Showing posts with label Lezo Aklan. Show all posts
Showing posts with label Lezo Aklan. Show all posts

Monday, July 15, 2019

17-anyos na lalaki patay sa karerahan ng motorsiklo sa Lezo

PATAY ANG isang 17-anyos na lalaki matapos madisgrasya sa menamanehong motorsiklo habang nakikipagkarera sa Brgy. Carugdog, Lezo hapon ng Linggo.

Kinilala ang lalaki na si Ericko Diaz y Galang, residente it Brgy. Agcawilan.

Sugatan naman ang kanyang angkas na si Joshua Taglay, 15, residente ng Brgy. Agcawilan sa nasabing bayan.

Ayon kay Taglay bumili umano sila ng alak sa Brgy. Carugdog nang makipagkarera sila sa mga nakasabay na motorsiklo habang papauwi.

Pagdating sa palikong bahagi ng kalsada ay naalangan umano ang driver dahil sa mabilis na patakbo dahilan para tumilapon sila sa palayan.

Parehong isinugod sa Provincial Hospital ang dalawa pero makalipas ang ilang oras ay binawian ng buhay si Diaz dahil sa malubhang sugat ng ulo.

Naka-confine naman ngayon sa Provincial Hospital si Taglay.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan (with report from Kas Joefel Magpusao), Energy Fm 107.7 Kalibo

Friday, June 07, 2019

55-anyos na lalaki patay matapos magbigti sa bayan ng Lezo

PATAY ANG isang 55-anyos na lalaki matapos magbigti sa kanyang kubo sa Brgy. Bagto, Lezo.
Kinilala ang nasabing lalaki na si Jesus Gonzales.

Sa paunang ulat ng Lezo PNP, natagpuan nalang ng ilang kamag-anak na nakabitin na ang nasabing lalaki kaninang umaga.

Agad itong dinala ng kapulisan sakay sa patrol patungong Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital sa Kalibo pero dineklara ito ng doktor na patay na.

Nabatid na nakakaranas ng depresyon at hindi mabuting kondisyon ng katawan ang nasabing lalaki na posible umanong dahilan ng kanyang pagpapakamatay.

Napag-alaman na wala itong asawa at mag-isa lang na naninirahan sa kanyang kubo malapit sa bahay ng kanyang kapatid.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo (with hospital report from @Kasimanwang Joefel Magpusao)

Sunday, January 27, 2019

Bading arestado matapos magnakaw ng nasa Php1 milyon sa kapatid, amo sa Lezo


INARESTO NG kapulisan ang isang bading matapos niyang nakawan ang sariling kapatid at amo sa Brgy. Poblacion, Lezo.

Kinilala sa ulat ng kapulisan ang suspek na si Ryan Taglay y Ilidan, 28-anyos, residente ng Brgy Agkawilan, Lezo.

Batay sa ulat ng kapulisan, ninakawan ng suspek ang kanyang kapatid na si Geralyn Taglay ng nasa Php100,000 halaga ng pera.

Ninakawan rin niya ang amo ng kanyang kapatid na si Necita Yerro-Rembulat, isang US citizen pensioner. Natangay naman niya rito ang 11,000 US dollar, at Php371,000.

Nabatid na paextra-extra lang ang suspek sa bahay ni Rembulat para tumulong sa kanyang kapatid na permanenteng nagtratrabaho doon.

Pinagduduhan siya na siya ang nagnakaw ng pera ng dalawa matapos may mga menor de edad na lalaki ang nagsumbong sa mga biktima na nakita nilang maraming pera ang suspek.

Katunayan ikinuwento nila na sa hotel pa sila pinatulog ng bading, pinainom at binilhan ng mga bagong damit. Bumili rin ng bagong motorsiklo ang suspek.

Matapos ito umalis patungong Roxas, Capiz ang bading. Pagbalik niya ng Aklan, hinarang agad ng kapulisan ang suspek sa bayan ng Balete at inaresto.

Nasabat ng kapulisan ang ilang dolyar, mga alahas at ang kanyang bagong biling motorsiklo.

Mahaharap sa dalawang kaso ng qualified theft ang suspek.##

- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Thursday, January 03, 2019

Klase sa Lezo Integrated School tuloy parin pagkatapos masunog ang eskwelahan


TULOY PARIN ang klase para sa mga mag-aaral ng Lezo Integrated School sa pagsisimula ng kanilang klase pagkatapos ng mahigit dalawang linggong bakasyon.

Matatandaan na gabi ng Disyembre 17 ay nasunog ang 12 kuwarto ng nasabing paaralan. Ang mga nasunog ay mga silid-aralan ng kinder hanggang Grade 6.

Nasunog rin ang silid-aklatan, at tanggapan ng punong-guro. Sa taya ng Bureau of Fire - Numancia umabot sa Php6.4 million ang pinsalang iniwan ng sunog.

Sa obserbasyon ng Energy FM Kalibo siksikan sa Home Economics building ang mga kindergarten pupils na pansamantalang nagkaklase rito.

Ginagamait naman ng mga mag-aaral sa Grade V ang stage ng paaralan na pansamantalang tinakpan sa gilid para magsilbing silid-aralan nila.

Ang iba naman ay ginagamit ang agri-building at iba pang bakanteng silid. Sa kabila nito, sinabi ni Gil De Mariano, punong-guro, na problema nila ang kakulangan ng mga aklat.

Aniya aabot ng 200 ang mga mag-aaral na naapektuhan ng sunog. May pangako narin umano ang Department of Education na pondohan ang pagtatayo ng pansamantalang silid para sa mga estudyante.

Nagpapasalamat naman siya sa tulong ng mga stakeholders at mga Alumni ng paaralan. Umaapela parin siya sa ilang alumni na matulungan silang makalikop ng pondo.

Matatandaan na lumabas sa imbestigasyon ng BFP-Numancia na nag-ugat ang sunog sa depektibong seiling fan sa Grade 3 room.##

Tuesday, December 25, 2018

Lalaki sinaksak sa bayan ng Lezo; magkakapatid na suspek arestado

ISANG LALAKI ang sinaksak sa bisperas ng Pasko sa Brgy. Silakat-Nonok, Lezo gabi bisperas ng Pasko.

Kinilala sa ulat ng Lezo PNP ang biktima na si Michael Castillo y Francisco, 27-anyos, residente ng naturang lugar.

Arestado naman ang magkakapatid na sina Jovani, 26, at Jofellin Tagorda y Castillo, 18, pawang residente  ng parehong barangay. Nabatid na pinsan ang mga ito ng biktima.

Ayon kay PO3 Ruel Relator, imbestigador, papauwi na umano ang biktima sa kanilang bahay nang makasalubong niya ang dalawa sa waiting shed.

Kinumpronta umano ni Jovani ang biktima kung bakit palagi siyang sinasabihan nito na walang pinag-aralan hanggang sa nagtalo ang dalawa. Nagsuntukan rin umano ang biktima at si Jofellin.

Bumunot ng kutsilyo si Jovani at sinaksak ang biktima.

Sa pagresponde ng kapulisan ay naaresto ang magkakapatid at nasabat sa kanila ang kutsilyo na ginamit sa pananaksak.

Ang tinuturong motibo ay dating alitan ng magkabilang panig.

Naratay sa ospital ang biktima para gamutin habang nakakulong naman ang mga suspek sa Lezo police station.##

- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Tuesday, December 18, 2018

Depektibong electric fan tinitingnang sanhi ng sunog sa Lezo Integrated School

DEPEKTIBONG electric fan. Ito ang tinitingnan ngayon ng Bureau of Fire Protection - Numancia na sanhi ng naganap na sunog sa Lezo Integrated School gabi ng Lunes.

Ayon kay FO1 Enrico Nam-ay, arson investigator, ang Grade 3 adviser umano na si Josie Rapiz ang nagsabi na posibleng sa kanilang classroom nagsimula ang sunog.

Sinabi umano niya na depektibo ang kanilang electric fan. Minsan umano ay umaandar ito minsan ay hindi.

Natupok ng apoy ang siyam na mga silid kabilang ang library at principal's office. Bahgyang natupok naman ang tatlong iba pang classroom.

Sa pagtaya ni FO1 Nam-ay aabot ng mahigit-kumulang Php6,480,000 ang halaga ng pinsalang iniwan ng sunog.

Nabatid na nagsimula ang sunog dakong alas-8:00 ng gabi. Dineklarang under-control ang sunog dakong alas-11:00 ng gabi at ala-1:00 na ng madaling araw idineklara ang fire-out.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog kung saan limang fire station at pitong fire truck ang rumesponde sa lugar para apulahin ang apoy.

Sinabi ng imbestigador na nahirapan silang apulahin ang apoy dahil sa pabagu-bagong direksyon ng hangin. Mabilis umanong natapok ng apoy ang paaralan dahil luma na ang ilang kasangkapan ng gusali.

Tumulong rin ang mga MDRRMO, PDRRMO, kapulisan, mga tanod at ilang residente.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Monday, December 17, 2018

"Nude challenge" sa group chat dahilan ng 3 lalaking naghubad sa Lezo plaza

HUMARAP UMAGA ng Lunes ang tatlong lalaki sa mga opisyal ng Lezo matapos silang batikusin dahil sa paghuhubad sa plaza ng bayan at ipinost sa facebook.

Humarap din ang nagpicture sa kanila. Kasama rin ang kanilang mga magulang na humarap sa mga opisyal ng bayan.

Ayon kay PInsp Jose Ituralde, hepe ng Lezo Municipal Police Station humingi umano ng tawad ang mga ito. Anila na-challenge lamang sa sila sa group chat. Lingid umano sa kanila na may nilabag silang batas.

Nabatid na galing sa inuman ang magbabarkada at madaling araw na umano napadaan sa plaza at doon nagpakuha ng mga larawa na nakahubad kasama ang kanilang mga motorsiklo.

Ayon sa usapan ng barkada isesend lamang nila ito sa group chat pero laking gulat ng iba na ipinost ng isa sa kanila ang mga nasabing larawan sa facebook at nakapubliko.

Ayon kay Ituralde dalawa umano sa kanila ang menor de edad. Ang isa sa kanila ay taga-Banga at ang tatlo ay mga taga-Numancia.

Kung ang hepe ang tatanungin gusto niyang sampahan ng kaso ang mga sangkot pero aniya pag-aaralan pa ng alkalde at ng mga opisyal ng bayan ang magiging desisyon nila.

Humihingi umano ng pasensya ang magbabarkada at gustong magpublic apology. Sinabi ni Ituralde na pwede nila itong gawin sa facebook at sa radyo.##

Sunog sa Lezo Integrated School nag-iwan ng tinatayang Php900K halaga ng pinsala

NAG-IWAN NG nasa Php900,000 halaga ng pinsala ang sunog na lumamon sa ilang silid sa Lezo Integrated School gabi ng Lunes.

Ito ang sinabi ni FSupt. Nazrudyn Cablayan, fire marshall ng Bureau of Fire Protection - Aklan, sa live na panayam ng Energy FM Kalibo sa lugar makaraang ma-under control na ng mga bombero ang apoy.

Ayon kay Cablayan nasa pito hanggang walong silid umano ang nasunog kabilang na ang silid-aklatan at tanggapan ng punong-guro.

Nakatanggap umano ng report ang kanilang tanggapan dakong alas-8:40 na nasusunog na ang nasabing paaralan. Agad namang rumesponde ang mga bombero para apulahin ang sunog.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog kung saan limang fire station kasama ang walong firetrucks na ginamit sa pag-apula ng sunog. Ang mga rumespondeng fire station ay ang BFP Kalibo, Numancia, Tangalan, Ibajay at Balete.

Dakong alas-11:00 ay under-control na ang apoy.

Wala naman aniyang naiulat na nasugatan sa insidente. Patuloy naman nilang iimbestigahan ang sanhi ng sunog.##

Sunday, December 16, 2018

FB post ng 3 lalaki na naghubad sa Lezo public plaza binatikos

IKINAGALIT NG ilang mga taga-Lezo ang paghubad ng tatlong lalaki sa kanilang plaza at ipinost pa sa facebook.

Nakapublic ang post at nakatag sa dalawang iba pa. Umani agad ito ng mga negatibong reaksiyon lalo na sa mga taga-Lezo.

Makikita sa mga larawan sa fb post na nakahubad ang tatlo at tanging mga kamay lamang nila ang nakatakip sa masilang bahagi ng kanilang katawan.

Ganito ang kapsyon sa post:

"Wala na challenge challenge araaat na agad! 😎😂 HAHAHAHAHAHAA

"Okay! Bye😶👋."

Mismong si Lezo Vice Mayor George Villaroba ay nakakita ng post nang ipakita sa kanya ng kanyang anak.

Agad umano niyang ipinaalam ito kay PInsp Jose Ituralde, hepe ng Lezo PNP, para sa agarang aksiyon.

Nakilala umano ang tatlo dahil din sa facebook. Ipapatawag umano nila ang tatlo.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ng hepe na posibleng naganap ang insidente gabi ng Sabado pagkatapos ng opening of lights sa plaza.

Maaari aniyang ginawa nila ito nang wala na halos tao sa lugar.

Sinabi pa ni Ituralde na pag-aaralan na nila kung ano ang posibleng isampang kaso laban sa tatlo.

Nakadeactivate na ang fb account ng nagpost.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Saturday, October 20, 2018

BAYAN NG LEZO IDINEKLARA NG PDEA NA DRUG CLEARED MUNICIPALITY

DINEKLARA NG Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region 6 ang buong bayan ng Lezo na drug-cleared municipality ayon PInsp Jose Ituralde, hepe ng Lezo PNP.

Ngayong araw ng Biyernes pormal na dineklara at binigyan ng certificate ang walong barangay sa Lezo na nagsasabing drug-cleared barangay na sila.

Ang mga barangay na ito ay Bugasongan, Bagto, Ibao, Mina, Poblacion, Santa Cruz, Silakat-Nonok, Tayhawan.

Samantala, lagda na lang umano ang kulang ayon sa PDEA para sa mga sertipiko ng mga natitirang kabarangayan ng Sta. Cruz Bigaa, Carugdog, Cogon, at Agcawilan.

Para madeklara na drug-cleared ang isang lugar, kailangan ay walang presenya ng pusher o user, walang pagawaan at bagsakan ng droga.

Sukatan din ang aktibong partisipasyon ng barangay at ng munisipyo sa kampanya laban sa iligal na droga. Aktibo rin dapat sa rehabilitation program ang mga drug surrenderee.

Ipinagmalaki ni Ituralde na nakagruduate na ang mga drug surrenderee sa Lezo. Sa kabila nito, pinasiguro niya na hindi titigil ang kanilang kampanya kontra iligal na droga.

Mababatid na una nang dineklara ng PDEA ang bayan ng Buruanga bilang unang bayan sa probinsiya na drug-cleared municipality.##

Thursday, September 20, 2018

"ONE BACK RIDER POLICY" SA MGA MOTORSIKLO IPAPATUPAD NG PAMAHALAANG LOKAL NG LEZO

NAKATAKDANG IPATUPAD ng pamahalaang lokal ng Lezo ang "one back rider policy" sa lahat ng mga motorcycle rider sa kanilang bayan.

Ang batas na ito ay alinsunod sa municipal ordinance no. 5 series of 2018 na inaprubahan ng Sangguniang Bayan kamakailan.

Base sa ordinansa, para umano ito sa kaligtasan ng mga motorista. Kailangan rin na ang driver ay nakahelmet at maging ang backrider.

Maliban rito, sinasaad sa parehong ordinansa na dapat ay half face lamang ang gagamiting helmet ng mga motorista at nakabukas ang harapan.

Ireregulate rin ang paggamit ng modified muffler, horn at lights. Dapat rin na nakalagay ang mga plate number at nasa ayos ang ito.

Ipagbabawal rin ang mga bata na sumakay sa mga motorsiklo kapag hindi abot ang paa sa foot peg ng motorsiklo at abot ang parehong kamay kapag nakayakap sa driver.

Posibleng pagmultahin ng mula Php2,000 hanggang Php2,500 ang mga lalabag sa nasabing ordinansa.

Sa kabilang banda, sasailalim pa sa pag-aaral at pag-apruba ng Sangguniang Panlalawigan ang ordinansang ito.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

PUBLIC MARKET NG LEZO PINAGIGIBA NG PAMAHALAANG LOKAL

PINAGIGIBA NGAYON ng pamahalaang lokal ng Lezo ang kasalukuyang pampublikong palengke sa Brgy. Poblacion.

Kasunod ito ng municipal ordinance no. 7 series of 2018 na inaprubahan ng Sangguniang Bayan na nagpapasara sa nasabing palengke para gibain.

Base sa ordinansa dekada 1970 pa itinayo ang palengke at hindi na napaayos ng mabuti sa matagal na panahon.

Kaugnay rito, kailangan umanong gibain ang nasabing palengke para tayuan ng panibagong at modernong gusali ng pampublikong palengke.

Sa pamamagitan umano nito ay magkakaroon ng "standardized market systems at professionalized market services" ang nasabing bayan.

Sa obserbasyon ng Energy FM Kalibo, unti-unti nang ginigiba ang palengke at ilan sa mga negosyante ang naglipat na sa inilaang lugar ng pamahalaang lokal malapit sa kanilang plaza.

Napag-alaman na umutang pa ng mahigit Php32 million ang pamahalaang lokal sa Land Bank of the Philippines para sa kontruksyon ng bagong palengke.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Friday, July 13, 2018

KOTSE SA LEZO, AKLAN NASUNOG SA KALSADA

photos © Noli Resterio
Nasunog ang kotse na ito na isang Honda civic sa harap ng Lezo Integrated School sa Poblacion, Lezo ngayong hapon.

Ayon sa report ng Bureau of Fire Numancia, ang kotse ay kagmamay-ari ito ni Norberto Ponce.

Base sa imbeatigador, pauwi na siya galing trabaho sa Akelco nang mapansin niyang umuusok ang kanyang kotse.

Agad naman siyang lumabas bago tuluyang nilamon ng apoy ang sasakyan.

Sa inisyal na report ng BFP-Numancia nagdulot ito ng nasa Php65,000 halaga ng pinsala.
Inaalam pa ng BFP kung ano ang sanhi ng sunog./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Monday, February 19, 2018

BAHAY SA BAYAN NG LEZO, NATUPOK NG APOY

Narito ang mga larawang kuha ng news team sa sunog na naganap sa Ibao, Lezo, Aklan.

Walang naisalbang gamit ang pamilya kasama ang pera sa nasunog, tanging barya lamang na ito ang mapapakinabangan ng pamilya.

Ang bahay na natupok ng apoy ay pagmamay-ari ni Lloyd Legaspe.

Pinaniniwalaang nag-umpisa ang apoy sa dirty kitchen na nasa likurang bahagi ng bahay.

Tuesday, October 10, 2017

LIMANG BAYAN SA AKLAN NAGKAISA PARA SA INTER-LOCAL COMMUNITY-BASED REHABILITATION PROGRAM

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagkakaisa ngayon ang limang bayan sa Aklan para sa kauna-unahang inter-local community-based rehabilitation program para sa mga drug surenderee.

Ang rehabilitation program na ito ay pinangungunahan ng Southwestern Aklan Inter-Local Health Zone (SAILHZ) na binubuo ng mga bayan ng Lezo, Makato, Numancia, Madalag at Malinao.

Nilunsad ang nasabing programa ngayong araw (Oct. 10) sa Sports Complex ng Lezo na may temang "Komyunidad magbueoligan, illegal nga droga iwasan, para sa kamaeayran it tanan".

Ayon kay Dr. Athena Magdamit, municipal health officer ng Lezo, layunin ng inter-local health zone na ito ang matulungan ang bawat-isa para sa matagumpay na rehabilitation program.

Dinaluhan ang aktibidad na ito ng mga alkalde at iba pang mga opisyal ng mga nasabing bayan, mga municipal health officer, mga kapulisan at ang kanilang mga hepe, at iba pang ahensiya ng gobyerno.  

Dinaluhan rin ito ng 82 mga person who used drugs (PWUD) mula sa limang munisipalidad na may mga moderate na kaso. Naroon din ang mga pastor o mga ministro ng mga relihiyon na bahagi ng community rehabilitation program.

Kabilang sa mga naging pangunahing tagapagsalita sa nasabing aktibidad si PSupt Gilbert Gorero, tagapagsalita ng Police Regional Office 6.

Ang  SAILHZ ay pinangungunahan ni Madalag mayor Alfonso Manoba bilang chairman; si Dr. Magdamit naman ang chair ng working technical group.

DRUG SURENDEREE SA AKLAN AABOT NA SA 2,000

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Aabot na sa 2,000 ang bilang ng mga nagsurender na drug dependent o person who use drug (PWUD) sa probinsiya ng Aklan kaugnay ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.

Sa tala ng Police Regional Office (PRO) 6, simula July 1, 2016 hanggang September 5, 2017, nakapagtala na ang probinsiya ng 1,971 drug surenderee. 

Ang report na ito ay inilatag ni PSupt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng PRO 6, sa kanyang pagbisita sa bayan ng Lezo ngayong araw (Oct. 10) para sa launching ng community-based rehabilitation program.

Sa parehong period, aabot sa 207 na ang naaresto ng mga kapulisan sa probinsiya samantalang isa naman ang naitalang napatay sa kanilang operasyon.

Sa mga nagsurender, 27 umano rito ay mga menor de edad 17-anyos pababa.

Sa buong rehiyon, nakapagtala ang PRO6 ng 20,770 mga drug surenderee sa nabanggit na period.

Samantala, nanawagan parin si Gorero ng kooperasyon ng mamamayan na hikayatin ang iba pang mga drug dependent na sumuko na sa mga kapulisan.

Pinasiguro niya na handang tumulong ang mga kapulisan, ang iba pang ahensiya ng gobyerno para sa kanilang pagbabago.

28 DRUG SERENDEREE SA AKLAN NAGTAPOS NGAYONG ARAW SA REHABILATATION PROGRAM

Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagtapos ngayong araw (Oct. 10) ang 28 drug dependent mula Lezo, Aklan sa community-based drug rehabilitation program ng kapulisan at ng gobyerno.

Ang mga person who use drugs (PWUD) na ito ay nakaranas ng low at mild drug addiction.

Sa naturag programa, nanawagan si Dr. Cornelio Cuachon ng Provincial Health Office na ipagpatuloy ang kanilang pagbabago.

Pinasiguro naman ni Provincial Welfare and Development Officer Evelyn Gallega na handang tumulong ang gobyerno na mabigyan sila ng hanapbuhay.

Nagpapasalamat si Dr. Athena Magdamit ng Rural Health Unit ng Lezo sa suporta ng pamahalaang lokal, mga kapulisan at ng komunidad para sa rehabiltasyon ng mga drug surenderee sa kanilang bayan.

Isinabay ang kanilang pagtatapos sa launching isang combined community-based drug rehabilitation program ng mga bayan ng Madalag, Malinao, Makato, Numancia at Lezo.

Naging pangunahing panauhin sa nasabing aktibidad si PSupt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng Police Regional Office 6.

Monday, October 02, 2017

1 KRITIKAL, 1 SUGATAN MATAPOS MADISGRASYA SA MOTORSIKLO SA DIVERSION ROAD NG LEZO

Kritikal ang driver ng isang motorsiklo, samantalang sugatan rin ang kanyang backrider matapos madisgrasya sa diversion road ng Lezo, Aklan Linggo ng gabi.

Kinilala ang driver sa pangalang Boyet Macaspac, 25-anyos na taga-Hagakhak, Makato, Aklan.

Nagtamo siya ng mga sugat sa ulo, at sa iba pang bahagi ng katawan. 

Samantala minor injury naman ang tinamo ng back rider na si James Jalaron, 20-anyos na residente ng nabanggit na lugar.

(Update as of 8:50 PM) Kinakailangan raw na ilagay sa ICU ang biktimang si Boyet ngunit walang bakante ang Provincial Hospital.

Wednesday, September 27, 2017

MUNICIPAL HALL NG LEZO NINAKAWAN NG MENOR DE EDAD

Ninakawan ang municipal hall ng Lezo.

Nakuha ng magnanakaw ang isang netbook at tablet.

Dumaan umano ang magnanakaw sa bintana ng CR patungo sa tanggapan ng alkalde at tresurero.

Pinaniniwalaang naganap ang insidente araw ng Linggo at kinabukasan lamang nadiskubre.

Kalaunan ay nakilala ang magnanakaw na isang menor de edad, 15 anyos.

Hindi pa narerekober ang mga nasabing gadget na ibinigay umano ng bata sa isang tao.

Itinurn-over na ang menor de edad sa social worker and development office para sa kaukulang disposisyon.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga kapulisan ang nasabing kaso.

Tuesday, August 15, 2017

59 ANYOS NA MISTER ARESTADO MATAPOS HIPUAN ANG ISANG ESTUDYANTE

Arestado ang isang 59-anyos na mister matapos hipuan ang isang 11-anyos na estudyante sa bayan ng Lezo.

Salaysay ng biktima sa Women and Children Protection Desk ng Lezo, naganap umano ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon habang nasa loob ito ng computer shop na pagmamay-ari ng suspek.

Nagtungo umano ang biktima sa shop para gumawa ng proyekto nang pagdating doon ay hinalikan siya ng lalaki sa magkabila niyang mukha.

Natigilan umano ang biktima pero nagpatuloy parin ito sa pag-computer. Sakto kasi na sa mga oras na iyon ay walang ibang tao sa shop.

Habang nagku-computer ang biktima ay menamasahe umano ng suspek ang kanyang balikat pero habang tumatagal ay unti-unting binababa ng suspek ang kanyang kamay papunta sa dibdib ng menor de edad.

Tinapik ng babae ang kamay ng lalaki at kinumprunta at kalaunan ay mabilis na umalis sa nasabing shop.

Agad namang nagreport ang Grade VI student sa kanyang nanay at lola bagay na sinugod ng mga ito ang suspek sa computer shop.

Sumuko naman ang suspek sa Lezo PNP station at inamin na menasahe ang bata. Ito umano ay pagsuporta lamang sa estudyanye at itinanggi rin na hinalikan niya ang biktima.

Nakulong ang suspek at sinampahan ng kasong act of lasciviousness pero matapos makapaghain ng Php12000 pyansa ay temporaryo ring nakalaya.

Hiniling ng pamilya ng biktima na huwag nang pangalanan pa ang suspek para sa proteksyon ng biktima.