Tuesday, September 05, 2017

MGA STAKEHOLDERS NANAWAGAN NA HUWAG AGARANG TAASAN ANG MARKET VALUE AT TAXATION NG MGA REAL PROPERTIES

Nanawagan ang ilang stakeholders at property owners na huwag agaran at masyadong taasan ang valuation at taxation ng mga real properties sa probinsiya.

Ang mga hinaing na ito ay kasunod ng ginawang public hearing ngayong araw sa Training Center sa Old Buswang, Kalibo kaugnay ng isinusulong na tax ordinance ng pamahalaang lokal sa mga real properties sa 17 munisipalidad. 

Nais ng ilan na naghayag ng kanilang mga posisyon na kung maaari ay huwag agaran ang pagtaas ng market value ng mga real properties pati na ang buwis dahil malaki umano ang proposed kumpara sa umiiral na valuation at taxation.

Sa kabilang banda, kapansin-pansin na sa 12 bayan (Altavas, Batan, Balete, Madalag, Libacao, New Washington, Banga, Kalibo, Makato, Numancia, Lezo at Malinao), nasa 100 lamang rito ang dumalo kumpara sa mahigit 500 na inimbitahan at inaasahang dadalo.

Nabatid na ang umiiral na tax ordinance ng probinsiya ay simula pa noong 2005 at pinangangambahan ng ilan na dahil sa matagal na hindi nabago ang nasabing ordenansa ay babawiin ito sa ipapatupad na batas sa darating na taon.

Pinasiguro naman ni vice governor Reynaldo Quimpo na ikokonsidera ng Sanggunian ang lahat ng mga punto para sa kapakanan ng lahat. Bukas umano sila sa pagtanggap ng position paper sa nais maghayag ng kanilang hinaing ukol sa panukalang batas.

Sa darating na Setyembre 7 ay magsasagawa naman ng pagdinig ang Sangguniang Panlalawigan sa covered court ng Nabas kaugnay sa isinusulong na ordenansa. Ito ay para sa mga bayan ng Malay, Nabas, Buruanga, Tangalan at Ibajay.

No comments:

Post a Comment