Showing posts with label Department of Public Works and Highway. Show all posts
Showing posts with label Department of Public Works and Highway. Show all posts

Tuesday, September 11, 2018

TULINGON ROAD SA NABAS BUBUKSAN NA SA LAHAT NG MGA SASAKYAN

BUBUKSAN NA sa lahat ng mga sasakyan ang Tulingon road sa bayan ng Nabas sa darating na Setyembre 15.

Ito ang kinumpirma ni Department of Public Works and Highway - Aklan District Engr. Noel Fuentibilla sa Energy FM Kalibo umaga ng Lunes.

Pero nilinaw niya na kalahating bahagi lamang ng kalsada ang pwedeng daanan.

Binubuhusan pa umano ang kabilang bahagi ng kalsada at nagdadagdag pa ng mga suporta sa ilalim para maging matibay ito.

Posible aniyang matapos nila ang buong rehabilitasyon ng kalsada sa huling araw ng Setyembre.

Matatandaan na nagsimulang gumuho ang bahagi ng kalsada rito makaraan ang paghagupit ng bagyong Urduja sa Aklan Disyembre ng nakaraang taon.

Samantala, sa kasalukuyan ay maaaring makadaan ang mga motorsiklo sa ginagawang kalsada anumang oras ayon sa DPWH.

May mga nag-aantay rin na mga sasakyan sa magkabilang bahagi para sa mga bumibiyahe patungong Caticlan o Kalibo.##

- - Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Monday, August 13, 2018

BAHAGI NG NATIONAL HIGHWAY SA TULINGON, NABAS ISASARA NA SA LAHAT NG BEHIKULO

Isasara na sa lahat ng uri ng sasakyan ang bahagi ng national highway sa Tulingon, Nabas simula Miyerkules, Agosto 15.

Ito ang inanunsiyo ni Department of Public Works and Highway (DPWH) - Aklan District Engr. Noel Fuentibella sa Energy FM Kalibo umaga ngayong Lunes.

Aniya, lubhang mapanganib na sa mga motorista ang dumaan pa sa nasabing lugar dahil sa patuloy na pagguho ng lupa rito.

Ilang materyales ang dinala na umano sa lugar at sa pagsasara ay sisimulan na ang pagtratrabaho upang ayusin ang kalsada.

Kaugnay rito ang lahat ng mga sasakyan na patungong Caticlan ay dito na dadaan sa Pandan, Antique, palabas ng Buruanga patungong Malay at vice versa.

Maging ang mga motorsiklo ay di na rin umano pwedeng dumaan. Pwede umanong makatawid ang mga tao bago mag-alas-8:00 ng umaga, 12:00-1:00 ng tanghali at pagkatapos ng alas-5:00 ng hapon.

Posible aniyang matapos ang rehabilitasyon ng kalsada sa Setyembre. | EFM Kalibo

Friday, August 03, 2018

MGA HEAVY VEHICLE HINDI NA PWEDENG DUMAAN SA BAHAGI NG NATIONAL HIGHWAY SA NABAS AYON SA DPWH

Isasara na simula Lunes sa mga heavy vehicles ang bahaging ito ng national highway sa Brgy. Tulingon, Nabas.

Kasunod ito ng patuloy na pagguho ng lupa sa bahaging ito ng kalsada dahil sa mga pag-ulan sa lugar. Mapapansin na halos kalahati na ng kalsada ang gumuho.

Inanunsiyo ito ni Department of Public Works and Highway (DPWH) - Aklan District Engr. Noel Fuentebella sa Energy FM Kalibo umaga ngayong Byernes.

Kaugnay rito, sa Lunes ay magbabantay na ang kapulisan para abisuhan ang mga heavy vehicle na papuntang Malay na sa Pandan, Antique na sila dadaan palabas ng Buruanga, Aklan. Ito rin ang daraanan pabalik.

Pwede pa rin anyang makadaan ang mga light vehicles sa lugar samantalang pagdating ng Agosto 15 ay posibleng tuluyan nang isasara ang kalsada sa lahat ng mga motorista.

Siyam na milyon ang inilaang badyet ng Kagawaran para sa rehabilitasyon ng naturang kalsada. Humingi naman ng pag-unawa sa mga motorista ang district engineer.

Aniya bagaman magdudulot ito ng inconvenience sa mga motorista, pansamantala lamang anya ito para maayos ang kalsada para sa kaligtasan ng lahat. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Wednesday, July 25, 2018

BAHAGI NG NATIONAL HIGHWAY SA NABAS, AKLAN PANSAMANTALANG IPASASARA NG DPWH

Ipasasara ng Department of Public Works and Highway (DPWH) ang bahagi ng national highway na ito sa Brgy. Tulingon, Nabas dahil sa pagguho ng lupa.

Ito ang sinabi ni DPWH-Aklan District Engr. Noel Fuentebella sa panayam ng Energy FM Kalibo umaga ng Miyerkules. Dahil umano ito sa pagguho ng kalahating bahagi ng kalsada.

Sinabi ni Engr. Fuentebella na magsisimula ang konstruksyon sa ikatlong linggo ng Agosto. Nasa 80 metro anya ang lalim ng aayusing kalsada.

Kaugnay rito ang mga motorista na patungo sa bayan ng Malay ay dadaan muna sa Pandan sa Antique, palabas ng Buruanga, Aklan habang ang manggagaling Kalibo papuntang Nabas proper ay pwede pang makadaan.

Siyam na milyon ang inilaang badyet ng Kagawaran para sa rehabilitasyon ng naturang kalsada. Humingi naman ng pag-unawa sa mga motorista ang district engineer.

Aniya bagaman magdudulot ito ng inconvenience sa mga motorista, pansamantala lamang anya ito para maayos ang kalsada para sa kaligtasan ng lahat. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Tuesday, August 08, 2017

IMPROVEMENT NG DRAINAGE SA KALIBO, HINILING SA DPWH AT PAMAHALAANG LOKAL NG AKLAN

Hiniling ng Sangguniang Bayan ng Kalibo sa pamahalaang lokal ng Aklan at sa Department of Public Works ang Highway ang pagsasaayos ng mga drainage system sa bayang ito.

Base sa mga ipinasang resolusyon ng Sanggunian, nais nilang mag-improve ang drainage at flood control systems sa mga kalsadahin na pagmamay-ari ng probinsiya.

Nakasaad sa dalawang resolusyong ito ang mga lugar ng Toting Reyes St., Old Buswang, Libtong, Estancia ag Sentro, Andagao, Jaime Cardinal Sin Avenue.

Kabilang rin dito ang mga kalsada sa Estancia patungong Linabuan Norte kabilang na ang D. Maagma mula sa Mabini St. patungong Crossing Rotonda patungong Osmena Avenue patungong Milagrosa cementery hanggang So. Libtong, Brgy. Estancia.

Ang pag-improve at rehabilitasyon ng mga kanal na ito ay nakikinitang paraan para maibsan ang mabilis na pagbaha o pagtaas ng tubig sa Kalibo tuwing tag-ulan.

Thursday, July 20, 2017

MGA PAGBAHA SA BAYAN NG KALIBO, TINUTUGUNAN NA NG LOKAL NA PAMAHALAAN

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

May ginagawa nang solusyon ang lokal na pamahalaan sa mga bahaing lugar sa bayan ng Kalibo lalu na ngayong panahon ng tag-ulan.

Nitong mga nakalipas na araw, umani ng mga negatibong reaksiyon mula sa taumbayan lalu na sa social media ang mga pagbaha sa ilang lugar sa bayang ito.

Sa panayam sa programang “Tambalang A&R” kay Engr. Emerson Lachica, sinabi niya na ang Concepcion St. at ang Bliss area ay catch basin ng tubig dahil sa ito ay mababang lugar.

May dalawang milyong pondo na umano na inilaan ang Department of Public Works and Highway para sa paggawa ng drainage na magda-divert sa tubig na papunta rito sa area.

Hindi anya tuluyang maaalis ang pagtaas ng tubig sa mga nasabing lugar pero ang aksiyon anyang ito ay makakatulong para maibsan ang pagbaha sa mga ito.

Sinabi ni Engr. Lachica na ang mga nararanasan ring pagbaha ay dulot ng mga development sa Kalibo at dahil rin anya sa kukulangan ng drainage system.

Binubuksan narin umano nila ang ilang drainage para siguraduhing walang bumabara sa mga ito.