Ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Pinuna ng lokal na opisyal ang baku-bakong kalsada sa isla ng Boracay at kawalan ng express lane para sa mga senior citizens na sumasakay-baba sa mga pumpboat sa Caticlan at nasabing isla.
Ito ay mariing binanggit ni Malay Sangguniang Bayan member Nenette Aguirre-Graf sa kanyang naging sentimyento sa ginanap na public hearing kaugnay ng isinusulong na tax ordinance ng probinsiya.
Ayon kay Graf, na siya ring presidente ng Boracay Foundation Inc., ilang beses na umano siyang sumulat sa mga kinauukulan para bigyang tugon ang nasabing problema pero wala parin anyang nakikitang pagbabago rito.
Naawawa rin siya sa mga senior citizen na sumasakay at baba sa mga pumpboat sa mga pantalan ng Boracay at Caticlan na wala umanong express lane para sa kanila.
Binigyang diin ng opisyal na dapat ay malutas ang mga suliraning ito dahil ang Boracay ang may pinakamalaking ibinabayad na buwis sa probinsiya at dahil sa ito ay sentro ng turismo sa Aklan.
Bilang sagot, sinabi ni vice governor Reynaldo Quimpo na gumagawa na ng paraan ang lokal na pamahalaan ng probinsiya para mapaayos ang nasabing kalsada sa Boracay. Ang kalsada kasing ito ay nasa hurisdiksyon ng pamahalaang lokal ng probinsiya.
Samantala, ayon kay Graf, nakatakdang maghain ng resolusyon at position paper ang SB-Malay na huwag biglain ang pagpapataas sa tax kaugnay ng isinusulong na tax ordinance sa mga real properties.
No comments:
Post a Comment