Showing posts with label Nemesio Neron. Show all posts
Showing posts with label Nemesio Neron. Show all posts

Wednesday, January 30, 2019

Provincial Tourist Regulatory and Enforcement Unit isinusulong sa SP Aklan

photo RB Bachiller

ISINUSULONG NGAYON sa Sangguniang Panlalawigan ang pagbuo ng Aklan Provincial Regulatory Enforcement Unit para tutukan ang mga banyagang pumapasok sa probinsiya.

Ito ang rekomendasyon ng joint committee sa pangunguna ni Board Member Nemesio Neron, Chair on Committee on Peace and Order, kasunod ng kanilang mga pagdinig sa presensiya ng umano'y mga iligal na banyaga na nagtratrabaho sa Aklan.

Una nang inirekomenda ng Sanggunian sa Bureau of Immigration at Department of Labor and Employment na magdagdag ng tauhan sa Aklan para tuonan ang suliranin subalit wala pang positibong tugon rito.

Noong Disyembre 19, 2018 sa pagdinig ng Sanggunian sinabi ng kinatawan ng DOLE-Aklan nasa 163 Alien Employment Permit ang ibinigay nila sa mga banyaga dito sa probinsiya.

Sa bilang na ito ay 123 umano ang sa Boracay at 41 ang sa Kalibo maliban pa rito ang mga foriegner na nagtratrabaho sa isang ginagawang hydropower plant sa Madalag kung saan wala umano silang rekord.

Ginisa rin noon ng joint committee ang kinatawan ng BI dahil sa kakulangan ng monitoring sa mga banyaga na pumapasok at nagtratrabaho sa probinsiya.

Sang-ayon naman sa rekomendasyon ang plenaryo sa kanilang regular session araw ng Lunes. Ida-draft palang ang ordenansa para sa pagbuo ng isang Tourist Regulatory and Enforcement Unit.##

- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Wednesday, December 19, 2018

Opisyal ng Immigration sa Aklan di kayang i-monitor ang mga di dokumentadong banyaga sa probinsiya

GINISA SA pagdinig ng joint committee sa Sangguniang Panlalawigan ang opisyal ng Bureau of Immigration sa Aklan dahil sa kakulangan ng monitoring sa mga banyaga na pumapasok at nagtratrabaho sa probinsiya.

Isa ang BI sa pinatawag ng joint committee na pinangunahan ni Board Member Nemesio Neron ng Committee on Peace and Order para dinggin ang usapin sa umano’y presensiya ng mga hindi dokumentadong banyaga sa Aklan.

Sa pagdinig sinabi ni Rey Daquipil, Deputy Alien Control Officer ng Kalibo at Boracay Immigration Office, na walang hindi dokumentadong banyaga sa Aklan pero sa kasagsagan ng pagtatanong sa kanya ng mga lokal na mambabatas sinabi niya na wala siyang alam.

Inamin rin ni Daquipil na hindi nila kayang i-monitor ang mga banyagang nagtratrabaho sa probinsiya dahil sa kakulangan nila ng tauhan.

Alam aniya na may mga banyagang nagtratrabaho sa bayan ng Madalag pero hindi nila hawak ang mga listahan ng mga ito o kung ito ba ay may working visa o permit mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay Joeuella Faiganan, Labor and Employment Officer II ng DOLE – Aklan, na sa kanilang pinakahuling tala ay mayroong 163 Alien Employment Permit ang ibinigay nila sa mga banyaga dito sa probinsiya.

Sa bilang aniya na ito ay 123 ang sa Boracay at 41 ang sa Kalibo. Sinabi ni Faiganan na wala siyang alam na may mga banyagang nagtratrabaho sa bayan ng Madalag.

Sinabi pa ni Daquipil na nalalaman lamang nila na may mga iligal na banyaga sa isang lugar kapag may nagreport sa kanila at bibirepekahin ng kanilang intel operatives mula pa sa Manila.

Dismayado naman ang ilang mga miyembro ng Sanggunian sa kaluwagang ng BI at ng DOLE. Sinabi ni Neron na masakit isipin na lumuluwas pa ng ibang bansa ang mga kababayan natin samantalang ibinibigay natin sa banyaga ang mga trabahong kaya naman nating gawin.

Una nang nagpasa ng resolusyon ang Sanggunian na humihiling sa BI at sa DOLE na dagdagan ang kanilang mga tauhan sa Aklan para mamonitor ng maigi ang mga iligal na foreigner dito. Pero lingid umano sa kaalaman ng mga kinatawan ng parehong mga ahensiya ng gobyerno.

Kaugnay rito sinabi ni Neron na isusulong niya ang pagtatayo ng Aklan Tourist Regulatory Office na naglalayong tutukan ang mga undocumented foreigners dito.##

Sunday, December 16, 2018

Mga hindi dokumentadong banyaga sa Aklan iimbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan

PINAIIMBESTIGAHAN NI Sangguniang Panlalawigan Board Member Nemesio Neron ang umano'y presensiya ng ilang banyaga sa Aklan na walang mga kaukulang dokumento.

Sinabi ni Neron sa regular session ng Sanggunian karamihan umano sa mga hindi dokumentadong banyaga ay mga nasa bayan ng Madalag, Kalibo at Malay.

Aniya may mga banyaga na nagtratrabaho sa bansa kabilang na sa Aklan ang nagtratrabaho ng umano'y walang Alien Employment Permit. Nakakabahal umano ang pagtaas ng kanilang bilang.

Matatandaan na Marso ay pinaimbestigahan rin Neron ang pagkakaroon ng mga hindi dokumentadong banyaga sa probinsiya lalo na sa Isla ng Boracay.

Sa pagdinig noon, inamin ni Isser Harrel Magbanua, alien control officer ng Bureau of Immigration - Aklan, na mayroon ngang mga iligal na banyaga ang nasa Aklan lalo na sa Isla.

Sinabi niya na hirap ang kanilang tanggapan na mamonitor at mahuli ang mga ito dahil sa kakulangan umano ng tauhan.

Pansamantalang itinigil noon ang pag-iimnestiga sa usapin dahil sa anim na buwang pagsara sa Isla ng Boracay simula Abril.

Sa darating na Martes ay nakatakdang ipatawag uli ang Immigration sa pagdinig ng joint committee para i-update ang Sanggunian kaugnay rito.

Ipapatawag rin ang mga hepe ng Madalag, Kalibo at Boracay, at iba pang mga kinuukulan.##

Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Tuesday, March 27, 2018

ITATAYONG MEGA CASINO SA BORACAY IIMBESTIGAHAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG AKLAN

Iimbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang kontrobersyal na $500 million mega casino resort na itatayo sa Isla ng Boracay.

Kasunod ito ng pahayag ni SP member Nemisio Neron na posibleng may kurapsyon sa pagbili ng lupa na pagtatayuan nito.

Layunin umano ng imbestigasyon na alamin kung sino ang nagbenta ng lupa at kung sino ang may-ari nito.

Nanindigan si Neron na ang sugal ay nakakapinsala sa moralidad ng indibidwal at ugnayang pamilya. Pwede rin umano itong maging sanhi ng katamaran at iba pang bisyo kagaya ng droga.

Aalamin rin kung ito ay dumaan sa public consultation. Giit ni SP member Soviet Dela Cruz, kailangang mayroong social acceptability rito.

Sinabi naman ni SP member Esel Flores, hindi na kailangan pa ng ganitong casino dahil masikip na umano ang Boracay sa dami ng turista.

Ipapasama rin ni Vice Governor Reynaldo Quimpo sa imbestigasyon ang umano'y umiiral na na mga casino sa isla.

Dahil rito pursigido ang Sanggunian na ipatawag ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCor), at ilan pang may kinalaman sa proyekto o sa likod nito.

Noong nakaraang linggo ay pinirmahan na ng PAGCor ang provisional permit ng Galaxy Entertainment na mag-ooperate ng Casino sa isla. Planong simulan ang pagtatayo nito sa 2019.

Inirefer ang usaping ito sa mga committee on laws, games and amusement at tourism.

Tuesday, July 18, 2017

MGA TAON NG 2017 HANGGANG 2027 IDINEKLARA BILANG “DECADE OF ACTION FOR ROAD SAFETY” SA AKLAN

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Dineklara ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang mga taon ng 2017 hanggang 2027 bilang “Decade of Action for Road Safety” sa lalawigan.

Ang nasabing resolusyon ay inihain nina SP member Nemesio Neron at Jay Tejada.

Ayon kay Neron, layunin nito na mabigyang pansin at matugunan ang mga aksidente at insidenteng nagaganap sa mga kalsada.

Sinabi pa ng lokal na mambabatas na target nilang mapababa ang road accident sa 50 porsyento sa susunod na limang taon.

Naniniwala ang may akda na sa pamamagitan nito ay maiangat nila ang kamalayan ng taumbayan sa road safety at para makahikayat ng suporta mula sa iba-ibang sektor.

Matatandaan na isinusulong rin ng Sanggunian ang panukalang batas na nagtatakda road safety sa mga kalsadahin sa probinsiya na lusot na sa ikalawang pagbasa.

Una nang sinabi ng may-akda na si SP member Tejada, ang pagbuo ng nasabing batas ay dahil narin sa sunud-sunod na mga kaso ng aksidente sa kalsadahin sa Aklan.

Samantala, nakatakda namang magsagawa ng road safety summit ang probinsiya sa darating na Hulyo 25.