Showing posts with label Terrorism. Show all posts
Showing posts with label Terrorism. Show all posts

Thursday, June 29, 2017

BORACAY PNP NANAWAGAN SA TAUMBAYAN KAUGNAY NG PAGPAPAKALAT NG MALING BOMB THREAT

Nagbabala ang mga kapulisan sa taumbayan sa isla ng Boracay na itigil ang pagpapakalat ng maling bomb threat.

Ang panawagang ito ng Boracay Tourists Assistance Center (BTAC) ay kasunod ng maling bomb threat sa Manocmanoc Elementary School.

Sa isang panayam sinabi ni PSInsp. Mark Gesulga, hepe ng Boracay PNP, ang pagpapakalat ng maling bomb threat ay isang criminal offense.

Paliwanag niya, nagdadala ito ng takot sa taumbayan lalu na sa panahon ngayon na laganap ang banta ng terorismo.

Binigyang diin pa ng hepe na ang pagpapakalat ng maling bomb threat, bomb scare o bomb jokes ay posibleng makaapekto sa turismo sa Boracay.

Nanawagan naman siya sa publiko na manatiling mapagmatyag at ireport agad sa mga awtoridad ang anomang kahina-hinalang bagay sa kanilang lugar.

Ipinagbabawal sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa presensya ng bomba, pampasabog at mga kahalintulad nito.

Samantala, patuloy pang iniimbestigahan ng mga kapulisan ang pinagmulan ng kumulat na maling bomb threat sa Boracay kamakailan. (PNA)

MARQUEZ NAKIPAGPULONG SA MGA OPISYAL NG PNP AT DILG KAUGNAY SA SEGURIDAD SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) DILG-Aklan
Pinatawag ni Aklan Congressman Carlito Marquez ang mga opisyal ng Philippine National Police para sa isang peace and order briefing.

Kasama ni Marquez sa nasabing pagpupulong sina PNP Regional Director PCSupt. Cesar Howthorne Binag, PNP Aklan Provincial Director PSSupt. Lope Manlapaz, at Department of Interior ang Local Government (DILG) - Aklan Provincial Director John Ace Azarcon.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Marquez layunin nito na masiguro ang kahandaan ng mga awtoridad sa probinsiya kasunod sa mga banta ng terorismo sa ibang lugar.

Sinabi pa ng kongresista na naka-alerto ang mga kapulisan sa mga posibleng pag-atake ng terorista sa probinsiya lalu na sa isla ng Boracay.

Paliwanag ni Marquez, nabahala umano siya dahil narin sa mga bilang ng bakwit mula sa Marawi City o sa Lanao del Sur sa narito ngayon sa Aklan.

Pinasiguro naman anya ng mga kapulisan sa kanya na sumasailalim sa profiling at imbestigasyon ng mga awtoridad. Sa ngayon anya, ang mga salta sa Aklan ay walang direktang ugnayan sa mga terorista o sa mga Maute group.

Ayon pa kay Marquez, walang dapat ikabahala ang mga Aklano pero dapat anya ay manatili paring mapagmatyag at makipagtulungan sa mga kapulisan.

Tuesday, June 20, 2017

AKLAN PNP LALU PANG PINAIGTING ANG PWERSA LABAN SA MGA ARMADONG GRUPO

Hinigpitan pa ng Aklan Philippine National Police ang siguridad sa probinisya.

Ang paghihigpit sa seguridad ay kasunod ng patuloy na bakbakan sa Marawi City at pagsalakay ng mga armadong grupo sa isang police station sa Iloilo nitong Linggo.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay PSSupt. Lope Manlapaz, direktor ng Aklan Police Provincial Office, patuloy ang ginagawa nilang checkpoint sa mga boundary ng lalawigan.

Binabantayan anya ng mga kapulisan ang mga kahinahinalang mga tao na papasok sa lalawigan lalu na sa isla ng Boracay. Nabatid na nagdagdag narin ng pwersa ng mga kapulisan sa naturang isla.

Nakaalerto rin anya ang kanilang pwersa sa Kalibo International Airport katuwang ang Philippine Army, PNP AVSEGROUP.

Sa kabilang banda, patuloy rin ang monitoring ng Maritime Police at Philippine Coastguard sa mga baybaying sakop ng probinsiya.

Humingi naman ng kooperasyon si Manlapaz sa taumbayan na agad na magreport sa mga kapulisan kapag may mga mamataang kahinahinalaang tao o bagay sa kani-kanilang lugar.

Thursday, June 08, 2017

SANGGUNIANG PANLALAWIGAN ISINUSULONG ANG PAGBUO NG TASK FORCE PROTECT SA BORACAY

Isinusulong ngayon ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang pagbuo ng "Task Force Protect" sa isla ng Boracay.

Ito ay kasunod sa ulat ng mga pag-atake ng mga teroristang grupo sa ibang bahagi ng bansa at maging sa iba pang panig ng mundo.

Ayon kay provincial board member Jay Tejada, miyembro ng committee on laws and ordinances, ang task force ay kabibilangan ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coastguard, at lokal na pamahalaan.

Pinag-aaralan na umano ng komitiba ang technical draft ng nasabing panukala.

Naging usapin ito sa Sanggunian kasunod ng isyu ng maluwang na seguridad sa isla ng Boracay.

Umaasa ang mambabatas na sa pamamagitan nito ay mapapaigting pa ang seguridad para sa mga mamamayan dito at mga iba-ibang turista. (PNA)