Showing posts with label Theft. Show all posts
Showing posts with label Theft. Show all posts

Wednesday, August 09, 2017

GRUPO NG MGA MENOR DE EDAD SA NALOOK, KALIBO NAPILITANG MAGNAKAW DAHIL SA BANTANG PAPATAYIN

PSInsp. Ruiz interview by Darwin Tapayan
Napilitang magnakaw ang isang grupo ng mga menor de edad sa brgy. Nalook, Kalibo nitong mga nakalipas na araw.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Kalibo PNP, napag-alaman na ang 12 bata nasa edad 14-17 ay may handler na siyang nagtuturo sa kanilang magnakaw.

Kinilala ang handler na si Joel Litawa y Peralta, 34 anyos, tubong Valenzuela City at nakatira sa nasabing barangay kung saan siya nakapangasawa.

Ayon kay PSInsp. Honey Mae Ruiz, officer in charge ng Kalibo PNP, binabantaan rin umano ng suspek na papatayin ang mga bata kapag hindi magnakaw.

Una rito, nagreklamo sa tanggapan ng pulisya ang isang miyembro ng PNP na nakawan ng cellphone sa nabanggit na barangay.

Matapos nito ay nagkipagtulungan ang mga kapulisan sa barangay kung saan nila nakilala ang batang kumuha ng cellphone na ibinigay umano niya sa kanilang handler.

Nakita ang cellphone sa asawa ng umano'y handler ng mga bata; nangako naman siya na makipagcoordinate sa mga awtoridad sa nasabing kaso.

Matapos madiskubrehan ang operasyon ay hindi na umano makita ang suspek sa nasabing barangay.

Nakatakda namang sampahan ang lalaki ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 at Theft by Principal Inducement.

Patuloy pa ngayon ay ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

Tuesday, August 01, 2017

3 MENOR DE EDAD AT MGA NOTORIOUS NA MAGNANAKAW SA KALIBO, KALABOSO; MGA NAKAW NAREKOBER

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang tatlong menor de edad at itinuturing na noturious na mga magnanakaw sa bayan ng Kalibo.

Narekober ng mga awtoridad sa mga (CICL) children in conflict with the law ang kanilang mga ninakaw.
Kabilang sa mga narekober ang tatlong motorsiklo, flat screen TV, sword, mga airsoft gun at mga cellphone.

Nakakulong ngayon ang tatlo, dalawang 17 years old at isang 16 years old, sa lock-up cell ng Kalibo PNP.

Nabatid na ang isa sa kanila ay kakalabas lang sa Aklan Rehabilitation Center dahil din sa kasong pagnanakaw.

Inaayos na ng pulisya ang mga dokumento para sampahan ng mga kasong motornapping, theft at roberry.

Ayon kay PSInsp. Honey Mae Ruiz, officer-in-charge ng Kalibo PNP, inaalam pa nila kung may handler at iba pang kasamahan ang mga ito.

Ang suspek sa pananaksak sa Batan noong araw ng Sabado ay isa umano sa mga kasama ng tatlo na nakakulong ngayon sa Batan PNP.

Nakilala ang mga menor de edad sa tulong ng close circuit television at ng mga testigo.

Nanawagan naman si PSInsp. Ruiz sa iba pang mga biktima na magtungo sa kanilang tanggapan para alamin kung kabilang sa mga narekober ang mga nanakaw sa kanila.

Matatandaan na nitong nakalipas na linggo ay sunud-sunod ang mga insidente ng nakawan sa bayan ng Kalibo.

TINDIHAN SA KALIBO PUBLIC MARKET, NINAKAWAN NG PHP27 LIBO; SUSPEK SAPOL SA CCTV

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Paulit-ulit na ninakawan ng nag-iisang suspek ang isang tindahan sa Kalibo Public Market nitong mga nakalipas na linggo.

Ang tindahan ay pagmamay-ari ni Lecerio Tumagan kung saan nakuha ng suspek ang mahigit P27,000.00 na halaga ng mga barya.

Unang pinasok ng suspek ang store noong Hunyo 11 kung saan nakuha ng suspek ang P1,000.00; sinundan ng Hulyo 18 kung saan nakuha naman ang P3,000.00; Hunyo 23, P2,000.00; Hulyo 7-P20,000.00; at Hulyo 14-P1,000.00.

Kinilala ng may-ari ang suspek base sa kuha ng CCTV na dati niyang katiwala na si Harold Dagohoy o mas kilala sa palayaw na alyas “Burnok” o “Opoy”.

Nakarecord na sa Kalibo PNP ang pangyayaring ito at patuloy na pinaghahanap ang suspek.

#energypolicereport #kaliboaklan #pnpkalibo #theftkalibo

Monday, June 26, 2017

GUSALI NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN, NINAKAWAN; NASA PHP50K NATANGAY

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ninakawan ng nasa Php50 libo halaga ng mga gamit ang gusali ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan sa bayan ng Kalibo.

Ayon sa inisyal na report ng Kalibo PNP station, dumating umano sa lugar si Michael Solano, administrative officer IV dakong alas-8:30 ng umaga at nadiskubreng nanakawan ang kanilang tanggapan.

Natangay ng di pa nakikilalang suspek ang isang yunit ng laptop  na nagkakahalaga ng mahigit Php49 libo, portable fan, mga pabango, at mga dokumento.

Pinaniniwalaang dumaan ang mga suspek sa sliding window ng nasabing gusali para makapagnakaw.

Iniimbestigahan na ng theft and robbery section ng Kalibo PNP ang nasabing insidente.

Thursday, June 22, 2017

DAHIL SA PHP600 NA UTANG, 30 ANYOS NA LALAKI ARESTADO SA PAGNANAKAW

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 30 anyos na lalaki makaraang magnakaw dahil lamang sa Php600 na utang.

Kinilala ang suspek na si Klenton Dela Rosa, residente ng brgy. Caano, Kalibo.

Sa eksklusibong panayam ng Energy FM Kalibo sa suspek, nagawa umano niyang magnakaw dahil sa utang niya sa isang lending company.

Duedate anya kinabukasan at wala rin anya siyang mahiraman; kaya nang matsambahan ay ninakawan niya ang kapitbahay.

Naaresto ang suspek sa kanilang bahay at narekober ang nakaw na pera na Php1,600 at gintong pulseras na nagkakahalaga ng Php10,000.

Sa report ng Kalibo police station, pwersahang sinira ng suspek padlock ng back door ng pinasok na bahay gamit ang martilyo.

Ayon sa biktimang si Nila Dapitillo, 57, umalis umano siya ng bahay para maghatid lamang ng bata sa eskwelahan.

Desidido naman ang biktima na magsampa ng kaso laban sa kapitbahay.

Nakapiit na ngayon sa lock-up cell ng Kalibo PNP station ang nasabing lalaki.

Wednesday, June 21, 2017

DALAWANG LALAKI ARESTADO SA PAGNANAKAW NG MANOK

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na operasyon ng mga kapulisan sa bisa ng warrant of arrest sa kasong pagnanakaw.

Kinilala ang mga akusado na sina Ryan James Salvan, 22-anyos, residente ng brgy. Laguinbanwa East, Numancia at Arlon Salem Pagcawilan, 41, residente ng brgy. Mabilo, Kalibo.

Ang warrant of arrest ng dalawa ay inilabas at nilagdaan ni presiding judge Lolie Ureta-Villaruel ng Banga 2nd Municipal Trial Court nitong Hunyo 8 at may piyansang tig-Php6,000.

Naaresto ng mga kapulisan si Salvan sa brgy. Badio, Numancia samantalang naaresto naman ang kasama niyang si Pagcawilan sa kanilang residensya sa brgy. Mabilo, Kalibo.

Nabatid na ang dalawa ay tinuturong mga suspek sa pagnanakaw ng manok sa bayan ng Banga.

Pansamantalang nakakulong ang dalawa sa Kalibo at Numancia municipal police station at nakatakdang iharap sa kaukulang korte.

Friday, June 16, 2017

GURO NG KALIBO ELEMENTARY SCHOOL NANAKAWAN NG PHP10 LIBO SA LOOB NG PAARALAN

ulat ni Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo

Tinangay ng suspek na nakiihi sa CR ng eskwelahan ang wallet ng isang guro ng Kalibo Elementary School kahapon.

Ang wallet ay may perang nagkakahalaga ng P10,000.00.

Sa kwento ng guro naganap ang isidente mag aalas 12:00 ng tanghali kahapon, kakatapos lang raw ng klase kaya lumabas ito saglit para magpaxerox. Naiwan sa room ang anak na 7 yearso ld para magbantay.

Sa kwento ng bata Kakaalis lang raw ng kanyang nanay nang pumasok sa room ang isang lalaki at nakiusap na makigamit ng CR at pinayagan naman ng bata.

Pagkaraan ng ilang minuto lumabas na ng CR ang suspek dumaan ito sa table kung saan nakalagay ang shoulder bag ng guro.

Nakita raw ng bata na binubuklat nito ang mga libro sa table. Pagkatapos ay muling nagpaalam na makiki-CR ulit.

Sa bilis ng kamay ng suspek hindi namalayan ng bata na bitbit na pala nito ang bag sa loob ng CR at doon na kinuha ang wallet at power bank.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP sa kasong ito.

MGA ESTABLISYEMENTO SA KALIBO NANGAKONG MAGIGING ‘PROACTIVE’ SA PAGSAWATA NG MGA NAKAWAN

photo (c) Kalibo PNP
Humarap na sa isang pagpupulong sa munisipyo ng Kalibo ang mga kinatawan ng iba-ibang establisyemento komersyal kaugnay ng mga kaso ng nakawan.

Pinangunahan ni Efren Trinidad, Executive Assistant II sa tanggapan ng alkalde, ang nasabing pagpupulong kasama ang mga tauhan ng Kalibo municipal police station.

Ayon kay Trinidad nababahala ang pamahalaang lokal kaugnay sa mga kaso ng shoplifting at pick pocketing at iba pang uri ng pagnanakaw na nangyayari sa mga establisyementong ito.

Kailangan rin anyang maging proactive ang mga tauhan ng mga establisyementong ito kapag may mga ganitong kaso at hindi reactive.

Iminungkahi ni PO2 Erick John De Lemos, imbestigador ng Kalibo PNP, na kailangan may magmonitor talaga sa mga close circuit television, mayroon din dapat anyang costumer security relation ang mga establisyementong ito.

Dagdag pa ni De Limos, dapat maglagay rin ng mga friendly reminder ang mga establisyemento para sa mga kostumer para makapag-ingat sa mga magnanakaw.

Positibo naman ang naging tugon ng mga establisyemento at handang makipagtulungan para masawata ang mga kaso ng nakawan rito.

Wednesday, June 14, 2017

PNP MULING NAGPAALALA SA TAUMBAYAN KAUGNAY SA MGA KASO NG NAKAWAN SA KALIBO

Tatlong kaso na ng pagnanakaw ang naitala ng Kalibo PNP station ngayon buwan ng Hunyo.

Kaugnay rito, muling nagpaalala si PSInsp. Honey Mae Ruiz, deputy chief ng Kalibo PNP, sa taumbayan na maging mapagmatyag at mag-ingat.

Karamihan umano sa mga kaso ng pagnanakaw na naitatala nila ay pandurukot lalu na sa palengke at sa mga mall at iba pang establisyemento komersyal.

Ayon kay Ruiz, iwasang magdala ng malaking halaga ng pera kapag pumupunta sa mga matataong lugar, gayon din ang pagsusuot ng mga alahas.

Lagi rin anyang ilagay ang bag sa harapan at siguraduhing ito ay nakasara.

Humingi naman siya ng kooperasyon sa taumbayan at sa mga establisyemento komersyal. Hindi umano nila kayang bantayan ang lahat dahil narin sa kakulangan ng kanilang mga tauhan.

PAMUNUAN NG MGA ESTABLISYEMENTO IPAPATAWAG NG LGU KAUGNAY NG MGA KASO NG NAKAWAN

Gumagawa na ng hakbang ang Kalibo PNP station at ang lokal na pamahalaan ng Kalibo kung paano maiwasan ang mga kaso ng nakawan loob ng mga establisyemento komersyal sa bayang ito.

Ayon kay PCInsp. Terence Paul Sta. Ana, hepe ng nasabing police station, nakipag-usap na umano siya sa pamahalaang lokal ng Kalibo para maipatawag ang pamunuan ng mga nasabing establisyemento.

Mungkahi ng hepe, dapat anyang may magmonitor sa close circuit television ng mga establisyementong ito para mahuli agad ang mga suspek. 

Mayroon din dapat anyang mga civilian guard na nag-iikot sa loob para magmonitor sa galaw ng mga tao.

Humingi naman siya ng kooperasyon sa pamunuan ng mga ito at maging sa taumbayan. Hindi umano nila kayang bantayan ang lahat dahil narin sa kakulangan ng kanilang mga tauhan.

Matatandaan na nitong buwan ng Hunyo ay suod-sunod na naman ang naitalang kaso ng pandurukot sa loob mismo ng mga establisyementong ito.

Friday, June 09, 2017

33 ANYOS NA BABAE NADUKUTAN NG NASA PHP10K SA BAYAN NG KALIBO

Sapul sa close circuit television (cctv) footage ang pagnanakaw ng dalawang babae sa isang 33 anyos na misis sa loob ng isang establisyemento sa bayan ng Kalibo.

Ayon sa biktimang si Marian Villanueva, residente ng Poblacion, Kalibo, nasa loob umano siya ng New FUs Merchandise nang manakawan siya ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Makikita sa cctv na habang namimili ang biktima sa loob ng establisyemento ng madukutan siya ng mga suspek.

Nakita rin sa cctv na nagpalit ng damit ang isa sa mga suspek.Hinubad raw nito ang suot na jacket.

Nakuha ng mga suspek sa kanyang shoulder bag ang kanyang wallet. Laman nito ang Php10,000, dalawang ATM cards, dalawang credit cards, at mga government IDs.

Iniimbestigahan na ngayon ng Kalibo municipal police station ang nasabing insidente.

Tuesday, June 06, 2017

BARRACK SA LAGUINBANWA EAST, NUMANCIA, NILOOBAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nilooban ng hindi pa nakikilalang magnanakaw ang isang barrack sa brgy. Laguinbanwa East, Numancia habang natutulog ang mga biktima.

Natangay ng suspek ang anim na iba-ibang unit ng cellphone at pera ng mga construction worker sa ginagawang commercial building dito sa gilid ng national highway.

Naganap ang insidente pasado ala-1:00 ng madaling araw.

Nagising ang ilan sa mga biktima at namataan pa ang suspek sa loob ng barrack pero mabilis rin itong nakatakbo papalayo.

Iniimbestigahan na ng Numancia municipal police station ang nasabing insidente.

Friday, June 02, 2017

70 ANYOS NA LOLA, NADUKUTAN SA LOOB NG MALL SA KALIBO; PHP15K NATANGAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagreklamo sa pulisya ang isang 70-anyos na lola makaraang madukutan ano siya sa loob ng bagong mall sa bayan ng Kalibo.

Kinilala ang biktima na si Candelario Lumogdang, residente ng brgy. Caridad, Culasi.

Ayon sa report ng Kalibo municipal police station, inilagay umano ng matanda ang kanyang wallet sa loob ng shoulder bag.

Laman nito ang pera na nasa Php15 libo at iba pang mga importanteng dokumento.

Nakunan pa ng close circuit television (CCTV) ng mall na sinusundan ng isang tomboy ang nasabing biktima.

Samantala, dalawa pang babae ang nagreklamo sa pulisya na nadukutan rin sila sa magkahiwalay na establisyemento komersyal.

Nakuha rin sa kanila ang nasa pitong libong pisong halaga ng pera at iba pang mga dokumento.
Iniimbestigahan na ng mga kapulisan ang mga nasabing insidente.

Wednesday, May 31, 2017

DALAWANG LALAKI NAHULI SA PAGNANAKAW SA PROVINCAL HOSPITAL

ulat ni Archie Hilario / Joefel Magpusao, Enegy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang dalawang lalaki matapos magnakaw ng gasolina sa mga nakaparking na motorsiklo sa compound ng provincial hospital madaling araw kanina.

Nahuli ng mga gwardiya ang isang 14 anyos samantalang naaresto rin ng rumurundang pulis ang kanyang kasama.

Sa report ng Kalibo police station, kinilala ang suspek sa pangalang Benjie Bajado, 19 anyos, residente ng Sto. Niño Village, Poblacion, Kalibo.

Narekober sa dalawa ang isang plastic bottle na may lamang gasolina at isang 14 pulgadang kutsilyo.

Nakakulong na ang 19 anyos na suspek sa Kalibo PNP, samantalang nasa pangangalaga naman ng municipal social welfare and development office ang isa na tinuturing na Children in Conflict with the Law.

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang nakatakas nilang kasama.

Friday, May 26, 2017

APARTMENT NG GERMAN SA BAYAN NG NUMANCIA, NILOOBAN NG MAGNANAKAW

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nilooban ng mga hindi pa nakikilalang magnanakaw ang apartment ng isang German National at fiancée niya sa isang subdivision sa brgy. Bulwang, Numancia.

Sa report ng Numancia municipal police station, pumasok umano sa apartment ang nasabing magnanakaw habang natutulog ang mag-live-in partner sa loob.

Nakuha umano sa Aleman na si Markuz Zacher, 49 anyos at sa kasama niyang si Ma-Ann Lachica, 27, ang mahigit Php7,000 halaga ng pera.

Aminado naman ang mga biktima na bahagyang nakabukas ang pinto sa likuran ng apartment para makapasok ang hangin habang nagpapahinga sila ng hapong iyon.

Ikinabahala rin ng magkasintahan na sa sumunod na gabi ay may namataan silang umaaligid na lalaki sa kanilang apartment.

Iniimbestigahan na ngayon ng mga kapulisan ang nasabing insidente.

Wednesday, May 24, 2017

NEWS UPDATE: MGA ‘NOTORIOUS’ NA MAGNANAKAW SA AKLAN, SINAMPAHAN NA NG KASO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakapiit na ngayon sa Aklan Rehabilitation Center ang tatlong babae na naaresto ng mga kapulisan sa pagnanakaw sa bayan ng Banga nitong Lunes.

Kinilala ang mga suspek na sina Rose Evangilio, 47 anyos; Ann Magbutay, 43; Nita Dimzon, 38, pawang mga taga-Iloilo at kasalakuyan umanong nakatira sa Pandan, Antique.

Naaresto ang tatlo sa pinagsamang operasyon ng Kalibo at Banga PNP sa Banga public market. Narekober sa kanilang posisyon ang pera at isang unit ng cellphone na pagmamay-ari ng isang barangay kagawad na kanilang nabiktima.

Ayon kay PO2 Danilo Dalida ng Banga municipal police station, sinampahan ng kasong ‘theft’ ang tatlo Martes ng umaga sa provincial prosecutor’s office at may tig-Php30 libong itinakdang pyansa.

Maliban rito, si Evangilio ay una nang binabaan ng warrant of arrest sa kasong theft na inilabas ng Kalibo Municipal Circuit Trial Court noong Setyembre 2010 at may piyansang Php12 libo.

Ayon naman kay PCInsp. Terence Paul Sta. Ana, hepe ng Kalibo police station, hindi malayong sila rin ang nasa likod ng sunud-sunod na kaso ng pick-pocketing at salisi sa bayan ng Kalibo nitong mga nakalipas na araw. 

Sinabi pa ni Sta. Ana, may mga ganitong kaso narin umano ang naitala sa mga bayan ng Ibajay, Altavas at Banga. Inaalam narin nila kung may mga kasamahan pa ang tatlo na ayon sa kanya ay mga ‘notorious’ na magnanakaw.

Nagsusuot umano ang mga ito ng parehong kulay ng damit para lituhin ang kanilang mga biktima. 

Samantala, hinikayat rin ng pulisya ang iba pang mga nabiktima na kilalanin ang mga suspek at magsampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.

TAUMBAYAN PINAG-IINGAT NG PULISYA SA MGA PICKPOCKETER, ‘SALISI’ GANG

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Maging mapagmatayag at mag-ingat sa mga 'salisi' gang at pickpocketers.
photo (c) Kalibo PNP

Ito ang muling paalala ni PCInsp. Terence Paul Sta. Ana, hepe ng Kalibo municipal police station, kaugnay ng sunud-sunod na mga kaso ng nakawan sa bayan ng Kalibo.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Sta. Ana na iwasang magdala ng malaking halaga ng pera at magsuot ng mga mamahaling alahas kapag pumupunta sa mga matataong lugar.

Ang palaging paalala niya ay huwag magtitiwala sa mga taong hindi kakilala. Mahalaga anyang tandaan ang mga taong nakakasalamuha lalu na ang itsura, suot na damit, at iba pang pagkakakilalan para sa “profiling”.

Ayon sa hepe, kabilang umano sa umiiral na modus ng mga magnanakaw sa Kalibo ay ang salisi at pickpocketing.

Nitong Lunes ay naaresto ng mga tauhan ng Kalibo at Banga PNP station ang tatlong babae na tinuturing na “notorious” na magnanakaw sa probinsiya at maging sa mga karatig lugar.

Nagsusuot umano ang mga ito ng parehong kulay ng damit para lituhin ang kanilang mga biktima. Iniipit umano nila ang kanilang mabibiktima sa mga matataong lugar upang makapagnakaw.

Samantala, nagpaalala rin siya sa taumbayan na mag-ingat sa mga Bajao na nagbebenta ng mga pekeng alahas. Paliwanag ng hepe, sasabihin umano ng mga ito sa mabibiktima na napulot nila ang alahas at iaalok sa murang halaga.

Laganap umano ang ganitong kaso ngayon lalu at may nahuli na sila sa mga nakalipas na araw.

Asahan rin anya ang paglabasan ng mga ganitong modus lalu na ngayong panahon ng balik-eskwela.

Tuesday, May 23, 2017

3 MISIS ARESTADO SA BAYAN NG BANGA SA KASONG PAGNANAKAW

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) Archie Hilario
Kalaboso ang tatlong babae sa bayan ng Banga sa kasong pagnanakaw.

Nagpakilala ang mga suspek na sina Rose Evangilio, 47 anyos; Ann Magbutay, 43; Nita Dimzon, 38, pawang mga taga Iloilo at kasalakuyan umanong nakatira sa Pandan, Antique.

Narekober sa mga ito ang isang cellphone at pera na pagmamay-ari ng isang barangay kagawad.

Ayon kay konsehal Julinine Rago ng brgy. Poblacion, nagulat umano siya na nawawala na ang kanyang cellphone at dalawang libong piso sa bulsa ng kanyang pantalon habang nasa Banga Public Market.

Naaresto ang mga nasabing suspek sa koordinasyon ng mga kapulisan ng Banga at Kalibo PNP station.
Maliban rito, binabaan rin ng warrant of arrest ang suspek na si Evangilio sa kasong theft na inilabas ng Municipal Circuit Trial Court noong Setyembre 2010.

Ang mga nasabing suspek ay pansamantalang nakukulong ngayon sa lock-up cell ng Banga municipal police station para sa kaukulang disposisyon.

Tuesday, May 09, 2017

NOTORIOUS NA GRUPO NG MGA MAGNANAKAW SA BORACAY, ARESTADO NG MGA KAPULISAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalaboso ang tatlong myembro ng isang notorious gang na ‘Boracay Demons’ sa Isla ng Boracay.

Kinilala ang mga naaresto na sina Janel Tayco Villanueva, 19, tubong Kalibo, Aklan; Reymond Alan Molina, 19, ng so. Ambulong,  brgy. Manocmanoc; at isang menor de edad na si alias Christian, 15, ng so. Tulubhan, brgy. Manoc-Manoc.

Una rito, nagreklamo sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang dalawang boarders matapos silang nakawan ng madaling araw sa tinutuluyan nilang boarding house sa Talipapa Bukid sa nasabing Isla.

Nakuha ng mga suspek na ito ang Flaire F3 mobile phone, Lenovo Tablet, Samsung J2 at GoPro cam.

Nahuli ng kaibigan ng isa sa mga biktima ang menor de edad at itinurn-over sa mga otoridad samantalang ang dalawa pa ay naaresto sa sinagawang follow-up operation ng mga kapulisan.

Narekober naman ng mga kapulisan mula sa mga suspek ang mga ninakaw sa naturang boarding house.

Nakapiit na ngayon sa Aklan Rehabilitation Center sina Molina at Villanueva matapos maharap sa mga kasong theft at robbery samantalang ang menor de edad ay itinur-over sa kustodiya ng municipal social welfare office. 

Napag-alaman na ang ‘Boracay Demons’ ay madalas na naiuugnay sa mga kaso ng pagnanakaw at akyat bahay sa isla.