Saturday, November 11, 2017

‘NO PROTECTION, NO DREDGING’ PANINDIGAN NG MGA TAGA-BAKHAW NORTE, KALIBO

“No protection, no dredging!”

Ito parin ang pinanindigan ni punong barangay Maribeth Cual ng Bakhaw Norte, Kalibo kaugnay ng planong pagbuhay ng provincial government sa naunsyaming dredging project sa Aklan river.

Ayon kay Cual, hindi tumututol ang mga taga-Bakhaw sa proyekto ng gobyerno pero dapat malagyan muna umano ng revetment wall ang pangpang ng kanilang barangay.

Si Cual at ang kanyang mga constituents ay mahigpit na tumutol rito simula ng dumating ang dredging vessel ng STL Panay sa baybayin malapit sa kanilang barangay Nobyembre noong nakaraang taon.

Isinisi nila sa dredging operation ang pagguho ng ilang bahagi ng lupa sa panpang ng Sitio Liboton noong Enero na nagresulta ng pagkasira ng nasa apat na kabahayan.

Pinangunahan rin ni Cual ang kilos-protesta kasunod nito upang ipatigil ang dredging operation. 

Matapos makitaan ng ilang paglabag, mismong si dating DENR Secretary Gena Lopez ang nag-utos na itigil ang operation.

Ang Bakhaw Norte ay isa sa mga barangay na direktang apektado ng proyekto lalu at narito ang bukana ng ilog.

No comments:

Post a Comment