ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan na humihingi ng karagdagang pondo kay education secretary Leonor Briones para sa pagtapos ng konstruksiyon ng Department of Education (DepEd) division office.
Sa regular session ng Sanggunian, sinabi ni SP member Soviet Russia Dela Cruz, kailangang matapos agad ang konstruksiyon ng bagong division office sa Numancia para magamit na ng mga estudyante ang kasalukuyang division office sa Kalibo.
Paliwanag ng lokal na mambabatas, ang kasalukuyang division office na umuukupa sa Gabaldon building ay kalapit lamang ng Kalibo Elementary School. Iginiit niya na dahil sa patuloy na pagdami ng mga estudyante, kailangan pati ang gusaling ito ay ilaan narin para sa mga mag-aaral.
Nabatid sa resolusyong inihain ni Dela Cruz na una nang naglaan ng pondo ang lokal na pamahalaan ng Aklan sa halagang mahigit Php11 milyon para dito at karagdagang Php2,700,000 mula kay dating bise gobernador Calizo Quimpo pero hindi umano ito naging sapat.
Magugunitang kamakailan lang ay una nang isinama ng gobernador ang Php25 milyong pondo na uutangin sa bangko para sa proyektong ito pero inalis rin ng Sanggunian matapos mapagkasunduan na dapat ay sa DepEd central office ito manggagaling.
No comments:
Post a Comment