Showing posts with label Kalibo Ati-atihan. Show all posts
Showing posts with label Kalibo Ati-atihan. Show all posts

Friday, November 10, 2017

MAS MAHIGPIT NA GLASS-BOTTLED ORDINANCE SA ATI-ATIHAN APRUBADO NA SA SANGGUNIANG BAYAN NG KALIBO

file
Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Bayan ng Kalibo ang ordenansa na nagbabawal ng pagbibitbit at pati ang pagbebenta ng mga de-boteng inumin sa kasagsagan ng Ati-atihan festival sa bayang ito.

Nakasaad sa ordinance no. 023-2017 ang pagbabawal ng mga de-boteng inumin sa itinakdang festival zone at parade route pitong araw bago at sa kasagsagan mismo ng week-long celebration. Kasama rin dito ang opening salvo, at ang Lunes pagkatapos ng sanglinggong pagdiriwang.

Inaamyendahan ng batas na ito ang ordinance no. 11-2016 na nagbabawal lamang sa pagbibitbit ng mga de-boteng inumin sa kasagsagan ng sanglinggong pagdiriwang.

Sa nakalipas na Atiatihan festival ay pagkumpiska lamang ng mga de-boteng inumin ang ginawa ng mga kapulisan. Umaasa ang Sanggunian na sa susunod na taon ay mahigpit nang maipatupad ang nasabing batas.

Nakasaad sa bagong ordenansa ang one-time penalty na Php1000 sa mahuling lumalabag nito at kumpiskasyon ng mga de-boteng inumin. Ikukulong naman ang walang ipambabayad sa multa.

Tuesday, April 25, 2017

MGA PIYESTA SA AKLAN ITINANGHAL SA AKLAN FESTIVAL SHOWCASE

Itinanghal kahapon ng walong bayan sa Aklan ang kani-kanilang makukulay at magagandang pyesta bilang bahagi ng 61st Aklan Day.

Ang mga nagtanghal ay ang mga bayan ng Numancia, Kalibo, Lezo, Ibajay, Banga, Balete, Makato at Tangalan para sa  Aklan Festivals Showcase on April 24.

Nakamit ng Enchanting Balete ang Best in Choreography, at Ibajay Ati-Ati festival para Most Jolly at Best Performance.

Nakuha ng Kalibo Sto. Nino Ati-atihan festival ang Best in Costume and Props samantalang ang Makato Ati-atihan festival ay nakapag-uwi naman ng Most Indigenous award.

Lahat ng nanalo ay nag-uwi ng tig-Php5,000 para sa mga nasabing parangal.

Ang Aklan Festival showcase ay ‘battleground of local festivals’ na inorganisa ng pamahalaang lokal ng probinisya sa pamamagitan ng tourism office.


Ang iba pang lumahok ay Banga Saguibin Festival, Lezo Bayangan festival, Numancia Lechon Parade at Bugna it Tangalan festival.

Tuesday, January 17, 2017

'PANGALAGAAN AT PROTEKTAHAN ANG MGA ATI’ – PANAWAGAN NG DIOCESE OF KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

“Pangalagaan at protektahan ang mga ati.”

Kalibo Cathedral by Darwin Tapayan
Ito ang panawagan ni Bishop Jose Corazon Tala-oc ng Diocese of Kalibo sa pamahalaan at taumbayan sa kanyang homiliya sa pilgrim mass Linggo ng umaga kaugnay ng sanglinggong pagdiriwang ng Kalibo Sto. NiƱo Ati-atihan festival.

Binanggit pa ng obispo ang bahagi sa Aklan hymn kung saan sinasabing ‘[Ikaw Aklan…] may ati ka, bantog sa kalibutan’. Pero basi sa kanya, tila napapabayaan na lamang ang mga ati.

Inihalimabawa pa niya ang sitwasyon ng mga ati sa Boracay kung saan nahihirapan umano sila sa sarili nilang lugar. Paliwanag pa ni Tala-oc na posible anya na walang Ati-atihan ngayon kung wala sila.

Ang mga ati ang unang naninirahan sa isla at kalaunan ay ginawaran ng pamahalaan ng sariling lugar para sa kanila, pero sa kabila nito ay nakakaranas parin ng mga banta sa pagnanais na makuha ang kanilang teritoryo.

Samantala, nanawagan rin siya sa mga debotong Katoliko na maging mapagpakumbaba, at maging simple kagaya ng sanggol na Jesus.

Ang misang ito sa harapan ng St. John the Baptist Cathedral ay dinaluhan ng libu-libong mga deboto at mga panauhin.

30 TRIBU AT GRUPO HUMATAW SA ATI-ATIHAN SA KABILA NG ULAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Black Beauty Boys
Hindi nagpapigil sa paghataw ang 30 tribu at grupo na kalahok sa Ati-atihan contest sa unang araw ng judging sa kabila ng walang humpay na pagbuhos ng ulan Sabado ng umaga.

Hindi rin magkamayaw ang mga lokal at mga foreign tourist sa panunuod ng makukulay na costume ng mga kalahok at masisigla nilang sadsad.

Ang mga kalahok sa tribal small tribe ay ang Tribu Ninolitos, Tribu Bukid Tigayon, Lezo Tribe, Tribu Alibangbang, Tribu Tikbalang at Tribu Responde.

Humataw naman sa big tribal category ang Vikings, Maharlika, D'Kamanggahan, Pangawasan Tribe, Tribu Timawa, Kabog, Tribu Tiis-tiis, at anim na taong sunod na panalo na Black Beauty Boys.

Sa modern group naman ay hataw rin ang Gala Drumbeat, Scorpio, Road Side, Lagalag 27 Original, Pagmukeay, Pirates 1962, Bae-ot Bae-ot, D'Emagine, Aeang-aeang.

Sa balik category naman ay humataw rin ang Tribu ni Inday, Sinikway nga Ati, Ano-noo Group, Maninikop, Kinantuing, Malipayong Ati, at Tribu Ilayanhon.

I-aanunsyo ang mga panalo sa Magsaysay Park Linggo ng gabi.

Thursday, January 12, 2017

LGU BALETE, GRAND CHAMPION SA HEGANTE PARADE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Panalo sa isinagawang Hegante Contest ng Aklan Provincial Tourism Office Huwebes ng hapon ang lokal na pamahalaan ng Balete sa kanilang hegante na professional chef. Inuwi nila ang premyo na Php45,000.

Nars nga Ati ng Tangalan, 2nd place
Sinundan naman ito ng Tangalan sa ikalawang pwesto sa kanilang hegante na Nars na Ati at natanggap ang Php40,000 na premyo. Pangatlo sa pwesto ang New Washington sa ka
nilang hegante na Aura Bombero at nag-uwi naman ng Php35,000.

Nakamit naman ng Batan ang ika-apat na pwesto at premyo na Php30,000 sa kanilang hegante na Doktornga Ati nga Batangnon. Nakapasok naman sa top five ang Ibajay sa kanilang hegante na Seaferer Ati at nag-uwi ng Php25,000.

Ang lima pang munisipyo na kalahok sa taunang contest sa sanglinggong pagdiriwang ng Kalibo Ati-atihan ay nag-uwi naman ng Php15,000 consolation prize. Ang mga ito ay bayan ng Banga, Kalibo, Malinao, Nabas, at Numancia.

Ang parada ng mga hegante ay sinabayan ng mga opisyal at empleyado ng mga lokal na pamahalaan.

Napag-alaman rin na bago pa ang contest ay binigyan na sila ng subsidiya upang gamitin sa kanilang entry.

Wednesday, January 11, 2017

‘SINAOT SA CALLE’ NG DEPED, WALA NANG SOUND SYSTEM

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nasasaksihan na sa unang pagkakataon ang ‘Sinaot sa Calle’ ng Department of Education (DepEd) na wala nang sound system.
photo by Darwin Tapayan

Ayon kay DepEd Aklan division superentendent Dr.  Jesse Gomez, Hunyo palang anya ng nakaraang taon ay napagkasunduan na ang nasabing pagbabago.

Matatandaan na umani ng batikos sa mga nakalipas na taon ang kanilang sadsad sa pagdiriwang ng Ati-atihan dahil sa paggamit ng sound system. Reklamo ng ilan, hindi umano ito akma sa tradisyonal na paraan ng pagdiriwang na gumagamit lamang ng tambol o kawayan upang makaggawa ng tunog.

Pinahayag ni Gomez na ang 19 na grupong kalahok sa modern at original ati ay gumamit na ng mga tambol, lira, ‘bagtoe’ o kawayan, bao, at iba pa.

Ang presentasyon ng mga guro at estudyanteng kalahok ay nasaksihan hapon ng Miyerkules at bukas, araw ng Huwebes.

Maliban rito ay mayroon din silang hegante at float parade.

Samantala, magtatagal ang sanglinggong pagdiriwang ng Ati-atihan hanggang sa araw ng Linggo.

AKLAN PHO HANGAD ANG SMOKE-FREE KALIBO ATI-ATIHAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Hangad ng Aklan Provincial Health Office (PHO) na simula sa susunod na taon ay maging smoke-free na ang pagdiriwang ng Ati-atihan sa Kalibo.

Ito ang ipinahayag ni provincial health officer I Leslie Ann Luces sa isinagawang launching ng provincial anti-smoking TV advertisement Miyerkules ng umaga.

Sa mga susunod na linggo ay sisimulan na ng lokal na pamahalaan ng Aklan ang malawakang kampanya kontra sa pagbebenta, pag-aadvertise at paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Sinabi ni Sangguniang Bayan member Cynthia Dela Cruz na posibleng sa Marso ay istrikto na nilang maipatupad ang anti-smoking ordinance.

Samantala, sa buwang ito ay sisimulan narin ng PHO ang pag-iire ng kanilang anti-smoking TV ads sa provincial TV at mga cable TV. Sinabi ni Luces na kauna-unahan umano ito sa buong rehiyon.

Ipipi-feature sa ads na ito ang kuwento ng dalawang Aklanon na biktima ng paninigarilyo, mga lokal na opisyal at ang ang kanilang paghikayat sa taumbayan na itigil na ang paninigarilyo.

Hangad rin ng PHO na maging smoke-free ang buong probinsiya. Napag-alaman kay provincial officer II Victor Santamaria na sa walong munisipyo sa lalawigan na nakapagpasa ng ordenansa, ang Ibajay at ang Buruanga palang ang maituturing na 100 percent smoke-free town.


Monday, January 09, 2017

BACKPACKS IPINAGBABAWAL NA SA ATI-ATIHAN; GUN BAN EPEKTIBO NARIN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ipinagbabawal na ngayon ng mga awtoridad ang pagdadala ng backpack sa Kalibo Ati-atihan Festival zone. Ito ay ayon sa impormasyong ipinadala ni Aklan Provincial Police Office (APPO) chief Public Information Officer SPO1 Nida Gregas.

Bawal na rin anya simula sa araw ng Lunes ang pagdadala ng baril.

Isa umano ito sa mga pro-active measures ng APPO para masiguro na walang anumang Improvised Explosive Device (IED) o anumang banta ang maaring mangyari sa pagdiriwang ng Ati-atihan.

Nagpapaalala rin siya sa taumbayan na ipagbigay- alam agad sa mga kapulisan ang anumang kahina-hinalang bagahe o mga box na makita sa anumang lugar para usisain ng EOD personnel.

Hiniling pa ni Gregas sa taumbayan na maging mapagmatyag at maging security conscious.

Nabatid na nasa 1016 PNP at AFP contigenyts, force multipliers at iba pang law enforcement agencies ang itatalaga para magbigay ng maximum security coverage sa sanglinggong pagdiriwang sa bayan ng Kalibo.

Friday, December 16, 2016

ORDENANSA UKOL SA MGA GLASS BOTTLED-DRINKS, IPAPATUPAD NA SA KALIBO ATI-ATIHAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
photo (c) Energy FM file photo

Aprubado na kahapon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang ordenansa na nagbabawal sa pagbibit ng mga glass bottled-drinks sa sanglinggong pagdiriwang ng Kalibo Ati-atihan Festival tuwing Enero.
Sinabi ni SB Daisy Briones na confiscation at pagbabawal lamang ang mangyayari sa unang taon ng pagpapatupad nito sa 2017. Samantalang nilinaw niya na sa mga susunod na taon ay mapipilitan na ang pulisya na magpataw ng mga kaukulang penalidad kabilang na ang pagbayad ng hindi tataas sa Php1000.
Ayon naman kay SB Philip Kimpo, ipapatupad lamang anya ito sa loob ng itinakdang festival zone. Sinabi niya na positibo naman ang reaksiyon ng mga negosyante at iba pang sektor ukol rito sa isinagawa nilang committee at public hearing noong Lunes.
Matatandaan na ayon sa report ng Kalibo police station, karamihan sa mga aksidente at insidenteng naganap sa mga nakalipas na pagdiriwang ng Ati-atihan ay dulot o kinasasangkutan ng mga glass bottled-drinks.

Thursday, October 20, 2016

30 kandidata ng Ms. Earth 2016 makikisaya sa Ati-Atihan Opening Salvo

NI DARWIN TAPAYAN AT JODEL RENTILLO, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Makikisaya sa ingay at makulay na “sadsad” ng opening salvo ng Ati-atihan 2017 ang mga naggagandahang 30 kandidata ng Miss Earth pageant mula sa iba-ibang bansa sa darating na Biyernes.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Kalibo Sto. NiƱo Ati-atihan Festival Inc. Chairman Albert MeƱez, sinabi niya na darating umano ang mga naturang kandidata mula sa iba-ibang nasyon sakay ng isang sky jet na lalapag sa Caticlan airport at bibiyahe patungong Kalibo. Bibisitahin nila ang Bakhawan Eco-Park para magtanim ng mga bakhawan roon.

Sa hapon ay nakatakdang magmotorcade sila sa upang kumaway sa mga tao dito sa Kalibo lalo na sa mga estudyante sa elementarya na madadaanan ng kanilang sasakyan. Bababa ito sa Pastrana Park kung saan sila sasalubungin ng maingay na tambol at makulay na mga grupo ng ati-atihan. Susundan ito ng “sadsad” o street dance ng 42 tribal, modern, at balik ati groups na kalahok sa opening salvo.

Pagkatapos ay rarampa sila sa maiksing programa na isasagaw sa Pastrana park. Pormal na ring ipakikilala ang 16 mga kandidata ng Mutya it Kalibo. Pagkatapos nito ay didiretso na ng Boracay ang mga kandidata para sa swimsuit competition. Kinabukasan ay magkakaroon sila ng coastal clean-up at mag-e-enjoy sa mga water sports activity. Aalis sa probinsiya sakay ng eroplano ang mga kandidata gabi ng Sabado.

Dasal ni MeƱez na maging maganda ang panahon sa mga araw na ito lalo at may bagyo ngayon sa bansa. Nagpapasalamat naman ito sa mga isponsor lalo na kay SB Juris Sucro na naging daan para anya makarating dito sa probinsiya ang mga kandidata.

Tuesday, October 11, 2016

Opening salvo ng 2017 Kalibo Sto. NiƱo Ati-Atihan, inaabangan na

NI PEACH LEDESMA, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photo: (c) Rommel Bangit via Flickr

Umaabot sa 42 tribo ang magsa-sadsad sa mga pangunahing kakalsadahan sa bayan ng Kalibo sa Oktubre 22 sa inaabangang Tamboe Salvo, ang unang pasabog sa pagbububkas ng selebrasyon ng 2017 Kalibo Sto. NiƱo Ati-atihan.

Ayon kay Kalibo Sto. NiƱo Ati-atihan Foundation, Inc. (KASAFI) chairman Albert MeƱez, sa Oktubre 21 ay bubuksan na nila kasama ang lokal na pamahalaan ng Kalibo at probinsya ng Aklan ang taunang selebrasyon ng Mother of All Festivals.

Dito ay magpaparada ang 16 finalists ng Mutya It Kalibo Ati-Atihan 2017 pati na rin ang 31 candidates ng 2017 Miss Earth International.

Inaasahang magbibigay din ng mensahe sina Gov. Florencio Miraflores at Cong. Carlito Marquez.

Susundan ito ng pre-launch ng Kalibo Ati-Atihan Album Records at pormal na pag-aanunsyo ng pagbubukas ng 2017 Kalibo Sto. NiƱo Ati-Atihan Festival.

Sa gabi naman ng Oktubre 22 ay gaganapin ang White Party and DJ Battle sa Kalibo Magsaysay Park kung saan magpapakita ng kanilang galing ang mga disc jockeys na sina DJ Santi Santos, DJ Angel Villorente, at DJ Jeano Zamora at dadaluhan din nina MC Yang ng Manila at Naughtiee Jerry ng Iloilo.