Showing posts with label Bomb Threat. Show all posts
Showing posts with label Bomb Threat. Show all posts

Thursday, June 29, 2017

BORACAY PNP NANAWAGAN SA TAUMBAYAN KAUGNAY NG PAGPAPAKALAT NG MALING BOMB THREAT

Nagbabala ang mga kapulisan sa taumbayan sa isla ng Boracay na itigil ang pagpapakalat ng maling bomb threat.

Ang panawagang ito ng Boracay Tourists Assistance Center (BTAC) ay kasunod ng maling bomb threat sa Manocmanoc Elementary School.

Sa isang panayam sinabi ni PSInsp. Mark Gesulga, hepe ng Boracay PNP, ang pagpapakalat ng maling bomb threat ay isang criminal offense.

Paliwanag niya, nagdadala ito ng takot sa taumbayan lalu na sa panahon ngayon na laganap ang banta ng terorismo.

Binigyang diin pa ng hepe na ang pagpapakalat ng maling bomb threat, bomb scare o bomb jokes ay posibleng makaapekto sa turismo sa Boracay.

Nanawagan naman siya sa publiko na manatiling mapagmatyag at ireport agad sa mga awtoridad ang anomang kahina-hinalang bagay sa kanilang lugar.

Ipinagbabawal sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa presensya ng bomba, pampasabog at mga kahalintulad nito.

Samantala, patuloy pang iniimbestigahan ng mga kapulisan ang pinagmulan ng kumulat na maling bomb threat sa Boracay kamakailan. (PNA)

Wednesday, June 28, 2017

MGA ESTUDYANTE AT MAGULANG SA BORACAY NAGPANIC DAHIL SA UMANO’Y BOMB THREAT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagpanic ang mga estudyante at magulang sa Manocmanoc Elementary School sa brgy. Manocmanoc sa Isla ng Boracay kahapon ng umaga dahil sa umano’y bomb threat sa lugar.

Dakong alas-9:00 ng umaga nang makatanggap ng report ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na nagkaroon ng panic sa nasabing lugar.

Agad namang nagresponde ang mga kapulisan at nagsagawa ng imbestigasyon kasama ang bomb squad pero napag-alaman na hindi totoo ang nasabing impormasyon.

Isang misis ang inimbitahan sa tanggapan ng pulisya matapos iturong siya ang pinagmulan ng sabi-sabing bomb threat.

Mariin naman itong pinabulaanan ng misis. Nagtanong lamang umano siya sa kanyang mister kung mayroon bang bomb threat sa lugar hanggang sa maipasa ito sa iba pa.

Hindi pa ngayon malaman kung sino talaga ang pinagmulan ng nasabing maling impormasyon.

Nanawagan naman ang mga kapulisan sa taumbayan na iwasan ang pagpapasa ng mga maling impormasyon at makipagtulungan sa kanila kapag may mga kahinahinalang bagay ang mamataan sa kanilang lugar.