ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources sa mga resort at hotel sa Boracay na maaalisan sila ng permit dahil hindi nakakonekta sa sewerage system.
Sinabi ni regional director Jim Sampulna, nagsimula na umano sila sa pag-imbestiga sa mga resort at hotel na direktang naglalabas ng kanilang wastewater sa baybayin ng isla.
Sa panayam kay Sampulan sa programang ‘Prangkahan’, nasa 30 mga resort at hotel na ang kanilang napag-alaman na lumalabag. Tumanggi naman siyang mapangalanan ang mga ito.
Sinabi ni Sampulna, pagkatapos ng imbestigasyon ay bibigyan pa niya ng palugit ang mga napatunayang lumabag na maayos ang kanilang koneksiyon.
Binigyang diin ng direktor na kapag hindi nila ito nagawa ay maaalisan sila ng accreditation mula sa Department of Tourism (DOT) Environmental Compliance Certificate (ECC) at business permit.
Patuloy anya ang kanilang ginagawang inspeksiyon sa mga resort at hotel dahil itinuturing niya na seryosong bagay ang usaping ito.
Naniniwala siya na kapag hindi ito nasulosyunan ay magreresulta ito ng pagkasira ng lamalagong turismo sa Boracay.
No comments:
Post a Comment