Wednesday, June 28, 2017

MGA ESTUDYANTE AT MAGULANG SA BORACAY NAGPANIC DAHIL SA UMANO’Y BOMB THREAT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagpanic ang mga estudyante at magulang sa Manocmanoc Elementary School sa brgy. Manocmanoc sa Isla ng Boracay kahapon ng umaga dahil sa umano’y bomb threat sa lugar.

Dakong alas-9:00 ng umaga nang makatanggap ng report ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na nagkaroon ng panic sa nasabing lugar.

Agad namang nagresponde ang mga kapulisan at nagsagawa ng imbestigasyon kasama ang bomb squad pero napag-alaman na hindi totoo ang nasabing impormasyon.

Isang misis ang inimbitahan sa tanggapan ng pulisya matapos iturong siya ang pinagmulan ng sabi-sabing bomb threat.

Mariin naman itong pinabulaanan ng misis. Nagtanong lamang umano siya sa kanyang mister kung mayroon bang bomb threat sa lugar hanggang sa maipasa ito sa iba pa.

Hindi pa ngayon malaman kung sino talaga ang pinagmulan ng nasabing maling impormasyon.

Nanawagan naman ang mga kapulisan sa taumbayan na iwasan ang pagpapasa ng mga maling impormasyon at makipagtulungan sa kanila kapag may mga kahinahinalang bagay ang mamataan sa kanilang lugar.

No comments:

Post a Comment