Tuesday, March 21, 2017

PCSO IPAPATAWAG NG SP-AKLAN RE: PAGBUBUKAS NG STL SA PROBINSIYA

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Nakatakdang ipatawag ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kaugnay ng takdang pagbubukas ng expanded small-town lottery (STL) sa probinsiya.

Ito ay matapos ipaabot ni SP member Lilian Tirol sa regular session ng Sanggunian ang kanyang pagkabahala kaugnay sa narinig niyang oposisyon ng simbahang Katoliko sa nasabing sugal.

Matatandaan na una nang naglabas ng pastoral letter ang diocese of Kalibo upang tutulan ang operasyon ng STL sa probinsiya sa kabila ng legalidad nito. Binasa ang nasabing pahayag sa mga misa sa lahat ng simbahang sakop ng dayoseso noong Linggo. 

Sang-ayon naman ng konseho na ipatawag ang PCSO para sa isang pagdinig na pangungunahan ng committee on games and amusement ngayong linggo upang ipaliwanag ang operasyon ng STL. Kukuwestiyunin rin kung paano magkakaroon ng bahagi ng kita ang mga lokal na pamahalaan sa operasyong ito.

Naniniwala naman si SP member Harry Sucgang na “premature” kung ipapatawag kaagad sa Sanggunian ang authorized operator ng STL. Makakabuti umano na maobserbahan muna ang kanilang operasyon simula ngayong Marso 25 saka ito ipatawag.

Una nang naireport na ang Yetbo Gaming Corporation ang nabigyan ng awtoridad na mag-operate ng nasabing number game sa probinsiya at may opisina sa N. Roldan St., Poblacion, Kalibo.

No comments:

Post a Comment