Monday, June 26, 2017

‘KAPAYAPAAN SA MARAWI’ PANALANGIN NG MGA MUSLIM SA AKLAN SA PAGTATAPOS NG RAMADAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Kapayapaan sa Marawi. Ito ang panalangin ng mga kapatid na Muslim sa Aklan sa pagtatapos ng Ramadan o Eid al-Fit’r.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Hadji Sulay, lider ng Muslim community sa Numancia, dalangin nila na matapos na ang nagaganap na bakbakan sa Marawi sa pagitan ng mga teroristang Maute at tropa ng gobyerno.

Ayon kay Sulay, kahapon opisyal na nagtapos ang kanilang halos isang buwang pag-aayuno. 

Nabatid na nagsagawa sila ng simpleng programa kasama ang mga tauhan ng Philippine Army, Philippine National Police, ilang opisyal ng lokal na pamahalaan at iba pang bisita.

Patuloy anya silang nakikipagtulungan sa mga awtoridad at mga opisyal ng gobyerno para masiguro na walang makapasok na masasamang elemento sa kanilang lugar.

Napag-alaman na sa kasalukuyan, tatlong pamilya na mula Marawi o Lanao del Sur ang nagbakwit sa kanilang lugar.

Pinasiguro naman ni Sulay na minomonitor nila ang mga taong pumapasok sa kanilang komunidad at inuusisa kung may relasyon ito sa mga teroristang grupo.

Ang Muslim community sa Numancia ay isa sa may pinakamalaking bilang ng mga Muslim sa Aklan kasama ang Boracay at Kalibo.

No comments:

Post a Comment