Tuesday, June 06, 2017

MATATAAS NA URI NG MGA BALA AT PAMPASABOG NAREKOBER SA SEMENTERYO SA KALIBO

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) APSC
Narekober ng mga awtoridad ang iba-ibang bala at isang pampasabog sa Medalla Milagrosa Cemetery sa bayan ng Kalibo pasado alas-4:00 ng hapon.

Sa report ng Kalibo PNP, nakasilid ang mga ito sa isang brown envelope at may nakasulat na "Kung sino man po makakita nito pakibigay sa pulis. Salamat".

Ang mga narekober ay: 79 rounds of cal. 30 (7.62mm); 10 rounds of cal. 5.56; 17 rounds of cal. 50 (12.7mm) live ammunition; isang rifle grenade; isang mortar propellant o propeller; tatlong empty cartridge o shell ng 20mm antiaircraft.

Sa panayam ng Energy FM kay SPO4 Vengie Repedro, EOD Technician ng Aklan Public Safety Company, walang dapat ikabahala ang taumbayan sa nasabing insidente.

Posible anyang iniwan ito ng pamilya ng yumaong sundalo sa takot na makasuhan sila kapag direktang ibinigay sa pulis.

Nanawagan siya na kung sino man ang may mga baril, bala o pampasabog ay iturn-over ang mga ito direkta sa pulisya.

Napag-alaman na natagpuan ang mga ito ng isang 24 anyos na construction worker.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng APSC ang mga nasabing bala at pampasabog para sa kaukulang disposisyon.

No comments:

Post a Comment