Friday, March 24, 2017

SMOKING BAN SA BAYAN NG KALIBO IPINAPATUPAD NA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagsimula na kahapon, Marso 23 ang smoking ban sa mga pampublikong lugar sa bayan ng Kalibo. Ito ang  kinumpirma ni konsehala Cynthia dela Cruz, committee chair on health sa Energy FM Kalibo.

Ang soft implementation umano ay magtatagal nang 90 araw bago ito ganap na maipatupad. Posible anyang sa Hunyo 23 ay strikto nang maipatupad ang batas na ito.

Tinatakda sa ordinance no. 2016-004 ang pagbabawal sa paggamit, pagbenta, pagdi-distribute at pag-a-advertise ng sigarilyo at iba pang mga produktong tabako, maging ang electronic cigarettes, sa mga pampublikong lugar. 

Ang mga lalabag sa batas na ito ay papatawan ng kaukulang penalidad na hindi tataas sa 2, 500 pesos at pagkakulong ng limang araw o pagpapasara sa establisyemento.

Una nang sinabi ni Dela Cruz na ipapatupad ang batas na ito sa lahat ng mga pampublikong lugar maliban sa bahay, at mga designated area sa mga terminal, hotel, at airport.

No comments:

Post a Comment