Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Muling nanawagan ang Aklan Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na huwag bigyan ng limos ang mga Badjao na dumadami na sa bayan ng Kalibo lalu na ngayong kapaskuhan at Ati-atihan.
Sa isang media forum ngayong araw (Nov. 27), sinabi ni PSWDO Evangeline Gallega, ito ang nakikita niyang mainam na solusyon para umalis ang mga ito dito sa probinsiya.
Giit ni Gallega, nahihikayat ng mga Badjao ang iba pa nilang kasamahan mula sa Mindanao na dumayo at tumira rito dahil naiinganyo sila na marami ang kanilang nakikita sa pangangalimos. Ito umano ang pag-amin ng isa sa mga Badjao nang kanyang makapanayam kung bakit gusto nilang manatili rito.
Hinikayat rin niya ang mga tao na binabastos at sinasakit ng mga katutubo na isumbong sa mga kapulisan. Marami narin ang nagrereklamo sa hindi magandang pag-uugali ng mga ito lalu na kapag hindi sila binibigyan ng limos.
Paliwanag pa ng opisyal, ginagamit ng mga matatandang Badjao ang kanilang mga anak o mga bata sa pangangalimos para kaawan sila. Inaalam narin umano ng PSWDO kung may mga sindikatong nasa likod ng grupong ito.
Aminado si Gallega na maging sila ay hirap rin na makahanap ng iba pang mainam na paraan para maibalik sa kanilang lugar ang mga Badjao. Minsan narin umano nilang pinauwi ang mga ito, gayunman ay bumalik rin dito.
Umaasa siya na sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng pera ay makakaisip ang mga Badjao na umalis nalang dito.
No comments:
Post a Comment