Showing posts with label Energy Special Report. Show all posts
Showing posts with label Energy Special Report. Show all posts

Friday, April 12, 2019

Tigayon Hill may viewing deck, binocular na


Mas pang mai-enjoy ngayon ng mga indibidwal, mag-anak, at magkakaibigan ang pagbisita sa Tigayon Hill sa Brgy. Tigayon, Kalibo, Aklan dahil sa bagong viewing deck at binocular nito.

Ang viewing deck sa tuktok at ang tourist information center ay binuksan sa publiko noong Marso 14.

Ang binocular ay coin operated para makita nang malapitan ang mga tanawin. Maglalagay ka lamang ng bagong limang piso para magamit ang binocular sa loob ng tatlong minuto.

Bukas ang Tigayon Hill alas-6:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi.

Ang entrance fee para sa mga residente ng Kalibo, mga estudyante, senior citizens, person with disabilities ay Php30.00 habang Php50.00 naman para sa mga turista at ibang Aklanon.

Libre naman ang mga bata siyete anyos pababa at mga residente ng Brgy. Tigayon. Base ito sa Municipal Ordinance No. 2016-002.



Magandang lugar ang Tigayon Hill sa gustong magnilay-nilay lalo na sa panahon ng Kuwarisma o Semana Santa. Mayroon itong Stations of the Cross at may chapel sa tuktok kung saan pwede kang magdasal.

Mayroon din itong mini-museum kung saan makikita ang mga labi ng tao, hayop at mga sinaunang kagamitan na nahukay o natagpuan sa lugar.

May ilang kuweba rin ang Tigayon Hill.

Paalala naman ng Municpal Tourism Office sa mga bibisita na ipinagbabawal ang vandalism sa lugar, pagdadala  ng mga nakalalasing na inumin, at kalaswaan.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Wednesday, January 23, 2019

Aso aalayan ng isang funeral procession sa Kalibo bago ang disenteng libing


ILILIBING NA ang aso na pinaglamayan ng mahigit isang buwan sa bahay ng may-alaga sa bayan ng Kalibo.

Una nang itinampok ng Energy FM Kalibo ang kakaibang pagmamahal ng may-alaga na si Albert Manalo sa namatay niyang aso.

Ang kanyang alaga na si Nikki ay ililibing araw ng Miyerkules sa labas ng kanilang bahay sa Oyo Torong St., Poblacion, Kalibo alas-3:00 ng hapon.

Nakahanda na ang kanyang libingan na mayroon pang lapida. Bago ang libing ay isa munang funeral procession ang iaalay sa aso na isang Japanese Spitz.

Namatay ang aso noon pang Disyembre 17, 2018 dahil umano sa atake sa puso. Edad pitong taong gulang ang aso na tinatawag ng may-alaga na "Nikki".

Inilagay ni Kasimanwang Albert ang namatay na aso sa isang kahon na nagsilbing ataol at inaalayan ng bulaklak, kandila at pagkain.

Matagal na dapat na nailibing si "Nikki" kaya lang hindi matanggap ng kanyang amo na ilibing siya agad. Paulit-ulit nilalagyan ng formalin ang aso para mapreserba.

Ilang kaibigan at pamilya rin ang dumadalaw sa burol ng aso para makiramay sa may-alaga.

Nais ng amo na iikot muna ito sa plaza bilang huling pamamasyal nila. Sasama rin sa prosesyon ang ilang kamag-anak, kaibigan at iba pa bago ito ilibing.##

Tuesday, March 06, 2018

AKLANON NAG-TOP 5 SA MECHANICAL ENGINEER, CPM BOARD EXAM

Top 5 sa February 2018 Mechanical Engineer (ME), Certified Plant Mechanic (CPM) board exams ang isang Aklanon.

Siya si Kim Patrick Gonzales ng Brgy. Tigayon Kalibo na nagtapos ng Mechanical Engeneering sa Garcia College of Technology.

Sa facebook post ni Engr. Gonzales, nagpaabot ito ng pasasalamat sa lahat ng naging bahagi ng kanyang tagumpay kabilang na ang kanyang pamilya.

Maging ang mga nagda-down sa kanya ay kanya ring pinasalamatan dahil nagsilbi umano itong determinasyon sa kanya.

"Sa mga gadown kang ag sang pamilya, gapasaeamat man gihapon ako nga mas pinabaskog nyo pa ang determinasyon," ayon sa kanyang FB post.

Pinasalamatan nya rin ang Panginoon na nasagot ang kanyang hiling sa kabila nang kawalang pag-asa niya.

"Thank you Lord dahil gintao mo gid ang ginapangayo bisan eaum ko hai wa eon pagasa," dagdag pa niya.

Nakatakda namang gawaran ng pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan ang matagumpay na Aklanon.

Congratulations mula sa Energy FM Kalibo at sa lahat ng mga Kasimanwang Aklanon!

Monday, March 05, 2018

MGA SUMIKAT NA LARAWAN NG BORACAY NOONG 1982-1993

Namiss nyo ba ito mga Kasimanwa?

Ito lang naman ang mga sumikat na larawan ng Boracay noong 1982-1993.

Ang mga larawang ito ay kuha ng isang Swiss na si Rene Thalmann.

Ginamit ang mga larawang ito ng National Bookstore at karamihan ay naging best selling postcards sa Pilipinas.

Si Thalman ay nakapangasawa ng isang Pinay na nakilala niya sa isla ng Boracay.

Namalagi ang dayuhan sa isla para i-manage ang operasyon ng "Sundance Resort". Ibininta niya ito noong 1992 at ngayon ay nakilala na bilang "Nami" resort.

"What a wonderful experience! I was lucky enough to experience Boracay at its hedonistic best as a newly discovered backpackers destination in the 80's, a truly memorable time," komento ng foriegner na ngayon ay nasa Australia.

Gustong-gusto rin niyang makabalik sa Boracay.

Ang mga larawang ito ay may buong pahintulot sa may-ari.

Ang babae sa ilang larawan dito ay ang kanyang asawa na si Julie na nagsilbing modelo.














Wednesday, January 10, 2018

MGA KABATAAN "HUMUGOT", NAGTULA, KUMANTA PARA KAY CHENNIE

"Humugot", nagtula at kumanta ang ilang mga kabataan para makalikom ng pondo para sa isang Arteriovenous Malformation (AVM) patient.

Ang palabas na ito sa NVC Gymn ay inorganisa ng Aklan Literati (Aklit) – The Unspoken.

Nabatid na ang organizer ng event ay nakalikom ng nasa Php28,000 na ilalaan para sa pagpapagamot ni Chennie Del Rosario.

Si Del Rosario, 18 years old, ay kasalukuyang ginagamot ngayon sa isang ospital sa Maynila.

Ang accounting student ay sasailalim sa operasyon na posibleng gumastos ng nasa isang milyon.

Umaapela parin ng tulong pinansiyal at dasal ang pamilya para sa paggaling ng biktima.

ANO ANG AVM?

“An AVM is a tangle of abnormal and poorly formed blood vessels (arteries and veins). They have a higher rate of bleeding than normal vessels. AVMs can occur anywhere in the body.  Brain AVMs are of special concern because of the damage they cause when they bleed. They are very rare and occur in less than 1% of the general population.” (http://brainavm.uhnres.utoronto.ca/malformations/brain_avm_index.htm)

Wednesday, September 27, 2017

AKLANON NA MAY INTELLECTUAL DISABILITY, NAG-UWI NG KARANGALAN AT INSPIRASYON SA BANSA MULA SA INTERNATIONAL SWIMMING COMPETITION

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Umuwi na sa Aklan si Claire Suñega Calezo dala ang karangalan at inspirasyon mula sa 29th SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Dala ni Calezo ang bronze medal mula sa 100 meter free style at silver medal sa 200 meter free style swimming competition sa 9th Para Games.

Si Calizo ay Grade 7 sa Kalibo Integrated Special Education Center.

Ayon sa 18-anyos na atleta mula Colongcolong, Ibajay, Aklan, first time niya ang sumabak sa international competition.

Nagpapasalamat siya sa lahat ng suporta sa kanya kabilang na ang kanyang pamilya, coach, mga kaibigan at kaklase.

Sinabi pa niya na bagaman may intellectual disability siya, hindi ito naging hadlang para sa kanya na magpursigi at makapagbigay karangalan sa bansa.

Ayon pa sa atleta, nawa ay magsilbi itong inspirasyon sa iba pang kabataan na pagtuonan ng pansin ang kanilang potensyal sa kabila ng mga kahinaan o mga kapansanan.

Siya ay anak ng mag-asawang Cel Suñega at Orli Calizo.

Friday, September 01, 2017

PHP75K HALAGA NG PERA ISINAULI NG DALAWANG TAPAT NA MGA AKLANON

"Indi pagbueon do bukon it imo (Huwag kunin ang hindi sayo)".

Ito ang pumasok sa isipan ng dalawang Aklanon na ito matapos makakita at makapulot ng nasa Php75 libo halaga ng pera sa kalsada sa Kalibo.

Ang perang ito ay isinauli nina Darlyn Lachica, 27 anyos ng J. Magno st., Poblacion, Kalibo at Mark Niño Retiro, 24 anyos ng brgy. Andagao, Kalibo at pawang nagtratrabaho sa Aguila's Garment sa Kalibo Shopping Center.

Napulot umano nila ang mga bundle ng perang ito sa M. Lacerna st., Kalibo na katunayan ay nagkalat na ang mga ito.

Pinagpupulot umano nila ito at kalaunan ay inireport at ibinalik ito sa Kalibo Police Station.

Photo (c) SPO4 Reynaldo Macario
/ Kalibo PNP
Una rito ay nagparekord na sa tanggapan ng pulisya ang may-ari na si Teresita Rose ng brgy. Fulgencio, Balete.

Salaysay ni Teresita, ididiposito na sana niya ang nasabing pera sa bangko nang mapag-alamang bukas na ang dala niyang bag at nawawala ang Php80 libong pera na nahulog umano sa tricycle.

Pawang may pamilya ang dalawa at una umanong pumasok sa kanilang isip na huwag kunin ang hindi kanila at isauli agad ang nakita.

Sa inyo Darlyn at Mark saludo kami dito sa Energy FM Kalibo!

Wednesday, August 16, 2017

PAGKAMATAY NG 12 MANOK AT PAGKASUGAT NG 9 IBA PA, PALAISIPAN

Misteryosong pagpatay sa mga manok na pansabong patuloy na gumugulo sa isipan ng mga may-ari.

Nadiskubre ang mga manok na may sugat sa likod na bahagi ngunit ang pinagtataka nila ay walang dugo na nakitang nakakalat sa lugar.

Hindi rin umano nag-ingay ang mga manok na ang farm ay napapalibutan ng mga bahay.

Ayon pa sa may-ari umalis umano sila sa lugar dakong alas-6:30 ng gabi pero pagbalik nila banda alas-7:00 ay ito na ang kanilang nadatnan.

Paniwala nila sinipsip ang mga dugo nito ng hindi pa malamang hayop o elemento.

Naganap ito sa Brgy. New Buswang, Kalibo sa isang farm kung saan 12 ang namatay at 9 ang kaparehong may sugat sa likod.

Iniimbestigahan narin ng veterinary office ang nasabing insidente na sa inisyal na reaksyon ay nagtataka rin sa nangyari.

Wednesday, July 12, 2017

PASYENTENG MAHIGIT ISANG BUWAN SA HOSPITAL NAKAUWI NA.

Ulat ni Joefel P. Magpusao, Energy FM 107.7 Kalibo

Walang mapagsidlan na kasiyahan ang naramdaman ng pasyenteng si kasimanwang Manuel Masagnay at ng kanyang pamilya sa kadahilanang makakauwi na ito ng kanilang bahay.

Isa at kalahating buwan na naka confine sa Provincial Hospital ang pasyente at hindi makalabas dahil sa malaking halaga ng kanilang hospital bill. Umabot sa Php144 thousand mahigit ang kanilang bayarin kung kayat namalagi ito sa nasabing hospital kahit pa nadischarge na ng kanyang attending physician.

Lumapit ang ina ng pasyente sa himpilan ng Energy FM Kalibo upang humingi ng tulong. Agarang aksyon ang sya namang tugon ng himpilang ito.

Martes alas-2:50 ng hapon matapos ang halos buong araw na pag-aasikaso ng mga dukomento at pakikipag-usap sa pamunuan ng hospital, tuluyan nang nakalabas at nakauwi ng bahay si kasimanwang Manuel Masagnay at muling nakasama ang kanyang pamilya.

Naging emosyonal dulot ng matinding kasiyahan ang pasyente at ang ina nito sa naging panayam ng Energy FM Kalibo. 

Nagpasalamat ang pamilya Masagnay sa positibong hakbang nina Dr. Paul Macahilas Chief of Hospital at Mr. Rex Robles Supervising Administrative Officer, gayundin sa mga taga Social Service at sa iba pang nagpaabot ng kanilang tulong pinansyal at panalangin.

Ang pasyenteng si kasimanwang Manuel Masagnay ay naging biktima ng pananaksak na nangyari sa bayan ng Kalibo na ikinasawi ng kaibigan nito at ikinasugat ng isa pa.

Makikita sa larawan si Kasimanwang Manuel Masagnay at ang ina nito habang naghahanda na sa kanilang pag-uwi.

Monday, July 03, 2017

DEVELOPMENT SA HINUGTAN BEACH, PUSPUSAN NA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Puspusan ngayon ang ginagawang development sa Hinugtan beach sa brgy. Bel-is, Buruanga.

Malapit nang matapos ang pagsasakonkreto ng daan patungo sa 'mala-Boracay na ganda' na beach na ito.

Nais ng pamahalaang lokal ng Buruanga na gawin itong isa pang sikat na tourist destination.

Pwedeng puntahan ang beach na ito sa pamamagitan ng bangka o sasakyan.

Perpekto ang lugar para sa hiking, swimming, boating, beach volleyball at iba pa. Mayroon na ring mga resort at cottages sa lugar.

Sa ngayon, halos mga lokal palang ang dumadayo rito na katunayan ay malapit lang din sa world-known diving cliff sa Buruanga.

Umaasa ang lokal na pamahalaan na magdadala ng malaking income ang development sa Hinugtan beach.

Wednesday, April 26, 2017

DAMBUHALANG ‘LAPU-LAPU’ NAHULI SA PANDAN, ANTIQUE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
photo by Archie Hilario

Pinagkagulahan ng mga tao sa Kalibo Public Market ang isang dambuhalang isdang ‘lapu-lapu’ kahapon ng tanghali para ibenta.

Nahuli ang nasabing isda sa baybayin ng Pandan, Antique ng mangingisda si Arnold Constantino sa pamamgitan ng netting dakong alas-6:00 ng umaga.

Ang isdang ito na may bigat na nasa 200 kilo at may habang pitong talampakan ay isa umanong malaking lapu-lapu o epinephelus lanceolatus o kugtong sa lokal na dialekto.

Tinatayang nagkakahalaga ng Php80 ang kilo ng nasabing isda sa palengke at karaniwang sinisigang ng mga taga-rito.


Ang isdang ito ay itinuturing na ‘vulnerable species’ ng Internation Union for Conservation of Nature (IUCN) Red List Status. Nangangahulugan na kailangang maprotektahan at mapangalagaan ang mga nasabing species.

Thursday, March 23, 2017

IKA-120 TAON NG KAMATAYAN NG 19 MARTIRES, NI HEN. CASTILLO GINUNITA

 ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Ginugunita ngayon ng Aklan ang ika-120 taon ng kamatayan ng 19 martires at ni hen. Francisco del Castillo, mga rebolusyonaryong nakipagdigma sa mga mananakop para makamit ang kasarinlan.

Isinagawa ang programa sa pagbibigay-pugay sa mga lokal na bayani sa Aklan Freedom Shrine ngayong umaga. Dinaluhan ito ng mga lokal na mga opisyal, mga guro, mga estudyante, mga pamilya ng mga bayani at iba pa.

Ang Aklanong katipunerong si heneral Castillo ay napatay ng mga kaaway noong Marso 17, 1897 sa ngayon ay Pastrana Park. Kasunod rito, ang kanyang mga kasamang mga sundalo ay pwenersa na isuko ang kanilang mga armas, ang ilan dahil sa pangakong makakatanggap ng amnestiya. Pero ito ay bigla ring nasira at noong Marso 23, 1897, ang 19 martires ng Aklan ay pinaslang.

Ang mga 19 martires ay sina Roman Aguirre, Tomas Briones, Valeriano Dalida, Domingo dela Cruz, Claro Delgado, Angelo Fernandez, Benito Iban, Candido Iban, Simeon Inocencio, Isidro Jimenez, Catalino Mangat, Lamberto Mangat, Valeriano Masinda, Maximo Mationg, Simplicio Reyes, Canuto Segovia, Gavino Sucgang, Francisco Villorente, at Gavino Yunsal.

Para gunitain ang kamatayan ng 19 Martires ng Aklan, ang Batas Pambansa blg. 7806 ay nagtatakda na bawat ika-23 ng Marso ng taon bilang isang special public holiday sa lalawigan ng Aklan.

Tuesday, January 17, 2017

20 ANYOS NA LALAKI NAAKSIDENTE SA BAGONG KALIBO-NUMANCIA BRIDGE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagtamo ng sugat sa mukha at sa iba pang bahagi ng katawan ang isang 20 anyos na motorista makaraang bumangga ang menamanehong motorsiklo sa tricycle sa bagong Numancia-Kalibo bridge Biyernes ng gabi.

Kinilala ang nasabing lalaki na si Philip Delfin y Tipay, residente ng Brgy. Navitas, Numancia.

Ayon sa biktima papauwi na umano siya galing ng Kalibo pasado alas-6:00 ng gabi nang aksidenteng bumangga ang sinasakyang motorsiklo sa tricycle.

Paliwanag ng biktima, bigla nalang umanong huminto ang tricycle sa kanyang unahan at dahil sa pababa ang dulo ng tulay sa Brgy. Bulwang, Numancia ay hindi agad niya nakontrol ang kanyang motorsiklo. Dito bumangga ang biktima at natumba sa konkretong daanan.

Napag-alaman na nakainom rin ang lalaki.

Agad naman siyang sinaklolohan ng mga tao sa lugar at isinugod sa provincial hospital.

Hanggang ngayon ay nagpapagaling pa ang lalaki sa nasabing pagamutan.

Nabatid na madilim ang lugar lalu at wala pang mga nailagay na ilaw sa bagong tulay. Una nang nangako ang DPWH Aklan na lalagyan nila ito pagkatapos ng Ati-atihan.

'PANGALAGAAN AT PROTEKTAHAN ANG MGA ATI’ – PANAWAGAN NG DIOCESE OF KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

“Pangalagaan at protektahan ang mga ati.”

Kalibo Cathedral by Darwin Tapayan
Ito ang panawagan ni Bishop Jose Corazon Tala-oc ng Diocese of Kalibo sa pamahalaan at taumbayan sa kanyang homiliya sa pilgrim mass Linggo ng umaga kaugnay ng sanglinggong pagdiriwang ng Kalibo Sto. Niño Ati-atihan festival.

Binanggit pa ng obispo ang bahagi sa Aklan hymn kung saan sinasabing ‘[Ikaw Aklan…] may ati ka, bantog sa kalibutan’. Pero basi sa kanya, tila napapabayaan na lamang ang mga ati.

Inihalimabawa pa niya ang sitwasyon ng mga ati sa Boracay kung saan nahihirapan umano sila sa sarili nilang lugar. Paliwanag pa ni Tala-oc na posible anya na walang Ati-atihan ngayon kung wala sila.

Ang mga ati ang unang naninirahan sa isla at kalaunan ay ginawaran ng pamahalaan ng sariling lugar para sa kanila, pero sa kabila nito ay nakakaranas parin ng mga banta sa pagnanais na makuha ang kanilang teritoryo.

Samantala, nanawagan rin siya sa mga debotong Katoliko na maging mapagpakumbaba, at maging simple kagaya ng sanggol na Jesus.

Ang misang ito sa harapan ng St. John the Baptist Cathedral ay dinaluhan ng libu-libong mga deboto at mga panauhin.

30 TRIBU AT GRUPO HUMATAW SA ATI-ATIHAN SA KABILA NG ULAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Black Beauty Boys
Hindi nagpapigil sa paghataw ang 30 tribu at grupo na kalahok sa Ati-atihan contest sa unang araw ng judging sa kabila ng walang humpay na pagbuhos ng ulan Sabado ng umaga.

Hindi rin magkamayaw ang mga lokal at mga foreign tourist sa panunuod ng makukulay na costume ng mga kalahok at masisigla nilang sadsad.

Ang mga kalahok sa tribal small tribe ay ang Tribu Ninolitos, Tribu Bukid Tigayon, Lezo Tribe, Tribu Alibangbang, Tribu Tikbalang at Tribu Responde.

Humataw naman sa big tribal category ang Vikings, Maharlika, D'Kamanggahan, Pangawasan Tribe, Tribu Timawa, Kabog, Tribu Tiis-tiis, at anim na taong sunod na panalo na Black Beauty Boys.

Sa modern group naman ay hataw rin ang Gala Drumbeat, Scorpio, Road Side, Lagalag 27 Original, Pagmukeay, Pirates 1962, Bae-ot Bae-ot, D'Emagine, Aeang-aeang.

Sa balik category naman ay humataw rin ang Tribu ni Inday, Sinikway nga Ati, Ano-noo Group, Maninikop, Kinantuing, Malipayong Ati, at Tribu Ilayanhon.

I-aanunsyo ang mga panalo sa Magsaysay Park Linggo ng gabi.

Thursday, January 12, 2017

LGU BALETE, GRAND CHAMPION SA HEGANTE PARADE

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Panalo sa isinagawang Hegante Contest ng Aklan Provincial Tourism Office Huwebes ng hapon ang lokal na pamahalaan ng Balete sa kanilang hegante na professional chef. Inuwi nila ang premyo na Php45,000.

Nars nga Ati ng Tangalan, 2nd place
Sinundan naman ito ng Tangalan sa ikalawang pwesto sa kanilang hegante na Nars na Ati at natanggap ang Php40,000 na premyo. Pangatlo sa pwesto ang New Washington sa ka
nilang hegante na Aura Bombero at nag-uwi naman ng Php35,000.

Nakamit naman ng Batan ang ika-apat na pwesto at premyo na Php30,000 sa kanilang hegante na Doktornga Ati nga Batangnon. Nakapasok naman sa top five ang Ibajay sa kanilang hegante na Seaferer Ati at nag-uwi ng Php25,000.

Ang lima pang munisipyo na kalahok sa taunang contest sa sanglinggong pagdiriwang ng Kalibo Ati-atihan ay nag-uwi naman ng Php15,000 consolation prize. Ang mga ito ay bayan ng Banga, Kalibo, Malinao, Nabas, at Numancia.

Ang parada ng mga hegante ay sinabayan ng mga opisyal at empleyado ng mga lokal na pamahalaan.

Napag-alaman rin na bago pa ang contest ay binigyan na sila ng subsidiya upang gamitin sa kanilang entry.

Friday, December 30, 2016

AKLAN NAKAHANDA NA SA PAGSALUBONG NG BAGONG TAON

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
 
Nakaalerto ngayon ang mga awtoridad sa buong lalawigan ng Aklan sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Aklan Provicnial Police Office acting director PSSupt. John Mitchell Jamili na pabor ito sa kagustuhan ni PNP General Ronald Dela Rosa na kahit hindi na lagyan ng tape ang mga baril ng pulis.

Pahayag pa ng provincial director na disiplina lamang ang kailangan sa mga kapulisan. Posible anyang matanggal sila sa serbisyo kapag napag-alamang nagpapu
tok sila ng kanilang baril sa Bagong Taon.

Samantala, sa panayam kay Dr. Paul Macahilas, chief of Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital, hindi na pwedeng mag-leave o magbakasyon ang lahat ng hospital staff particular na ang nakatalaga sa emergency room, surgeons at mga bihasa sa ‘trauma and injuries’.

Ito ay kaugnay nang nationwide implementation ng code white alert sa lahat ng mga pampubliko at mga pribadong hospital na magtatagal hanggang Enero 5, 2017.


Bumili narin umano ng mga bagong gamot ang provincial hospital. Nakahanda narin anya ang kanilang mga apparatus na gagamitin sa mga posibleng mabiktima ng mga firecraker-related at stray bullet injuries.

Nabatid na naka-'Red-alert' staus naman ang Bureau of Fire Protection sa lalawigan sa mga banta ng sunog sa nasabing pagdiriwang.

Monday, October 24, 2016

ENERGY SPECIAL REPORT: Misis, niligawan umano ng enkanto at nagkaanak pa?

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Nagluwal ng fetus na may mala-kabayong itsura ang isang 44-anyos na misis sa bayan ng Aklan makaraan umanong maibigan ng isang enkanto. Kataka-taka kasi dahil na apat na taon na ang nakakaraan nang huling isilang ng misis ang kanyang menopausal baby.

Kuwento ng misis sa Energy FM Kalibo, Agosto 6, 2016 umano nang magsimulang magparamdam sa kanya ang enkanto. Ito ay matapos umano niyang putulin ang isang puno na pinaniniwalaang tinitirahan ng kakaibang nilalang. Nakita umano niya ang enkanto sa panaginip na kulay uling at anyong tao at niyaya siya nito na sumunod sa kanya.

Kinabukasan ay nag-umpisa nang makaranas ng madalas na pagkahimatay at pananakit ng tiyan ang babae. Una siyang nagpakunsulta sa tatlong albularyo at pare-parehas ang sinasabi ng mga ito na niligawan siya ng enkanto.

Hindi nagtagal ay nagpatingin ang misis sa doktor kung saan sinabi lamang nilang may sakit ito sa atay. Wala naman anyang tinukoy ang doktor na siya ay buntis.

Hanggang noong hating gabi ng Oktubre 13 ay may lumabas sa kanya na malapot na dugo. Nang usisain ng isa niyang anak ang plastik na naglalaman ng dugo kinabukasan, nanindig ang balahibo niya nang makitang may fetus sa loob nito na wala nang buhay ngunit kakaiba ang itsura nito. Paniwala ng babae, posible anyang kagagawan ito ng engkanto.

Simula naman ng mailuwal niya ang fetus at mailibing ng maayos ay naging maganda na ang kanyang kalusugan at wala na anyang kung anong nagpaparamdam sa kanya. Aminado naman siyang mahina ang kanyang pananampalataya sa Diyos at pagsubok lamang ito sa kanya.

Testigo naman ang kanyang walong mga anak, mister, at maging ang mga kapitbahay na hindi lumaki ang kanyang tiyan. Naniniwala rin sila na ang itsura ng fetus na hugis kabayo ang nguso, mahahabang kamay at paa, ay isang kababalaghan.