Monday, May 29, 2017

NAGPAKILALANG PARI, KALABOSO SA KASONG SEXUAL HARASSMENT

ulat ni Archie Hilario / Rommel Deslate, Energy FM 107.7 Kalibo

Kalaboso ang isang nagpakilalang pari at manggagamot matapos ilang beses umanong abusuhan ang isang 17-anyos na dalaga.

Nakilala ang lalaki sa pangalang Manuel Sayson, 59, taga-Quezon province, at isa umanong head bishop ng organisasyong G.O.D. AAA KKK.

Una rito, nagreklamo ang isang dalaga sa Women and Children’s Protection Desk ng Madalag municipal police station na siya ay inabusahan ng nasabing manggagamot.

Maayos namang sumunod sa mga rumespondeng mga kapulisan ang suspek.

Paliwanag ng suspek, ang pakikipagrelasyong sekswal niya sa biktima ay bahagi ng kanyang panggagamot para mapalayas ang masamang espiritu na sumapi rito.

Nabatid na nagsimula ang pang-aabuso sa noong nakaraang taon. Nasundan pa ang pagtatalik ng dalawa pero paliwanag ng suspek, ginusto rin umano ito ng biktima.

Nabatid na nakunan ng cellphone video ang mga pagtatalik na ito.

Nakilala ng suspek ang dalaga sa isang computer shop sa bayan ng Kalibo kung saan niya tinuruan ang babae matapos siyang hiwalayan ng kanyang boyfriend.

Inihahanda na ngayon ng Madalag PNP ang kasong isasampa laban sa nasabing suspek.

No comments:

Post a Comment