Friday, May 26, 2017

ISYU TUNGKOL SA ‘NO ID, NO ENTRY’ PARA SA MGA AKLANON SA BORACAY PORTS, KINUWESTIYON SA SB MALAY

Nakatakdang ipatawag sa Sangguniang Bayan ng Malay ang pamunuan ng Caticlan at Cagban Port upang pagpaliwanagin sa isyu ng ‘no ID, no entry’ sa mga port na ito.
photo (c) Boracay Sun

Ito ay kasunod nang pahayag ni SB member Nenette Graf sa regular sesyon ng Sanggunian na ‘incompetent’ umano ang mga empleyado rito.

Paliwanag niya hindi umano maayos makitungo ang ilan sa mga Aklanon o mismong Malaynon na walang ID kapag dumaraan sa mga port na ito.

Reklamo kasi ng ilang mga taga-Malay at iba pang mga Aklanon kapag wala silang ID ay uusisain parin sila ng mga empleyado kahit na nagsasalita sila ng lokal na dialekto o madalas nang dumaraan dito.

Nanindigan naman si SB Floribar Bautista na kailangang ipatupad ang batas lalu na sa pagdadala ng ID nang sa gayun ay iwas abala sa pagdaan sa mga port na ito.

Iminungkahi rin niya na isulong ang paglalathala ng barangay ID sa lahat ng mga barangay sa bayan ng Malay.

Alinsunod sa lokal na ordinansa, libre ang mga Aklanon sa terminal at environmental fee basta may maipakitang ID na sila ay taga-Aklan.

No comments:

Post a Comment