Thursday, June 01, 2017

PRO6 PINASIGURO ANG PEACE AND ORDER SA REHIYON SA GITNA NG MARAWI CRISIS

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

photo (c) Aklan PPO
Pinasiguro ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa lahat na mananatili ang kaayusan at kapayapaan sa rehiyon base sa inilabas na opisyal na pahayag.

Nanawagan sila sa taumbayan na huwag ikabahala ang mga presenya ng mga pulis sa mga pangunahing lansangan dahil bahagi lamang ito ng kanilang pinaigting na  seguridad.

Nilinaw rin ng pamunuan ng PRO6 na sa Mindanao lamang ang Martial law dahil sa nagyayaring krisis na dulot ng mga terorista sa Marawi City.

Humingi rin ng kooperasyon ang PRO6 sa taumbayan na maging mapagmatyag at ireport kaagad sa mga istasyon ng pulis ang mga kahinahinalang tao o terroristic behavior na mamamataan nila sa kanilang lugar.

Maliban rito, nanawagan rin ang pulisya sa mga lider ng mga relihiyon na isama sa kanilang pagsamba at panalangin ang kapayapaan at kaligtasan ng mga tao sa rehiyon.

Umaasa ang mga awtoridad na sa pamamagitan nito ay mapigilan ang posibleng pagpasok ng terorismo sa rehiyon na posibleng pag-ugatan ng deklarasyon ng Martial law sa Visayas na una nang tinitingnan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Apela rin ng mga kapulisan na manatiling nagkakaisa at kalmado.

No comments:

Post a Comment