Arestado sa isang buy bust operation ang dating konsehal ng Malay at ngayon ay empleyado ng lokal na pamahalaan ng bayan.
Ayon kay PCInsp. Frenzy Andrade, hepe ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) - Aklan, kinilala ang naaresto na si Leny Sacapaño, 39-anyos at administrative assistant for transportation ng LGU Malay.
Nakuha mula sa suspek sa buy bust operation ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu.
Narekober naman sa ginawang body search ang lima pang sachet ng parehong sangkap, buy bust money at pera na nakuha sa kanyang bag na nasa mahigit Php100,000.00.
Si Sacapaño ay kasama sa listahan ng mga high value target ng mga kapulisan at dati nang nagsurender sa Malay PNP noong nakaraang taon.
Pinangunahan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ang nasabing operasyon.
Dinala ang suspek sa Kalibo municipal police station kung saan siya pansamantalang nakakulong ngayon habang inihahanda na ang kasong isasampa sa kanya.
Posibleng maharap ang suspek sa kasong paglabag sa sec. 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
No comments:
Post a Comment