Friday, July 21, 2017

PCSO CHAIR CORPUZ NAKIPAGDAYALOGO SA MGA ALKALDE, MGA HEPE NG PULIS SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nakipagdayalogo si Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) chairman Jose Jorge Corpuz sa mga alkalde at mga hepe ng pulis sa Aklan.

Sa naganap na dayalogo, inilahad ni Corpuz ang mga programa at proyekto ng PCSO lalu na ang tulong na dala ng operasyon ng Small-town Lottery (STL).

Iginiit ni Corpuz na ang STL ay isang paraan para kumita ang gobyerno na ginagamit sa paglalaan ng tulong medikal sa taumbayan.

Ayon sa report ng PCSO Aklan, sa buwan ng Hunyo ay kumita ng mahigit na siyam na milyon ang operasyon ng STL sa lalawigan.

Gayunman mababa ang bilang na ito sa kanilang presumptive monthly retail receipt (PMRR) na 23 milyon bawat buwan.

Ipinagmalaki ng PCSO ang kabuuang mahigit Php3 milyon na bahagi na naibigay na nila sa mga lokal na pamahalaan sa Aklan sa operasyon ng STL simula Marso nitong taon.

Nagpaabot naman ng hinaing ang ilang opisyal sa umao’y kakulangan ng koordinasyon ng authorized agent corporation na Yetbo sa mga lokal na pamahalaan kaugnay ng kanilang operasyon.

Sa kabilang banda, ayon sa Aklan PNP, wala pa silang napag-alamang iligal na aktibidad kaugnay sa operasyon ng STL sa probinsiya.

No comments:

Post a Comment