Showing posts with label Banga Aklan. Show all posts
Showing posts with label Banga Aklan. Show all posts

Friday, May 17, 2019

Matandang babae nabundol ng motorsiklo habang tumatawid sa highway sa Banga

contributed photo by Randy Nacuspag
SUGATAN SA ULO at iba pang bahagi ng katawan ang isang 79-anyos na babae makaraang mabundol ng motorsiklo sa kahabaan ng highway sa Brgy. Badiangan, Banga Huwebes ng umaga.

Kinilala sa ulat ng Banga PNP ang nasabing matanda na si Loresita Maagma y Montuya, residente ng Daja Norte sa parehong bayan.

Batay sa paunag imbestigasyon ni PSSgt. Spencer Dela Cruz, tatawid sana sa kalsada ang nasabing matanda nang mabundol siya ng isang motorsiklo na menamaneho ni Benjie Tamayo y Rantogan, 26, ng Brgy. Loctuga, Libacao.

Agad isinugod ng mga rumespondeng tauhang ng MDRRMO ang nasabing biktima sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital para magamot.

Ayon naman kay Dela Cruz, posibleng magkaayos naman ag magkabilang panig. Tutulong umano sa pagpapagamot ang driver ng motor sa kanyang nasagasaan.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Wednesday, May 15, 2019

Kuya inamin ang pagpatay sa 14-anyos na kapatid na babae sa Banga


BANGA, AKLAN - Sumuko na sa Banga PNP ang suspek sa pagpatay kay Lina Natabio 14- anyos ng Pagsanghan, Banga, Aklan.

Kinilala ang suspek sa pangalang Kenny Natabio 29-anyos, kuya ng biktima.

Salaysay ng suspek nagtalo raw sila ng kapatid nang sunduin niya ito sa computer shop hanggang sa mapikon ito kaya hinampas niya raw ng kawayan.

Pagkatapos ay iniwan niya ang sugatan at walang malay na kapatid.

Umuwi raw ang suspek na parang walang nangyari, tumulong pa nga raw ito sa paghahanap sa kapatid kinabukasan.

Nangyari ang pagpatay sabado ng gabi, at natagpuan ng isang magsasaka ang bangkay Lunes na ng umaga.
Sumuko raw ang suspek dahil sa nakonsensiya ito.

Naisampa na sa korte ang kasong homicide.

- Kasimanwang Archie Hilario, Energy FM Kalibo


Monday, December 24, 2018

Bahay ng sundalo sa Banga nilooban; baril, mga alahas natangay

NILOOBAN NG di pa nakikilalang mga suspek ang bahay ng isang sundalo sa may Camp Jizmundo sa Brgy. Libas, Banga gabi ng Linggo.

Kinilala sa report ng kapulisan ang biktima na si Major Boy Packam y Sirani, 52-anyos, miyembro ng Armed Forces of the Philippines, residente ng nabanggit na lugar.

Batay sa paunang ulat ng kapulisan, pwersahan umanong pinasok ang kanilang bahay.

Natangay ng suspek ang kanyang isang caliber 45, laptop na nagkakahalaga ng Php17,000 at sari-saring alahas na nagkakahalag lahat ng Php50,000.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Banga PNP sa nasabing insidente.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Thursday, September 20, 2018

MGA NEGOSYANTE SA BANGA AT NEW WASHINGTON, AKLAN NILUKO NG NAGPAPAKILALANG DEALER AT SUPPLIER NG BIGAS, MAHIGIT P3 MILYON NAKULIMBAT NG SUSPEK

Dumulog na sa PNP station ang mahigit anim na negosyante sa Banga, Aklan na nabiktima ng pangluluko o scam.

Tinangay raw ng suspek ang mahigit tatlong milyong piso na investment ng mga magkakaibang negosyante.

Ang modus ng suspek na si Carlito Ramirez, hinihikayat raw ang mga negosyante na mag-invest sa negosyo nitong bigas na halos 50 percent ang tubo.

Nitong Marso ay nakiusap raw ito sa 70 anyos na babae na rentahan ang bahagi ng building nito sa Margarita St. Poblacion Banga para magsilbing pwesto at opisina.

Maging ang may-ari ng nabanggit na building ay nabiktima rin at nakapag-invest ng mahigit dalawang milyon, at naghikayat pa ng ibang negosyante dahil sa sobrang tiwala.

Nag-umpisa raw ang panghihikayat ng suspek noong Marso at maganda naman ang naging takbo ng negosyo.

Lahat ng nag-invest ay kumita raw ng 50 percent sa unang transaksiyon kaya nahikayat ang mga ito na taasan pa ang kanilang investment.

Makalipas ang mga buwan naglaho raw na parang bula ang mga pangakong tubo.

Nagsara na rin daw ang pwesto nito at hindi na alam ng mga negosyante kung nasaan ito ngayon.

Kinausap ng PNP Banga ang nanay nito sa Jugas New Washington, ayon sa nanay umalis na raw ang suspek kasama ang pamilya nito at wala raw bilin kung saan sila tutungo.

Sasampahan na ng kasong ESTAFA ang suspek ngayong araw.

Thursday, August 30, 2018

PULIS TINAGA NG LASING SA BAYAN NG BANGA

ISANG PULIS ang tinaga ng isang lalaki sa Brgy. Poblacion, Banga gabi ng Miyerkules.

Kinilala ang biktima na si PO2 Danilo Dalida Jr., miyembro ng Banga PNP.

Salaysay ng biktima papauwi na siya sakay ng kanyang motorsiklo nang umovertake sa kanya ang suspek sakay rin sa kanyang motorsiklo.

Huminto umano ito sa harapan at nilapitan ang biktima saka tinaga ito. Maswerteng nakailag ang biktima.

Nagpakilala umano ang naka-off duty na si Dalida na siya ay pulis dahilan para bumalik ito sa motorsiklo at mabilis na tumakbo papalayo.

Nahuli rin ang suspek makaraang madisgrasya ito habang hinahabol ng biktima. Nabatid na nasa impluwensiya ito ng alak.

Siya ay nakilalang si Felix Namayan, 32 at residente ng Brgy. Benturanza, Banga.

Nasabat ng kapulisan ang nasa 18 pulgadang haba ng itak. Sinampahan narin ng kasong attempted homicide ang suspek.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

62 ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA BANGA MATAPOS GAHASAIN ANG ISANG MENOR DE EDAD

ARESTADO SA bayan ng Banga ang isang 62-anyos na lalaki makaraang gahasain ang isang menor de edad na babae.

Salaysay ng 14-anyos na dalaga, naglalakad umano siya nang pwersahan siyang hinila ng suspek na si Efren Cristobal sa damuhan at doon pinagsamantalahan.

Pinagbantaan pa umano siya ng suspek na may mangyayaring masama sa kanya at sa iba pang miyembro ng kanyang pamilya kapag nagsumbong ito.

Habang ginagahasa ang biktima ay may hawak-hawak umano itong kutsilyo. Pagkatapos ay binigyan umano siya ng cellphone ng suspek at saka umalis.

Umuwi umano ang dalaga at nanahimik sa insidente hanggang sa tanungin siya ng pamilya kung saan niya nakuha ang bago niyang cellphone.

Inaresto ng kapulisan ang suspek makaraang magsumbong ang dalaga sa mga otoridad kasama ang pamilya. Sinampahan na ng kasong rape ang suspek.##

Wednesday, August 29, 2018

POULTRY SA LIBAS, BANGA NASUNOG

NATUPOK NG sunog ang isang poultry sa Libas, Banga, Miyurkules ng madaling araw.

Ayon sa caretaker na si Jesie Retenio nagsimula ang sunog bandang alas 12:30 ng madaling araw.

Kasama sa nasunog ang 600 piraso ng manok at ₱19,000.00.

Ang nasabing poultry ay pagmamay-ari raw ni Kasimanwang Sony Retenio.

Sa inisyal na assessment ng BFP umaabot sa ₱130,000.00 ang pinsala na naidulot ng nasabing sunog.

Inaalam pa ng BFP ang dahilan ng sunog.##

- Archie Hilario, Energy FM Kalibo

Monday, August 27, 2018

37-ANYOS NA LALAKI SA BANGA NAGBIGTI, PATAY

PATAY ANG isang lalaki sa bayan ng Banga makaraang magbigti sa Brgy. Jumarap umaga ngayong Lunes.

Kinilala ang biktima na si Jonel Dolfa, 37-anyos, residente ng nabanggit na lugar.

Dinala pa ng rumespondeng mga tauhan ng MDRRMO-Banga sa Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital ang biktima pero hindi umabot ng buhay.

Napag-alaman na naabutan nalang ng kanyang pamilya na nakabigti na ito sa gilid ng kanilang bahay gamit ang kawad ng kuryente.

Ayon sa Banga PNP, hindi umano naireport sa kanila ang insidenteng ito.

Tumanggi naman ang pamilya na magbigay ng pahayag sa media sa dahilan ng pagpapakamatay ng biktima.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Thursday, August 02, 2018

BAKA SA BANGA IPINANGANAK NA DALAWA ANG ULO

Isang baka sa Brgy. Taba-ao, Banga ang ipinanganak na dalawa ang ulo.

Kapansin-pansin na ang parehong ulo ay may mga bunganga at mga mata.

Patay na nang iluwal ang nasabing hayop. Namatay rin ang kanyang ina.

Minabuti nalang ng may-ari na si Tatay Floro na ilibing ang mga nasabing hayop.

Tuesday, July 10, 2018

SUSPEK SA BUY BUST OPERATION SA BANGA SINAMPAHAN NA NG KASO

(update) Sinampahan na ng kaso si Jeffrey Iglesias na nahuli ng mga kapulisan sa buy bust operation sa Brgy. Tabayon, Banga araw ng Sabado.

Matatandaan na nakuha umano ng mga kapulisan ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu. Pero sa pagrekesa sa suspek ay walang narekober na buy bust money.

Ayon kay PCInsp Frenzy Andrade, hepe ng Provincial Drug Enforcement Unit na silang nagkasa ng operasyon, ang narekober nilang iligal na droga ay kapalit sana ng Php4,000.

Hindi umano ito tinanggap ng suspek matapos matunugan na pulis ang kanyang nakatransaksyon. Nagtangka pa nga umano itong tumakas sa operatiba.

Ani Andrade, araw ng Lunes ay sinampahan na ng kasong paglabag sa section 5, Article II of Republic Act 9165 si Iglesias.

Paliwanag niya, kahit hindi narekober ang buy bust money, sinampahan parin siya ng kaso dahil may naganap umanong delivery ng droga.

Nakatakdang dalhin sa Bureau of Jail Management and Penology sa Kalibo ang nasabing suspek para sa kaukulang disposisyon. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Saturday, July 07, 2018

51-ANYOS NA LALAKI NAGBIGTI, PATAY SA BAYAN NG BANGA

Patay na nang madatnan ng kanyang pamilya ang isang 51-anyos na lalaki sa loob ng bahay sa bayan ng Banga hapon ng Sabado matapos magbigti.

Kinilala sa report ng Banga PNP ang biktima na si Richard Dela Rosa, residente ng Brgy. Venturanza sa nabanggit na bayan.

Salaysay ng imbestigador ng pulisya, unang nakakita sa biktima ang pinsan niyang si Gyril Renz Dela Rosa. Nakabitin umano ito gamit ang electrical cord at wala nang buhay.

Wala namang palatandaan na may foul play sa pagkamatay ng lalaki.

Kumbinsido ang pamilya na sinadya niya ang nangyari lalu at nakaranas umano ito ng depresyon nitong mga nakalipas na araw. | EFM Kalibo

Sunday, July 01, 2018

LALAKI PATAY MATAPOS MA-HIT AND RUN SA BANGA, AKLAN

Patay ang 17-anyos na lalaki matapos masagasaan ng Toyota Innova sa national highway na sakop ng Linabuan Sur, Banga, Aklan.

Kinilala ang biktima sa pangalang Aaron Pelareja na residente rin ng nabanggit na lugar.

Sa imbestigasyon ng Banga PNP, naglalakad raw ang biktima kasama ang tatlo nitong kaibigan bandang alas kwatro ng umaga, papauwi na ang mga ito mula sa debut party.

Matapos masagasaan ang biktima agad raw tumakas ang suspek.

Samantala agad namang humingi ng tulong sa pulis ang mga kasama nito.

Naisugod pa sa Provincial Hospital ang biktima ngunit binawian rin ng buhay.

Samantala agad na itinimbre ng Banga PNP sa mga kalapit na Municipal PNP station ang pangyayari na nagresulta sa pagkaaresto sa suspek.

Naharang ang sasakyan sa isang check point sa bayan ng Altavas.

Inamin naman ng driver na si Albert Asorio, 41-anyos, taga-Mandaluyong City, ang pangyayari ngunit natakot umano ito kaya hindi sila huminto sa lugar ng aksidente.

Hindi rin aniya nila alam ang pinakamalapit na PNP station para  doon sana sumuko.

Napag-alaman ng news team na kasama ng suspek ang asawa at dalawang anak na magbabakasyon sana sa Maasin Iloilo.

Sa ngayon ay nakakulong na sa Banga PNP station ang suspek habang hinahanda na ang kaukulang kaso./ Archie Hilario, EFM Kalibo

Monday, November 13, 2017

MOTORSIKLO SUMALPOK SA WAITING SHED SA BANGA, 2 PATAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy Fm Kalibo

Dalawa ang patay matapos bumangga ang motorsiklong ito sa waiting shed sa Sigcay, Banga Sabado ng hapon (Nov. 11).

Kinilala ang mga namatay na si Roy Nabalde y Delos Reyes, 32-anyos, backrider at kapatid at driver na si Erick Nabalde, 22, parehong residente ng Brgy. Palali, Banga.

Galing umano sa pinagtratrabahuhang construction site ang magkakapatid. Pagdating sa kurbadang bahagi ay nawalan ng kontrol ang driver at sumalpok ang motorsiklo sa haligi ng sementadong waiting shed.

Agad isinugod ng mga rumespondeng miyembro ng MDRRMO Banga ang dalawa sa provincial hospital pero dineklarang dead on arrival ang backrider.

Ilang sandali pa ay binawian rin ng buhay ang driver habang ginagamot sa emergency room.

Iniimbestigahan na ng kapulisan ang insidente.

Wednesday, October 18, 2017

MIYEMBRO NG PHILIPPINE MARINE PATAY NG MAAKSIDENTE ANG SINASAKYANG MOTORSIKLO SA BAYAN NG BANGA

Patay ang isang miyembro ng Philippine Marine matapos bumangga ang kanyang sinasakyang motorsiklo sa isang sasakyan sa Brgy. Linabuan Sur, Banga kagabi (Oct 17).

Kinilala ang biktima na si Michael Romero y Barte, residente ng Brgy. Paningayan, Madalag.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Banga police station, binabaybay ng biktima ang national highway sakay ng motorsiklo mula sa Kalibo patungong Poblacion, Banga.

Bumangga ang nasabing motorsiklo sa kasalubong na Toyota Corola na menamaneho ni Jonathan Laiz y Pontillas, residente ng Brgy. Linabuan Sur, Banga.

Nagtamo ng malubhang sugat sa ulo ang biktima. Isinugod pa ito sa pribadong ospital sa Kalibo pero dineklara ring dead on arrival.

Kulong naman sa Banga police station ang driver ng awto at posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide.

Friday, September 15, 2017

1 PATAY, 1 SUGATAN SA AKSIDENTE NA NAGANAP SA BANGA, AKLAN

Ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang driver ng  motorsiklo na si Christian Bern Faborito matapos bumangga sa sinusundang tricycle sa Jumarap Banga Aklan. Naganap ang aksidente bandang alas-12:40 ng umaga. 

Ayon kay P02 Lorico ng Banga PNP sugatan din ang driver ng tricycle na si Ruel Ambito na taga-Jugas, New Washington at kasalukuyang nakaconfine sa isang hospital dito sa Kalibo. 

Sa Imbestigasyon ng PNP parehong direksyon ang tinatahak ng dalawa, nang biglang bumangga ang motorsiklo na Euro 150 na menamaneho ni Christian sa tricycle. 

Naisugod pa ito sa Provincial Hospital pero idineklarang dead on arrival.

Thursday, September 14, 2017

TATLO ARESTADO SA BAYAN NG BANGA SA ILIGAL NA PAGBEBENTA NG BARIL

Ulat ni Darwin Tapayan / Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Timbog sa operasyon ng mga kapulisan ang tatlong ito sa bayan ng Banga ngayong hapon dahil sa iligal na pagbebenta ng baril.

Unang naaresto sa entrapment operation ang magkakapatid na sina Ruel Teodosio, 40-anyos, cook sa Aklan State University Banga campus, at Russelle Teodosio, 38, casual employee sa LGU Banga, pawang mga residente ng brgy. Bacan sa nasabing bayan.

Nakuha sa posisyon ni Russel ang isang unit ng carbin rifle, isang long magazine na may lamang 30 live ammunition at isang short magazine na may lamang 11 live ammunition kapalit ng Php45,000. Nasabat naman ng operatiba ang Php500 marked o boodle money.

Sa follow-up operation ng mga kapulisan, naaresto rin ang kanilang tiyo na si Nobel Irader, 62, na siya umanong nag-utos sa kanilang magbenta ng baril.

Isinuko rin ni Irader ang isang homemade magazine type shot gun kasama ang tatlong live ammunition.

Parehong ikinulong ang tatlo sa lock-up cell ng Banga PNP at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591.

Tuesday, September 05, 2017

LOLO SA BAYAN NG BANGA BINUGBOG, PATAY ; SUSPEK KALABOSO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Patay ang isang 67-anyos na lalaki matapos bugbugin ng suspek sa brgy. Jumarap, Banga , Aklan Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktima sa pangalang Merlito Restar, residente rin ng nabanggit na lugar.

Kinilala naman ang suspek sa pangalang Harvey Restino, 50, residente ng parehong lugar.

Ayon kay PO3 Mario Sestorias, imbestigador ng Banga PNP station, tinirador umano ng biktima ang suspek at binunutan ng itak habang nagvivideoke sa birthday party ng kapitbahay.

Dito umano nanlaban ang suspek hanggang sa magpagulong-gulong sila sa lupa.

Sinabi ni Sestorias na away sa lupa ang dahilan ng matagal na nilang alitan.

Isinugod pa umano ng pamilya ang biktima sa ospital pero dineklara rin itong dead on arrival. Nabatid mula sa imbestigador na may history ng high blood ang biktima.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, buhay pa raw ang biktima nang iiwan ito ng suspek sa lugar. Nagulat nalang umano siya nang arestuhin ito ng pulisya sa kanilang bahay.

Nakakulong ngayon ang suspek sa Banga PNP station at posibleng maharap sa kasong homicide.

Monday, September 04, 2017

MOTORSIKLO BUMANGGA SA SINUSUNDANG TRICYCLE SA BAYAN NG BANGA, 3 SUGATAN

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo


Sugatan ang tatlo katao sa panibagong aksidente sa Linabuan Sur, Banga kaninang alas-12:20 ng madaling araw.

Sa imbestigasyon ng PNP Banga papauwi na raw ang guro na si Jonathan Redizon, 38-anyos na taga-Palali Banga, sakay ng kanyang tricycle nang bigla nalang sinalpok ng sumusunod na motorsiklo.

Kinilala ang driver ng motorsiklo sa pangalang John Alter Navarra, 25-anyos, residente ng brgy. Polocate, sa parehong bayan kasama ang back rider na si Ems Villanueva, 22, residente rin ng kaparehong barangay.

Naisugod agad sa hospital ang mga biktima sa tulong ng Aklan Response Team ( ART).

Confine sa provincial hospital ang mga ito.