng transportasyon, mga komyuters at iba pa.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Monday, June 17, 2019

Lalaki arestado sa pagsasanla ng mga pekeng gintong singsing; paggamit ng mga pekeng ID, pangalan


ARESTADO ANG isang lalaki sa pagsasangla ng mga pekeng gintong singsing sa mga pawnshop dito sa Kalibo.

Maliban rito napag-alaman na peke rin ang mga ID na ginagamit niya gamit ang iba-ibang mga pangalan.

Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung ano talaga ang totoo niyang pangalan. Taga-Davao umano siya at baguhan lang sa Kalibo.

Ayon kay PSSgt. Erick De Lemos, imbestigador ng Kalibo PNP, nakapagsanla na umano ng tatlong singsing sa tatlong pawnshop ang lalaki bago madiskubre ng mga elohera na peke ang mga ito.

Sinabi ni De Lemos, dumaan din umano ito sa pagsusuri ng mga elohera sa pawnshop pero wala naman umanong naging problema kaya ito nasangla.

Huli na nila nabatid na ang panlabas nito ay makapal na ginto at ang loob ay bakal lamang pala.

Napag-alaman na lamang umano nila sa group chat mula sa ilang pawnshop sa Iloilo na nakapambiktima rin siya doon.

Sa huling pawnshop na pinagsanglaan niya, nagmessage umano sa kanya ang staff na nakalimutan niya ang kanyang ID doon bagay na binalikan niya at doon siya pinadakip sa mga pulis.

Nakumpiska sa kanya ang ilan pang singsing, mga pekeng ID na may iba-ibang pangalan pero gamit lang ang kanyang larawan, nasa Php24,000 na pera, mga resibo ng pagpapadala niya ng pera, at mga pekeng dokumento.

Nakakulong na ngayon sa lock-up cell ng Kalibo ang suspek. Sinubukan naming kunin ang kanyang pahayag pero tumanggi ito.

Posible siyang sampahan ng mga kaukulang kaso.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

'Bakbakan sa Bugsayan' ngayong San Juan sa bayan ng Kalibo

'Bakbakan sa Bugsayan' 2017 / photo by All Izz Well
Magpapasiklaban na naman sa husay at bilis sa pagsagwan ang mga lalahok sa boat race competition sa Kalibo sa darating na pista ng San Juan sa Hunyo 24.

Ang atraksiyong ito na inorganisa ng Energy FM Kalibo ay tinaguriang “Bakbakan sa Bugsayan”, ngayon sa ikalimang taon na, bilang pagpupugay o “panaad” kay San Juan Bautista.

Naniniwala ang organizer ng event na sa pamamagitan nito ay mapapahalagahan ang kulturang Aklanon sa “bugsayan” o pagsagwan ng bangka.

Maliban sa boat race bilang main event, may mga palaro ring inihanda ang organizer para sa lahat sa Beach Boy Beach Resort, Brgy. Pook, Kalibo simula alas-8:00 ng umaga.

Bukas pa ang pagpaparehistro para sa boat race competition. Sa mga katanungan makipag-ugnayan lamang sa numerong 09281257274.

Major sponsor ng aktibidad na ito ay si Board Member-Elect Juris Bautista Sucro.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo

Saturday, June 15, 2019

28-anyos na dalaga binusuhan habang naliligo; nagreklamo sa kapulisan


NAGREKLAMO SA Kalibo Police Station ang isang 28-anyos na dalaga matapos umano siyang silipan sa CR ng kanilang boardinghouse habang naliligo.

Naganap ang insidente dakong alas-5:00 ng umaga ng Miyerkules.

Kuwento ng babae, may butas umano ang CR ng kanilang boardinghouse nang mapansin niyang sinisilipan siya ng suspek.

Natakot umano ang biktima at minadali nalang ang paliligo bago pumasok sa trabaho.

Nagreklamo rin ang isa pang babae na kapatid ng nauna at isa pang babae na nakatira rin sa parehong boardinghouse. Ayon naman sa kanila sinilipan umano sila ng suspek ng ilang ulit habang naglalaba.

Sa takot nila na mas malalala pa ang pwedeng gawin ng suspek ay nagreklamo sila sa kapulisan.

Agad na nagsagawa ng follow-up investigation ang kapulisan sa lugar. Itinanggi naman ng 59-anyos na suspek ang alegasyon.

Depensa niya, umiihi lamang siya sa pader noong mga sandaling iyon. Mababatid na ang CR ng boardinghouse na tinitirahan ng mga biktima ay malapit sa pader kasunod ng boardinghouse ng suspek.

Hindi na inaresto ng kapulisan ang suspek dahil mahigit 24 oras na ang nakalipas matapos maganap ang pinakahuling insidente.

Inirefer ng kapulisan ang kaso sa Barangay Justice System para ipatawag ang lalaki. Samantala nangako naman ang care taker ng boarding house na aayusin nalang ang CR at taasan ang bakod.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo

Tuesday, June 11, 2019

Lalaki na pinaniniwalaang may depresyon tumalon sa isang kapilya sa Kalibo


Tumalon ang isang lalaki sa simbahan na ito sa Brgy. Linabuan Norte, Kalibo. Mahigit isang oras roon ang biktima at naglagay pa ng tali sa leeg.

Naisugod naman agad sa ospital ang lalaki, nagtamo ito ng minor injury. Sa panayam ng Energy FM sa lalaki, malaki raw ang problema nito sa trabaho kaya naisipang magsuicide.

Taga Masbate raw ito at nagkaka-edad ng 23-anyos.

Panoorin ang videong kuha ng isa sa mga nakasaksi.



- Kasimanwang Archie Hilario, Energy FM Kalibo

Monday, June 10, 2019

Lalaki patay matapos hampasin ng pala, kawayan sa Kalibo


Patay ang isang 49-anyos na lalaki matapos hampasin ng pala at kawayan ng kainuman sa brgy Estancia, Kalibo, Aklan.

Naganap ang insidente pasado alas nuebe ng gabi sa Cipriano road Estancia.

Kinilala ang biktima sa pangalang Joel Zonio na residente rin ng nabanggit na lugar.

Ang mga suspek ay kinilala sa pangalang Jayson Guardario 31-anyos, kapitbahay ng biktima, at Antonio Isturis 44-anyos taga Tabao, Banga, Aklan.

Sa imbestigasyon ng PNP, nag-iinuman raw ang mga suspek nang dumaan sa lugar ang biktima at niyaya nila itong uminom.

Nang malasing na raw sila nakipagtalo na sa raw sa kanila ang biktima kaya pinauwi nila ito.

Nagalit raw ang biktima at akmang bubunot raw ito ng kotsilyo kaya hinampas agad ito ng kawayan ni Guardario, tumulong naman raw si Isturis na siyang humampas ng pala sa dibdib ng biktima.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero ideneklarang patay bandang alas 10:06 ng gabi.

Naaresto ng PNP si Guardario sa ospital dahil siya raw ang nagdala sa biktima. Samantala naaresto naman sa Brgy Tabao si Isturis.

Sa panayam ng Energy Fm inamin ni Isturis ang paghampas ng pala sa biktima.

Itinatanggi naman ni Guardario ang alegasyon, aniya siya pa nga ang tumulong na maisugod sa ospital ang biktima.

- Kasimanwang Archie Hilario, Energy FM Kalibo

Friday, June 07, 2019

Ilang KAP members binatikos sa social media sa pagmamaneho ng walang helmet


KUMAKALAT NGAYON sa facebook ang ilang larawan ng ilang miyembro ng Kalibo Auxiliary Police (KAP) na nagmamaneho na hindi nakasuot ng helmet.

Umani ito ng mga negatibong reaksiyon sa mga netizen ito ay sa kabila ng mainit nilang operasyon Oplan Sita laban sa mga motoristang lumalabag sa mga batas trapiko.



Ayon kay Roland Inan, admin ng KAP, agad nilang sinaway ang mga nasabing KAP ngayong araw at umamin naman sa kanilang pagkakamali.

Isa rito ay si Robert Deroma na pauwi na sa kanilang residensiya na nagmamaneho ng motorsiklo na walang suot na helmet sa ulo.

Paliwanag niya ginawa niyang lagayan ng biniling mga itlog ang helmet para hindi masira.

Ang isa namang nalitratuhan ay si Jonel Apolinario. Ayon naman sa kanya ay itinatawid lamang niya sa kalsada ang impounded na motorsiklo.

Pero sinaway lamang siya ng kanyang mga leader at hindi na tiniketan.

Pinasiguro naman ni Inan na hindi nila itinotolerate ang mga paglabag ng kanilang mga kasama at kahit sila mismo ay nag-ti-ticket sa kanila.

Samantala, sinabi ni Inan na tuloy-tuloy ang gagawin nilang Oplan Sita.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Update: suspek na nagnakaw sa isang Chinese National sa Kalibo pinalaya

Ang suspek habang nasa kulungan / larawang kuha ni Kas Darwin Tapayan
PINALAYA NG Kalibo PNP ang suspek sa pagnanakaw sa isang Chinese tour guide sa Kalibo araw ng Biyernes matapos hindi na nagsampa ng kaso ang biktima.

Mababatid na inaresto ng kapulisan ang suspek na si Robert Nadura ng Brgy. Bakhaw Sur matapos siyang ituro na nagnakaw ng pera ng banyaga na nagkakahalaga ng nasa Php22,000.

Sinubukan noon ng news team na kunan ng pahayag ang suspek kung bakit nagawa niya ang pagnanakaw subalit tumanggi itong paunlakan kami.

Matatandaan na nasa loob ng isang Chinese restaurant sa may Kalibo International Airport ang tour guide nang mapansin ng kanyang helper ang suspek na kinuha ang wallet ng biktima sa loob ng bag na nakapatong sa mesa.

Napag-alaman na humingi ng tawad ang suspek sa biktima na si Leng Jong Long o Patrick bagay na pinatawad naman ng huli at nagdesisyon na huwag nang magsampa ng kaso.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Thursday, June 06, 2019

Suspek sa pagnanakaw sa isang Chinese tour guide sa Kalibo arestado na


NAARESTO NA ng Kalibo PNP ngayong hapon ang suspek na nagnakaw sa isang Chinese tour guide Miyerkules ng gabi sa Brgy. Pook, Kalibo.

Kinilala ang nasabing suspek na si Robert Nadura ng Brgy. Bakhaw Sur, sa bayan ding ito.

Nasabat ng kapulisan ang halos kalahati ng umano'y ninakaw na pera sa boarding house ng suspek.

Mababatid na naganap ang insidente habang nasa loob ng isang Chinese restaurant ang biktimang si Leng Jong Long o Patrick kasama ang kanyang helper.

Ayon sa kanyang helper, naaktuhan umano niya ang suspek na kinuha ang wallet ng biktima sa loob ng bag na nakapatong sa mesa at mabilis na tumakas.

Sinubukan naming kunin ang pahayag ng suspek subalit tumanggi itong paunlakan kami.

Nabatid na may-asawa ang lalaki at may dalawang menor de edad na mga anak. Tumutulong rin umano siya sa restaurant kung saan naganap ang insidente.

Nakakulong ngayon ang suspek sa lock-up cell ng Kalibo PNP habang hinihintay pa ng kapulisan ang magiging desisyon ng biktima kung magsasampa ito ng kaso.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo

Pahayag ng babaeng hinold-up umano sa Kalibo "inconsistent" ayon sa kapulisan


"Inconsistent" umano ang pahayag ng babaeng hinold-up sa isang bus terminal sa Brgy. Estancia, Kalibo ayon sa imbestigador ng Kalibo PNP Station.

Ayon kay PSSgt. Erick John De Lemos, imbestigador, paiba-iba rin umano ang pahayag ng 21-anyos na babae na isang estudyante at negosyante ng mga libro.

Pahayag ni De Lemos, nakapagtataka aniya na hinold-up siya sa terminal gayong sa kinatatayuan niya ay marami umanong tao doon at wala manlang nakapansin sa insidente.

Ipinagtataka rin ng imbestigador ang detalyado niyang deskrepsyon sa suspek gayong nakatalikod umano siya ng hold-apin ng suspek.

Nakapagtataka rin aniya na tricycle ang sinakyan ng suspek para makatakas batay sa pahayag ng biktima.
Napag-alaman na may mga deskrepansiya sa inireremit na pera ang babae sa kanyang amo sa mga kinikita nito sa pagbebenta ng libro.

Ayon kay De Lemos wala umanong CCTV sa lugar. Sa kabila nito, hindi pa isinasara ang imbestigasyon sa insidente.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo

Chines tour guide ninakawan ng nasa Php22,000 sa Kalibo

we do not own the photo / credit to the real owner

ISANG CHINESE tour guide ang ninakawan ng nasa Php22,000 habang nasa isang restaurant sa Kalibo International Airport Kagabi.

Kinilala ang biktima na si Leng Jong Long na may English name na Patrick, 32-anyos, at pansamantalang nakatira sa Isla ng Boracay.

Ayon sa kanyang helper na si Rafael Encarnacion, nasa loob sila ng restaurant nang mamatay ang suplay ng kuryente.

Napansin umano niya na mabilis na kinuha ng suspek ang wallet ng foriegner sa loob ng kanyang bag na nakalapag sa mesa at tumakas.

Kinilala sa ulat ng Kalibo PNP ang suspek na si Robert Nadura ng Brgy. Bakhaw Sur, Kalibo.

Agad nasagawa ng follow-up investigation ang kapulisan sa ikadarakip ng suspek subalit hindi na natagpuan.
Patuloy pa ang pagtugis ng kapulisan sa suspek.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo

Wednesday, June 05, 2019

Estudyante hinold-up sa isang bus terminal sa Kalibo; Php40K natangay

PATULOY NA iniimbestigahan ng Kalibo PNP ang paghold-up umano sa isang babaeng estudyante sa isang bus terminal sa Brgy. Estancia, Kalibo Martes ng hapon. Natangay umano sa biktima ang nasa Php40,000 halaga ng pera.

Salaysay ng biktima na si Josshel Andrade, 21-anyos, residente ng Valderama, Antique galing pa umano siya sa kanilang probinsiya at pumunta sa Kalibo para magremit ng pera na kinita niya sa pagbebenta ng mga aklat.

Sinabi niya na pagdating sa bus terminal sa Kalibo ay binuksan niya ang kanyang bag nang may isang hindi umano nakikilalang lalaki ang lumapit sa kanya at may itinutok sa kanyang likuran saka kinuha ang kanyang wallet at umalis sakay ng tricycle.

Giit ng babae, hindi agad umano siya nakasigaw para makahingi ng tulong dahil sa kaniya umanong takot at nerbyos na baka saktan siya ng holdaper.

Agad siyang nagtungo sa police station ng Kalibo para iulat ang insidente. Agad naman umanong ruimesponde ang kapulisan sa lugar pero hindi na naabutan ang suspek.

Nabatid na nagsusummer job umano ang biktima kung saan nagbebenta siya ng mga aklat para mabayaran ang kanyang balanse sa paaralan at para may ipang-enroll bilang third year sa kolehiyo sa kursong nursing.##

Dog lover naghanda sa birthday celebration ng 3 alagang aso

Si Manalo at isa sa mga alaga niyang aso na nag-birthday.
Pinagdiwang ng dog lover-owner na si Albert Manalo ang kaarawan ng kanyang tatlong aso na mga Aspin araw ng Martes sa kanyang bahay sa Brgy. Poblacion, Kalibo.

Dinaluhan ito ng ilang dog-lover, kamag-anak at ilang mga kakilala na nasiyahan sa pagkain at inumin. May cake din na inihanda si Manalo.

Sa panayam kay Manalo sinabi na ginawa niya ito bilang pagmamahal sa kaniyang mga alagang aso na itinuturing na umano niyang mga anak.



Kasabay ng selebrasyon nagbigay rin siya ng tulong pinansiyal kay Cyle Jefherson Gervero, 5 anyos, ng Estancia, Kalibo na naputulan ng isang paa dahil sa aksidente.



Matatandaan na Enero nitong taon ay umani ng papuri si Manalo matapos na bigyan niya ng isang funeral service ang kanyang namatay na aso na si "Nikki" na isang Japanese Spitz.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo