Thursday, August 03, 2017

47 MANGIGISDA AT SIYAM NA FISHING BOAT HINARANG AT INIMBESTIGAHAN NG MGA KAPULISAN SA POOK JETTY PORT

Hinarang at inimbestigahan ng mga kapulisan ang 47 mangingisda at siyam na fishing boat sa jetty port sa brgy. Pook, Kalibo Biyernes ng hapon.

Ayon kay PSInsp. Honey Mae Ruiz, officer-in-charge ng Kalibo PNP, ang paghold sa mga dayong mangingisda at kanilang mga bangka ay para sa seguridad ng Kalibo.

Napag-alaman na mga bangka ay galing sa Antique at dahil sa sama ng panahon, minabuti nilang dumaong sa hindi pa operational na port.

Isinailalim sa profiling ang mga trepolante at siyam na boat captain na karamihan ay pawang mga taga-Antique at ilan ay may mga pamilya at kakilala rin sa Kalibo.

Sa ginawa ring inspeksyon sa mga fishing boat, wala namang nakitang mga kontrabandos ang mga awtoridad at nabatid na dokumentado naman ang kanilang operasyon.

Paliwanag ni Ruiz, ang ginawa nila ay pagsiguro lamang na walang makapasok na masasamang elemento sa Kalibo at sa buong probinsiya.

Nagpapasalamat rin siya sa naging aksyon ng mga tanod at opisyal ng barangay dahil sa pagiging mapagmatyag at pagreport nila sa mga awtoridad hinggil rito.

Nanawagan rin si Ruiz sa iba pang mamamayan lalo na ang mga nakatira sa mga coastal areas na ipagbigay alam agad sa kanila ang mga kahina-hinalang bagay na mamamataan sa kanilang mga lugar.

No comments:

Post a Comment