ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
Nakapiit na ngayon sa Aklan Rehabilitation Center ang tatlong babae na naaresto ng mga kapulisan sa pagnanakaw sa bayan ng Banga nitong Lunes.
Kinilala ang mga suspek na sina Rose Evangilio, 47 anyos; Ann Magbutay, 43; Nita Dimzon, 38, pawang mga taga-Iloilo at kasalakuyan umanong nakatira sa Pandan, Antique.
Naaresto ang tatlo sa pinagsamang operasyon ng Kalibo at Banga PNP sa Banga public market. Narekober sa kanilang posisyon ang pera at isang unit ng cellphone na pagmamay-ari ng isang barangay kagawad na kanilang nabiktima.
Ayon kay PO2 Danilo Dalida ng Banga municipal police station, sinampahan ng kasong ‘theft’ ang tatlo Martes ng umaga sa provincial prosecutor’s office at may tig-Php30 libong itinakdang pyansa.
Maliban rito, si Evangilio ay una nang binabaan ng warrant of arrest sa kasong theft na inilabas ng Kalibo Municipal Circuit Trial Court noong Setyembre 2010 at may piyansang Php12 libo.
Ayon naman kay PCInsp. Terence Paul Sta. Ana, hepe ng Kalibo police station, hindi malayong sila rin ang nasa likod ng sunud-sunod na kaso ng pick-pocketing at salisi sa bayan ng Kalibo nitong mga nakalipas na araw.
Sinabi pa ni Sta. Ana, may mga ganitong kaso narin umano ang naitala sa mga bayan ng Ibajay, Altavas at Banga. Inaalam narin nila kung may mga kasamahan pa ang tatlo na ayon sa kanya ay mga ‘notorious’ na magnanakaw.
Nagsusuot umano ang mga ito ng parehong kulay ng damit para lituhin ang kanilang mga biktima.
Samantala, hinikayat rin ng pulisya ang iba pang mga nabiktima na kilalanin ang mga suspek at magsampa ng kaukulang kaso laban sa kanila.
No comments:
Post a Comment