Thursday, August 10, 2017

AKLAN PNP NAGBABALA SA MGA DRUG PERSONALITIES SA PROBINSIYA

“Siguraduhon gid namon nga matangis gid kamo!” (Sisiguraduhin naming iiyak talaga kayo!)

Ito ang mariing pahayag ni PCInsp. Frenzy Andrade, hepe ng Provincial Drug Enforcement Unit, sa panayam ng Energy FM Kalibo sa mga taong patuloy na gumagamit at nagtutulak ng iligal na droga.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng pagkakaaresto nila kay Leny Sacapaño, dating konsehal ng Malay at una nang nagsurender sa Malay PNP station dahil sa iligal na droga.

Ayon kay CInsp. Andrade, hindi umano sila titigil sa pagmomonitor sa mga drug personalities sa probinsiya lalu na ang mga sumuko sa pulisya.

Nanawagan siya sa mga gumagamit at nagtutulak ng droga na tumigil na sa iligal na gawain.

Hinikayat rin niya ang mga surrendereer na dumalo sa drug rehabilitation program at iba pang aktibidad ng pamahalaang lokal at ng PNP.

Pinabulaanan rin niya ang mga akusasyong ‘nagtatanim’ sila ng droga at nanindigan na hindi iyon makakaya ng kanilang konsensiya.

Sa kabilang banda, sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” si Sacapaño.

No comments:

Post a Comment