Tuesday, August 01, 2017

ALKALDE NG MALAY NANAWAGAN NG KOOPERASYON SA TAUMABAYAN SA PAGLUTAS NG SULIRANIN SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

LGU Malay photo
Nanawagan si Malay mayor Ceciron Cawaling ng kooperasyon ng taumbayan para malutas ang suliranin sa basura lalo na sa isla ng Boracay.

Ayon sa alkalde, ang bawat isa ay maaring makatulong kagaya ng simpleng pag-iwas sa paggamit ng plastic straws, pagdala ng refillable water bottles, pag-iwas sa paggamit ng mga sachet at iba pa.

Nanawagan rin siya sa mga business owner na simulan ang paggamit ng mga eco-friendly packaging sa kanilang mga produkto.

Aminado ang opisyal na dahil sa lumalagong populasyon at turismo sa isla ng Boracay at sa buong Malay ay kasabay rin nito ang mabilis na paglaki ng basura.

Matatandaan na nitong nakalipas na buwan ay tuluyan nang nalinis ng lokal na pamahalaan ang inirereklamong tambakan ng basura sa Manoc-manoc, Boracay kasunod ng ibinigay na ultimatum ng Departmet of Environment and Natural Resources.

Ang mga basura sa Boracay ay dinadala na ngayon sa tambakan ng basura sa mainland.


Umaasa ang alkalde sa patuloy na suporta ng mamamayan. Pinasiguro naman niya na ang pamahalaang lokal ay hindi titigil sa paglutas sa naturang suliranin.

No comments:

Post a Comment